PART 8

1693 Words
***ANASIA*** Ano kayang gagawin niya para maibalik niya ang singsing na para kay Miss Deanna? Kanina ay kung anu-anong plano ang naisip niya bago siya pumasok sa trabaho. Una ay what if mag-hire siya ng detective na hahanap kay Vernon. Mabilis nga lang iyon na na-cross-out-an sa kanyang listahan dahil saan naman siya kukuha ng pera para pambayad sa isang detective? Pangalawa, ang magtambay siya sa San Juan River at maghintay. Naisip niya na baka pupunta ulit doon si Vernon para magpakamatay dahil naudlot noong gabing pinakialaman niya. Pero tingin niya ay papapakin lang siya ng lamok doon o lalamigin. Ayaw niya ring magmukhang tanga roon. Pa’no kung mali siya? Paano kung nandoon lang si Vernon para itapon lang sana ang singsing at hindi upang magpakamatay? At pangatlo ay ang itanong niya sa boss niya kung saan ang address o lugar niya makikita si Vernon. Naalala niya kasi na nabanggit ni Vernon na kakilala nito ang amo nilang si Eyrna Ziegler. Subalit binura niya rin iyon nang naunahan siya ng hiya. Isa pa ay kailan pa kaya bibisita si Ma’am Eyrna nila? Baka matagalan na naman. Once in a blue moon kung magpakita ang amo nilang iyon simula nagbuntis. Ipinagkatiwala na ni Mrs. Eyrna Ziegler ang Lux Fine Jewelry sa manager nitong si Miss Clara na rest day noong araw na nangyaring bumili sa kanila si Vernon de Mevius. Napahugot si Anasia ng malalim na buntong-hininga. Malapit na lang at mababaliw na siya kakaisip ng paraan. “At bakit tulala? May sales na ba?” Speaking of Miss Clara, dumating na. Sila ang magkasama sa araw na iyon dahil off naman ni Belle. Tatlo lang silang sales associate ng Lux Fine Jewelry dahil madalang lang naman ang bumili ng mga mamahaling alahas. Kaya na nilang tatlo. “Good afternoon, Ma’am,” nahihiya niyang bati. Awtomatiko ang pag-alis ng kanyang puwetan sa kinauupuan. Tumayo siya, tayo ng isang masipag na tindera. “Hulaan ko kung bakit parang tinatamad ka. Kailangan mo na naman ng pera ano? Kasi kailangan mong magpadala sa Nanay mo?” Ibinaba ni Miss Clara ang bag nitong branded sa may counter. Kung duty ito ay ito na rin ang cashier. Kapag sila lang ni Belle naman ang duty ay siya naman ang cashier dahil mas matagal siya ng ilang buwan sa shop kaysa sa dalaga. Napakamot si Anasia sa kanyang tainga. Kung sana ganoon na lang ang problema niya. Sana pera na nga lang. Mas madali sanang solusyonan. “Ay, Anasia, tigilan mo ako. Mahina ang sales natin noong nakaraang buwan kaya hindi pa puwede mag-cash advance. Hindi porke mabait si Ma’am Eyrna ay inaabuso na natin. Magbenta muna tayo at bumawi bago mag-CA. Nakakahiya sa mga boss natin,” kahit wala siyang sinasabi ay litanya na ni Miss Clara. Kinuha ulit ang bag at tinalikuran na siya. Nagtungo sa comfort room. “Hindi naman po ako magka-cash advance. May iniisip lang po,” habol niyang pagtatama rito. “Mabuti naman,” narinig niyang sabi lang nito. Kumibot-kibot ang labi niya. Manager nila talaga, kung hindi judgmental ay advance mag-isip. Tss! May pumasok na dalawang dalaga sa shop. Mga mukhang anak mayaman. Mga hitsurang spoiled brat. Ang isa ay nakatutok ang mga mata sa cellphone. Ang isa naman ay ang arte kung makasilip sa mga display. Wari ba’y may mga ipis sa loob ng mga estante dahil kung makataas sila ng kamay ay parang mga diring-diri. Na-OA-an siya pero dahil kailangan nila ng sales ay nakangiti niyang nilapitan ang mga ito’t binati saka hinayaang tumingin-tingin ulit sa mga alahas na display. Binalewala niya ang pag-ismid ng isa. Sa loob ng tatlong taon na niya sa jewelry shop ay sanay na siya mga mapanliit na tingin sa kanya ng mga mayayaman. Meron pa nga noon gusto siyang ipatanggal dahil lang sa maliit na pagkakamali. Pangako niya sa sarili, kapag siya ang yumaman ay magiging humble pa rin siya. Ang tanong, kailan kaya iyon? Imposible pa sa imposible na yayaman siya dahil magkano lang naman sinasahod niya. “Look at this, besty,” sabi ng customer sa kasama. Ipinakita ang mamahaling cellphone. “Oh, em, geh, nahanap mo ang Photogram Account ni Aken my crush?” Nanlaki ang mga mata ng tumingin. Gumalaw-galaw ang tainga ni Anasia sa narinig. Sa magic word na ‘Nahanap’. Naging interesado siya sa usapan ng dalawa. Wala na sa kanya kung may balak bang bibili ang mga ito o magtsi-tsismisan lang. At least may naitulong sa kanya. “Ako pa. And guess what, sa Antipolo pala sila nakatira at Joaquin Montevaldez pala ang real name niya tapos ay anak siya ng owner ng Bella’s Cosmetics.” “If that is so, Chloe was right that Aken is an heir. Bagay pala talaga kami kasi heiress din ako nina Mommy at Daddy sa company namin.” Mas lalong kinilig ang dalaga. “May Bella’s Cosmetics dito sa mall. Puntahan natin?” anyaya ng kasama nito. “Sige, sige. Let’s go.” Noon na naalarma si Anasia. “Sandali lang.” Pinigilan niya ang dalawang dalaga sa pag-alis. Nag-cross arms naman iyong may crush sa Joaquin Montevaldez na tagapagmana raw. Kung sino ang Joaquin na iyon ay ma, malay niya. At hindi naman siya tsismosa, sadyang nakabisado lang niya ang pangalan ng pinag-uusapang guwapo na binata raw. “Babalik na lang po kami, Ate,” sabi ng isa. At least magalang naman pala hindi tulad ng isa na mukhang maldita. Akala yata ay pipilitan niya silang bumili. “Uhm, hindi. Okay lang.” Sinabayan niya iyon ng iling. “May gusto lang sana akong itanong kung ayos lang.” “Itanong mo na. You’re wasting our time,” suplada ng naka-cross arms. Kung makapagmanadali ay parang aalis ang Bella’s Cosmetics sa third floor. Pfft! “Sana hindi ka magustuhan ng crush mo,” lihim na naihiling tuloy ni Anasia nang umandar ang kanyang kamalditahan din. “Ano kasi itatanong ko sana kung paano niyo nahanap iyong Aken na pinag-uusapan niyo," tanong na nga niya. Rumihestro ang pagtataka sa mukha ng dalawang dalaga. Nagkatinginan sa isa’t isa pagkuwa’y bumulanghit ng tawa ang maldita. “Sinearch ko lang po sa mga social media,” matinong sagot ng mas mabait. At nang marinig iyon ni Anasia ay muntik na niyang sapakin ang sarili. Oo nga naman, saan ba ngayon hinahanap ang mga tao? Eh, di sa mga social media. Ay tanga! “May hinahanap po ba kayo?” tanong ng mabait. “Ah, w-wala naman. Salamat,” nahihiya niyang pasalamat na lang sa magkaibigan. “Weird,” sabi ng maldita. Hinusgahan agad ang kanyang pagkatao sa pamamagitan ng pagtingin nito mula sa kanyang paa pataas sa kanyang ulo dahil lang nawala sa isip niya ang social media. Tingin na yata sa kanya ay galing bundok. “Welcome po,” sabi naman ng isa sunod ay hinila na nito ang malditang kaibigan. Buti na lang talaga at mabait, kahit paano ay nabawasan ang kanyang kahihiyan. Hay, ito ang napapala ng hindi active sa social media. Mabibilang lang kasi sa daliri ang pagbukas niya ng kanyang PhotoGram Account pati na sa sss. Malapit na nga niyang makalimutan ang kanyang mga password. Hindi rin kasi siya pala-post. Katunayan iyong profile picture niya sss ay inaamag na sa tagal ng panahon na hindi niya pinapalitan. Napabuntong-hininga na lamang siya sa kanyang katangahan. At nang hindi na matanaw ng kanyang tingin ang dalawang dalaga ay tinakbo niya agad ang kanyang locker room. “Oh!” Muntik pa silang magkabanggaan ni Miss Clara na galing sa comfort room. “Break ko na po, Ma’am,” mabilis na sabi niya bago niya ito lampasan. Dalawang oras pa bago niya break time pero hayaan na. Mas mahalaga ang gagawin niyang pag-search kay Vernon online. Sa wakas, matatapos na ang kanyang pag-aalala na baka manakaw ang singsing sa kanilang bahay. Kulang na lang ay makalas ang pinto ng kanyang locker nang kanyang buksan at kunin roon ang kanyang cellphone. Nasa locker room ang kanyang phone dahil bawal mag-cellphone kapag oras ng trabaho. Ang dahilan kung bakit nakakalimutan na niyang mag-social media. Inuna niya sa sss. Natataranta ang kanyang daliri na itinipa sa touchscreen keypad ang kompletong pangalan ni Vernon. At unti-unti ay sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi nang lumabas ang mukha ni Vernon as profile picture nito. Naka-suit ito at napaka-pormal ang datingan. Nakaka-intimidate ang fierce nitong mukha. Napakaguwapo naman talaga. Saglit lang siyang kinilig dahil nang buksan niya ang profile nito ay agad niyang nabasa ang CEO of Mevius Bank Group of Companies. Sa isip niya ay kung gano’n hindi nga basta-bastang mayaman si Vernon. Akala niya ay dahil negosyante lang o ano pa man. Apat na M nga ito, mayaman na mayaman na mayaman na mayaman. Gosh! Ilang minuto rin na nakatitig siya sa profile ng lalaki saka brinowse ang mga post. Naloka siya lalo dahil puros English ang laman ng mga post, halos hindi niya maintindihan. May mga article din about sa company, mga awarding nights at interview ang mga video. Tingin niya ay hindi para sa kaek-ekan lamang ang account ni Vernon. Hindi niya namalayan na kinakagat na naman niya ang kuko niya sa hintuturo habang nagbabasa. Ibig sabihin kasi niyon ay hindi lang langit at lupa ang pagitan nila ni Vernon kundi universe pala. Imposible pa sa imposible na maging katadhana niya ito. Aray! sigaw ng kanyang puso. Ang saklap. Sa natitirang minuto ng kanyang break ay napadpad naman siya sa Google. Doon ay nakita niya ang Google profile bio nito. VERNON DE MEVIUS is the CEO of Mevius Bank Group of Companies. Born on April 26, 1989. He is son of Don Diosdado Mevius and Erlinda Angeles. Net worth: 2.3 billion USD Education: De La Salle University Manila Dahan-dahan ay natutop ni Anasia ang nakangangang mga bibig. Paulit-ulit na binibigkas ng kanyang utak ang 2.3 billion US dollars dahil alam niya na kapag ita-times niya iyon sa peso ay hindi magkakasya sa calculator ang sagot. Sa tingin niya ay dapat mamayang gabi rin ay maibalik na niya ang singsing kung hindi... kung hindi... ewan, hindi maarok ng kanyang isip ang puwedeng gawin sa kanya ng isang bilyonaryo kapag nagalit ito sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD