Kabanata 1

1131 Words
“The nerve!” puno ng iritasyon na wika ni Rada sa sarili. Araw ng biyernes at nasa panghuling asignatura na sila. Kanina pa siya naiinip sa tagal ng klase. Hindi na rin niya mabilang kung ilang beses na siyang napasulyap sa malaking orasan na nakasabit sa dingding. Parang kay bagal ng ikot nito sa pakiwari niya, animo nananadya para mas lalo siyang maasar. Hays! Isinandal niya ang likod sa backrest ng metal na upuan bago inilibot ang tingin sa kabuuan ng silid aralan. Kanina pa niya napapansin ang panaka-nakang lingon ng mga kaklase, nasa bahaging likuran kasi siya nakaupo. Samut-saring reaksyon ang mababakas sa mga mukha nito. Mayroong gulilat, namangha, nalungkot at naawa. Meron namang mga nakangisi at tila sinasabing buti nga sayo kasi pabibo ka. Ang iba naman ay pangitang pinipigilan lang matawa sa sitwasyon katulad nila Cathy at Bing na naturingan pa mandin niyang mga kaibigan. Pinandilatan niya ang dalawa na tinugon lamang siya ng peace sign pero magsisipag+bungisngis pagkatapos. Napapailing na naiyakap niya ang mga kamay sa sarili. Sa wakas ay tumunog na rin ang bell hudyat nang pagtatapos ng klase sa araw na iyon. Mabilis na dinampot ni Rada ang mga gamit sa desk at pinaloob sa kanyang bag. Pagkatapos ay nagmamadaling tinungo ang pinto palabas ng hindi man lang tinatapunan ng sulyap ang kanilang guro na kasalukuyang nagdidikta ng kanilang takdang-aralin para bukas. Napapailing na hinabol na lamang siya ng tanaw ni Mrs. Galvan, ang guro nila sa asignaturang Values and Education. Hindi na rin pinansin ni Rada ang mga kaibigan. Ayaw niyang mabuska na siguradong siyang gagawin nila Cathy at Bing. Baka mas lalong mag-init ang ulo niya at mapikon lang sa dalawa. Habang daan palabas ay dinig niya ang mga anasan sa paligid. Ramdam niya ang mga matang nakasunod sa bawat kilos na ginagawa niya. Bagay na labis namang nagpapakulo ng dugo niya ng mga sandaling iyon. Hot topic siya malamang sa buwang ito. Piyesta kung piyesta. Kaninang tanghali pa siya nanggigigil kay Clark. Bakit? Pagka’t tinapos nito ang kanilang pagpapanggap as mag- fake na magkasintahan sa nakakagulat nitong anunsiyo sa harap pa mandin ng gusali ng college department. May plano na pala ang magaling na lalaki na tuldukan ang kanilang kasunduan ay ni hindi man lang nagbigay abiso. At ang ungas ay pinag kaabalahan pa talagang gumamit ng megaphone. Kung hindi ba naman layon talaga nito ang mang-asar at galitin sya. Nagmukha tuloy siyang katawa-tawa sa harap ng nakararami. Kaya heto siya at nagngingitngit sa sobrang pagkabwisit sa lalaki. Minabuti niyang maupo sa nadaanang bench na yari sa kahoy. Makailang beses na huminga ng malalim upang magkaroon ng sapat na hangin at makalma ng konti ang nag-iinit na ulo. She is freaking out. "Ouch! He dumped you b***h! Tsk tsk tsk. That was horrible," anang maarteng tinig. Napatuwid siya ng upo mula sa sandalan. Nalingunan niya si Carol kasama ang mga kaibigan nito at pawang mga nakangisi. Agad siyang napasimangot. Kung mamalasin ka nga naman kung sino pa ang huling tao na inaasahan mong makita sa araw na iyon ay siyang umekstra agad. Si Carol ay kaklase ni Clark na lantarang ipinapakita ang pagkadisgusto sa kanya. Malimit itong nakaismid sa tuwing nagkakasalubong sila sa hallway o sa kahit saang panig ng akademya. May kayabangan din ang hitad porket punong alkalde sa kanilang bayan ang ama nito na si Ginoong Dimetrio Cruz. Ang pamilya rin nito ang nagmamay-ari ng isa sa may pinakamalaking produksyon ng poultry sa ilang karatig bayan kasama na ang San Isidro. Tiningnan niya ng tuwid ang babae maging ang dalawa pa nitong kasama na may nakaka-iretableng mga ngisi. May parte ng ugat niya sa sentido na pumitik. Subalit pinili niyang magpakahinahon. “Wala akong panahon sa mga patutsada mo Carol” wika niya sa kalmadong tono. “Patutsada? " Mabilis na umarko ang nakakorteng kilay ng babae. "Correction- I'm just stating the facts.” Carol exclaimed. “Why don’t you just accept that like everyone else you’re just a nobody. See how Clark throws you like a damn trash? Oh I feel sorry for you ..” Banat pa ni Carol na kunwa ay pinalungkot pa ang mukha at pagkatapos ay bumunghalit ng tawa. Aww! Ang maarte at panabay na sambit naman ng dalawang alipores nito na kay sarap pagbuhulin. Mangali- ngali na siyang sumagot ng pabalang, but she took a deep breath. Lihim na napabuga ng hangin. Marahan siyang tumayo. Sinukbit ang bag at tumalikod. Kaysa patulan ang mga hitad ay mas pinili niyang umiwas. Magiging katawa-tawa lamang siya sa paningin ng lahat lalo na at kumukuha na ng atensyon ang grupo ni Carol. She knows their capabilities. They could ruin someone's day. At ayaw niyang tuluyang magdilim ang araw niya ngayon. Habang papalayo ay naulanigan pa niya ang malakas na tawanan ng mga ito. Naikuyom na lamang niya ang mga palad at tahimik na nagngitngit. Malaki ang hinala niya na hindi pa rin nakakamove-on ang kaiskwela sa pagkakapanalo niya bilang Binibining SMA ng high school department noong nakaraang taon. Kung saan ay isa rin ito sa mga naging kalahok at naging mahigpit pa nga niyang katunggali. Nasa pangatlong taon siya noon sa sekondarya samantalang si Carol at si Clark ay nasa huling taon naman. Naging matunog ang usap-usapan noon na kaya lamang niya napagwagian ang nasabing patimpalak ay dahil malapit na kaibigan ng mga Zantillan ang kanilang pamilya. Iyon ay base sa ipinakalat na kuwento ni Carol. Ang St.Magdalene Academy ay isang pribado at modernisadong iskwelahan na pag-aari ng mga magulang ni Clark. Hindi maikakaila ang pagiging malapit ng dalawang pamilya sapagkat matalik na magkaibigan sina Senyor Ramon at ang papa ni Clark na si Don Franco Zantillan. Ayon pa sa kwentong sinimulan ni Carol ay kahina-hinala rin ang pagkakapili sa kanya ng mga hurado. Hindi raw kasi siya ganoon kagaling sa pagsagot sa question and answers. Maliwanag na isa raw iyong pandaraya pagka't brainless daw siya o mas kilala sa pintas na b. o. b. o. May katamaran talaga siya pagdating sa pag-aaral aminado siya roon. Katunayan ay naipapasa lamang niya ang kanyang mga asignatura dahil sa tulong ni Clark at suhol na ginagawa ng ama. Kaya nga hindi na lamang niya pinapansin ang mga pagkakalat ng tsismis ni Carol. Subalit hindi ka tanggap-tanggap sa pandinig niya ang pagsalitaang bobo. Gayunpaman ay nanahimik na lamang siya para hindi na humaba ang mga usapin. Ngunit sadyang maligalig si Carol lumilikha ito ng siga upang magningas ng apoy. Malaki rin ang pagkakagusto nito kay Clark. Paanong hindi nila malalaman eh napaka vocal ng babae sa pagsasabi pagdating sa bagay na iyon. Suspetsa nga niya ay baka isa pa iyon sa mga dahilan kung bakit labis na nagpuputok ang butse nito sa presensiya niya. Hindi kasi ito pinapansin ni Clark dahil lagi na'y nakadikit siya sa kababata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD