CAMILLA
Tulad ng dati ay kailangan kong gumising ng maaga para pumasok sa opisina. Bilang nag-iisang anak ng mga magulang ko ay ako ang magmamana ng lahat ng ari-arian at negosyo namin bagay na alam kong hindi gusto ng daddy ko dahil hanggang ngayon ay disappointed pa rin siya na ako ang naging anak niya.
I did everything to get his love and attention pero hanggang sa ngayon ay pinaparamdam nito sa akin ang kakulangan ko.
Nagsikap ako na makapagtapos ng pag-aaral ayon na rin sa kursong gusto ni daddy kahit pa kapalit ito ng pangarap kong maging isang doktor na kailangan kong i-give up.
Tinanggap ko ang utos at kagustuhan ng aking ama na mag-aral ng business management kahit hirap ako dahil hindi ko ito gusto pero ginawa ko para sa mga magulang ko. Nagawa kong makatapos pero hindi pa rin ito nagustuhan ng mga magulang ko dahil para sa kanila pasang awa lang ang mga grades na nakuha ko para maitawid ang kursong kinuha ko.
Aaminin ko na hindi ako matalino pero sinubukan ko at nagawa ko. Nakatapos ako kahit pa tingin ng mga magulang ko ay pasang awa umano ito.
Lihim na nasasaktan ako sa mga naririnig ko pero pinagkibit balikat ko na lang ang lahat. Alam ko kasi na gusto ni daddy na makapagtapos ako ng may mataas na parangal. Doon man lang daw ay makabawi ako sa lahat ng hirap nila sa akin nang may ipagmalaki naman daw sila na anak nila ako sa publiko.
Alam ko na pangarap ng mga magulang ko na magkaroon ng anak na lalaki pero malas nila dahil ako ang naging anak na nabuo at lumabas sa sinapupunan ng aking ina. Bukod sa babae na nga ako at hindi matalino ay hindi rin daw ako kagandahan bagay na lalong naging dahilan para bumaba ang self confidence ko.
Ordinary, 'yan ako sa tingin ng mga magulang ko. Nakakapagod pero wala naman akong magawa para magreklamo lalo na at binabase lamang umano nila sa kung ano ang nakikita nila ang bagay na sinasabi nila sa akin.
"Camilla, kumain ka na anak. Tanghali na hindi ka pwedeng ma-late at mapa-pagalitan ka ng daddy mo. Ang bilin niya ay pumasok ka ng maaga," sabi ni Yaya Beth ang babaeng umaruga sa akin mula pagkabata.
"Sige po yaya, ano po ang almusal?" nakangiti na tanong ko.
"Ipinagluto kita ng sinangag at paborito mong tocino at longganisa," masayang sabi nito sabay abot sa akin ng pagkain na hinanda nito.
Alam niya talaga ang mga bagay na gustong-gusto ko dahil bawat sandali na nabubuhay ako ay tanging siya ang naka-agapay sa akin.
"Ano ba naman 'yan Beth, bakit ganyan ang ipapakain mo kay Camilla? Tingnan mo nga at wala ng hulma ang katawan ng babaeng ito, tapos puro oily pa ang niluto mo. Palitan mo 'yan!" inis na bulyaw ng mommy ko kay Yaya Beth ng makita nito ang kanin na inabot sa akin ng lumapit sa hapag kung saan ako kakain.
Isa pa siyang kontrabida sa buhay ko. Miski pagkain ay gusto siya ang masunod. Frustrated beauty queen kasi ang mommy ko kaya gusto niyang sundin ko ang yapak niya.
Mula ng magdalaga ako ay lagi akong isinasali ng mommy ko sa mga beauty contest pero malas n'ya na hindi ako na nanalo.
Kun'di pa nagbayad si mommy sa isang beauty contest na sinalihan ko ay hindi ako mag-u-uwi ng karangalan ng gabing iyon.
Laking tuwa nito at nagpa-party sa bahay na halos inabot ng tatlong araw na maraming tao ang kailangan kong ngitiaan at makipag-plastikan dahil iyon sa kagustuhan ng aking ina.
Nakakapagod, para akong robot at tautauhan ng sarili kong mga magulang.
"Kumain ka na," utos ni mommy ng ilapag ni Yaya Beth ang dala nitong pinggan sa harap ko. Kulang na lang ay itapon ko mismo sa basurahan sa loob ng kusina ang laman ng plato ko ng makita ko na mga dahon ng kung ano-ano na naman ito na ginawang salad para kainin ko.
Walang kibo na kumain ako kahit pa masama ang loob ko. Okay na akong hindi kasabay kumain si mommy kesa naman ganito na kulang na lang ay magpalit anyo ako at maging kambing sa uri ng pagkain ko tuwing kaharap siya sa hapag.
Tahimik na tinapos ko ng mabilis ang pagkain ko. Tulad ng dati, walang pakialam sa mundo na kumakain ang mommy ko ng mga prutas at isang piraso ng tinapay na nasa harap nito.
Ni hindi siya nag-abala na tanungin ako kung kumusta ba ako kanina dahil busy ito sa pagkuha ng larawan ng pagkain nito para i-post sa social media account na inaalagaan ni mommy.
Sa aming dalawa, siya ang mas mukhang nasa edad ko dahil mas kikay pa manamit ang aking ina kumpara sa akin na manang daw kung kumilos at magsuot ng damit.
Okay na ako sa ganito, hindi pansinin ng mga tao. Marami kasing mga lalaki ang lumalapit sa akin hindi dahil sa kung ano at sino ako kun'di dahil nag-iisa akong tagapagmana ng yaman at mga ari-arian ng pamilya ko.
"Umuwi ka ng maaga Camilla, kailangan mong magmukhang tao mamayang gabi para sa party na pupuntahan natin," paalala ni mommy.
"Marami po akong gagawin sa opisina ngayon mommy," mahinang sagot ko dahil tambak ang trabahong pinagagawa ni daddy sa akin.
Ako kasi ang personal secretary nito at ako rin ang nag-aayos ng lahat ng schedule niya.
"Umuwi ka ng maaga, hindi ko na kailangan na ulitin sa'yo 'yon. Hindi ko kasalanan na mabagal ka kumilos kaya marami kang hindi natapos na trabaho," mataray na sabi nito.
"Hindi kita isasama kung hindi kailangan. Dapat makita nila na buo tayo lalo na at business event iyon at maraming investor na pwedeng makuha ng daddy mo para mag-invest sa kumpanya. 'Wag mo akong gagalitin dahil 'yan lang ang magagawa mong tulong sa amin pero umaarte ka pa!" inis na litanya ni mommy sabay tayo at pabagsak na itinapon ang table napkin na hawak nito sa ibabaw ng plato niya at sinabing nawalan na umano siya ng gana.
Kagat labi na tumango ako para pigilan ko ang luhang nagbabadyang tumulo sa pisngi ko. Ano pa ba ang aasahan ko kay mommy kung 'di ang maging tila isang bagay na pang-display nito.
Kung sana ay may kakayahan akong baguhin ang lahat at maging isang lalaki para matupad ang pangarap ng mga magulang ko ay ginawa ko na.
Pakiramdam ko kasi ay kasalanan ko at isang krimen ang ipinanganak akong isang babae dito sa mundo kaya ganito ang trato nila sa akin.
Kung pwede lang sana na pumili ng sariling kasarian ay matagal ko ng ginawa. Minsan iniisip ko na hindi nila ako anak sa paraan ng turing nila sa akin, pero sa tuwing titingnan ko ang mukha ng ni mommy ay alam ko na isang dugo lamang ang nananalaytay sa mga ugat namin lalo na at iisa ang hulma ng aming mga mukha.
Maswerte ang iba dahil nakikita ko na kahit mahirap ang buhay ng mga taong nakasalamuha ko sa opisina ay may masaya at kumpleto silang pamilya. Malayo sa kung anong meron ako dahil kasama ko nga ang mga magulang ko pero, pakiramdam ko ay nag-iisa ako.
Minsan, parang gusto ko ng takasan ang lahat at lumayo pero sa tuwing iisipin ko na ako lamang ang nag-iisang anak ng mga magulang ko na balang araw ay mag-aaruga sa kanila ay nagbabago ang isip ko at piniling manatili kapalit ng pag-asa na balang araw ay matatanggap din nila ako at mamahalin gaya ng inaasam ko.