Ang malakas na tunog ng alarm clock ang nagpabalikwas nang bangon kay Santa sa higaan. Kinapa niya sa side table ng kama and alarm clock kung saan ito nakapatong, nang makapa niya ay kinuha ito at tiningnan.
It's four o'clock in the morning, in-off niya ang alarm at tuluyan na siyang bumangon kahit inaantok pa.
Araw-araw ay ganito ang routine niya. Inabot niya ang salamin niya sa mata na nakapatong din sa bedside table ng kama. Isinuot niya para makakita siya ng lubusan.
Humihikab pa siya papunta sa bathroom habang inaayos ang salaming suot, farsighted siya kaya kailangan niya ng salamin sa mata. Sa palagay niya ay mas lalo pa ngang lumala ang paningin niya.
Pagkarating niya sa bathroom ay tumingin siya sa hindi kalakihang salamin na nakasabit sa bathroom wall. Bumuntonghininga siya dahil wala namang ipinagbago sa mukha niya. Bukod sa magulo ang kulot niyang buhok na tingin niya ay parang pancit canton, wala ng pinagbago ang mukha niya.
Sabi ng nanay niya namana niya raw sa kanyang ama ang buhok. Nigerian daw kasi ang ama niya at hindi pinanagutan ang nanay niya kaya iniwan sila. Morena ang kutis niya pero hindi naman siya ganoon ka itim.
Naligo na siya para makapag-asikaso na. Kailangan alas syete ay nasa kompanya na siya. Alas otso 'y media ang pasok niya pero consistent siyang alas syete pumapasok sa kompanyang pinapasukan.
Sa isang sikat na kompanya siya nagtatrabaho bilang sekretarya. Sa Rivas Company, isa ito sa pinakasikat na kompanya sa larangan ng fashion. Kilala na nga rin ito kahit sa ibang bansa dahil may mga clients ang kompanya na nanggagaling pa sa ibang bansa para lang magpagawa ng customize design ng mga damit.
At exactly five she was done, sinuklay niya ang buhok gamit ang kamay, hirap siyang suklayin ito gamit ang panuklay dahil sa sobrang kulot nito. Nilagyan niya lang ng oil saka pinuyod paitaas.
Tanging suot niya ay puting bestida ng lumabas sa silid, hindi muna siya nagbihis dahil magluluto pa siya. Mamaya ay magigising na ang nanay niya, mga kapatid at pamangkin.
Simula ng maging secretary siya sa CFI (Clothing Fashion Industry) of Rivas Company ay medyo umalwan ang buhay nila dahil malaki ang sinasahod niya, idagdag pa ang bonus at overtime. Kaya kahit mukhang lumalamon ng tao ang boss niya kapag nagagalit ay tinitiis niya para sa malaking sahod.
Nakabili na rin siya ng malaking bahay para sa kanila at konti na lang ang kulang ay ma-fully paid na niya ang bahay na ito. Second Floor ang bahay nila ngayon, tatlong silid sa itaas, saka may isang bathroom. Dalawa naman sa first floor, ang isang silid ay may sariling bathroom kaya iyon ang silid na napili niya.
Nakapag-sangag na siya ng kanin, nakapagluto na rin siya ng fried eggs at hotdogs. Gumawa na rin siya ng pancakes. It's almost six in the morning when she's done. Naihain niya na rin sa mesa ang mga pagkaing niluto.
"Good morning, Ate," bati sa kanya ni Jeff ang 18 years old niyang kapatid na lalaki kakababa lang nito galing taas.
Siya ang panganay sa apat nilang magkakapatid, siya lang ang naiba ang ama dahil anak siya sa pagkadalaga ng ina. 15 years old pa lang ito ng ipagbuntis siya. She's 26 years old at kahit papaano ay may boyfriend naman siya. Napangiti siya ng maisip ang mabait na boyfriend pero hindi pa ito nakikilala ng pamilya niya
"Kumain ka na, may pasok ka ba ngayon?" tanong niya kay Jeff, pinapaaral niya ito sa isang private school. Third year highschool na rin ito.
"Oo Ate meron saka may project kami sa school, kailangan bayaran agad." Sagot nito sa kanya saka umupo na para kumain.
"Magkano ba? Napapansin ko na ang dami mong binabayaran sa school ah." Sita niya rito, umupo na rin siya sa mesa para kumain. Sasagot na sana ito ng mahinto dahil nagsidatingan na ang mga pamangkin niya, ang iingay ng mga ito pababa galing taas.
"Hi Tita, good morning." Bati ng six years old niyang pamangking babae.
"Morning Tita." Segunda naman ng 4 years old niyang pamangking lalaki.
Anak ang mga ito ni Sandara, ang kapatid niyang babae, 22 years old pa lang ito, pinaaral niya ito dati pero nabuntis kaya tumigil. Nagta-trabaho ito ngayon as online seller, ang asawa naman nito ay lingguhan lang umuuwi dahil stay-in sa pinagta-trabahuan.
"Good morning my two little angels." Hinalikan niya ang dalawang bata sa pisngi. Binalingan niya si Sandara na halatang inaantok pa.
"Kumain na kayo, asikasuhin mo na ang mga bata Sandy." Sabi niya rito, Sandy ang palayaw niya sa kapatid.
"Si Nanay ba?" tanong niya kay Jeff.
"Mamaya pa ang gising no'n Ate kasi madaling araw na iyon umuwi galing sugalan." Sagot nito, bumuntonghininga na lang siya.
Napapansin niya kasi na napapadalas ang sugal ng Nanay nila. Ang ama ng mga kapatid niya ay nakulong dahil nakahanap ito ng away sa sugalan at nasaksak ang kaaway nito. Hanggang ngayon ay nasa kulungan pa rin. Halos anim na taon na itong nakakulong.
"Morning. Wow! May foods na." Narinig niya ang boses ni Leo, ang isa niya pang kapatid, magkaedad lang sila nito. Napatapos niya ng pag-aaral pero hanggang ngayon ay batugan pa rin. Ayaw pang maghanap ng trabaho.
Tumayo na siya sa mesa para mag-ayos na papuntang trabaho.
"Kumain na kayo riyan, mag-aayos na ako." Paalam niya sa mga ito.
Pagkapasok niya sa kuwarto ay dumeretso siya sa bathroom para mag-toothbrush. Pagkatapos ay nagbihis na siya. Isang black long sleeve ang suot niyang tshirt, close neck ang style. Tinernuhan niya rin ito ng itim na slacks. Hindi naman hapit sa katawan niya ang suot dahil medyo maluwang ito.
Ganoon lagi ang mga damit niya, baggy and conservative. Doon siya komportable. Ipinuyod niya ang kulot na buhok. Nagpulbo lang siya at lagay ng lip gloss pagkatapos ay lumabas na ng silid at nakasabit ang shoulder bag sa balikat niya.
Nadaanan niya pa ang mga kapatid na kumakain.
"Bye, Ate!" Halos sabay-sabay ng mga itong paalam. Tinanguan niya lang ang mga ito.
Nag-taxi na siya papunta sa CFI Rivas Company. Nang makarating siya sa magara at malaking building ay binati siya ng receptionist sa lobby, kilala na siya nito.
"Napaka-punctual mo talaga, Santa." Nakangiting saad ni Mica. Maganda ito at sexy saka friendly rin. Ito lang naman ang hindi nanlalait sa hitsura niya. Ang rason naman nito wala naman daw dapat laitin sa sarili niya kasi maganda naman daw siya. Tinatawanan niya lang ito sa tuwing sinasabi iyon.
"Good morning too, Mica." Nakangiting bati niya rito saka deretso na siya sa employees elevator.
Pinindot niya ang 28th floor kung saan ang office ng boss niya. Pinagtitinginan siya ng mga kasabayan niyang employees. Siguro nagtataka ang mga ito kung bakit ganito ang ayos niya gayong about fashion ang kompanyang ito.
Secretary lang naman siya, hindi naman nakalagay sa contract niya na kailangan niyang makipagsabayan sa mga magaganda at magagarang mga kasuotan ng ibang employees. Saka hindi naman siya nakalagay sa Fashion and Design Department.
Pagdating sa 28th floor ay dumeretso na siya sa cubicle. Nasa labas ng office ni Mr. Rivas ang table niya. Kapag kailangan siya nito ay tumatawag lang ito sa teleponong nasa side ng table niya.
Inilapag niya ang mga dalang gamit sa table saka dumeretso na sa snacks room kung saan nakalagay ang mga snacks ng mga Head ng department at lalo na sa big Boss nila. Pati na rin ang pangtimpla ng kape ay nandoon na rin.
Nagtimpla na siya ng kape para sa Boss niya, black coffee ang gusto nito. Kasing itim ng budhi nito. Napapailing siya sa naiisip, para namang abot langit ang galit niya sa boss. Napa-buntonghininga na lang siya.
Naalala niya ang unang tagpo nila ng Boss, ang Daddy nito ang dating CEO ng kompanya at ngayon ay ipinasa na sa anak nito. Napaka-opposite ng pag-uugali ng dalawa. Naalala niya nang tinimplahan niya ito ng coffee with creme and sugar.
"What the f**k! Are you insane? I don't like this coffee!" sigaw ni Mr. Dominic Rivas, ang bagong CEO ng kompanya. Halos mamutla siya sa pinapakita nitong galit sa mukha. Inayos niya ang suot na salamin sa mata saka lumapit sa desk at nanginginig ang mga kamay na kinuha ang isang tasang kape.
"I'm sorry Sir, akala ko pareho kayo ng taste ni Mr. Rivas." Sabi niya sa nanginginig na boses. Matalim ang tingin na ipinukol nito sa kanya. Sinuri siya mula ulo hanggang paa. First day nitong pumasok ngayon sa work tapos ganito pa ang mood nito. Nasira niya yata.
"Hindi porke't mag-ama kami ay pareho na kami ng taste! Change it into a black coffee, now!" Mariin nitong sabi sa kanya. Tumango siya rito at sa sobrang pagkataranta niya ay natapilok siya at nadapa. Natapon ang kape sa carpeted floor ng office.
Ang tanga niya talaga! Hindi naman siya nakasuot ng high heels pero natapilok pa rin siya! Nahihiya siyang tumayo.
"What a dumb secretary my father had."
Narinig niyang bulong ni Mr.Rivas sa sarili, mahina lang ito pero narinig niya o sinadya talaga nitong iparinig sa kanya. Nasaktan siya sa sinabi nito pero hindi siya nagpahalata.
"I-I will clean the carpet, Sir." Nauutal pa siya dahil sa takot.
"No, just call the Home Decors Company to deliver a new carpet." Walang emosyong turan ni Mr. Rivas. Nangingilid na ang luha niya, labis siyang nasaktan at napahiya. Nadumihan niya lang ito ay papalitan na?
"Ano pa ang tinatayo-tayo mo riyan? Get out of my office, now!" asik nito sa kanya dahilan para mapapitlag siya. Nagmamadali siyang lumabas.
Pinigilan niya ang mga luhang gustong kumawala sa mga mata niya. Hindi niya akalain na ganito ang pag-uugali ng anak ni Mr. Renato Rivas.
Isa siya sa pinalad na mag-apply sa kompanyang ito bilang Intern Student, Secretarial ang kurso na kinuha niya at sa sariling pagsisikap ay nakapagtapos siya. At in-absorb siya ng kompanya dahil nagustuhan siya ni Mr. Renato Rivas, sabi nito sa kanya sa lahat daw na dumaan nitong secretary ay siya lang daw ang pinaka- efficient.
Kinagigiliwan siya ni Mr.Renato Rivas at para na ring ama ang turing niya rito dahil sa sobrang bait nito sa kanya pero ang respeto niya rito ay hindi nawawala kahit pa minsan ay kinakausap siya nito na parang kaibigan o kakilala lamang.
At ngayon nga ay ang anak na ang pumalit bilang CEO dahil hindi na nito kayang pamahalaan ang kompanya dahil sa sobrang katandaan at sa sakit na dinadamdam. Gusto niya sanang kumustahin ang lagay nito ngunit nagbago ang isip niya na itanong ito sa anak nito dahil sa pinapakitang pag-uugali.
Katulad ni Mr.Renato Rivas ay guwapo ang anak nito. Madaming babae ang magkakandarapa mapansin lang nito. Sana naman magbago na ang ugali nito.
Napukaw si Santa sa malalim na pag-iisip ng may pumasok sa snack room, si Clara. Isa sa staff ng kompanya. Sa Fashion and Design Department ito naka-assign.
"Good morning, Santa." Nakangiting bati nito sa kanya sabay tingin sa kanya mula ulo hanggang paa. Pilit siyang ngumiti rito, alam niya kasing ang plastic nito.
"Good morning too, Clara." Tipid na ganting bati niya rito. Kinuha na niya ang kape saka lumabas na sa snacks room.
Pumasok na siya sa office ng Boss niya at inilapag ang mainit na kape sa desk nito. Ten minutes na lang ay darating na ang Boss niya, sa loob ng apat na taon niyang pagiging secretary rito ay kabisado na niya ang oras ng dating nito.
Pasalamat nga siya hindi siya nito tinaggal sa unang araw pa lang nitong pumasok sa kompanya bilang bagong CEO dahil sa dami niyang pagkakamali.
Lumabas na siya sa office at bumalik sa table niya, she open her laptop and check her emails. Busy siya sa pagta-type ng dumating ang Boss niya, si Mr. Dominic Rivas.
As usual, he was so strikingly handsome wearing his business attire. Idagdag pa na naka-poker face lagi nito na mas lalo lang nakadagdag sa s*x appeal nito. Agad siyang tumayo sa kinauupuan niya.
"Good morning, Sir." Bati niya rito, kahit ngayon ay nakakaramdam pa rin siya ng nerbiyos kapag nakikita niya ito. Pakiramdam niya kasi anuman oras ay mabubulyawan siya nito. Napaka-moody nito at temperamental na tao. Ang manhid pa, para bang walang puso! Hindi niya lubos maisip na ito ang panganay na anak ni Mr. Renato Rivas.
Hindi man lang siya tinapunan ng tingin nito at deretsong pumasok sa office. Napa-buntonghininga na lang siya. Hindi na siya nasanay, hindi naman talaga ito tumitingin sa kanya o sinasagot ang bati niya.
Napaka-suplado!
Sigaw ng isip niya.
~•~