Nagising ako na nasa isang silid na ang kabuuang kulay ay puti at ginto. Nakahiga ako sa isang malaki at malambot na puting kama. Marahan akong tumayo at nakita ang kakaibang kasuotang suot-suot ko.
It is a white flowy dress with a touch of gold that flows up to my ankle.
Naglakad ako papunta sa isang malaking salamin na nakadikit sa puting dingding. At doon, nakita ko ang aking kabuuan. May mahabang maalon na kulay kapeng buhok, bughaw na mga mata, mas maputi at makinis na balat, at isang pares ng puting mga pakpak.
Ilang sandali pa ay nakarinig ako ng tatlong katok sa kulay puting pintuan.
"Pasok."
Narinig ko ang marahang pagbukas ng pinto at mula sa salamin at nakita ko si Jenny na may dalang isang gintong kopita.
"Helleia, inumin mo raw itong tubig na ito nang sa gano'n ay manumbalik ang lahat ng iyong mga alaala," saad nito bago ibinigay sa akin ang baso.
Ngumiti ako sa kaniya kasabay ng aking pagtanggap rito. Tiningnan ko ang kaniyang mga mata at nakita ko roon ang kakaibang saya. At doon pa lang, alam ko nang nakabalik na ako sa aking tunay na mundo.
"Pagkatapos mong inumin 'yan ay puntahan mo raw ang Diyosa," saad nito bago yumuko at umalis sa aking silid nang hindi man lang hinintay ang aking sagot.
Kaagad ko namang ininom ang laman ng gintong kopita. At ilang sandali pa ay nasapo ko ang aking ulo bago ako tuluyang napaupo sa makintab na sahig dahil sa samut-saring mga alaalang bumabalik sa akin. Ilang minuto rin ang itinagal bago ako tuluyang makabawi.
Tiningnan ko muna ang aking repleksyon sa salamin at inayos ang aking suot. Tumagilid ako upang pagmasdan ang aking pakpak. Heto na, heto na ang tunay kong mundo. Magpapaalam na ako sa dating ako. Hindi na ako si Hannah, ako na si Helleia, ang anghel na kanang kamay ni Diyosa Cashmir.
Pagkalabas ko ng silid ay sinalubong ako ng kulay puti at gintong pasilyo at mga kagitan. Sinalubong din ako ng mga pamilyar at hindi pamilyar na mga mukha, pero silang lahat ay may pagkakapareho-nakangiti sila, pero alam ko na sa mga ngiting iyon ay may halong lungkot at paninisi. Hindi ko nalang iyon pinansin at ipinagpatuloy ko nalang ang aking paglalakad papunta sa kinaroroonan ng Diyosa.
Nang makalabas ako ng palasyo, kaagad kong binuka ang aking puting pakpak at nilipad ang kinaroroonan ng Diyosa- ang kaniyang trono na natatakpan ng mga ulap sa kalangitan. Pagkarating ko roon ay kaagad akong yumuko para magbigay galang.
"Magandang araw, Diyosa."
"Magandang araw din, Helleia, maligayang pagbabalik sa mundo ng mga immortal," pagbati rin ng Diyosa.
"Ano po pala ang maipaglilingkod ko sa inyo?" magalang kong tanong habang nananatiling nasa baba ang aking tingin.
"Wala naman, nais ko lang sabihin sa iyo na ito ang unang araw ng iyong pagsasanay, puntahan mo na sila Eulla at Lyo," pahayag nito.
Kaagad naman akong tumango bago tumayo at humakbang ng dalawang beses paatras bago muling yumuko. Ibinuka ko ang aking pakpak bago muling lumipad papunta sa tuktok ng palasyo kung saan nakalagay ang isang malaking salamin na nagsisilbing portal namin sa mundo ng mga panaginip. Doon naghihintay sa akin sina Eulla at Lyo.
Pagkapasok na pagkapasok ko sa portal ay para akong hinigop. Nang tuluyan akong makatawid ay nakita ko ang pamilyar na lugar na matagal ko ng napupuntahan sa aking panaginip- ang parang ng mga bulaklak kung saan kami unang nagkita ni Lyo.
Nakita ko silang dalawa na kasalukuyang nagsasanay. Si Eulla ay gamit-gamit ang kaniyang kapangyarihang kontrolin ang yelo habang si Lyo naman ay sa kidlat. Kaya pala noong unang pagkikita namin at nagdikit ang aming balat nakaramdam ako ng kuryente-ginamit pala niya sa akin ang kapangyarihan niya.
Kaming tatlo lang ang natatanging anghel ng mga dalisay at birhen na may kakayahang gamitin ang elemento ng kalikasan, ito ay dahil sa dumadaloy sa aming mga ugat ang dugo ng Diyosa. Para na niya kaming mga anak.
"Mukhang nagkakasiyahan kayo, a?" pahayag ko kasabay ng paggamit ko sa aking elemento-ang hangin.
Pinadaloy ko ito sa aking mga kamay at mabilis na lumipad para atakihin silang dalawa. Mabilis na gumawa ng pader na yelo si Eulla habang si Lyo naman ay ginamit ang kaniyang bilis na singbilis ng kaniyang kaangyarihan para iwasan ang atake ko.
Naramdaman ko ang paparating na bola ng kidlat mula sa itaas kung kaya't mabilis kong pinagdaop ang aking mga palad at gumawa ng hangin na umiikot nang mabilis. Isinalubong ko ito sa atake ni Lyo kung kaya't nag-iba ang direksyon nito.
Mula naman sa aking likuran ay naramdaman ko ang nagtutulisang mga yelo na nagmula kay Eulla. Kaagad kong ginamit ang mainit na hangin para salubungin ang mga ito. Kung kaya't bago pa man ito tumama sa aking kinaroroonan ay tuluyan na itong natunaw.
Tumagal ang aming pagsasanay nang mahigit isang oras. Nagsanay rin kami gamit ang mga espada at iba pang sandata na makakatulong sa amin para gapiin ang mga alagad ni l**t.
"Malapit na ang oras ng pagbubukas ng portal sa pagitan ng mundo ng mga tao at panaginip, bumalik na muna tayo sa palasyo para maghanda," pahayag ni Lyo habang pinupunasan ang mga butil ng pawis na tumutulo mula sa kaniyang noo.
Tumango lang kami ni Eulla bago ibinuka ang aming mga pakpak at sabay na lumipad pabalik ng palasyo. Pagkarating namin doon ay nadatnan ko ang iba pang mga anghel ng pagkadalisay at pagka-birhen na naghahanda na upang gabayan ang mga mortal laban sa mga Incubus at Succubus.
"Pumunta na kayo sa kaniya-kaniyang binabantayan ninyo, mag-ingat kayong lahat," bilin ng Diyosa bago itinapat ang kaniyang kanang kamay sa aming lahat.
Kasalukuyan kaming nasa tuktok ng palasyo habang naghihintay sa pagbubukas ng portal sa pagitan ng mundo ng panaginip at ng mga tao.
"Sa bisa ng kapangyarihang kaloob sa akin ng Maylikha ng Lahat, binibigyan ko kayo ng basbas na tumawid sa mundo ng mga panaginip. Nawa'y makabalik kayo ng ligtas," nakapikit na saad ng Diyosa kasabay ng pag-ilaw ng kaniyang kamay.
Lumabas doon ang gintong liwanag na isa-isang niyakap kaming mga anghel. Napangiti ako sa sarap ng pakiramdam na dulot nito. Parang nasa tabi mo talaga ang Diyosa.
Nagbukas na ang portal kaya isa-isa na kaming pumasok. Nang makapasok ako sa portal ay namangha ako nang mapunta ako sa isang liblib na lugar. Imbis na mga gusali ay nagtatayugang mga puno ang aking nakita. Isang payak na pamumuhay na talaga namang nakakamangha.
At doon, sa gitna ng kagubatan ay may isang kubong nakatayo na sa tingin ko'y lugar kung saan nakatira ang aking babantayan.
Akmang maglalakad na sana ako papalapit nang biglang may humila sa akin nang mabilis at isinandal ako sa puno dahilan para mapapikit ako.
At sa sandaling iminulat ko ang aking mga mata, hindi ko napigilang hindi magalit nang makita kung sino ang nilalang na ito.
"Casmon."