Jheanne's Pov
Matapos kong i-post sa social media account ko si Ubi at ang mga litrato namin ay inulan ako ng mga komento.
Aba't may bago kaagad?
May reserved ganoon?
Ang bilis naman niyang magpalit!
Baka matagal na niyang jowa iyan?
Hindi kaya iyan ang dahilan kaya hindi siya sinipot ng nobyo niya sa kasal nila?
Taksil rin siya!
Ilan iyon sa mga komentong nabasa ko. Nasaktan ako, oo. Sino ba naman ang hindi masasaktan kong iyan ang tingin ng mga tao sayo? Na matapos kang lokohin ng nobyo mo at ipagpalit sa bestfriend mo ay pag-iisipan ka pa ng masama. At ang dating ay parang ang landi-landi ko pa.
Well, ginusto ko itong palabas na ito kaya dapat lang na harapin ko ito. Bahala na sila kung ano ang gusto nilang isipin sa akin, basta ako at si Hugo, alam namin ang totoo. At speaking of gagong iyon, nakita niya kaya ang post ko? Sa pagkakaalam ko ay friend pa rin kami sa account ko. Pero depende rin, malay ko ba kung block na ako sa kaniya.
Ano kaya ang magiging reaksyon niya kapag nakita niya ang post ko? Naipilig ko ang ulo ko sa isiping iyon. Kumukulo ang dugo ko sa kaniya, at kapag nagkita kami, sasapukin ko talaga ang pagmumukha niya! Baka sa mga sandaling ito ay masayang-masaya na sila ni Jana. Habang ako? Heto at parang basang sisiw, iniwan sa ere at wasak ang puso!
Pinahid ko pa ang luha sa pisngi ko. Ang sakit talaga, kahit anong gawin ko ay masakit pa rin. Iyong hindi niya pagsipot sa akin sa kasal namin kanina ay hindi mawala-wala sa isipan ko. Siguro habang-buhay na iyong tatatak sa puso ko. Napasinghot-singhot pa ako.
"Gago ka talaga, Hugo Makatarungan. Saka hindi bagay sayo ang apelyedo mo! Dapat Hugo Manloloko, iyan dapat!" inis at umiiyak kong sambit.
Ngunit napakislot pa ako sa kinahihigaan ko nang may marinig ako.
Nakarinig ako ng malakas na kalabog sa sala. Parang may nahulog na bagay at nabasag ito. Dali-dali akong bumangon upang puntahan ito dahil doon natutulog si Ubi.
Naka-dim ang ilaw sa sala, naglakad ako patungo sa may sofa.
"Ubi?" tawag ko sa kaniya ngunit wala akong sagot na natanggap mula sa kaniya.
Nakita ko siyang nakahiga sa sofa at panay ang pabaling-baling niya sa kinahihigaan niya. Umuungol rin ito at sa tantiya ko ay nananaginip. Nilapitan ko siya at pinagmasdan. Nakita ko rin ang vase na nahulog sa lapag, iyon ang nabasag kanina. Siguro nasagi ng braso niya.
"D-Don't...l-leave m-me...p-please–"
Nangunot ang noo ko. Kahit sa pagtulog ay nag-e-english siya. Napansin ko rin na may nahulog na luha sa gilid ng mga mata niya.
"Ano ba ang panaginip mo, Ubi? Bakit parang ang sakit naman yata?" bulong ko habang titig na titig ako sa kaniya.
Paulit-ulit niyang sinasambit ang sinabi niya kanina at habang patagal nang patagal ay lalong dumadami ang luha na tumutulo mula sa mga mata niya. Hindi na ako nakatiis at tinapik ko na siya sa braso niya.
"Ubi, wake up. You're having a nightmare," yugyog ko sa may balikat niya.
Nagmulat siya ng mga mata, at nagtagpo ang mga tingin namin. Nagulat pa ako ng bigla na lamang niya akong hapitin sa bewang kaya nawalan ako ng balanse mula sa pagkakatunghay ko sa kaniya, at bumagsak ako sa ibabaw niya.
"Ubi!" naibulalas ko.
Hawak niya ng mahigpit ang bewang ko, at ako naman ay nakayakap na sa kaniya.
"Huwag kang umalis! Huwag mo akong iwanan!" humihikbi niyang daing sa may dibdib ko. Oo, nakasubsob ang mukha niya sa gitnang dibdib ko at hindi ko maiwasang pamulahan ng mukha sa posisyon naming dalawa. Malakas rin ang pagtambol ng dibdib ko at hindi ko alam kung para saan iyon.
Pilit akong kumalas sa kaniya, ngunit lalo lamang niyang hinigpitan ang pagyakap sa bewang ko.
"Ubi, bitawan mo ako. Hindi talaga ako aalis dahil condo ko ito! Ikaw ang papaalisin ko rito kapag hindi mo pa ako bitawan!" wika ko na may pagbabanta sa kaniya.
Naramdaman ko na unti-unting lumuwag ang pagyakap niya sa akin, hanggang sa tuluyan niya akong pakawalan.
Napabuga ako ng marahas na hangin nang makaalis ako sa kaniya. Naupo ako sa may center table at tiningnan siya. Nakaupo na siya ngayon sa sofa at pawis na pawis.
"Ano ba kasi ang panaginip mo ha? Kung makayakap ka kasi sa akin parang susunduin ka na ni Kamatayan." ani ko.
Napayuko siya at nasapo ang kaniyang noo. Pawis na pawis siya, at dahil wala siyang pang-itaas na damit ay kitang-kita ko ang pawisan niyang dibdib. Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko dahil likas talaga na mamasel-masel ang katawan niya. Lalo tuloy akong napapaisip kung saan ba siya galing? Kung ano ba siya dati bago siya naging ganito ngayon.
"Ubi? Ano, okay ka lang ba? Ano ba ang napanaginipan mo?" aniya ko.
Nag-angat siya ng tingin sa akin. Muli ay nagtagpo ang mga mata namin. Ang lungkot ng mga mata niya, tila ba may matindi siyang pinagdadaanan.
"B-Babae...p-patay siya." garalgal ang boses na sagot niya sa tanong ko.
"Babae? Patay? Naku, huwag mo ng pansinin iyon, Ubi. Panaginip lang iyon. Saka, nanood kasi tayo ng netflix kanina e. Iyong tungkol sa mga biktima niya na ginagawa niyang souvenir, at pinapasok sa blue na drum kaya siguro nanaginip ka ng ganiyan," natatawa ko pang saad.
Tumango-tango naman siya at muling napayuko.
"Paano, matulog ka na riyan dahil papasok na rin ako sa silid ko," Tumayo na ako at tinapik pa ang balikat niya. Ngunit akmang tatalikod ako nang hawakan niya ang palad ko, kaya muli akong napabaling sa kaniya.
"Bakit, Ubi?" tanong ko sa kaniya. Tumayo siya kaya sa dibdib nalang niya ako nakatingin, need ko pang tumingala. Paano ang tangkad kasi talaga niya at ang laking tao pa.
"Puwede ako tulog sa tabi mo?" wika niya na nakatunghay sa akin.
Napatanga ako sa sinabi niya. Napaawang rin ang bibig ko. Diyos ko, wala pang lalaki na nakatabi sa akin sa pagtulog maliban sa daddy ko noong bata pa ako. Kahit si Hugo ay never na nakatabi sa akin sa pagtulog kahit nobyo ko siya.
"Please..." ungot pa niya. Bakas sa tono ng pananalita niya ang pagmamakaawa.
Saka bakit parang hindi ko siya matanggihan? Napakamot ako sa ulo ko. Ano ba itong napasok ko?
Mukhang first time ko yatang matulog na may lalaking katabi, at pulubi pa!
"Naku dito ka nalang matulog, Ubi. Malikot ako matulog baka matanggalan ka pa ng ngipin dahil sa akin," palusot ko.
Lumungkot ang anyo niya at napayuko ulit ito. Para siyang bata na nagtampo dahil hindi pinagbigyan sa gusto nito. Nakagat ko ang pang-ibabang labi. Binalingan ko ang sofa na higaan niya. Maliit iyon sa tulad niyang matangkad at malaking tao. Mukhang hindi siya makakatulog ng maayos roon. Naawa naman ako sa kaniya.
Napabuntonghininga ako. Pinagmasdan ko siya. Kapagkuwan ay bumuka ang bibig ko para kausapin siya.
"Sige na nga. Doon ka na matulog sa tabi ko, pero maglalagay ako ng harang sa pagitan natin ha?"
Napaangat siya ng ulo at kaagad na lumiwanag ang mukha.
"S-Salamat," sambit niya.
"Oh, siya. Halika na at matutulog na tayo." Hinawakan ko siya sa braso at hinila papunta sa silid ko.
Inayos ko rin ang higaan namin ng makapasok kami. Naglagay ako ng ilang unan sa pagitan ng higaan namin. At dahil malapad naman ng kama ko ay tiyak ko naman na hindi magdidikit ang mga katawan namin. Nahiga na ako sa kama, at tinuro ko rin sa kaniya kung saan siya hihiga.
"Lay down na dahil papatayin ko na ang ilaw." utos ko sa kaniya.
Tumango siya at nahiga na rin.
Kinuha ko naman ang remote control ng ilaw, at in-off ito.
Mula sa madilim sa silid ay rinig ko ang paghinga ni Ubi. Ewan ko ba pero wala akong maramdaman na takot mula sa kaniya. Hindi ko siya lubusang kilala pero narito siya at iisang kama ang hinihigaan namin.
Baka bigla na lang niya akong sakalin mula sa mahimbing na pagtulog ko? O 'di kaya'y pagsasaksakin?
Naipilig ko ang ulo ko. Tiwala ako kay Ubi na hindi niya iyon gagawin sa akin.
Alam kong mabuting tao siya, at ramdam ko iyon. Hindi ko rin maiwasang matawa sa mga pinanggagawa ko. Matapos kong dalhin sa condo ko ang pulubi na ito, at ipakilala sa mga magulang ko na fiancé ko siya, ngayon naman ay katabi ko na siya matulog.
Ang bilis ng pangyayari. Kasing bilis ng pag-iwan sa akin ni Hugo Manloloko!