PAGKASUOT ko ng sapatos ay nilingon ko si Sir Grant na nakatayo pa rin at nakamasid sa akin. Tumayo ako sa sofa at lumapit sa kaniya.
“S-sasabihin mo ba sa contact mo na ayaw mo sa akin?” Ang taong kausap ni Digna ang tinutukoy ko. Hindi ko alam ang pangalan noon at nalimutan ko rin namang itanong.
“Sinabi ko bang ayaw ko sa’yo?”
Hindi ako nakasagot. Nalilitong tiningnan ko siya. E, kung ganoon bakit niya ako pinagbihis agad?
Kinuha niya ang coat niya sa sandalan ng sofa at may dinukot mula sa loob noon. Nakita ko ang itim na sobre. Iniabot niya iyon sa akin.
“Here’s your money. Two hundred thousand pesos.”
Napanganga talaga ako. Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. Dali-dali kong binuksan ang sobre at sinilip ang loob. Dalawang bungkos ng thousand bills ang naroon. Nagusot ang noo ko.
“B-bakit… one hundred thousand ang usapan ninyo, hindi ba? Magkahati ba kami rito ni- ng nagrekomenda sa akin?”
“No. It’s all yours. Bayad na ng agent ni - ng agent ko ang taong nagdala sa’yo rito. Aren’t you happy with your money?” nang-uuyam na tanong ni Sir Grant.
Hindi ako nakasagot. Nakatitig pa siya sa akin na parang hinihintay ang magiging reaksiyon ko. Hindi ko siya masisisi na isiping mukha akong pera. Hindi ako dapat mainsulto.
“P-pero… w-wala namang nangyari sa atin. Bakit mo ako binayaran at doble pa?”
“Simple lang. Starting tonight you’ll be at my disposal. Ibig sabihin, hindi ka pwedeng tumanggi oras na kailanganin kita. Magagawa ko ang kahit anong gusto kong gawin sa’yo. Pwede kitang dalhin kahit saan. Gano’n ang magiging set-up natin hanggang sa makuha ko na ang gusto ko sa’yo. Naiintindihan mo ba?”
Ang tagal bago luminaw sa kukote ko ang mga sinabi niya pero, sa bandang huli ay parang nakuha ko na rin kung ano ang gustong mangyari ni Sir Grant.
Dapat ba akong matakot? Paano kung kawirduhan ang ipagawa niya sa akin? Ito ngang pangongolekta niya ng virgin ay kaabnormalan nang maituturing?
“Don't worry. Wala akong gagawin sa’yo na hindi mo magugustuhan - rather wala sa usapan. Sa ngayon hawakan mo muna ang pera mo. Hindi ko na itatanong ko kung para saan ‘yan pero sana ay makatulong nang malaki sa’yo.”
“S-salamat po…” sagot ko. Hindi ko na naisip kung bakit ganoon ang tugon ko gayong may kapalit naman ang perang hawak ko.
“At least, you have learned how to say thank you.”
Umakyat ang tingin ko sa kaniya. Ibig sabihin ay namukhaan niya ako.
“I think it’s also clear to you that this thing has to be just between the two of us. Hindi mo pwedeng sabihin sa taong nagdala sa’yo sa akin ang tungkol sa pinag-usapan natin.”
“P-pero… ‘di ba, kailangan ulit ng doctor’s certification pagkatapos mo sa akin? Paano kung magtanong ang contact ko? Siya ang kasama ko noong nagpa-eksamin noong una.”
“Ang agent na ang bahalang kumausap sa kaniya. Naibilin ko na ang sasabihin nito. You can go home now. Nagpatawag na ako ng taxi na maghahatid sa’yo.”
Hindi na ako tumutol pa. Dinampot ko ang bag ko at buong ingat na itinago sa loob noon ang aking pera.
“Hindi mo naman naiisip na takasan ako, tama ba?”
Napalingon ako sa kaniya. Hindi ko naisip ‘yon pero, kung tatakasan ko siya, saan naman ako pupunta? At paano si Digna? Ipapahamak ko ba ang taong ‘yon?
“Since you came here tonight, matino ka naman sigurong kausap?” Tinaasan niya ako ng mga kilay.
“H’wag po kayong mag-alala, Sir. Hindi ako sisira sa usapan.”
Tumango siya. “Good to hear that. I’ll see you then.”
Napagalitan ako ni Nanay pag-uwi ko ng bahay. Tahimik na lang ako imbes na mangatwiran pa. Mabuti na lang at nakadaan pa ako sa bahay ni Nicole at doon nagbihis ng T-shirt at pantalon. Kung umuwi akong kagaya ng suot ko kanina ang aking suot, malamang na tadtarin pa niya ako ng sermon. Hindi naman alam ni Nicole ang tungkol sa transaksiyon ko kay Digna. Ang sinabi ko sa kaniya ay may dinaluhan akong party kaya ako nakabihis at ginabi ng uwi.
Itinago kong mabuti ang aking pera sa pinaka-safe na lugar sa aking kwarto. Hindi pwedeng makita ni Nanay na may pera ako. Siguradong malaking problema at hindi siya titigil hangga’t hindi malaman kung saan ko iyon nakuha.
Nagbihis na ako ng pantulog at hindi na kumain ng hapunan. Busog pa naman ako mula sa kinain namin kanina ni Digna sa restaurant. Natulog na lang ako na ang nasa isip ay kung anong negosyo ang aking sisimulang itayo.
------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Lunes. Gaya ng dati ay napilitan na naman akong pumasok. Hindi pa rin kasi nalilimutan ni Nanay na ginabi ako ng uwi noong Sabado kaya mahirap kung igigiit ko ulit ang plano kong pagtigil sa pag-aaral. Pag-aaralan ko muna ang mga dapat kong gawin. Balak ko ngang gamitin ang bakanteng oras ko sa klase sa pagresearch ng magandang itayong negosyo.
Habang naglelecture ang isa naming professor ay hindi ko napigilang alalahanin ang nangyari sa amin ni Sir Grant sa hotel room. Kanina pagpasok ko ay hindi ko siya nakita. Hindi naman ako gaya ng ibang estudyante na inaabangan talaga ang pagdaan ng propesor pero, dahil sa nangyari sa amin, mukhang malimit ko na ring gagawin ang paglinga sa paligid upang malaman kung naroon siya. Hindi ko nga maisip ang magiging reaksiyon ko kapag nagkaharap kami ngayon sa school.
Vacant period ko. Dala ang aking lunch box ay pumwesto ako sa isa sa mga mesang bilog na nasa labas ng cafeteria ng school. Napapayungan ang mga mesa roon kaya maraming estudyante at school staff ang madalas na doon tumatambay.
Sinimulan ko agad ang pagkain. Isang tinapay lang kasi ang kinain ko kaninang almusal kaya gutom na gutom talaga ako. Ang ulam ko ay pritong karne ng baboy na natira pa namin kagabi sa hapunan, niluto ni Nanay. Iniinit ko lang iyon kanina bago inilagay sa plastic storage.
Umiinom ako ng tubig nang mapansin ko ang taong nakaupo sa kabilang mesa. Muntik na akong masamid nang makita kong nakatingin siya sa akin. Ibinaba ko ang bote ng tubig at nagpunas ng bibig. Gaya ko ay mag-isa rin si Sir Grant habang umiinom ng kape sa plastic cup.
Binawi ko ang aking tingin at itinuloy ang pagkain. E, ano kung naroon siya? Nasa school kami kaya estudyante ako at propesor siya.
Isinubo ko ang maliit na piraso ng karne, subalit bago ko pa iyon manguya ay nagulat ako sa paghampas ng isang palad sa aking mesa. Halos tumalon ang karne na nasa ibabaw ng kanin ko.
Naupo si Michelle sa bakanteng silya. Kaklase ko ito sa ilang subject. Ang alam ko ay may pagka-bully rin ang isang ito pero, never pa niya akong ginulo mula nang magsimula ang klase. Sina Desiree talaga ang malaki ang problema sa akin.
“What are you doing here, huh?” nandidilat na tanong sa akin ni Michelle.
Umarko ang mga kilay ko. Nagkibit ako ng balikat at hindi nagsalita. May laman kasi ang bibig ko. Pero hindi ba niya nakikita na kumakain ako?
Tumingin siya sa kabilang mesa kung saan si Sir Grant. Nakatutok ang mga mata ng propesor sa laptop nito pero, bigla itong nag-angat ng tingin sa akin.
“See?” sambit ni Michelle at tiningnan ako nang masama. “Style mo din, e nagpapapansin ka lang naman kay Sir Grant! Kanina ka pa niya pinanonood. Mukha ka kasing pulubi riyan sa lumang lunch box mo at cheap na ulam!”
“Anong cheap? Ang mahal kaya ng karneng baboy ngayon!”
“Eew! Baboy ka nga! Sa susunod nga, h’wag kang dumi-display kapag kumakain! Hindi ka talaga marunong mahiya!” Pagkasabi niya noon ay padarag na tumayo siya at binigyan muna ako nang matalim na irap bago ako iwan.
Napatingin ako kay Sir Grant. Nasa laptop niya ang atensiyon niya. Hindi naman ako nagpapapansin dito, ah! Malay ko bang naroon siya sa kabilang mesa. At bakit ako mahihiya kung kumakain lang naman ako rito. Cafeteria nga ito, baliw na Michelle ‘yon!
Dahil nawalan na ako ng gana ay niligpit ko na lang ang lunch box ko at isinilid sa aking bag. Tumayo ako at umalis na. Habang daan ay inubos ko na lang ang tubig sa boteng dala ko.
Pagkatapos ng dalawang oras na klase ay vacant period ko ulit. Nagpunta ako sa library dahil sigurado akong may makikita akong libro rito na kailangan ko. Inisa-isa ko ang mga librong tungkol sa business management.
"Anong hinahanap mo?" tanong ng pamilyar na boses kaya agad akong napalingon.
Palapit sa kinaroroonan ko si Sir Grant at nakataas ang mga kilay sa akin.Naghihintay siguro ng isasagot ko.
"A-ah... para sa assignment ko..."
Tumabi siya sa akin at nakitingin sa mga librong tinitingnan ko. Naamoy ko na naman ang panlalaking pabango niya.
"Business management? Hindi ba, sa Arts Department ka?"
Hindi ako nakasagot. Hindi ko alam kung paano magpapalusot.
Tumingin si Sir Grant sa kaliwa niya. May isang estudyante sa dulo ng shelf na napatingin sa amin. Pasimple naman akong lumipat sa kabilang shelf at iniwan doon si Sir Grant.
"May klase ka pa ba?" Narinig kong tanong mula sa likuran ko.
"M-meron pa. Isang oras pa."
"Okay. Nasa parking lot ako." Sinabi pa niya ang kulay, model at plate number ng sasakyan niya.
Hindi ako nakasagot. Nawala na ang estudyante sa dulo ng shelf. Hinarap niya ulit ako. Bigla akong kinabahan sa klase ng titig niya.
"Hihintayin kita."