Chakka (INIBIG MO'Y PANGIT)
Chapter ONE
Malimit kong naririnig na kapag pangit ka nahihirapan kang makahanap ng gugusto sa iyo. Sige, dagdagan natin, kapag pangit ka at wala kang pera, walang magkakamaling papansin sa iyo, o, siya siya... todohin na nga natin... kapag pangit, wala kang pera at bakla ka pa, sabi nila parang pinagtalikuran ka na ng magandang tandhana. Sa salitang bading, ang pangit ay chakka at ang isa sa mga chakkang iyon ay ako. Pero ayaw kong kawawain ang pagiging bakla ko, ako yung baklang pangit ngunit hindi naman naghihirap at dahil matalino ay may matatag namang trabaho.
Kapag straight siguro akong lalaki, mukha pa din akong basurero kahit gaano pa kagara ang isusuot ko, kung naging babae naman ako, malamang walang manliligaw sa akin dahil masahol pa ako sa hitsura ng isang katulong na kahit damitan mo ng mamahalin... kaya nga marunong ang Diyos at ginawa akong bading dahil alam kong at the last minute sa amin kumakapit ang lalaking gipit na gipit. Ngunit kalimitan naman kahit pangit sa tulong ng sensiya ay gumaganda. Nareremedyuhan ang kapangitan. Ngunit ang likas na kapangitan ng ugali, matutulungan ka kaya ni Belo o ni Calayan?
Kung sana nakikita ang kalooban ng isang tao, alam kong isa ako sa mga pinakamaganda. Kung abot ng mata ang nasa kaibuturan ng puso alam kong ilalampaso ko ang Bareto sisters, iiyak sa inggit si Kristine Hermosa at seksing-seksi sa akin si Cristine Reyes. Malamang din na pipila si Pretty Woman na si Julia Roberts na humingi at magmakaawang makipicture sa akin...yun nga lang... hindi iyon agad nakikita, hindi iyon kaagad napapansin dahil sa panahon ngayon, kung maganda o guwapo ka, iyon ang batayan ng karamihan kung sino ang mamahalin.
Swerte ang mga baklang guwapo na, kilos at mukhang lalaki, mapera at may trabaho pa, dahil kahit arawan kung magpalit sila ng chuchurbahin. Madali din silang makatagpo ng katulad nilang guwapo at ang katulad kong pangit, nilulunok na lang ang laway sa inggit. Kung may lalapit man sa amin na guwapo, natatakot na kaming mahalin siya dahil una, natatakot kami sa kung ano ang habol sa amin. Natatakot kaming masaktan at maloko lamang dahil kung tutuusin, sino ba naman ang guwapong manatili sa tulad naming pangit. Madagdagan pa iyon kung ipapakilala ang guwapong ito sa mga kaibigan. Natural na sasabihin nilang...
"Magkano naman ang budget mo sa kaniya baduday?"
"In fairness guwapo ha, pero for sure, bukas makalawa magiging pulubi ka na uli bakla!"
"Naku, mag-ingat ka diyan, baka lolokohin ka lang niyan."
"Huwag kang makinig sa mga pambobola niya dahil peperahan ka lang niyan, alam ko ang kaliskis ng mga ganyan kasi galing na ako sa ganiyan, lalo pa't wala ka pa naman ganda beklabush ka."
Iyan ang walang tigil na payo o kaya ay sabihin na nating pang-ookray ng mga kaibigan kaya ikaw namang si pobreng pangit, iwasan ng mahalin siya at ienjoy na lang ang pakikipagkaibigan sa kaniya. Okey lang kung kusang lalayo ang lalaki, makakalimutan mo at pilit pigilin ang sariling mahulog sa kaniya. Ang masaklap ay kung pagkaraan ng isang linggo hayun at akay-akay na siya ng isa sa mga kaibigan mong dati ay pinagsasabihang kang lolokohin ka lang at peperahan. Malaman-laman mo na lang na ang kaibigan mo na ang bumibili ng mga mamahaling gamit ng dati ay ginusto mo. Masakit ngunit gano'n talaga ang takbo ng buhay naming bading na, pangit pa. Ngunit mababago ang lahat. Alam kong darating ang panahong luluhod din ang tala ni Sharon Cuneta at sasabihin kong akin din ang dating Bituing walang ningning. Magsisisi lahat ang mga nang-api sa akin at sasabihing "kung sana bukas pa ang kahapon". Etchos lang. Mabait kaya ako!
Madami nga namang nagkalat na guwapo na sobrang ganda pa ng tindig at katawan. Pero sabihin kong karamihan sa mga iyan, berde din ang dugo. Kung hindi man sila gano'n, maraming girlfriends yan o masaklap may asawa na't kabit pa. Kung wala pa din sa nabanggit, siguradong tatama na ako kung sasabihin kong ang mga nagakalat na gwapong mga 'yan ay siguradong sumasanto ito sa salapi. Kung ang straight pumatol kay beklabush, hindi ka niya pinatulan dahil maganda ka, dahil ang tunay na ganda sa mga straight ay sa babae lang, ang sabihin mo, pinatulan ka ni straight dahil sa kinang ng iyong bulsa. Ang straight ay para sa babae at kung natikman mo at sinabi niyang kayo na, puwes, asahan mong aagos ang pera mo mula sa kaniyang talampakan hanggang ulo at may ambon pa sa sikmura o buong katawan sa girlfriend o asawa niya. Kaya nga ako, kapag sinabi niyang straight siya, kahit pa gaano siya kagwapo, hands-off na ako. Lalo na kung sa una pa lamang ay may mga parinig na? Naku, umiwas ka na ng mabilisan bakla dahil siguradong gawin kang atm niyan.
Sa tulad kong kilos at mukhang lalaki na nasa loob ang kabaklaan, naghahanap din ako ng ganoon. Hindi man guwapo, hindi man maganda ang katawan basta makakasundo ko, mabait, makatao at mamahalin niya ng ako, go na ako. Kaso nga ilang beses ko ng sinubukan ngunit parang lagi parin akong bigo. Kailan ba ako nagsimula? Kailan ko ba sinubukan? Ahh! Noong third year high school pala ako unang naglandi.
Si Lando. Kaklase ko siya. Varsity ng basketball, guwapo, matangkad, maputi ngunit mahina ang ulo. Ako ay dalaginding naman noon. Medyo mataba o sige pagandahin natin ng bahagya, medyo chubby, puno ng taghiyawat ang mukha, kayumanggi at parang dinaanan ng pison ang ilong kong namana ko pa kay mama. Mabuti na lang pinagpala ako ng tangkad. Tahimik lang ako. Bihira ako makipagbiruan kasi ayaw kong mahalata akong bading. Para naman yata maling ipangalandakan kong bading ako sa kabila ng pisikal kong pagkukulang? Nagsasalita naman ako at nakikibarkada ngunit hindi sa mga bading na ladlad sa school. Sa akin, tama ng si aking Lando lang ang tangi kong kabarkada.
Dahil magkaklase kami't magkabarkada ay nagiging magaan ang loob namin sa isa't isa. Dinadaanan ko siya pagpasok ko ng umaga at kung may ensayo sila ng basketball sa hapon ay hinihintay ko pa siya. Dahil mahina ang ulo, ako na din ang gumagawa sa ibang mga projects niya at assignments. Bumibilis ang t***k ng aking puso kung ipinapahawak niya sa akin ang bag niya habang naglalaro at kapag nakapagshoot siya ay kinikindatan niya ako. Gustung-gusto kong pagmasdan ang kaniyang paglalaro. Hindi man kagandahan ang katawan niya dahil nga mga bata kami ay sapat na sa akin ang makinis niyang kutis lalo pa kung basam-basa siya ng pawis. Kung manalo sila ay aapiran niya ako, magkakadaupang palad at ibubunggo namin ang aming mga dibdib sa isa't isa. Sa tulad kong may lihim na pagtingin, gustung-gusto ko yung sandaling magkalapat ang aming dibdib at maamoy ko ang kaniyang mumurahing pabango.
Bilib din naman siya sa akin dahil bukod sa pagiging Editor in Chief, Vice-President ako sa buong campus namin at ako pa ang laging first honor mula first year namin. Noong first year and second year kami, wala naman akong naramdaman kahit ano sa kaniya. Oo guwapo siya ngunit hindi ko naman siya dating gusto. Noong nagpatulong sa akin sa assignments namin at nilibre niya ako ng snack sa canteen namin at nakita kong totoo siyang tao, nagsimulang nagustuhan ko na ang kaniyang mga ngiti, napansin ko na ang maganda niyang ngipin, mamula-mula niyang labi hanggang gusto ko na ang kabuuan niya. Ang unang snack na iyon ay nagiging regular na hanggang bestfriends na nga ang turing namin sa isa't isa.
Maykaya ang pamilya ko at ganoon din naman siya. Araw ng Linggo noon nang daanan niya ako sa bahay gamit ang XRM niyang motor.
"Uyy, tol, ano... may lakad ka ba o gagawin?" silip niya sa gate namin habang naglalaro kami ng bunso kong kapatid.
"Wala. Bakit?" Lumapit ako sa gate at nakita kong naka-checkered sky blue polo siya at kupasing hapit na pantalon. Sobrang nahulog na ang loob ko ng makita ko ang kaniyang kakisigan. Nalunok ako dahil parang artista siya sa paningin ko. Siya si Patrick Garcia sa buhay ko noon.
Bumaba siya sa motor niya. Lumapit sa gate na kinatatayuan ko. Naamoy ko ang kaniyang pabango.
"Palit ka, magsimba tayo tapos punta tayo ng Mall. Dala ko naman ang motor ko, ikaw kung magmomotor ka din o angkas na lang tayo."
Natigilan ako. Sunday date ba ito? Naku, e bakit ako magdadala pa ng motor kung puwede naman kaming mag-angkas na lamang ng kahit sa mga preno lang niya maidampi ang katawan ko sa katawan niya.
"Sigurado ka? Sige sandali at paalam ako kay mama. Pasok ka muna habang magpapalit ako." Nangangatog at kinikilig kong sagot. Patago nga lang ang kilig. Mahirap ng mabuking sa pagiging alanganin no.
"Sige ba. Huwag kang magmadali tol, mahaba pa naman ang oras. Mahahabol pa natin yung huling mass sa umaga."
Nakailang palit na ako ng damit, nakailang harap na din ako sa salamin ngunit hindi talaga kayang pantayan ang kaniyang likas na guwapo ang kapangitan ko. Kung sana makinis ang mukha ko at kung sana man lang matangos ang ilong ko at maputi-puti ako ng kaunti, sana hindi naman ako nalayuan ng milya-milya ng crush ko. Nandiyang punuin ko ng polbo ang mukha ko, kagat-kagatin ang labi ko para mamula ngunit babalik lang uli ako sa banyo para maghilamos. Tuloy sa kahihilamos ay namula ang mukha ko. Sa tulad kong maitim, sabihin na nating lalo pang nangitim.
Nakailang palit na ako ng damit at pantalon. Nagkalat na sa kuwarto ko ang mga damit ko ngunit parang hindi kayang pantayan ng porma ko ang porma niya. Diyaskeng taba kasi ito, nagmukha pa akong pandak at suman na pumuputok.
"Kuya, naiinip na si Kuya Lando sa labas. Tagal mo daw. Mali daw yata pagkarinig mo sa take your time, hindi daw take your day!" natatawang biro sa akin ng kapatid ko.
Paglabas ko ay natatawa niya akong inalaska.
"Tol, sa simbahan lang tayo pupunta at mall. Hindi sa JS pero parang napakatagal naman yata ng pagpapalit mo. Tapos t-shirt lang pala at maong ang suot mo."
Sasagot pa sana ako pero hahaba lang ang pang-aalaska niya kaya niyaya ko na lamang na umalis na lamang kami.
Habang nagpapatakbo siya ng motor ay amoy ko ang pabango niya at nakatitig lang ako sa kaniyang maputing leeg. Parang napakasarap dampian ng halik. Kapag lumilingon siya ay napapahinga ako ng malalim kapag nakikita ko ang maputi at parang napakalambot niyang pisngi na binabagayan ng mamula mula niyang labi at sa taas naman no'n ay ang balahibong-pusa niyang bigote. Hirap talaga magmahal ng kaibigan. Di mo talaga masabi kung ano tunay mong nararamdaman.
Nang nasa simbahan na kami ay parang gusto kong sabunutan ang mga mga kaedad naming lingon ng lingon sa kaniya at pagsampal-sampalin ang mga baduday na wala ng ginawa kundi magbulungan pagkatapos nilang lingunin siya. Pero mamatay sila sa inggit dahil kasama ko ang lalaking hanggang pantasya lang nila. Kahit hindi ako maganda, pakiramdam ko ay napakaganda ko noon dahil katabi ko ang lalaking nililingon lang nila. Kasalanan na kung kasalanan ngunit nagustuhan ko ang part na kantahin ang ama namin dahil pagkakataon kong mahawakan ang kaniyang mga kamay. Patawarin ako ng Panginoon ngunit hindi sa dasal na iyon nakasentro ang utak ko kundi ang katotohanang magkahawak-kamay kami ng mahal ko. Sumunod na nagustuhan ko ay ang pagsabi ng peace be with you dahil pagkakataon iyon na titignan niya ako sa mata at ngingiti sa akin at kikindat sabay sabing "peace be with you!"
Nakakainis lang na kapag kasama mo sa Mall ay sobrang guwapo ay para kang anino lang na inaapak-apakan. Walang lilingon sa iyo, walang papansin. Noon ko naramdaman ang kaibahan ng guwapo sa matalino. Ang kagandahan ng pagiging maskuladong payat at maputi kaysa sa mataba na't maitim pa. Ang guwapo'y kaagad na nagugustuhan pagkatingin pa lamang. Ang matalino, hindi iyon nakikita ng taong hindi ka kilala at nakakasalubong mo lamang. Ang matipunong payat at maputi ay hot na hot dahil yummy na pagmasdan sa kahit anong suot na damit samantalang ang mataba at maitim ay hot dahil masakit sa matang titigan. Siya siya ay isang ulam na kahit tingin pa lamang ay masarap na ako naman ay sunog na ang pagkakaluto, nagmamantika't nakakaumay pa.
Kapag mag-CR kami at nakaharap ako sa salamin at alam kong magsasalamin din siya, agad akong iiwas dahil ayaw kong makita sa salamin ang agwat ng hitsura naming dalawa. Alam kong napapansin niya iyon dahil tinitignan niya ako sa tuwing tumatalikod ako. Kung kumakain kami at nakatitig siya sa akin ay ibinababa ko ang aking mukha na parang kinakahiya kong pagmasdan niya ako.
Unang pagkakataong tumibok ang aking puso. Unang pagkakataong bago ako matulog sa gabi ay si Lando ang pinapangarap ko at paggising ko sa umaga ay atat akong makasama siyang muli. Ganoon na ganoon ang mangyayari. Naging regular ang unang linggo iyon at ako, pag uwi ay sobrang saya ngunit kapalit naman niyon ay ang di maipaliwanag na paghihirap ng aking kalooban.
"Bakit ka ganiyan?" tanong niya sa akin ilang Linggo bago ang aming JS Prom.
"Anong bakit ako ganito?" pagmamaangmaangan ko.
"Pansin ko parang naalangan ka sa akin. Parang may kinakahiya ka?"
"Sus, kailangan ko pa bang sabihin naman iyon e lantaran namang nakikita."
"Hindi e. Maganda ang mga mata mo at hugis ng iyong labi. Ako nagsasabi sa iyo. Tignan mo iyong positive sa iyo at hindi iyong mga negative lang. Ayos din ang buhok mo at ang tangkad mo. Matalino ka Terence. Huwag kang masyadong conscious sa pisikal mong anyo tol."
Napatitig ako sa kaniya. Sa buong buhay ko maliban kay papa na sinasabing nakuha ko ang maganda niyang mata ay heto ang isang lalaking minahal ko ng lihim ang may nakikita na maganda sa akin.
Huminga ako ng malalim. "Hindi naman napapansin ang mga mata ko at labi dahil pinuno ng taghiyawat ang aking mukha at ang napakalapad kong ilong."
"Hindi ka dapat ganiyan mag-isip tol. Mali yan. Di ba nga matalino ka? Subukan mong isipin ang gusto kong ipakahulugan sa iyo."
Hindi na ako sumagot pa. Ngunit nagbigay iyon sa akin ng dahilan na tignan ang kabuuan ko. Magpasalamat sa kung anong meron ako. ang tinuran niyang iyon ang nagpalakas sa akin na gawin ang isang bagay nang gabi ng aming JS at nakitulog siya sa aming bahay. Isang pangyayaring siyang pinagsimulan ng lahat.