MAINGAT na bumangon si Tristan. Ramdam niya ang sakit bandang likuran niya pero kailangan niyang bumangon. Hindi siya pamilyar sa lugar na ito. Pero tanda niya ang nangyari sa kanya. Tumaob ang sinasakyan nilang bangka hanggang sa magkahiwalay sila ni Manong Alimar.
“Gising ka na pala. Kumusta ang pakiramdam mo?” Napatingin si Tristan sa isang pintuan kung saan may lumabas.
“Ako nga pala si Guadalupe. Asawa ko ang nakakita sa ‘yo sa pampang.”
Nagpakilala ito. Marahil sa mga tingin niyang puno nang katanungan.
“M-maraming salamat po,” aniya na lang, sabay yuko.
“Kain ka na. Luto na ang ulam.” Naglakad ito sa nilabasan nito kanina. Iyon marahil ang kusina nito.
Sumunod na lang siya sa matanda. Nakakaramdam na talaga siya nang gutom, e.
“D-Dennis nga po pala.” Napalingon sa kanya ang matanda, na noo’y kumukuha ng mga plato.
“Dennis ang pangalan mo?”
“O-opo.” Nasabi na nito ang pangalan nito pero siya hindi pa. Kaya nagpakilala na siya. Dennis ang nasabi niya dahil hindi naman talaga niya pinapaalam ang totoo kapag nasa ganitong sitwasyon.
Nakilala niya rin sa wakas ang nagligtas sa kanya. Galing ito sa malaking bahay na nakita niya kanina. Walking distance lang mula sa bahay nila Aling Guada, pero bawal ang pumasok nang basta-basta. Unless, tauhan ka, gaya ng mag-asawa.
Hindi pa naman talaga magaling si Dennis kaya nagpasya siyang magpahinga muna sa lahat. Alam na niya ang kinaroroonan niya pero kailangan niya ring magpahinga. Siguro naman hindi siya mapapagalitan ni Supremo kung sakali. Minsan lang ito. Saka ramdam niya ang pagod ngayon. Walang lakas ang sarili niya.
Walang ginawa si Dennis sa loob ng dalawang araw kung hindi ang tumambay sa bahaging iyon ng isla. Wala siyang ibang makitang mga tao kaya lagi siyang nakatingin sa malaking bahay. Minsan, may nakikita siyang labas-pasok na babae doon. Nakikita niya ring nakasunod ang mag-asawa dito. Kahapon nga, nakita niyang lumabas ito na tuyo, pagbalik, basang-basa na. Mukhang naligo yata sa dagat.
Pabalik na siya nang makasalubong si Mang Nardo. Kakarating lang nito. Natanaw niya ito mula sa bangka na bumababa kanina. May mga bitbit itong pinamili.
“Tulungan ko na ho kayo,” alok niya.
“Salamat, Dennis. Hanggang sa gate lang, huh? Bawal kasi pumasok ang hindi nagtatrabaho doon.”
Ngumiti siya sa matanda. “Sige ho.”
Kinuha niya ang dalawang supot na malaki at naglakad na papunta sa malakig bahay. Dahil medyo mataas iyon, kailangan pa nilang umakyat.
Hindi pa man sila nangangalahati ng akyat nang makita ang babaeng nagmamadaling bumaba. Hindi niya makita ang mukha nito dahil nakatakip ang kamay nito sa mukha. Tapos nilingon din ang tumatakbong matandang si Guadalupe.
“Gusto ko ngang tumalon. Makulit kayo,” pabulong na sabi nito nang tumapat sa kanya kaya napakunot siya ng noo.
Tumigil siya at nilingon ito. Mabilis ang kilos nito kasi.
“Naku po. Sandali lang!” dinig niyang sabi ng matanda.
“Bakit ho, Manang?” tanong niya rito.
“Mukhang tatalon na naman yata ang alaga ko!”
“Ho?!” gulat niyang sabi. “Saan?”
Akmang susunod siya nang pigilan ni Mang Nardo. Sinabi nitong ang mag ito na ang bahala. Bawal daw kasi itong makisalamuha sa mga hindi kilala ng boss nito. Hinatid na lang niya lahat sa gate at bumalik sa bahay ng matanda.
Dahil sa nakita kanina, naging palaisipan kya Dennis ang kalagayan ng babae. Pag-uwi ng mga ito, nabanggit ng mga itong iniligtas ng mga ito ang babae sa pagtalon.
“Pabigat na pabigat na si Ma’am kaya nahihirapan na akong iahon siya. Kaya sana mapigilan na ito. Hindi ba siya pwedeng ilipat sa bayan? ‘Yong malayo sa bangin o dagat?” dinig niyang sabi ni Mang Nardo sa asawang si Guadalupe.
“Kaya nga, tumaba na siya nang tumaba. Kahit ako, nahihirapan nang Ilang beses ko nang sinabi ‘yan kay boss, pero hindi pa raw pwede. Wala pang utos sa kanya.”
“Nasaan ho ba ang magulang ng alaga niyo, ‘nay?” singit niya.
“Ang pagkakaalam ko Nasa Maynila. Pinadala ‘yan si Ma’am dito para magpagaling, pero habang tumatagal, lumala siya. Nanghihinayang tuloy ako sa batang iyon. Kagandang bata tapos mawawala lang sa sarili?”
Napatitig siya sa matanda. “Bakit po? Ano ho bang nangyari?”
“Hindi ko na alam.” Si Manang.
“Pero ang rinig ko kila boss, iniwan yata ng asawa,” ani naman ni Mang Nardo.
Hindi maiwasang maawa ni Dennis sa amo ng dalawa. Pagmamahal nga naman talaga, nakakabaliw.
Maaga siyang natulog dahil kinabukasan sasama siya sa matandang si Nardo. Makikitawag kasi siya. Walang cellphone ang dalawa kaya ihahatid siya ng matanda sa kabilang isla para makahiram ng telepono.
Papungas-pungas na bumangon si Dennis nang marinig ang iyak sa kabilang silid. Tumayo siya at kumatok. Walang nagbukas pero tinulak niya. Gayon na lang ang pagkabigla niya nang makita ang maraming dugo bandang hita ni Mang Nardo.
“A-ano ho ang nangyari dyan?”
“Ang walang hiyang boss namin, pinatawag niya si Nardo kanina para lang sermonan sa nangyari kay maam. Hanggang sa umabot sa patamaan niya ang hita ni Nardo.”
Napakuyom si Dennis ng kamao sa narinig. Tao ba ‘yon? Hindi ba sobra na nga ang serbisyo ng matanda? Tapos magkano lang ang sinasahod. Hindi rin biro ang pagtalon nito sa banging iyon para lang iligas ang amo na iyon!
Lumuhod siya para itsek ang tama nito. Napamura siya nang makitang may bala sa loob.
Agad niyang inasikaso ang matanda. Marami naman siyang experience pagdating sa ganitong sitwasyon. Ang kailangan lang niya, ang tiwala ng matanda. Pumayag naman ang mga ito na siya ang gagawa para matanggal ang bala. Kinailangan pa niya nang tulong ni Manang kaya agad na inasikaso nito.
At ngayon, tapos na nilang makuha ang bala na bumaon. Kasalukuyan na niyang nilalagyan ng bandage na tela lang ang gamit. Kulang-kulang din ang mga gamit ng matanda kasi rito.
“Paano ‘yan, hindi siya makakapasok bukas sa malaking bahay,” puno nang worries ang mukha nito.
“Ako na lang ho kaya?”
“Pero hindi ka pa kilala ni boss. Saka hindi sila nagpapasok nang basta-basta.”
“Ganito na lang ho, tatambay na lang ho sa lugar na pinupuntahan ng amo mo para makatulong. Sigurado akong sa inyo iaasa lahat ng gawain na dapat at kay Mang Nardo.”
“Sinabi mo pa. Pero sigurado ka ba, Dennis? Hindi ba pupunta ka sa kabilang isla para makatawag?”
Ngumiti siya sa matanda. “Saka na lang ho, mas kailangan niyo nang tulong ko. Ito lang din ang paraan para maibalik ko ang kabutihang loob niyo sa akin.”
Ganoon na lang ang ginawa ni Dennis nang mga sumunod na araw, lagi siyang tumatambay sa bahaging iyon ng banginm. Pero hindi naman na pumupunta doon ang alaga ni Manang. Kaya natanong niya ito.
“Naku, pinapa-lock na ni boss ang kwarto niya. Kaya ayon, laging nagwawala. Gustong lumabas,” sagot lang nito nang tanungin niya ang matanda.
Pero kahit na ganoon, tumatambay pa rin siya doon. Gaya ngayon.
Napatayo si Dennis nang marinig ang boses ng matanda na may tinatawag.
“Stay away from me!” sigaw naman dito ng babae. Dahan-dahan naman ang hakbang nito, parang may kinakapa. Marahil dahil sa mga baytang. Pero mayamaya ay naging mabilis na. Para siyang mahuhulog pero pamilyar na pamilyar na siya sa nilalakaran.
Sa pagkakataong ito, kita niya ang mukha nito. At kahit na nakasimangot at panay ang salita dahil sa pagsaway ng matanda, hindi maikakailang maganda nga. Napaka amo pa ng mukham Tama nga ang matanda. Hindi naman niya masabing mataba ito, pero medyo malaman na. Dumodoble na rin ang chin nito. Pero kahit na ganoon, litaw pa rin ang kagandahan nito. Siguro dati itong slim. Pero sabi ng ng dalawang matanda, padagdag nang padagdag ang timbang nito.
Natigilan siya mayamaya habang tinititigan ang magandang mukha nito. Hindi mawari ni Dennis kung saan ba niya ito nakita. Pero parang pamilyar.
“Hindi mo ako maiintindihan nga! Ang pagtalon dyan ang syang nagbibigay sa akin nang satisfaction. If I don’t jump, para akong mababaliw lalo!”
“Pero hindi ka nga pwedeng tumalon ngayon dahil sa nangyari sa mata mo. Baka lumala ‘yan.”
Bahagyang kumunot ang noo ni Dennis sa narinig. Parang walang problema naman sa paningin nito nang makita niya kanina nang bumaba. Lumapit siya sa matanda. Naabutan na nito ang dalaga dahil dahan-dahan na ang hakbang nito.
“I don’t care. Only jumping will bring me satisfaction.”
“Hindi mo ba kayang pigilan ang sarili mo? Walang sasagip sa ‘yo sa baba. Wala si Nardo. Paano na ‘yan?” tanong ng matanda dito. “Sabihin mo kasi sa akin ang lahat ng nasa dibdib mo para matulungan kita. Gagaan ‘yan, sigurado ako. Nandito naman ako, handang makinig sa ‘yo.”
Umiling-iling ang babae. “W-walang ibang makakatulong sa akin kung hindi ang sarili ko.” Kasunod niyon ang hikbi nito at sapo nito sa mukha.
Napatitig siya sa babae. Sa paraan nang pananalita nito ngayon, parang hindi naman siya nababaliw gaya nang inaakala ng dalawang matanda. Kasi kung ikuwento naman ng dalawa sa kanya, exaggerated.
“Manang,” ani ko sa matanda nang lapitan siya. Hininaan ko lang.
“Mabuti at hindi ka umalis dito. Tulungan mo nga akong mapabalik si Maam agad. Baka malaman ito ni boss, masasaktan na naman siya.”
Ganoon?
Tumango siya rito.
Saglit lang ang pag-uusap nila ng matanda pero hindi akalain ni Dennis na agad na makakatalon ang babae sa bangin na iyon. Singbilis naman niyang iginiya ang sarili para tumalon din upang maabutan ito.
Ilang beses na niyang natalon ito, safe naman ang babagsakan dahil malalim at walang mga bato. ‘Yon nga lang, problema kung hindi marunong lumangoy ang tatalon.
Nang makita ang dalagang pailalim ay agad niyang hinigit ito para maiangat. Nakapikit ito. Sa tubig, hindi pa naman ramdam ang bigat nito kaya walang problema.
Mabilis na naiahon ni Dennis ang dalaga, pero nakapikit pa rin ito. Tsinek niya ang pulso at hininga nito.
Buhay pa! Pero bakit nakapikit ito?
“Miss,” aniya rito, sabay tampal nang bahagya sa pisngi nito.
Hindi sumagot ang babae kaya iniisip niyang gawin ang nasa isipan.
Bago pa man mahuli ang lahat kailangan na niyang mailigtas ito, dahil kung hindi baka magaya si Manang sa asawa nito.
Inilapit niya ang sarili rito para gawin ang mouth to mouth resuscitation. Hinawakan niya ang baba nito at bahagyang binuka ang bibig nito. Akmang pipisilin niya ang ilong nito nang biglang lumanding sa pisngi niya ang kamay nito. Saka lang niya napagtantong gising na ito. At hindi man lang gaya ng mga nalulunod na may nainom na tubig.
Damn! Ganito ba lagi ang ginagawa niya?
“Ouch!” aniyang napadaing.
Pero sa kabilang banda ng dibdib niya, nanghinayang siya dahil hindi man lang lumapat ang labi niya rito.
“S-sino ka?”
Natigilan si Dennis nang mapansing diretso lang ang tingin nito. Hindi man lang nasilaw sa liwanag. Para makumpirma ang nasa isipan, pinaraan niya ang palad sa bahaging mata nito, hindi man lang iyon kumilos kaya napatingin siya sa matandang palapit na sa kanila. Ito ba ang sinasabi ng matanda kanina? Walang nabangit ang matanda na bulag ito. Hindi kaya bago lang ito?
Puno nang awang tiningnan ang nagmamay-ari nang magandang mukha na iyon. Gaano ba kabigat talaga ang problema ng babaeng ito? At sino ba ang boss na kinakatakutan ng dalawang matanda?
“Manang?! Nandyan ka ba? Sino siya? Manang! Sino siya?” naghihisterikal na boses ng babae.
Nagmamadaling humakbang ang matanda na lumapit sa kanila. Tumingin ito sa kanya at ngumiti. Inalalayan nito ang babae na maupo.
“Pamangkin namin siya, hija. Si Dennis. Pasensya na at hindi ko agad napakilala. Kasi ‘di ba, alam mo naman ang nangyari kay Nardo. Kaya siya na muna kahalili niya sa pagbantay sana sa ‘yo dito sa labas. Kung makausap mo si boss, baka pwedeng ipakilala natin siya para may kasa-kasama ka. Mabait na bata ito,”
Matagal bago tumango ang babae.
“Salamat.”
Akmang magsasalita siya nang unahan nito.
“Joanna. ‘Yan ang pangalan ko,” anito sa kalmadong boses.
“Hija, hindi ikaw si Joanna. Heidi ang pangalan mo. Nakalimutan mo na ba? Pangalan ‘yan ng kapatid mo ang sinasabi mo, e.”
Saglit na natigilan ang babae. Sinapo nito ang ulo sabay iling. “H-hindi. Hindi ako si Heidi. Ako talaga si Joanna, Manang”
Bumuntong-hininga ang matanda at tumingin sa kanya. Hindi na lang ito sumagot dahil baka magreak ito.
“Nasaan ang Daddy ko? Please call my Daddy? Please! Ayoko na rito!”
Dahil nagsisimula nang magwala ang dalaga ay sinenyasan siya ng matanda na pangkuin na.
Hanggang sa pag-akyat ay hinahanap nito ang Daddy nito hanggang sa mapasubsob na lang sa dibdib niya at umiyak nang umiyak.