Prologue
Separated Love
by larajeszz
Prologue
"1, 2, 3..."
Pinagpatuloy ko ang pagbibilang hanggang sa…
"...8, 9, 10!"
Inangat ko na ang ulo ko mula sa puno na pinagbilangan ko at nagsimula na 'kong hanapin ang kalaro ko.
Dalawa lang kami na palaging magkalaro rito sa treehouse na gawa ng mga daddy namin ni Migmig. Hindi naman ito masiyadong mataas dahil maliliit pa kami at hindi kagaya nila. Madaming puno rito, dapat ay takot kaming mga bata sa mga ganitong lugar pero hindi kami ni Migmig. Pinalagyan na kasi ito ng bakod kaya naman parang sa amin na talaga ang lugar na ito. Katapat lang din ito ng bahay namin kaya maya't maya kaming nababantayan nina Mommy.
Si Migmig at ako lang ang magkalaro araw-araw. Hindi kasi nakikipaglaro sa 'kin si Kuya Jaywen, hindi niya ako lagi kinakausap at palagi siyang nasa kuwarto niya at naglalaro ng PsP. Kaya masaya talaga ako at nakilala ko si Migmig!
"Migmig?"
Patuloy ako sa paghahanap sa kaniya. Nilibot ko na ang mga puwede niyang pagtaguan pero wala siya, eh. 'Di kami puwedeng lumagpas sa bakod sabi nina Daddy at Tito Arnel, ang daddy ni Migmig.
Nag-ikot-ikot pa 'ko pero wala talaga siya. Kaya naman naisipan ko na pumunta sa may kalsada. Nakita ko siya roon! Nakasandal siya sa isang puno na malapit sa may kalsada. Tinitignan niya ang mga daddy namin na nagkukuwentuhan sa may labas ng bahay namin. Sila ang nagbabantay sa amin ngayon.
Nakangiti ako't dahan-dahan na naglakad papunta sa kaniya. Siya na ang matataya! Pero dahil sa tunog ng mga tuyong dahon na natatapakan ko ay nalaman niya na papalapit ako sa kaniya. Nilingon niya ako at bakas ang gulat sa mukha.
Agad din naman ‘yong napalitan ng ngisi. "Habulin mo muna ako!" sigaw niya kasabay ng malakas na pagtawa.
Tumakbo siya papalapit sa 'kin pero nang tatayain ko na siya ay bigla siyang lumayo. Napakabilis niya! Dahil hindi ko siya nataya ay tinatawanan niya ako ngayon.
"Ecee, bilisan mo naman d'yan!" sigaw pa niya.
Hinabol ko siya nang paulit-ulit. Hindi ko ata alam ang salitang 'suko' ano? Pero pagod na 'ko... kailangan ko muna ng pahinga.
Napaluhod ako sa mga tuyong dahon at hinabol ko muna ang paghinga ko. Humawak pa 'ko sa dibdib ko para mapansin niya kaagad na nahihirapan ako. At tama nga ako, napansin niya kaagad 'yon at agad siyang lumapit sa 'kin.
"Hoy, Jayceelyn," nag-aalala siyang lumapit sa 'kin. "Ayos ka lang? Oyy!"
Lumuhod din siya para mapantayan ako. Hinawakan niya pa ako sa balikat at inalog-alog. Panahon na...
Ngayong malapit na siya sa 'kin ay agad kong kinuha ang pagkakataon para mataya siya! Pagkahawak ko sa kaniya ay tumayo agad ako at tumawa. Napaupo siya dahil napalakas ata ang tulak ko.
"Nataya kita!" masayang sambit ko.
Masama siyang nakatingin sa 'kin habang tumatayo at pinapagpagan ang puwetan niya.
"Madaya ka. 'Wag mo na ulit gagawin 'yon! Bad 'yong gano’n. Natakot ako, akala ko kung napano ka na!" malakas ang boses na sabi niya. Nagagalit siya sa akin pero mahahalata pa rin sa kaniya na nag-alala talaga siya.
Tumawa na lang ako ulit at tumango.
Pero... hindi talaga biro 'yong naramdaman ko...
'Di ko na lang sinabi dahil masaya ang paglalaro namin.
Niyaya ko siyang magpahinga muna. Sabay kaming naglalakad pauwi pero niyaya na naman niya akong makipaghabulan sa kaniya.
"Sige na, Ecee!"
"Ayoko na nga Mig, e."
"Taya!"
Hindi siya nakinig sa 'kin at ginawa pa rin niya ang gusto niya.
Masaya siyang tumakbo papunta sa may kalsada kung saan malapit ang bahay namin at nandoon din sina Daddy at Tito Arnel. Pero hindi nila masiyadong napapansin ang pagtakbo ni Migmig papunta sa kanila dahil masiyado silang abala sa pinag-uusapan nila. Hahabulin ko na sana siya nang mapansin kong...
May dumadating na sasakyan!
At parang hindi magkaintindihan ang driver nito! Pulang-pula ang mukha nito at umiiyak!
"Migmig!!!" malakas na sigaw ko at tumakbo sa tabi ng kalsada kung saan makakaya ko pa siyang maabot.
Napatingin si Daddy kay Migmig nang dahil sa sigaw ko.
"Asher!" sigaw ni Daddy.
Dali-dali niyang itinulak si Migmig papunta ulit sa direksiyon ko. Napasubsob si Migmig at lumapit agad ako sa kaniya. Nag-angat ako ng tingin at nakasubsob na rin si Daddy.
Bumusina nang napakalakas ang kotse. Pumikit ako dahil parang ayokong makita ang susunod na mangyayari.
"Dad!" maya-maya'y sigaw ni Migmig.
Dumilat ako. Tiningnan ko ang sasakyan at... nakahiga na sa ilalim nito sa unahan si Tito Arnel, duguan!
Lumapit si Daddy agad sa kaniya, "Arnel! Arnel!" sigaw na paggising niya rito.
Lumabas sina Mommy, si Tita Mariel na bitbit si baby Aizan, at Kuya Jaywen sa bahay dahil sa naging pagsigaw ni Daddy.
Nagsimula na 'kong umiyak. Tumakbo kami ni Migmig sa mga Mommy namin. Napansin ko rin na pati ang iba naming kapitbahay ay lumabas na rin sa mga bahay nila at tinitingnan kung ano ang nangyari.
"M-mommy, s-si Tito!" pag-iyak ko habang nakayakap sa binti niya. Bumaba naman siya para mapantayan ako at agad na niyakap.
"Ma, s-si D-Daddy... s-si Daddy may dugo!" palahaw ni Migmig.
Inaalo ni Mommy ang likod ko gamit ang isang kamay, habang ang isa ay nanginginig na nakahawak sa cellphone niya habang tumatawag ng tulong.
Nakailang sigaw at alog na si Daddy kay Tito Arnel. Pero wala pa rin…
Dumating na ang mga ambulansiya at may mga pulis din. Agad na pinababa ng mga pulis 'yong driver at tinanong nila ng mga bagay na hindi ko maintindihan. Bumaba na rin ang mga nurse, hinawakan ng isang lalaki si Tito sa may kamay.
"No response,” kalmado ngunit may diing saad nito.
"No! Hindi… Arnel!" sigaw ni Tita Mariel dahil sa sinabi nung nurse.
Isinakay na ng mga nurse si Tito sa parang kama na may apat na gulong.
Lumapit si Tita Mariel sa nurse na humawak sa may kamay ni Tito kanina.
"You're lying earlier, right? B-Baka mali lang ang hawak mo sa pulso niya. My husband will live! P-please, tell me..." Hawak ni Tita sa collar ‘yong nurse at napaluhod siya habang umiiyak.
"I'm sorry, Ma'am. But we'll do our very best. We have to go."
"I'll go with you," presinta ni Daddy.
Lumapit muna siya kay Mommy at bumulong. "Stay here, babalitaan ko kayo."
"Okay."
***
Binaba na ni Mommy ang cellphone niya na kausap si Daddy sa kabilang linya. Nanginginig na naman siya.
Umiling siya habang nakatingin kay Tita Mariel. "Arnel's gone..."
Napasinghap si Tita bago umiyak nang malakas at hawak pa rin si Aizan na walang alam sa mga nangyayari, si Migmig naman ay tulalang lumuluha. Lumapit ako sa kaniya at mahigpit siyang niyakap kahit pa kanina pa rin akong umiiyak.
“Mig…” bulong ko.
“W-Wala na si Daddy, Ecee?” nahihirapang sabi niya. Mas lalo akong naluha nang naging sunod-sunod ang paghikbi niya. “Wala na ang Daddy ko…”
Mas hinigpitan ko pa ang yakap sa kaniya.
Si Dad ang tumakbo para iligtas si Migmig at itulak ito, tapos tinulak naman ni Tito Arnel ang Daddy ko para maligtas niya rin ito.
At ngayon wala na siya… Wala na ang tatay ng best friend ko.
-----
-larajeszz
This is a work of fiction. Names, characters, places, events, and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
Plagiarism is a crime punishable by law.
© All rights reserved 2020