"Deniece, can I talk to you for a sec?" wika ni Brian, ang supervisor ko.
Nasa kitchen ako at ibinababa ang mga maduduming plato na kinuha ko sa mga tables nang silipin ako ni Brian para kausapin. Itinabi ko sa ilalim ng stainless na mesa ang tray na hawak ko at saka sinundan si Brian sa bar counter.
Pinapanood niyang magtrabaho ang bagong bartender para sa evaluation nito.
"Ano yon, Bry?" tanong ko nang makalapit sa kanya.
"Pumunta ka sa itaas. Garette has something to tell you," aniya habang pinapanood pa rin ang bagong bartender namin.
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. "Tungkol saan daw?"
"I don't know, Den. Mas maganda kung puntahan mo na siya ngayon. Alam mo namang ayaw ni Garette ang pabagal-bagal."
Naging close lang kami ni Brian noong nag-isang buwan na ako sa Prisma. Dalawang buwan na ako ngayon dito sa high end bar na ito.
Huminga ako ng malalim at sinunod na lamang ang sinabi ni Bry. Sisisentehin ba niya ako kaya pinatawag niya ako? Dalawang buwan pa lang naman ako dito sa Prisma, ah. Hindi naman siguro. Bahala na. Maayos naman ang trabaho ko kaya imposibleng tanggalin ako ni Garette.
Sumakay ako sa elevator at pinindot ang roof top. Naroon kasi ang office ni Garette. He owns this building. Hotel plus high end bar and restaurant. At the age of thirty five, nakapagpundar na siya ng ganito kaganda at kamahal na business. Sana ako rin nabuhay na may kaya sa buhay katulad niya. Kaso nandito na ko. Mahal ko ang pamilya ko kahit na hirap kami sa buhay.
Nang makarating ay dumiretso ako sa office niya. Kumatok ako sa pinto at saka ko kaagad binuksan ng dahan-dahan ito. Sumilip muna ako dahil baka may ginagawa si Garette. Nang tuluyan na akong makapasok ay napansin kong dim ang ilaw ng loob ng office niya. Matte Red and black ang theme ng kanyang office katulad ng Prisma bar.
Nagpunta ako sa harapan ng kanyang mesa habang busy siya sa ginawa niya sa kanyang laptop. "Sir, pinapatawag niyo raw po ako?" mahinahon kong tanong.
Tumigil sa pagtitipa si Garette at sumandal sa kanyang swivel chair. Tiningnan niya ako. "Maupo ka muna," aniya.
Ginawa ko naman ang sinabi niya kahit na hindi ko mawari kung ano ang gusto niyang sabihin. Boss ko man siya ay alam kong palagi niya akong sinusubaybayan sa pagta-trabaho ko. Kapag nasa Prisma siya ay nahuhuli ko siya minsan na nakatingin sa akin. Naisip ko na paano kaya kung hindi ako mahirap? Paano kaya kung pareho kami ng estado sa buhay? Marahil ay hindi na niya pipigilan pa ang sarili niya na kausapin ako higit pa sa pagiging empleyado ko.
"May offer ako sayo," ani Garette. Hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa akin. Nakayuko ako kanina at nakatingin sa mga daliri ko, ngunit nang magsalita siya at nadinig ang kanyang sinabi ay napunta sa kanya ang atensyon ko.
"Anong offer?" tanong ko naman. Interesado ako dahil nangangailangan talaga ako ngayon.
"You are twenty-six years old and you have your own will and decision. Baguhan ka lang din dito sa bar," aniya. Napapakunot na lamang ang noo ko dahil hindi ko alam kung ano ang nais niyang iparating. "I'll be straightforward with you, Den. Some of Prisma's well-known customers are interested with you. Hindi pa dapat kita ilagay sa private lounge and private rooms for you to accommodate these high-profiled regular customers, pero may iilan na sa kanila na nagtatanong sa akin tungkol sayo."
Napakuyom ang mga kamay ko na nakapatong sa hita ko at sa bawat salitang lumabas sa bibig ni Garette ay sumasalubong rin ang mga kilay ko.
Garette leaned to the table and entwined his hands together. Hindi rin nawala ang tingin niya sa akin. "I'm offering you a higher salary. Plus their tips. Seventy-thirty tayo sa tip. Sayo ang seventy percent at sa akin ang thirty percent." Alam niya talaga paano magnegosyo.
May rahas akong tumayo habang nakatingin pa rin sa kanya. "Salamat sa offer, sir, pero pasensya na, hindi ko tatanggapin ang offer," maayos at pigil na galit kong sambit. "Babalik na ako sa trabaho," dagdag ko pa ngunit bago pa ako tumalikod sa kanya ay nagsalita siyang muli.
"Think about it, Den. Malaking pera yon. Malaking tip ang makukuha mo gabi-gabi."
Huminga ako ng malalim at pumikit bago nagsalita. Humarap ako sa kanya. Sa pagbuka ng bibig ko ay uulitin ko sana ang sagot ko ngunit naisip ko ang kalagayan ni tatay.
Kailangan niya ng malaking pera para sa operasyon niya at mga gamot rin na hindi basta-basta nabibili sa murang halaga. Ngunit kapalit naman niyon ay ang pambabastos ng mga customers sa akin para sa malaking tip at kung anu-ano pang extra service na gusto nilang ipagawa.
"Pag-iisipan ko po, sir."
"I'll give you three days para makapagdesisyon."
"Sige po, mauna na ako." Hindi ko na siya hinayaang makapagsalita pa. Lumabas ako kaagad sa office niya at dumiretso sa bar.
"Anong sabi ni Sir Garette sayo?" usisa ni Jenna nang pumasok ako sa kitchen. Isa siya sa mga staff ng bar katulad ko. Nauna lamang siya ng ilang buwan sa akin nang matanggap siya rito.
Nagpunta ako sa malawak na lababo at sinuot ang gloves. Sinimula ko nang maghugas ng mga maruruming plato.
"Ino-offer-an niya ako na lumipat sa private lounge at private rooms," sagot ko.
"Hala! Totoo?! Grabe, kabago-bago mo pa lang, ah," gulat na sambit ni Jenna. Napahawak pa ito sa kanyang bibig. "Teka, gusto mo naman ba? Alam mo naman kung anong klaseng trabaho ang kailangan sa private lounge.."
Tinigil ko ang paghuhugas ng plato at tumulala sa sink na puno ng maduming tubig.
"May sakit ang tatay ko, Jenna. Kailangan rin ng pang-tuition ng kapatid ko," sagot ko nang hindi tumitingin sa kanya.
"Den, pag-isipan mo muna. Hindi ba sinabi mo sa akin na hinding-hindi ka papasok sa private area ng Prisma?" nag-aalalang tanong ni Jenna.
"Wala pa naman akong sinabing sagot kay Sir Garette," wika ko at saka ko na tinuloy muli ang paghuhugas ko ng plato at mga baso.
"Bakit ba kasi pinanganak tayong salat sa salapi, hay," aniya. "Oh, lalabas muna ako baka mapagalitan na naman ako kay Sir Garette. Ilang beses na niya akong nahuhuling nakikipagtsismis sa oras ng trabaho. Baka mapatalsik pa ako ng wala sa oras. Mamaya na lang, Den." Pagkasabi niya noon ay dumiretso na siyang lumabas para mag-serve ng mga alcoholic drinks sa mga table.
Hinayaan ko na lamang ang sarili ko na magtrabaho hanggang sa matapos ang duty ko.
Sa pag-uwi ko ay nadatnan kong natutulog ang tatay ko sa malapad naming upuan na walang foam. Namamayat na si tatay Roger ko dahil sa sakit niya. Matanda na rin siya, nasa late sixties na.
Hindi ko na siya inabalang gisingin pa. Kinuha ko na lamang ang kumot niya sa kanyang kwarto at saka ko siya kinumutan. Pagkatapos ay pumasok na ako sa kwarto. Pagpasok ko ay tulog na ang kapatid ko habang nakapalibot sa kanya ang mga libro niya sa school. Huminga ako ng malalim at saka ko dinampot isa-isa ang mga iyon at saka tinabi sa mesa sa gilid ng kama.
Ganito ang buhay ko. Sa bawat araw na dumadaan, pakiramdam ko wala nang magbabago sa akin. Tumulala ako sa kawalan at naalala ang alok ni Sir Garette sa akin, tsaka ako bumuntong hininga ulit.
Dinaan ko na lamang sa tulog ang mga iniisip kong problema.
Kinabukasan, paggising ko ay nag-ayos ako kaagad para pumasok sa trabaho ko sa isang pharmacy. May body clock rin ako. Kahit hindi ako mag-alarm ay alam ng katawan ko kung kailan ako magigising. Naging routine ko na sa paggising ko ay diretso na ako sa pagligo at pag-aayos.
Kahit papaano ay gumraduate naman ako ng college at ngayon ay staff ako sa isang pharmacy. Didiretso naman ako kaagad sa Prisma pagkatapos ko sa duty ko sa pharmacy dahil isang oras lang naman ang pagitan bago magsimula ang duty ko sa Prisma. Dahil sa hirap ng buhay at ako ang breadwinner sa pamilya, halos wala nang natitira sa akin dahil pinapaaral ko ang kapatid ko. Kulang ang mga padala ng nanay kong si Dina na nasa ibang bansa para sa mga gastusin sa mga gamot ni tatay Roger, mga bills at pangkain araw-araw.
Paglabas ko ng kwarto ay nakita ko si tatay Roger na nakaupo na at nagkakape sa kusina. Maliit lamang ang bahay namin. Pagkapasok mo ay naroon na lahat. Kusina at sala. Dalawang kwarto naman ang mayroon kami ngunit maliliit lang ang espasyo.
Lumapit ako kay tatay Roger. "Tay, papasok na po ako," pagpapaalam ko.
Ngumiti ang tatay sa akin. Bigla ay nakaramdam ako ng awa sa kanya. Habang tinititigan ko siya ay hindi ko maiwasang hindi maluha. Napakapayat niya at kahit hindi niya ipakita ay alam kong hirap na hirap na siya sa sakit niya.
"Pagdadala ko po kayo mamaya ng pagkain pagkauwi ko," wika ko habang pinipigilan ko ang sarili ko na huwag umiyak sa harapan ni tatay.
Ngumiti lamang siya sa akin bilang sagot. Nagmano ako sa kanya at saka na ako dumiretso sa paglabas.
Sa paglabas ko sa bahay ay pinara ko kaagad iyong padaan na tricycle. Madali akong pumasok doon at nagpasalamat ako dahil maingay ang mga makina ng mga tricycle dahil doon na ako napaiyak.
Napakabuti ni tatay Roger.. hindi niya deserve ang lahat ng ito na nangyayari sa kanya. Kung marami lang sana akong pera, ibibigay ko kay tatay ang buong mundo.
Napatigil ako sa pag-iyak nang maalala ko ang offer sa akin ni Sir Garette.
Hindi ko alam kung kakayanin ko ang serbisyo doon sa private lounge and rooms. Ibebenta ko ang sarili ko para sa pera. Ipapakita ko ang kaluluwa ko para ma-entertain ang mga customers na mag-rerequest sa serbisyo ko. Wala rin akong pinagkaiba sa mga bayaran kung sakaling tatanggapin ko ang offer ni Sir Garette..
Pumikit ako ng mariin at pinunasan ang mga luha ko.
Kailangan kong kausapin si Sir Garette pagkatapos ng duty ko.