Prologue
Susugal ka pa ba sa pangatlong pagkakataon na walang kasiguraduhan?
Sa buong buhay ko, dalawang beses pa lang akong nagmahal at dalawang beses na rin akong nabigo. Sa unang pagkawasak ng aking puso ay natuto ako ngunit sinubukang muling buksan ito. Dahil ganon ang buhay, kailangang bumangon at sumubok muli. Pero sa ikalawang beses, mali pala ang napili ko dahil binalewala ko ang taong alam kong magmamahal sa akin ng totoo at napunta ako sa taong lolokohin lsasayangin lamang ang atensyon at pagmamahal na ibibigay ko.
Naiinis ako sa parteng iyon ng aking desisyon. Maling babae ang napili ko. Paano ba naman kasi, hindi ko rin talaga alam at hindi ko rin talaga inakala na siya ang babaeng nagbibigay saya sa akin sa mga simpleng bagay na iyon. Bakit hindi man lang niya sinabi kaagad? Bakit hindi man lang niya pinaalam sa akin? Bakit hindi ko man lang nalaman?
Narito ako ngayon sa San Lorenzo Medical Center at tinititigan ko lamang ang pangalan niya sa kanyang Curriculum Vitae. Papeles ng isang taong akala ko hindi ko hahanapin at mamahalin. Isang taong binigo ko noon at hindi ko pinili dahil pinanindigan ko ang bulok kong rason, na hindi kami maaari dahil sa edad namin. Nagsisisi ako dahil sa paniniwala kong iyon. Nagsisisi ako dahil mas pinaniwalaan ko ang walang kwenta kong rason dahil doon, nagbago ang lahat.
Ngayon, nagbabalik siya ngunit hindi ko alam kung para sa akin ba o dahil sa pangarap niya. Hindi ko alam kung intensyon niya ba ang maging parte ng pagamutang ito o may iba siyang pakay. Umaasa ako. Umaasa ang puso ko na sana, isa ako sa mga rason kung bakit niya binalak ang mapabilang sa San Lorenzo Medical Center.
Base sa papeles niya, isa na siyang ganap na Registered Nurse at nag aapply dito sa San Lorenzo Medical Center. Tapos na ang proseso ng kanyang application at bilang siya ay nakapasa, inilagay siya sa Pediatric Department at dahil ako ang head nurse doon ay sa akin ibinigay ang responsibilidad para sa bagong empleyado.
“Good morning Nurse,” bati niya nang makapasok sa loob ng room.
Nag iba ang kanyang ayos at ang kanyang itsura. Mas naging mature siyang tingnan. Kaya naman napatitig ako sa kanya ng ilang segundo.
“Magandang umaga po,” pag uulit niya saka pinatunog ang kanyang daliri dahilan para magbalik ako sa katinuan.
Hindi ko mawari ang nararamdaman ko ngayon. Masaya akong makita siyang muli. Masaya akong nagbabalik ang taong nasaktan ko ngunit may kaba sa dibdib ko dahil baka hindi na kami maaari. Baka nag iba na siya ng nararamdaman. Umaasa ako. Umaasa ang puso ko na sana ay okay pa. Na sana ay maaari pa. Dahil kung pwede pa, wala na akong sasayangin na panahon para sa kanya.
Susugal akong muli sa ngalan ng pag ibig. Susugal akong muli kahit walang kasiguraduhan. Susugal akong muli para sa taong binalewala ko noon at susugal akong muli para sa taong ninanais kong makasama habang buhay.
Sa puntong ito, ako naman ang maghahabol sa kanya. Ako naman ang magbibigay ng effort sa kanya. Ako naman ang magpaparamdam sa kanya sa lahat ng kanyang ipinadama. Para sa taong mahal ko, lahat ay gagawin ko.
Dito sa San Lorenzo Medical Center ko siya unang nakita. Sa Pediatric department unang nakilala, at sinisiguro kong, sa muli naming pagkikita, magiging saksi muli ang pagamutang ito sa aming sisimulang pagmamahalan mula sa hindi magandang samahan sa nakaraan.
Sana.