“Handa na ba ang lahat ng gamit at mga kailangan mo?” Nagsisigurado na tanong sa akin ni Daddy. Nakapameywang pa siya ng magtanong sa akin.
“Yes dad, nandito na po lahat.” Kasalukuyan kami na nakatingin sa trunk ng aking sasakyan kung saan nakalagay ang aking mga maleta at ilang bag na naglalaman ng aking mga gamit. Madami akong damit na dala para hindi ko na kailangan bumili sa Adira. Ang iba naman ay mga pabaon sa akin ni Mommy.
Mabilis na natapos ang buwan kaya ngayon na ang araw kung kailan ako pupunta sa Adira district. Sasamahan ako ni Daddy upang tumulong sa paglipat ng aking mga gamit. May importanteng meeting si Mommy kaya hindi siya makakasama sa amin. Kung wala lang akong dala ay hindi ko na din sana isasama si Daddy para may kasama si Mommy sa bahay.
“Mom, aalis na po kami.” Malungkot na paalam ko kay Mommy. Malungkot siyang nakatanaw sa akin.
“Mag-ingat ka doon anak.” Niyakap niya ako at tinapik pa sa likod. Dama ko ang kanyang pangungulila. Madalas ay ganito si Mommy kapag umaalis ako ng bahay.
“Ikaw na ang bahala sa mga gamit ng anak mo.” Bilin pa nito kay Daddy bago siya halikan nito.
“Oo naman.” Kumaway na si Daddy sa asawa at nauna ng sumakay sa kotse. Sa driver seat siya umupo dahil hindi pumayag si Dad na hindi ako ipagmaneho.
“Huwag mo pabayaan ang sarili mo doon huh.”
“Syempre naman po Mom.” Malapad ang ngiti na sagot ko sa kanya para hindi ipahalata na nalulungkot din ako. Malayo ang Adira at hindi gaya kung saan ang apartment ko noon kaya tiyak na matagal bago ako makakabalik ulit dito sa bahay.
“Kung wala lang akong trabaho ngayon.” Ipinitik pa nito ang kanyang daliri at halata sa kanyang mukha ang paghihinayang.
“Pwede naman kayo bumisita sa akin ni Daddy kapag libre na kayo parehas.”
“Hay sige na at baka naiinip na ang daddy mo.” Muli akong yumakap kay Mommy at kumaway pa bago sumakay sa passenger seat ng sasakyan. Tama nga si Mommy dahil naiinip na si Daddy.
“Let’s go.” Agad na pinaandar ni Dad ang sasakyan upang makaalis na kami. Dalawang beses din kaming tumigil sa byahe upang kumain at saglit na magpahinga si Dad sa pagmamaneho. Ayaw din kasi pumayag na palitan ko siya kaya ipinilit ko na lang na tumigil muna kami.
May kalayuan din talaga ang Adira kaya nga hindi masyadong makabago ang paraan ng pamumuhay sa lugar. Sanay naman ako sa ganoong buhay dahil ilang taon din akong namalagi doon nung bata pa ako para samahan si Lola.
“Anak nandito na tayo.” Bahagyang tinapik ni Daddy ang aking balikat upang gisingin ako. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako sa byahe.
“Hindi na kita ginising kanina para makapagpahinga ka at maraming gagawin mamaya.”
Nauna nang bumaba si Dad ng kotse at binuksan muna ang gate upang maipasok ang mga gamit. Sumunod na din ako at binuksan na ang trunk upang mailabas ang mga bag na kaya kong dalhin. Ipinasok na muna namin ang mga gamit sa bahay at saglit na nagpahinga.
“Iha kaya mo ba mag-isa na mag-ayos ng craft store?” Kasalukuyan umiinom ng tubig si Dad.
“Oo naman Dad, hindi naman nagmamadali ang craft store para sa muling pagbubukas nito.”
Ang totoo ay hindi ko pa din na-finalize kung anong interior design ang gusto kong gawin para sa tindahan. Isa pa ay mas gusto ko na mag-isa akong maglinis doon para ayusin ang lahat ng gamit doon kung saan ko sila dapat ilagay.
“Halika na para makapagsimula ka na doon.” Anyaya sa akin ni Daddy nang makapagpahinga na siya.
“Sigurado ka ba na okay ka na?”
“Oo naman ako pa ba?” Nakangiting sagot niya sa akin. Ngumiti na lang din ako at kinuha na ang aking bag at lumabas na ng bahay.
May sariling bahay din si Lola sa Adira. Matagal na din na walang nakatira sa bahay kaya ako na din ang titira ngayon dito. Marami talaga akong gagawin dahil dalawang lugar ang kailangan kong linisin. Uunahin ko muna ang craft store at kapag nakauwi na ako sa bahay ay saka naman ako maglilinis dito.
Saktong pagsakay ni Dad sa kotse nang tumunog ang kanyang cellphone bilang hudyat na may tumatawag sa kanya.
“Oh hon bakit ka napatawag?” Agad na tanong niya sa kausap.
“Hindi agad ako makakauwi ngayon sa bahay eh.” Narinig kong sagot ni Mom sa kabilang linya.
“Ganun ba. Sige uuwi na din ako agad.” May mga importanteng gamit sila sa bahay kaya hangga’t maaari ay hindi nila iniiwan ng walang tao ang bahay.
“Pakisabi kay Thalessa miss ko na agad siya.” Napangiti ako nang marinig ang sinabi ni Mommy. Akala mo ay hindi na ako magbabakasyon sa bahay nila.
“Narinig na ng anak mo heto at nakangiti sa tabi ko.” Natatawa na balita sa kanya ni Dad.
“Oh sige na papasok na ulit ako sa meeting area.” Paalam sa kanya nito.
“Sige pauwi na din ako.”
“Mag-ingat ka sa byahe.”
“Ikaw din.” Pagkasabi nun ay pinatay na ni Daddy ang kanyang telepono.
Tinanggal na ni dad ang kanyang seatbelt kaya bumaba na din ako para magpalit kaming dalawa. Ihahatid ko siya sa terminal para makasakay agad siya pabalik sa bahay saka ako pupunta ng craft store.
Malapit lang ang terminal sa mismong bahay ni Lola kaya saglit lang ay nakarating din agad kami. Mabuti na lang at walang iba si Dad kaya hindi siya mahihirapan sa kanyang byahe. Sakto naman at maraming bus ang nasa terminal ngayon dahil maaga pa.
“Hindi na kita matutulungan maglinis sa tindahan.” Iyon agad ang sinabi ni Daddy nang makababa siya sa kotse.
“Ayos lang Dad kaya ko naman na iyon.” Binuksan ko ang wallet upang abutan siya ng pera pamasahe.
“Huwag na anak dahil may pera pa naman ako dito.” Pagpigil niya sa aking kamay na may hawak sa pera.
“Baka magutom ka pang meryenda mo.” Pilit kong inaabot sa kanya ang pera pero hindi niya talaga iyon tinanggap.
“Kailangan mo yan sa pagbubukas ng tindahan kaya huwag mo na ako isipin.” Kahit kailan talaga ay hindi nito kinuha ang pera na binigay ko. Ang dahilan kasi nilang mag-asawa ay may kita pa naman sila sa kanilang mga trabaho kaya hindi din ako nagpapadala ng pera sa kanila maliban na lang kapag kailangan talaga.
Gumawa ako ng sarili nilang bank account para doon ko ilagay ang pera na hindi nila tinatanggap. Batid ko kasi na habangbuhay ay hindi kami magkakasama. Masyadong mapagbiro ang tadhana kaya hindi ko alam kung hanggang kailan nila ako makakasama. Kung sakali ay may pera akong maiiwan sa kanilang dalawa.
“Mag-ingat ka sa byahe Dad.” Iyon na lang ang aking sinabi ng sumenyas ang konduktor upang sumakay na siya sa bus.
“Ikaw din at lagi mong isasarado ang bahay saka tindahan para hindi ka pasukin.” Hinawakan pa nito ang aking ulo at bahagyang ginulo ang aking buhok. Tumango lang ako bilang sagot sa kanya. Hindi na din siya nagtagal at agad ng sumakay sa bus. Nang makaalis sila ay saka lang ako sumakay sa kotse at nagmaneho papunta sa craft store.
Malayo pa ako sa sentro ng Adira District pero nararamdaman ko na agad ang buhay sa tabing dagat. Maraming tindahan ang nakabukas dahil tanghali na din. Agad akong naghanap ng lugar kung saan ko pwedeng iparada ang aking sasakyan. Buhangin kasi ang lalakaran sa sentro ng Adira kaya walang parking lot doon.
Nakahanap din ako agad ng pwesto dahil may nagbabantay naman pala sa parking lot. Inayos ko muna ang aking mga gamit sa sasakyan. Lahat ng barya ay nilagay ko sa safe area at maging ang ilang importanteng gamit upang walang masilip sa loob ng sasakyan.
Nang masigurong maayos na ang aking mga gamit ay bumaba na ako ng sasakyan dala ang aking bag. Nagbigay na din ako ng tip sa batang lalaki na siyang nagbabantay sa parking lot.
Agad na sumalubong sa akin ang sariwang hangin kung saan maaamoy mo din ang bahagyang langsa ng mga sariwang isda na nahuhuli sa dagat ng Adira. Masarap sa pakiramdam dahil ngayon ko lang ulit ito naramdaman simula ng umalis ako sa lugar.
Marahan akong naglakad upang maging pamilyar muli sa lugar dahil marami na din ang nadagdag na establisyimento. Para akong dumadaan sa malaking tiangge dahil sa iba’t-ibang produkto na ipinagmamalaki ng Adira.
Sa bandang unahan makikita ang mga magagandang damit na kanilang binebenta. Pwede sa lahat ang mga damit dahil sa iba’t-ibang sukat nito. Karamihan sa kanila ay mga t-shirt kung saan may nakasulat na Adira at ilang importanteng bagay sa lugar.
Ang sunod naman ay ang mga souvenir stores kung saan makikita ang iba’t-ibang produkto na galing mismo sa Adira o ginagawa mismo ng mga mamamayan ng lugar. May pambata hanggang matanda para sa mga turista na pumupunta sa lugar.
Syempre hindi mawawala ang mga resto na may masarap na pagkain. Mga lutong pagkain na mula sa mga sariwang isda na nahuhuli sa karagatan ng Adira. May mga lutong seafoods na tiyak magpapatakam sa sikmura ng mga turistang bumisita sa lugar.
Idagdag pa ang mga live cooking ng iba’t-ibang store na tiyak mapapalingon ka dahil sa kanilang mga tricks na pinapakita. Malayo pa lang ako ay maaamoy na ang masasarap na putahe ng kanilang mga niluluto. Tuluyan na akong nagutom dahil sa aking nakita at naamoy kaya naman pumasok na ako sa isang resto upang kumain.
Lahat ng miss kong pagkain ay inorder ko upang muling tikman. Pakiramdam ko tuloy ay bumalik ako sa aking pagkabata kung saan ay maaari akong kumain ng marami at tila hindi nagsasawa. Nang mabusog sa aking mga inorder ay nagpahinga lang ako saglit habang pinagmamasdan ang ilang turista na naglalakad.
Hindi na ako makapaghintay na muling buksan ang craft store. Sisiguraduhin ko kay Lola na mapapalakad ko ng ayos ang kanyang tindahan. Gagawin ko ang lahat upang muling buhayin ang magagandang bagay sa tindahan. Mamahalin at aalagaan ko ito gaya ng ginawa niya.
Marahan akong naglalakad habang nagsasawa ang aking mata sa pagtingin ng ilang bagong tindahan na malapit sa aming craft store. Ngayon ko lang napansin na ang dating sari-sari store ay isa na ngayong malaking grocery store. Sa tingin ko ay nagbago na din ang pamumuhay ng mga mamamayan sa lugar at hindi na gaya dati na masyadong makaluma.
May salon, gadget shop, pharmacy na mas malaki sa dati, hospital, palaruan at ilang mahahalagang establisyemento na ang mayroon sa buong Adira District. Napatigilako sa paglalakad nang matanaw ang malaking kulay asul na gate ng aming craft store. Mataman kong pinagmasdan ang kabuuan ng tindahan.
Bakas sa hitsura nito ang kalumaan at halatang pinagdaanan na ng matagal na panahon. Bakbak ang ilang bahagi ng pintura sa labas ng tindahan. May ilang matataas na d**o na din ang nasa paligid. Binuksan ko na ang malaking gate na medyo kinakalawang na ang ibang bahagi.
Nang makapasok sa loob ng tindahan ay agad sumalubong sa akin ang alikabok na matagal nanatili sa lugar. Bahagya pa akong napabahing dahil doon. Binuksan ko muna ang switch ng ilaw bago ko sinara ang pintuan ng tindahan. Pinagmasdan ko ang kabuuan ng tindahan. Wala na sa ayos ang ibang gamit na nandoon. Mayroon sa sahig at ang iba ay nagkalat sa estante kung saan sila dapat nakalagay.
Ibinaba ko muna ang aking bag na dala at nagsimulang pulutin ang mga bagay na nasa sahig. Maingat ko silang inilagay sa mga estatante kung saan sila dapat nakalagay. Dahil sa dami ng kinain ko kanina kaya tinatamad akong kumilos. Umupo muna ako saglit sa counter area upang muling pagmasdan ang tindahan.
Hindi lang pala mga kalat na gamit ang kailangan kong ayusin dahil maging ang ibang bahagi ng tindahan ay may mga c***k na at may ilang mantsa na sa pader. Maging ang ilang decoration sa lugar ay wala na din sa kanilang mga linya. Tiyak na mapapagod ako sa mga kailangan kong gawin. Pakiramdam ko tuloy ay pagod na agad ako kahit tinitignan ko pa lang ang aking mga gagawin. Gayunpaman ay buo ang aking loob na magagawa ang lahat ng iyon para sa pinakamamahal na craft store.
“Tila kulang ang pahinga ko.” Napangiti na lang ako sa naisip saka nagdesisyon na bumalik sa bahay.
Nag-aagaw pa ang dilim at liwanag ngunit maririnig na ang balita sa buong distrito ng Adira. Halos kalahati sa mga nakatira doon ay may alam na tungkol sa trahedyang nangyari kagabi. Hindi na bago sa kanila ang tungkol sa misteryong pagkawala ng mga taong naglalayag sa kalagitnaan ng karagatan. Gayunpaman, tila may mahika na bumabalot sa buong lugar kung saan makakalimutan nila ang tungkol sa malagim na trahedya.
Ilang dekada na ang nkalipas at walang nagbabago sa ganoong set-up. Patuloy pa rin na may nagtutungo sa gitnang bahagi ng dagat. Walang nakakaalam sa maaaring mangyari sa kanilang mga buhay pagsapit ng alas-dose ng gabi.
“May problema ba Sereia?” Makikita ang pag-aalala sa mukha ni Queen Nereida. Hinawakan pa nito ang mukha ng kanyang anak upang siguraduhin na maayos nga ang pakiramdam nito.
“Wala naman po Ina, medyo masakit lamang ang aking ulo.”
“Kung ganun ay magpahinga ka na lamang ulit.”
“Sige po mahal na reyna.” Hindi na nito hinintay ang magiging sagot ng reyna at agad ng iniwan ang kausap.
Hindi ko na matandaan kung gaano katagal ng ganito ang aking pakiramdam. Hindi ko na maatim ang ginagawa ng aming lahi. Mas nanaisin ko pa ang gumawa ng dahilan upang hindi ako makasama sa tuwing nangongolekta sila. Pakiramdam ko ay mas lalong sumasakit ang aking ulo kapag nakikita ang mga tao na walang kalaban-laban at unti-unting nawawalan ng buhay.
Simula ng magkaroon ako ng malay ay ganito na ang aming gawain. Hindi ko maintindihan ang sarili kung bakit hindi ito ang tungkulin na gusto kong gawin. Malakas ang pakiramdam ko na magiging mabuting kaibigan ang mga tao ngunit sigurado akong hindi ko kayang gawin ang bagay na iyon. Kami ang dahilan kung bakit patuloy na may nawawalang tao sa gitna ng karagatan. Paano ko maaatim na maging kaibigan sila kung sa huli ay kikitilin lang din namin ang kanilang mga buhay.
Umupo ako sa malaking bato kung saan ako madalas magpahinga. Tahimik kong pinagmamasdan ang aking mga kaibigan. HIndi ko maintindihan kung bakit tila ako lamang ang may ganitong pag-iisip samantalang matagal na panahon na kaming magkakasama.
Idagdag pa na may mahigpit na bilin ang mahal na reyna sa aming lahat na kanyang nasasakupan. Wala kahit isang sirena ang maaaring kumalas at magrebelde sa aming layunin. Magkakaroon ng karampatang parusa ang sinuman na magnais lumabag sa pinakaimportanteng utos ng aming lahi.
Napahawak ako sa aking ulo dahil pakiramdam ko ay mas lalo itong sumakit. Naguguluhan na ako sa aking sarili. Alam kong darating ang panahon na magiging pinuno ako ng aming lahi ngunit sigurado akong matagal pa bago iyon mangyari. Hindi kami imortal ngunit matagal na panahon kaming nabubuhay. Idagdag pa na may enerhiya kami na nagmumula sa mga tao.
“Ang tagal ko ng hindi nakakapunta sa mundo ng mga tao.”
Napailing ako dahil sa aking naisip. Hindi ko akalain na nakikinabang din ako sa enerhiya ng mga tao. Kailangan ko iyon upang magkaroon ako ng mga paa na magagamit ko sa tuwing nagpupunta sa distrito ng Adira. Nagpupunta ako doon pagkatapos namin mangolekta ng enerhiya upang balutin ng mahika ang mga tao at makalimutan nila ang tungkol sa lumubog na barkong naglayag sa karagatan.
Mabuti na lamang at masama ang aking pakiramdam kaya hindi ako ang inatasan na magtungo sa Adira ngayon. Habang tumatagal ay mas sumisidhi sa aking puso ang pagnanais kong sumuway sa aming tungkulin. Tinignan ko ang aking mga palad at tila nandidiri ako sa aking sarili.
“Ano ba ang nangyayari sa akin ngayon?”
May kung anong ideya ang biglang pumasok sa aking isipan. Alam ko kung ano ang aking magiging parusa sakaling gawin ang bagay na iyon. Gayunpaman, tiyak ko na ito lang ang magiging paraan upang makalaya ako sa nakakahilakbot na tungkulin ng mga sirenang gaya ko.
“Sigurado na ba ako sa aking gagawin?”
Hindi pa din ako sigurado sa aking naisip. Patuloy kong tinitimbang sa aking sarili kung ano ang aking magiging desisyon. Hindi ko ba pagsisisihan ang aking gagawin? Nakapagdesisyon na ako at ito ang aking gagawin. Sa ngayon ay ito ang mas matimbang sa aking puso.
Lumangoy ako palayo sa aking puwesto kanina. Sinilip ko ang aking ina upang tiyakin na hindi nito mapapansin ang aking gagawin. Muli akong napatingin sa kanyang puwesto dahil kailangan kong makuha ang susi sa aming sisidlan. Labag sa aking loob ang mangolekta ng enerhiya ngunit kakailanganin ko ang bagay na iyon sa aking gagawin ngayon.
Dahan-dahan at tahimik akong lumangoy palapit sa lalagyanng susi. Kasalukuyang nagpapahinga si Queen Nereida kaya maingat ako sa aking ginagawa. Nag-isip na din ako ng maaaring maging dahilan kung sakaling mapansin nito na kinukuha ko ang susi sa kanyang lalagyan.
Maingat kong binuksan ang maliit na kahon kung saan nakalagay ang susi. Mabuti na lamang at nasa ilalim kami ng dagat kaya hindi maririnig ang ginagawa kong pagbukas sa lalagyan. Agad na nagliwanag ang lalagyan dahil sa kinang na taglay ng susi. Mabilis ko itong kinuha at walang pag-aalinlangan na lumangoy patungo sa sisidlan ng mga bote.
Pakiramdam ko ay nakikisama ang tadhana sa aking ginagawa ngayon. Wala kahit isang sirena ang nagbabantay sa sisidlan kaya magiging madali para sa akin ang makakuha ng enerhiya. Maingat kong binuksan ang pintuan ng malaking sisidlan. Agad kong kinuha ang isang bote na naglalaman ng halos sampung kulay berdeng bula.
khusbch