SUMILIP sa bintana ang labing walong taong gulang na si Tristan nang marinig ang sasakyan ng foster parents na papaalis. Nakangiting bumalik siya sa side table niya kung saan naroon ang telepono nila. Inangat niya iyon at dinayal ang numero ng kaibigang si Raks.
“Dennis, si Eugene ito,” bungad niya sa kababata at matalik na kaibigan. “Umalis na sila Mama at Papa.”
“Si Mommy din nakaalis na,” imporma nito. “Tatawagan ko si Alfred at Vincent na pumunta na rin dito.”
Dahil sa paborito nilang panoorin ang Japanese manga series na ghost fighter, iyon na ang naging tawagan nila. Siya bilang si Eugene. Si Raks bilang si Dennis. Si Alfie naman ang pinakamatangkad sa kanila, kaya Alfred ang tawag nila rito. Si Vincent naman si Jaime.
“Sige, papunta na ako, Dennis.”
Schedule ng kanilang bonding ngayon. Araw ng Sabado. Wala ilang pasok sa unibersidad.
Tuwang-tuwa si Tristan nang lumabas ng bahay nila at lumipat sa katapat lang din. Sa bahay nila Raks. Doon sila nanonood ng Ghost Fighter at ng ibang manga series. Depende sa mood nila. Kahit na paulit-ulit, pinapanood nila. Sa may theater room ng mga ito sila nanonood. Meron din naman sila, pero mas gusto nila sa bahay nila Raks dahil hindi ganoon kahigpit ang magulang nito.
Nagsawa sila sa panonood ng manga series, kaya naglaro naman sila ng baraha.
Natuto lang siya kay Raks. Isa kasing casino owner ang Daddy nito na minana ng Mommy nito. At dahil usyusero ang kaibigan, natuto ito sa panonood lang hanggang sa maituro nito sa kanila ang lahat ng nalalaman nito.
Pero hindi akalain ni Tristan na huling laro at sama-sama nilang apat iyon. Tinawag kasi siya ng kasambahay nila dahil may dumating siyang bisita. At dahil nakiusyuso ang mga kaibigan, sumama ang mga ito. Bihira kasi siya magkaroon ng bisita.
Napaatras si Tristan nang makilala ang nasa sala. Tumayo ito gamit ang tungkod nito at tumingin sa kanya. Natatakot siya sa mga tingin nito lagi. Kaya sa t’wing dumadalaw ito ay hindi niya ito hinaharap.
“Edward, samahan mo siya sa kwarto niya para kunin ang mga gamit niya,” utos nito sa lalaking nakatayo sa gilid ng upuan.
Naningkit ang mata ni Tristan. “Hindi ako sasama sa ‘yo,” pilit na pinakalma niya ang sarili.
Ilang beses nang dumalaw ito dito para kunin siya, pero umuuwi itong bigo.
Ito si Rinaldo Fontana. Ang totoong ama niya. Hindi niya pa alam ang buong istorya, pero ayon sa foster parents niya, pinaampon siya ng ina niyang labandera ng kapitbahay ng mga ito sa dating tinitirhan. Wala ring alam din ang mga ito sa buong pagkatao ng ina niya. Tanging Crisanta lang ang pangalang naibigay ng mga ito. Isang araw, bigla na lang itong sumulpot sa pamamahay nila. Ilang beses na ring kinausap ang mga ito ni Rinaldo, pero nasa kanya pa rin ang desisyon.
“Sa ayaw mo at sa hindi, isasama na kita, Tristan.” Tumingin ulit si Rinaldo sa kanang kamay nito, sinenyasan nito kapagkuwan.
“Ilang beses ko bang sasabihing hindi ikaw ang Papa ko! Kaya makakaalis na kayo!” Binuksan pa niya ang pintuan. Tumabi naman ang mga kabigan niya sa kanya.
“Tama! Hindi ikaw ang Papa ni Tristan. Masama kang tao!” biglang singit ni Raks na sinegundahan nila Alfie at Jaime. Pumuwesto pa ang mga ito sa harapan niya para harangan siya.
Humakbang si Rinaldo palapit sa kanila. Kay Raks ito nakatingin kaya kinabahan siya. Umalis siya para matakpan ang mga kaibigan. Pero bigla siyang pinalis ni Rinaldo at hinila si Raks. Napadaing ito nang bigla na lang itong kinabig ng ama at hinawakan sa leeg. Napawahk tuloy ang kaibigan sa kamay nito para palisin pero sadyang malakas ang ama niya.
“Bitawan mo siya!” aniya.
Tumingin sa kanya si Rinaldo. “Mamili ka. Sasaktan ko ang mga kaibigan mo o sasama ka sa akin?”
“‘W-wag kang sumama, Tristan… Hindi niya naman kami sasaktan,” hirap na sambit ni Raks.
“R-Raks…”
“Tama si Raks. Mayaman kami. Mananagot siya kapag may nangyaring masama sa amin,” ani ni Jaime.
Lahat sila napatingin kay Rinaldo nang tumawa ito nang malakas. Kasabay niyon ang pagbitaw nito kay Raks. Lahat sila akmang lalapit sa kaibigan pero hindi na nila natuloy dahil biglang nagpaputok ng baril ang kanang kamay ni Rinaldo na tumama kay Raks.
Parang nabingi si Tristan sa tunog niyon. Napahawak pa siya sa tainga niya. Kasabay kasi niyon ang hiyaw sa sakit ng kaibigan. Naramdaman niyang may humila sa kanya hanggang sa mawala na sa paningin niya si Raks…
“ARE you on earth, Greyhound?” Napapitlag si Tristan nang marinig ang malakas na boses ng kaharap.
“Y-yes,” nauutal niyang sambit.
“Good. Bawal ang ganyang attitude dito. Paano mo magagampanan ang tungkulin mo kung puro ka lutang?”
Napapikit siya. “Anong pangalan nga ang gagamitin kapag nasa undercover ka?” ulit nito.
Gusto nitong magbigay siya. Iyon na ang gagamitin niya palagi ayon dito kanina. Gagawan din siya nito ng pekeng impormasyon tungkol sa pamilya niya umano.
Saglit siyang tumitig dito. “Dennis… Dennis Trinidad.” Dennis ang ginamit niya bilang pag-alala kay Raks. Hindi na siya si Eugene. Siya na si Dennis ngayon. At gagmitin niya ang pangalang ito para maiganti ang kaibigan.
Napalunok siya. Bumara pa iyon kaya tinampal niya ang dibdib.
“Alright.” Bumaling si Supremo sa katabi nito. “You know what to do.” Tumayo na ito at iniwan sila ng lalaking nagngangalang Cedric.
Lumapit sa kanya si Cedric kaya tumayo na siya. Agad na pinosasan siyanito saka tinawag ang lalaking naghihintay sa kanya. Nakauniporme ito na may nakalagay na Polizia.
Para pormal na tanggapin siya ni Supremo sa Alleanza Oscura— isang private organization sa Pilipinas para sa mga kagaya niyang gustong maging secret agent, may misyon ito para sa kanya ngayon dito sa Sicily, Italy.
Sumakay siya sa police car para madala siya sa Badu Prison— Isang maximum prison. Dito halos dinadala ang mga kriminal mula sa iba’t-ibang panig ng Italy. At karamihan, mga foreign prison.
Tatlong araw niyang pinag-aralan ang bawat galaw ng target. Mga hobbies nito sa loob, at kadalasang tinatambayan nito, maging ang oras ng pahinga nito at mga kasamahan nito. Ganoon din ang mga gawain ng mga pulis. Naghanap din siya ng perfect spot para isagawa ang misyon— At sa mataas na bahagi nna malapit sa correctional na iyon ang napili niya. Kaya heto, nag-set up na siya pagkalabas ng kulungan. Hinatid siya ng pulis na nagdala din sa kanya sa kulungan na ito. Maaga dahil aabangan niya ang pagtambay ng target.
Nagpahinga lang siya nang matapos mag-set up at pag-aralan ang hangin. Nasa malayo siya kaya isa talaga ito sa kailangan. Saktong tumawag naman ang amang si Rinaldo para sabihing may balita na ito sa kapatid na nawawala. Isa rin talaga ito sa rason kung bakit nasa Alleanza siya. Pero hindi ibig sabihin tanggap na niya ang amang si Rinaldo sa buhay niya. May koneksyon pa rin siya dito dahil lang sa mga kapatid.
Dahil sa magandang balitang iyon, inspired siya nang isagawa ang misyon. Nang ma-lock na niya ang target ay agad na pinakawalan niya ang daliri para tamaan ang target. At ilang sandali lang ay nakarating na sa kanya ang balitang wala ng buhay ang Albanian na kriminal, na siyang target niya sa misyong iyon.
Lumipad din siya pabalik ng Pilipinas nang araw na iyon gamit ang mukha ni Dennis Trinidad. Sumalubong sa kanya sa airport na iyon ang gumagamit ng totoong mukha niya— ang kanang kamay niyang nag-act bilang businessman na si Tristan Jackson kapag nasa misyon siya…