CHAPTER 1
Naalimputangan ako nang parang may naririnig akong hampas ng hangin sa aking kusina. Kahit pa inaantok ako dahil sa mga tinapos kong mga school forms ay tumayo ako. Sinigurado ko namang bago ako pumasok sa aking kuwarto ay naisara ko lahat kagabi pero bakit parang bukas ang bintana sa kusina. Hindi na rin lang naman ako makatulog nang hindi sinisiguradong nakasarado ang lahat kaya maigi pang bumangon at silipin na lang muna kung anong ingay ang gumambala sa aking pagtulog.
Papungas-pungas akong lumabas ng kuwarto. Binuksan ko ang ilaw sa sala. Humihikab kong tinungo ang kusina at binuksan ko rin ang ilaw doon. Sinalubong ako ng malakas na hangin at ang pagpasok na ng tubig ulan kaya tumakbo na ako para isara ang humahampas-hampas pang pintuan sa kusina pati na rin ang bintana. Nang naisara ko ang dalawang nakabukas na iyon ay agad kong kinuha ang map para punasan na muna ang basa sa kusina. Napapaisip ako kung paano nabuksan ang mga iyon kasi tandang-tanda ko na sa dining table ako gumawa ng mga forms ko sa school at nang pumasok ako sa kuwarto ko para matulog ay sinigurado kong sarado na ang mga iyon. Natatakot akong mapasok ng masasamang loob kaya ko sinisigurado ang pagsara no’n. Mag-isa lang kasi ako sa lumang nilapitan kong bahay kaya ibayong pag-iingat ang ginagawa ko. Isang buwan pa lang akong nagsosolo dahil hindi ako matahimik at hindi kami magkaintindihan ni Daddy na gusto na naman niyang pumasok ako sa pulitika.
Nang mapunasan ko ang basa sa kusina at ibinabalik ko na ang map sa pinaglalagyan ko ay parang may narinig akong kumalabog sa sala. Agad kong tinungo ang sala at nakita kong bukas din ang pintuan doon. Mabilis ko munang isinara ang pinto pero kinutuban na akong tao ang maaring gumawa nito at hindi ng malakas na hangin. Nakiramdam muna ako. May baril akong ibinigay ni Daddy na proteksiyon ko pero nasa kuwarto. Meron din akong isang personal na ginagamit sa silong ng aking kama. Kung sakaling hindi ako gagamitan ng baril ng kung sino mang pumasok sa bahay, patay siya sa akin. Kilala ako sa husay ko sa martial arts at huwag magkakamali ang intruder dahil hindi ko palalabasing buhay. Sandali akong tumayo sa likod ng nakapinid nang pintuan at nakiramdam kung may pagkilos o may nagtatagong kalaban sa bawat sulok ng bahay ngunit wala. Tahimik naman. Hindi kaya namamalikmata lang ako o nag-iisip ng kung anu-ano?
Muli akong nakahinga ng maluwag nang nasiguro kong walang tao sa loob sa sariling pamamahay ko. Ngunit hindi talaga matanggal sa isip ko ang kutob kong may mali. At sa tuwing may kutob akong ganito, lagi akong tama. Kung bakit kasi nagsabi si Daddy nang isang araw na ako ang tatakbo bilang akalde. Natalo nang nakaraang eleksiyon si Daddy dahil sa pandaraya at pamemera nang ngayon ay nakaupong alkalde at ako, bilang dating unang Sk Federation President at nanalo bilang pinakabatang councilor ang nililigawan ng partido nina Daddy at ng buong angkan ko na lalaban sa kasalukyan Mayor namin. Hindi ko gustong bumalik sa ganoong paraan ng serbisyo publiko. Pinagbigyan ko na si Daddy noon pero hindi ko gusto ang maruming laro sa mundo ng pulitika. Mas masaya at tahimik ang buhay ko sa pagiging public school teacher lang. Mas gusto kong humubog sa utak ng kabataan at wala na sa plano ko ang muling sumabak sa pulitika. Ngunit makulit si Daddy. Pinangungunahan niya ako at hindi ko alam kung paano ko siya tatangihan. Kung paano ko siya kokontrahin sa harap ng mga tao. Ako man ay nagulat nang biglaan niyang inihayag iyon sa publiko.
Huminga ako nang malalim. Pilit kong binubura sa isip kong walang pumasok na ibang tao sa lumang pamamahay namin. Pumasok ako sa CR at doon ko inayos ang sarili ko. Wala na yung antok na nararamdaman ko kanina kaya pilit kong pinapakalma ang kabang nararamdaman ko habang nasa harap ako ng salamin. Inayos ko ang mahaba kong buhok. Naghilamos ako saka ko sandaling pinagmasdan ang hugis puso kong mukha. Sinalat ko ang makinis at malambot kong pisngi saka ko iminulat at ipinikit ang nangungusap kong mga mata na lalong pinaganda ng mahaba kong pilik-mata at malago-lagong maayos na kilay. Maganda ang tamang tangos ng aking ilong at mapupulang mga labi. Tama lang din sa katawan ko ang tangkad kong 5’4”. Marami ang nahuhumaling sa kagandahan ko. Maraming sumubok manligaw ngunit hindi na ako nagmahal pa mula nang naghiwalay kami ng boyfriend ko noong college ako. Ayaw ko ng gwapong babaero. Gusto kong ituon na muna ang lahat sa pagtuturo ko. Napabuntong-hininga ako nang maalala ko na naman ang gwapong mukha ng isa kong istudiyante na hindi ko mabura sa aking isipan.
“Hindi pwede ang nararamdaman mo, Faith. Bawal ang magkagusto at magmahal ka sa istudiyante mo,” bulong ko sa aking sarili.
Kinuha ko ang tuwalya at nagpunas ako sa aking mukha.
“Psssst!”
Nagulat ako. Mabilis akong humarap sa pintuan ng CR. Sandali kong hinanap kung sino ang sumitsit sa akin. Hindi na pwedeng namamaloikmata lang ako. Dinig na dinig ko iyon. Hindi ako maaring magkamali. May tao! May intruder na pumasok. Mabilis akong pumunta sa kusina at kumuha ng magagamit kong armas kung sakaling magkagipitan. Isang knife ang kinuha ko sa drawer. Mahigpit ang pagkakahawak ko roon. Magkakamatayan na pero hindi ako magagalaw o mauunahan ng sinumang pumasok ng wala akong pahintulot. Malikot ang aking mga matang tumingin sa paligid habang dahan-dahan akong naglalakad. Hanggang sa mabilis akong pumuwesto sa mismong pintuan ng kusina, sinigurado ko kung naka-lock kahit kala-lock ko lang kanina. Naka-lock. Humakbang ako sa gitna ng kusina at sala para tanaw ko ang kabuuan ng aking bahay, sa sala, sa kusina, sa CR at sa kuwarto kong bukas pa ang pintuan. Wala akong makitang tao. Dahan-dahan kong tinungo ang pintuan sa sala, inapuhap ko kung naka-lock ito kahit alam kong sarado naman. Hindi ako dapat pakampate. Paano kung nakapasok na ang intuder? Naghanda ako sa maaring pag-atake ng kahit sino maaring nasa loob at mahusay lang na magtago. Tinalasan ko na ang aking pakiramdam at paningin. Ngunit bakit wala akong makita pero ramdam ko namang meron? Hindi kalakihan ang bahay ko kaya kita ko lahat pero bakit walang paggalaw o tao akong makita sa loob?
Mahahaba man ang itim kong kurtina at may mga malalaki rin akong mga halaman pero kung pumasok man, imposible na hindi ko agad makikita iyon. Mabilis kong pinuntahan ang mga makakapal at itim kong kurtina habang hawak ang isasaksak kong kutsilyo kung may mahulo ako. Ngunit walang tao sa likod ng mga kutina at nakasara rin naman ang mga bintana. Pero basta, alam ko, sigurado akong may tao sa loob.
“Sino ka! Anong kailangan mo?” hindi iyon isag basta tanong lang. Isang pagbabanta iyon na hindi ko patatawarin at titigilan kung sino man ang naroon. Mas hinigpitan ko ang paghawak sa knife.
Wala akong maramdamang pagkilos.
Nag-concentrate ako. Parang may paghinga akong naririnig sa loob. Hindi ko lang hinga iyon. Hinga ng ibang tao. Umikot-ikot ako. Wala sa likod nng TV, sa likod ng mga sofa ko sa sala. Napabuntong-hininga ako. Anong nangyayari sa akin? Wala namang ibang tao. Pero sino ang nagbukas sa pintuan? Sino sumitsit? Tinungo ko ang aking kuwarto para kunin ang baril ko na binigay ni Daddy ngunit pagbukas ko pa lang sa pinto ay biglang may sumunggab sa akin at hindi agad ako nakaporma.
Mukhang naunahan pa ako ng kalaban.