AUCTION: Chapter Four

1782 Words
DINALA si Ruth ni Cecilla sa isang silid kung saan sinabi nito na maghahanda siya para sa gaganaping auction mamayang gabi—siya bilang item. Katatapos lang nilang mag-usap ni Mr. Black at nakapirma na siya sa kontrata nila. Nakalagay doon na ang kapalit sa pag-atras niya sa naturang Human Auction ay kanyang kamatayan. Pumirma na siya, tutal ay buhok lang ang mawawala sa kanya. Wala siyang sakit na mararamdaman. Sa ngayon ay wala na siyang pakialam kung hindi siya magkakaroon ng milyones sa auction na ito katulad ng kaibigan niyang si Cheska. Hindi niya kasi nagustuhan ang kalakaran nina Mr. Black. Labis ang kilabot niya nang mapanood niya ang video na pinanood nito kanina. Nakakadiri. Hindi masyadong makatao. At sa tingin niya ay hindi niya kayang gawin iyon. Ayaw pa naman niyang mamatay kaya hindi na lang siya umatras. Mukhang hindi kasi nagbibiro si Mr. Black na papatayin siya kapag umatras pa siya. Kaya umisip siya ng parte ng katawan niya na kapag inalis sa kanya ay hindi siya masasaktan—at ang buhok niya iyon. Lihim pa nga siyang napangiti kanina nang maisip iyon. Pakiramdam niya kasi ay naisahan niya si Mr. Black. Hiling na lang niya ay may tangang tao na mag-bi-bid ng malaki-laking halaga para sulit naman kung sakaling makalbo siya. “This is your room habang hinihintay natin ang event tonight. May pagkain sa refrigerator, pwedeng kang kumain,” ani Cecilla sa kanya. Naglakad ito papunta sa kulay asul na pintuan sa silid na iyon. “Ito naman ang comfort room. At ang bed naman, of course, you can use that kaya nga nakalagay siya diyan.” Tumango-tango lang siya habang nagsasalita si Cecilla. “And don’t forget na ten o’clock in the evening ang auction. Before that time dapat ay ready ka na. May underwears sa closet. Mamili ka ng kung anong kakasya sa iyo.” Nanlaki ang mga mata ni Ruth sa sinabing iyon ng secretary ni Mr. Black. “`Wag mong sabihing…” Ibinitin niya ang sasabihin. Ngumiti si Cecilla sabay tango. Nasapo niya tuloy ang kanyang noo. “Haharap ako sa maraming tao na panty at bra lang ang suot?” “Yes. Kasama iyon sa contract na pinirmahan mo kanina. Masyado ka yatang nagmamadali sa pagbabasa kaya hindi mo napansin. Iiwan na kita for now. Babalikan na lang kita before ten, okey?” at umalis na nga ito. Isinara niya ang pintuan at bumuga ng hangin. Hindi niya mawari pero hindi niya maiwasan ang hindi kabahan. Nagpunta siya sa kama at ibinagsak ang sarili doon. `Wag kang kabahan, Ruth… Buhok lang ang mawawala sa’yo. Buhok lang, kumbinsi niya sa kanyang sarili. Bumangon siya at nilapitan ang ref. Namangha siya nang buksan iyon dahil punung-puno iyon ng samu’t saring pagkain. Juices, softdrinks, prutas, cake, brownies, cupcakes at kung nau-ano pa na hindi na niya alam ang tawag. Lahat ay mukhang masasarap. Kumuha siya ng isang cupcake at dinilaan ang chocolate icing niyon sa ibabaw. Napangiti siya sa sarap ngunit agad din na napalis ang ngiting iyon. Naalala niya kasi ang kanyang Nanay Rita at si Tonton. Hindi pa kasi nakakakain ang mga ito ng ganoong uri ng pagkain. Masyado kasing mahal kaya hindi sila makabili. Tama na sila sa mumurahing tinapay sa bakery malapit sa kanila. Bumuntung-hininga si Ruth at muling ibinalik ang cupcake sa refrigerator. Hindi niya kayang kumain ng masarap nang hindi kasama ang kanyang pamilya. Kumuha na lang siya ng bottled water at isinara ang ref. Umupo siya sa gilid ng kama at ininom ang tubig. Nang maubos iyon ay muli siyang nag-isip. Tinantiya niya na kung may bibili ng buhok niya ay hindi siguro iyon lalagpas ng isang milyon. Sinabi kasi ni Mr. Black na ang mga bidder sa Human Auction ay mga mayayamang nakakakuha ng pleasure sa pagkain ng tao. Wala naman sigurong tao ang kakain ng buhok. Kung meron man, hindi lahat. Maaaring isa lang. Eh, paano kung ang unang bid ang fifty thousand lang tapos wala nang mag-bid ng mas mataas? Siguro kung ang atay, mata, kamay, paa o tenga niya ang kanyang ibebenta baka matulad pa siya kay Cheska na milyonarya na ngayon! ANG mga mahihinang katok sa pintuan ang gumising kay Ruth. Pupungas-pungas na bumangon siya at binuksan ang pinto. “Ruth! Bakit hindi ka pa nakabihis?” tanong ni Cecilla. “Ah!” ang tanging nasabi na lang niya. Nawala kasi sa isip niya na ngayon na pala ang Human Auction nang makatulog siya. “Ano pang tinutunganga mo diya? Magpalit ka na!” “Oo!” Natataranta na isinara niya ulit ang pinto at kumuha ng underwear sa closet. Isang kulay black na bra at panty ang kanyang napili. Sa unang tingin pa lang ni Ruth ay alam niyang kasya iyon sa kanya. Dahil nagmamadali ay hindi na siya nagpunta sa banyo upang doon magpalit. Naghubad na siya doon at nagmamadali na isinuot ang napiling panloob. Mabuti na lang ay pantay ang kulay ng kanyang balat kaya hindi nakakahiyang ibalandra niya ang kanyang katawan sa maraming tao. Nahihiya siya dahil hindi siya sanay na may makakita sa kanya sa ganoong kasuotan. Bago lumabas ay nagdasal muna si Ruth. Hindi pa siya natatapos sa pagdadasal nang walang paalam na pumasok si Cecilla. Medyo may inis na sa mukha nito. “Ang tagal mo! Hindi gusto ng mga bidder ang naghihintay. Isuot mo ito sa mata mo,” sabay abot nito ng kulay itim na panyo. Inabot ni Ruth ang panyo. Alam na niya ang gagawin. Ipiniring niya iyon sa kanyang mata. Hinawakan siya ni Cecilla sa braso upang alalayan siya papunta sa isang lugar na hindi niya alam. NAGLAKAD, bumaba sa hagdan, naglakad ulit at umakyat ulit sa ilang baitang ng hagdan. May ikinabit na bakal sa kanyang leeg at dalawang kamay. Matapos iyon ay tinanggal na ang piring sa kanyang mata. Doon niya nalaman kung nasaan siya. Nakakulong siya sa isang malaking hawla habang may nakakabit na kadena sa kanyang leeg at dalawang kamay. Sa harapan niya ay napakaraming tao na nakasuot ng magagandang kasuotan. Hindi na nagulat si Ruth dahil inaasahan na niya ito. Nakita niyang pumanhik na sa entabladong kinaroroonan niya si Mr. Black habang tangan ang isang mikropono. Tulad kanina ay suot pa rin nito ang maskara nito. Magiging okey lang ang lahat… Ang kailangan ko lang ay mag-relax. Malalampasan ko din ito, ani Ruth sa kanyang sarili upang alisin ang kaba sa kanyang dibdib. “Good evening everyone. `Andito na naman tayo sa gabing hinihintay nating lahat. Alam kong ang bwat isa sa inyo ay excited na pero bago tayo mag-proceed sa ating Human Auction ay hayaan niyo munang ipakilala ko sa inyo ang item.” Nangnag-umpisa nang magsalita si Mr. Black ay tumahimik na ang mga tao sa harapan nila at matamang nakinig dito. “Ang item natin for tonight ay si Ruth Rodriguez. Twenty-three years old. Healthy at walang naging sakit sa nakalipas na isang buwan. At ang ibebenta niya ngayon ay very interesting and unusual. Ang parte ng katawan na ibebenta ni Miss Ruth Rodriguez ay ang kanyang… buhok!” Walang nakitang reaksiyon si Ruth sa mga tao. O meron talaga pero hindi lang niya nakita dahil sa mga suot nitong maskara. “Okey, let’s start out Human Auction. How much is our first bid?” muling pagsasalita ni Mr. Black. Isang lalaking nakasuot ng amerikana ang nagtaas ng kamay. “One million pesos!” Napamulagat si Ruth. Higit pa sa inaasahan niyang bid ang naging unang bid. Marahil ay wala nang susunod na magbi-bid. Buhok lang naman kasi ang binebenta niya. “Good start!” komento ni Mr. Black. “Going once... Going—“ “Three point six million pesos!” bid pa ng isang lalaki. “Four million pesos!” ani naman ng isang babae. Natahimik ang lahat. Nalula si Ruth si laki ng halaga ng huling bid. Apat na milyong piso para sa buhok niya? Nababaliw na ba ang mga taong ito? bulong pa niya. “Going once… Going twice… Sold!” Pumalakpak si Mr. Black habang unti-unting tumitingin sa kanya. Namatay ang ilaw at nilukob ng kadiliman ang buong paligid. Pinakiramdaman ni Ruth ang paligid. Hanggang sa may maramdaman siyang tumurok sa kanyang braso. Napapitlag siya at ilang sandali lang ay nakaramdam siya ng panghihina at pagkaantok. Hanggang sa tuluyan na siyang bumagsak sa sahig ng walang malay-tao. NANG magising si Ruth ay nasa isang hindi pamilyar na silid na siya. Bumangon siya at nagsawa ang kanyang mata sa pagmamasid kung gaano karangya ang silid na kinaroroonan niya. Napakalaki ng kama kung nasaan siya. Kasya siguro ang sampung tao doon. Bahagya pa siyang nagulat nang isang babae ang pumasok sa loob ng silid. Sa tindigan nito ay nahinuha niya na ito ang nakabili sa kanyang buhok. “Gising ka na pala…” ani ng babae. “Ako nga pala si Mrs. dela Merced, thirty years old. Ako ang nakabili sa buhok mo.” Medyo mataray ang boses nito kaya nakaramdam si Ruth ng pagkailang sa naturang babae. “Ganoon po ba? Sige po, k-kunin niyo na ang buhok ko…” ani Ruth. “Pasensiya na pero hindi ako ang kukuha ng buhok mo.” “Ha? Sino? Kayo ang nakabili sa akin, `di ba?” “Tama ka. Ako nga. Pero binili kita hindi para sa akin but para sa anak kong si Cruzita…” Hinawakan ni Mrs. dela Merced ang buhok nitong hanggang balikat. Hinila at natanggal iyon. Napamaang si Ruth nang makita niyang kalbo pala ito at peluka lang ang buhok na meron ito. “Si Cruzita ang dahilan kung bakit ako kalbo. At ganito rin ang gagawin niya sa’yo… She loves hair so much!” sabay ngiti nito. “A-anong ibig niyong sabihin?” Hindi ito sumagot. Bagkus ay naglakad ito papunta sa drawer. Isang kahon ang kinuha nito mula doon at umupo sa gilid ng kama. Ngumiti ito sa kanya nang hawakan nito ang kanyang kamay. Tinitigan siya ni Mrs. dela Merced kaya naman hindi niya napansin ang bagay na inilabas nito sa kahon. Nagulat na lamang siya nang lagyan nito ng posas ang isa niyang kamay at ikinabit iyon sa bakal na headboard ng kama. “Anong ginagawa niyo?” kinakabahang tanong niya. Umikot si Mrs. dela Merced sa kabilang panig ng kama at ang isang kamay naman niya ang ipinosas nito sa kama. “Ano ba? Pakawalan niyo ako!” sigaw na ni Ruth. “Hindi kita papakawalan. Diyan ka lang at tatawagin ko na si Cruzita!” at nakakatakot na humalakhak si Mrs. dela Merced bago siya nito iwanan sa marangyang silid na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD