It has been five years since I left my home. At aaminin ko na hanggang ngayon ay hindi pa din ako nakaka-move on sa sakit na dulot ng lalaking iyon pero nagkaroon ako ng bagong dahilan para magpatuloy sa buhay.
Marami-rami na din naman ang nangyari sa loob ng limang taon na iyon.
Tuluyan na din akong nag-resign sa trabaho ko at nagdesisyon na pumunta sa isang lugar kung saan walang nakakakilala sa akin.
Sa tulong ni Ferry, napadpad ako sa isang lugar na alam kong hindi kailanman pupuntahan ni Enver kaya magiging tahimik ang panibagong buhay na gusto ko para sa sarili ko.
Nagtayo ako ng isang maliit na karinderya malapit sa isang factory ng mga candy at naging maganda naman ang naging kita ko dito dahil talagang nasa tamang pwesto din talaga ako.
Marami akong naging customer na nagtatrabaho sa factory at lahat sila ay naging mabait sa akin kaya naman habang tumatagal ay nagiging komportable na din ako sa pagbabagong nagaganap sa buhay ko.
Isa na doon si Mikea Reese, isang line leader sa factory.
Siya ang kauna-unahang customer ng karinderya ko at lagi siyang kumakain doon. Magkalapit din ang inuuwian namin at madalas ay sabay kaming umuwi tuwing gabi kaya naman naging malapit na kami sa isa’t-isa hanggang sa naging magkaibigan.
Pero noong nakaraang dalawang buwan lamang ay nag-resign na siya sa trabaho niya bilang line leader at lumipat sa mas malaking kumpanya bilang sekretarya.
Medyo hectic ang pasok niya dahil sa dami ng trabaho na pinapagawa sa kanya ng boss niya pero masaya niyang ginagawa ang lahat ng iyon dahil malaki din naman ang sinasahod niya doon.
At dahil sa kanyang sipag at tiyaga ay binigyan siya ng kanyang boss ng dalawang araw na bakasyon at naisipan niya iyong gamitin sa pagtambay dito sa karinderya ko.
“Hindi ba dapat ay ginagamit mo ang araw na ito para sa pahinga mo?” sabi ko sa kanya matapos kong ibigay ang order ng isang customer ko. “Bihira ka nga lang mabigyan ng day off kaya dapat ay sulitin mo ito.”
“Ate, madami mang trabaho ang pinapaasikaso sa akin ng boss ko pero hindi naman iyon ganoon kabigat kumpara sa trabaho ko sa pabrika,” sabi niya. “Kaya hindi ko naman talaga kailangan ng day off. Sadyang hindi lang talaga ako pinapasok ng boss ko dahil hindi din naman siya papasok at may pupuntahan daw siyang personal na lakad.”
Well, galing din naman ako noon sa pagtatrabaho sa isang opisina kaya masasabi kong hindi nga ganoon ka-demanding ang trabahong iyon. Isip at kamay ang madalas kumilos sa ganoong trabaho habang nakaupo kaya hindi na nga nakakapagtaka na ayaw matulog maghapon ng babaeng ito.
“Besides, mas gusto kong tumambay dito dahil bihira na lang tayong magkita,” dagdag niya. “Na-miss kita.” Kumapit pa siya sa braso ko habang nagpapa-cure sa akin. “Hindi mo ba ako na-missed?”
Tinitigan ko siya at natawa na lang ako dahil sa ginagawa niya. Pinitik ko ang noo niya kaya mabilis siyang bumitaw sa akin at hinimas ang noo.
“What was that for?” inis niyang tanong.
“Hindi ko alam kung saan mo natutunan iyang ganyang pagpapa-cute.” Oo na’t may pagkaisip-bata pa itong si Mikea pero hindi naman siya ganito sa akin noon kahit pa gaano kami ka-close.
Napanguso siya. “Nakita ko iyon sa mga officemates ko,” aniya. “Nagpapa-cute sila sa boss ko kapag gusto nilang mapansin nito.”
Tinaasan ko siya ng kilay. “At sinubukan mo sa akin?”
Tumango siya.
“At bakit?”
Lumapad ang ngiti niya sa akin. “Para pumayag ka na mamasyal tayo.”
Muli ko sana siyang pipitikin muli sa noo ngunit agad na siyang lumayo sa akin kaya bumuntong hininga ako. “Gustuhin man kitang samahan, alam mong hindi ko basta maiiwan itong karinderya ko.”
“Alam ko,” aniya. “Kaya nga mamayang gabi tayo aalis eh.”
Tinaasan ko siya ng kilay. “At saan naman tayo pupunta ng gabi?”
“Bukas na kasi iyong night market sa kabilang barangay at nakita ko sa social media na masarap daw ang mga pagkain doon,” kwento niya. “Kaya naisip kong dalhin ka doon. Malay mo, may maisip kang idagdag sa mga ulam na niluluto mo kapag nakatikim ka ng mga pagkain doon.”
May point siya. Makakatulong din sa akin kung titikim ako ng ibang luto at hindi lang ako nag-i-stick sa iilang putahe ng ulam na alam ko.
Hindi man sabihin ng mga customer ko, alam kong gusto din nilang makakin ng ibang ulam. Wala lang silang ibang choice dahil ako lang ang nagtitinda ng pagkain malapit sa factory na pinagtatrabahuhan nila.
“So?” Muli siyang lumapit sa akin at kumapit sa braso ko. “Sasamahan mo ako mamayang gabi?”
Napabuntong hininga na lang ako. Mukha namang kahit subukan kong tumanggi ay hindi ako titigilan ng babaeng ito kaya tumango na lang ako.
“Yes!” masaya niyang sabi. “Ako na ang pupunta sa bahay nyo para masabihan si Inday na gagabihin ka sa pag-uwi.”
Hindi na niya ako hinintay pang makasagot at agad na lamang tumakbo papunta sa direksyon kung nasaan ang apartment na inuupahan ko.
Matalino talaga ang babaeng iyon kahit kailan. Umalis agad siya para masiguro na hindi na magbabago ang isip ko at talagang sasamahan ko siya mamayang gabi sa paggagala niya.
Napailing na lang ako at ibinalik ang atensyon sa aking trabaho.
**********
Enver Andrius;
“Hindi ako makapaniwala na nakatiis akong manatiling kaibigan mo,” singhal sa akin ni Dash habang kanina pa siya pabalik-balik ng lakad sa harap ko. “Simple lang naman ang hinihiling ko para sa araw na ito, tutal ay pinag-day off mo naman si Mikea.”
“Just get lost, Dash,” taboy ko sa kanya. “Marami pa akong trabaho na aasikasuhin. At pinag-day off ko si Mikea, hindi para makapagpahinga ako kundi para walang istorbo sa pagtatrabaho ko.”
“Aish!” Tumigil siya sa paglalakad sa mismong harap ng table ko at inis na ginulo ang kanyang buhok. “Bahala ka sa gusto mong gawin ngayon pero sinasabi ko sayo, babalik ako dito mamayang gabi at sasama ka sa akin sa pupuntahan ko, sa ayaw at sa gusto mo!”
At para masigurong hindi ako makakatanggi ay agad na siyang umalis sa harap ko at lumabas sa opisina ko na ikinailing ko na lang.
Masyadong isip-bata ang isang iyon pero kahit ganoon ay nanatili siyang nasa tabi ko kahit noong mga panahong lugmok ako sa lupa.
Napatingin ako sa calendaryo na nasa ibabaw ng mesa ko at napabuntong hininga na lang nang makita kung ano ang petsa ngayon.
Limang taon na din pala ang nakakaraan.
Pero parang kahapon lang dahil sariwa pa sa akin ang sakit ng pag-alis niya nang hindi man lang nagpapaalam sa akin.
Dahil sa isang pagkakamali na hindi ko naman sinasadya ay nasira ang relasyon na ilang taon ko ding iningatan. At wala naman akong ibang masisisi kundi ang sarili ko lamang dahil hinayaan kong mahulog ako sa bitag ng sarili kong ama.
Kung sana ay kinausap ko na lang si Milan, ang aking asawa, at ipinaliwanag sa kanya ang lahat. Sana ay sa akin niya mismo nalaman ang lahat nang sa gayon ay naliwanagan siya na hindi ko ginusto ang mga nangyari.
Simpleng komunikasyon lang naman ang solusyon pero hindi ko ginawa dahil ako mismo ay nagkulang ng pagtitiwala sa aking asawa.
Pero ano pa nga ba ang magagawa ng pagsisisi ko?
Iniwan na niya ako ng tuluyan at kahit saang sulok ko siya hanapin ay hindi ko magawa dahil mismong kaibigan niya ang humaharang sa akin.
Kaya wala akong ibang nagawa kundi ang magpatuloy na lamang sa buhay habang naghihintay ang pagkakataon na muli kaming magkikita.
Wala mang kasiguraduhan ngunit ayaw kong mawalan ng pag-asa dahil naniniwala akong kami pa din ang nakatadhana sa isa’t-isa.