MAY mga kasama ako sa kulungan. Tatlong babae iyon at nakakatakot sila. Pumunta ako sa sinabing kama ko at doon naglagi. Kahit na minsan ay tinitingnan ako ng tatlong babaeng kasama, hindi naman nila ako pinapakealamanan. Nakatuon ang aking noo sa aking tuhod. Ang dilim, nakakatakot, pero wala akong magawa dahil sa ngayon, suspek ako ng pagpatay. “Hoy, anong kaso mo?” tanong sa akin ng isa. Napatalon ako sa gulat lalo na nang lapitan ako ng mga ito. Napatunghay ako ng ulo at kabadong tumingin sa kanila. Hindi ko masagot dahil hindi ko alam kung anong dapat sabihin sa kanila. Wala naman talaga akong ginawang masama, pinagbibintangan lamang ako. “Psh, suplada!” singhal ng isa at nagpamasahe sa babaeng nasa gilid niya. Nakahinga ako nang maluwag nang kahit papaano ay tantanan nila ako.