Nanginginig ang aking mga kamay matapos madinig ang boses ni Julian. Ipinagpatuloy ko ang pagsasalin ng alak sa wineglass at minabuting magpokus sa unang araw ng bago kong trabaho. Inilipat ko ang wineglass at bote ng alak sa tray at saka iyon dinala sa harapan ng kurtina. Naaaninag ko mula sa see-through na tela na magkaharap kami ni Julian habang siya ay nakaupo sa tapat ng mesa. Naka-dekwatro siya sa kanyang pagkakaupo. “Ilapag mo sa mesa ang tray,” ani Julian. Lumunok muna ako bago ko ginawa ang kanyang ipinag-uutos nang hindi hinahawi ang kurtina. “Sana magustuhan mo po ang serbisyo ko,” wika ko. “Hawiin mo ang kurtina. Then, sit down,” utos ni Julian. Nakapaseryoso ng kanyang pagkakasabi na nagpatindig ng balahibo ko. Malalim ang kanyang boses na nagpahina sa aking mga tuhod.