Pael! Bahagyang huminto sa ginagawa si Pael nang umabot sa pandinig ang boses na bagama't pasigaw ay naroon naman ang lamyos sa tono. Hinatak niya ang renda ni Malik, huminto naman ang kalabaw na animo nakaunawa. Sa nangungunot na noo ay nilingon ni Pael ang pinanggalingan ng tinig. Natanaw niya ang maliit na bulto na marahang tumutulay sa kahabaan ng pilapil. Mabagal ang bawat hakbang na ginagawa nito. Naroon ang pag-iingat. Bagama't hindi pa niya maaninag ng husto kung sino ang parating ay sigurado naman siya na hindi ito ang kanyang inay Lourdes. Maliban sa wala naman silang pinag-usapan ng ina na tutungo ito sa sakahan para sa kanyang pananghalian. Madalas ay nagbabaon na sya ng pagkain upang hindi na ito mapagod sa kaparoo't parito sa bukid. Lalo na at may kalayuan rin ito sa ba