Chapter 9

1867 Words
Chapter 9 – Inn Isang pinto ang bumukas malapit sa harapan namin. Para lang iyong hanging napilas at binigyan sila ng daan para makalabas. Panay ang tawa ni Felix na para bang tuwang-tuwa siya sa nangyari sa loob. Kabiruan niya si Calyx na inaasar naman si Jing na kanina pa nakakunot ang noo. Napatigil sa paglalakad si Jing nang makita ako dahilan para mapaharap sa 'kin ang dalawang lalaki. Mas lalong lumawak ang ngiti nila sa labi na para bang may naalala silang bagay na hindi naman dapat na maalala pa. Gusto ko na talagang tumakbo para hindi na nila ako makita pero hindi ko magawa. Mukha namang napansin na rin nila ako kaya wala na akong takas. Si Nicy naman ay parang isang fangirl na nagtatalon habang palapit sa 'min ang buong team. "Oh! Tingnan mo nga naman, Captain. Mukhang dinalaw ka nitong irog mo," natatawang sabi ni Margo sabay hampas pa sa braso ng kapitan nila. Sinamaan siya ng tingin nito pero mukhang nabigla rin siya nang makita kami – ako. "Tumigil ka nga, Margo." Inirapan niya si Margo at saka nagpatuloy sa paglalakad. "Ang galing ng grupo nito, Captain Zeus!" tili ni Nicy. Napatigil naman si Zeus kahit na parang napipilitan lang. Nginitian niya naman si Nicy na ikinalakas pa lalo ng tili nito. "Maraming salamat. Mauna na kami," aniya. "Eh? Teka! May gusto lang po sana akong itanong kung hindi kami nakakasagabal," ani Nicy. Kumunot ang noo naming tatlo, I mean apat, dahil sa sinabi niya. "Hindi naman kami busy. Sa katunayan nga ay break na namin ngayon kaya pwede na kaming gumala sa kahit saan namin gusto. 'Di ba, Captain?" tanong ni Felix sabay akbay rito. "Tama si Felix. Hindi naman siguro maganda kung paghihintayin natin itong magagandang binibini na ito... at isang lalaki," ani Calyx habang nakangisi pa rin sa 'kin. "Oo nga, Captain! Mukhang pinuntahan ka pa talaga nitong si Miss Limea para panooring ang laban natin!" panggagatong pa ni Margo sa mga kaibigan. Nag-apiran silang tatlo na para bang nagkakaintindihan. Tiningnan ni Zeus si Jing na para bang nanghihingi ng tulong. Nakipag-apir naman siya sa tatlo kaya napailing na lang siya. "Tutal wala naman kaming gagawin, sumama na lang kayo sa 'ming kumain," kalmadong yaya ni Captain sa 'min. Napaiwas pa siya ng tingin nang magkatinginan kami. Nakakahiya 'to! "Naks naman! May group date agad. Kilig ka naman," pang-aasar ni Sparrow. Sinamaan ko siya ng tingin at saka sumunod sa grupo. Niyaya kami ni Nicy sa inn nila. Natuwa naman sina Tita at Tito dahil nagdala si Nicy ng panibagong kaibigan at income para sa negosyon nila. Well, iyon ang sabi ni Nicy kaya niya kami dinala rito. "Balak kasi naming gumawa ng grupo kapag naging rank B na silang dalawa. Gusto lang sana naming humingi ng payo mula sa elite na gaya niyo," ani Nicy. Tiningnan nila kaming dalawa ni Alton na para bang sinusuri kami. "Bago lang kami pero gusto naming matuto para malaki ang ma-contribute namin. 'Di ba, Limea?" tanong ni Alton sabay akbay sa 'kin. Kanina pa kasi ako tahimik dahil naiilang ako. Kahit na naw-weirduhan na sina Nicy sa pinagsasabi nila kanina ay hindi naman sila nagtanong. Pero kahit ganoon, naiilang pa rin ako dahil mukhang mamaya nila itatanong sa 'kin kung ano ang nangyari kapag wala na ang Team Leopard. Tumango ako sa tanong ni Alton. "Sa witch ako at gusto kong maging support. Swordsman naman si Alton at sa tingin ko, magandang maging leader namin siya. Sana matulungan niyo kami," sambit ko. "Alam niyo, hindi naman namin kayo matutulungan," sabi ni Zeus. Nagkatinginan kaming apat dahil sa sinabi niya. "Bakit?" tanong ni Alton na para bang nanghinayang din sa sinabi nito. "Hindi kami sabay-sabay na naging elite," aniya. "Binuo lang namin ang grupo namin noong rank S na kami. Ibig sabihin, nagsimula kaming magpalakas nang hindi pa namin kilala ang isa't isa." Napatigil ako sa pag-inom dahil sa sinabi niya. Tiningnan ko siya at mas pinakinggan pa ang mga sasabihin niya. "Naging grupo kami noong kaka-rank S pa lang namin. Ang maipapayo ko lang sa inyo, magpalakas kayo bilang indibidwal kung gusto niyong makatulong sa grupo na gusto niyong buoin. Hindi naman ako against sa plano niyo na bumuo ng grupo kapag rank B na kayo, mas maganda nga iyon. Para mahasa niyo agad at para mas makilala niyo ang isa't isa." Matapos ang seryoso naming pag-uusap ay nagtawanan naman kami. Nilibre pa nga kami nina Tita dahil ang daming kinain nina Felix. Ang takaw pala nila! Halos sila lang ang umubos ng in-order ng buong grupo. Sobrang takaw rin ni Jing kahit na ang tahimik lang niya sa gilid at nakikinig lang. Akala ko ako na ang pinakatahimik na tao sa mundo, may mas malala pa pala sa 'kin. Nagsasalita naman kasi ako lalo na kapag tinatanong, pero si Jing ay tango lang nang tango. Silang dalawa ni Felix ang pinakamatakaw at tipid lang na kumain sina Zeus at Calyx. "Diet kasi ako," sagot ni Calyx. "I'm on my diet as well," sagot naman ni Zeus. "Asus! Diet daw. Nahihiya ka lang na kumain nang marami sa harap ni Limea. Iyon ang sabihin mo!" panunukso ni Margo. "Teka nga! Kanina ko pa iyan naririnig. Ano ba 'ng meron at mukhang may pag-ibig na nabubuo?" tanong ni Nicy na halata mong nakukuha na ang kanina ko pang gustong iwasang usapan. Kinuwento naman nila ang nakakahiyang ginawa ko dahilan para tumawa sila. Samantalang pulang-pula naman ako dahil sa kahihiyan. Ganoon din si Captain Zeus na napainom na lang ng tubig dahil sa kwento ng mga kagrupo niya. "Tama na nga! Nakakahiya na nga, mas lalo pa kayong gumagawa ng dahilan para magkahiyaan kami," ani Zeus. Nag-aya naman agad siyang umalis na tinutulan ng mga kagrupo niya. Ngayon na nga lang daw sila makapagsasaya ay tututulan pa niya. Pero sa huli, wala na rin silang nagawa dahil dumidilim na. Tapos na ang masasayang oras nila at balik trabaho na sila. Habang kami naman ay balik-eskwela na naman. SA UNANG buwan ko sa Witches and Wizards, ang dami kong natutunan. Tinuruan kami kung paano gumamit ng mahika na makapagpapalakas ng mga sandata ng grupo namin at ng mga sandata namin. Tinuruan din kami kung paano pabilisin ang kilos ng iba para mas maging epektibo ang paglaban namin. Sa isang buwan din na iyon, lagi na lang akong nasisita ni Sebastian dahil sa kapalpakan ko. Paano ba naman kasing hindi, may kadikit akong malas? Hindi ba naman ako nilubayan at panay ang dikit sa 'kin sa kahit saan ako magpunta. Wala tuloy akong choice kundi ang bantaan siya. Na hindi ko siya tutulungan kapag hindi ako naging rank B sa buwan na ito. Kailangan kong maging rank B para makabuo na kami ng grupo nina Alton, Nicy at Jian. Buti na lang at si Sebastian na ulit ang guro namin kaya nakapag-focus naman ako. Hindi siguro ako makakaakyat ng rank B kapag si Zeus ang guro. Bakit ba naman kasi naiilang ako kapag nakikita ko siya? Naaalala ko talaga sa kaniya si Matthew. Sa maikling panahon ding iyon, nagawa ni Alton na maging rank B kaya naman ang tindi ng pressure para sa 'kin. Isa siya sa outstanding na estudyante sa swords category kaya naman marami ang humahanga sa kaniya. Halos wala pa kasing isang buwan ay rank B na siya. Syempre hindi ako papatalo. Kung maiaalis ko lang talaga ang epal na lalaking ito sa tabi ko ay hindi ako palaging ma-didistract! "Leche ka talaga, Sparrow! Kapag talaga ako napikon sa 'yo, itatapon kita sa ilog ng lason!" bulalas ko sa isip habang nag-coconcentrate ako. Pinagagawa kasi ako ng isang kapangyarihan kung saan mapalalakas ko at mapabibilis ang pana at palaso. Pilit naman akong inaasar nitong si Sparrow para hindi ko magawa. Ito na ang huli kong kailangang gawin para sa rank B pero hindi ko pa yata magagawa. Kahit na anong banta ang gawin ko sa kaniya ay hindi pa rin siya natitinag. Siya yata ang magpapaaga ng pagkamatay ko dahil sa high blood. Nakakapikon! "Bakit ba kasi gusto mong maging rank B?" tanong niya habang nakatitig sa ginagawa ko. "Gusto kong gumawa ng grupo kasama sina Nicy! Ayos na bang sagot iyan? Lulubayan mo na ba ako?" "Mahalaga ba talaga kapag may grupo?" "Doon kasi malalaman kung compatible ba kami sa isa't isa. Mas maaga kaming gagawa ng grupo para malaman namin agad. Gusto kong maging rank S sa lalong madaling panahon!" "Ah. Sige na nga. Hindi na kita iistorbohin," aniya. "Pero sa isang kondiyon," singit pa niya. "Ano na naman?" "Isama niyo si Oliver sa grupo niyo. Sa tingin ko ay malaki ang maitutulong niya sa inyo," seryosong sabi niya. Tiningnan ko siya habang nakatingin kay Oliver. Mukhang may iniisip siya pero hindi ko alam kung ano. "Kung makapasok kaming pareho sa rank B!" "Tutulungan ko kayong maging rank B!" nakatawang sabi niya. Sa hindi malamang dahilan ay pumasok kaming dalawa ni Oliver. Hindi lang namin magawang magdiwang dahil malungkot sina Eunice. Hindi kasi nila nagawa ang mga misyon na dapat tapusin para maging rank B. Pinagmasdan ko si Sparrow na nakamatyag lang sa amin. Kahit hindi niya sabihin sa 'kin ay alam kong may iniisip siya. Sa tingin ko, may naaalala na siya kahit kaunti tungkol sa kung sino siya. Wala naman ako sa lugar para magtanong. Hahayaan ko na lang na siya na ang magsabi sa 'kin kung sakali. Kahit naman malakas siyang mang-asar ay hindi pa rin kami ganoon kalapit sa isa't isa. Hindi naman ako mahilig magkwento sa kaniya tungkol sa nakaraan ko. Wala rin naman siya iku-kwento sa 'kin. Siguro, naging close lang kami dahil halos siya lang ang kausap ko. Hindi niya nga raw maintindihan kung bakit ang tahimik ko. Ang dami naman daw tumatakbo sa isip ko na ayaw kong sabihin nang malakas. Ang tanging dahilan ko na lang ay tinatamad ako at sayang lang sa laway. "Uy! Iyong sinabi ko, a? Isama niyo si Oliver sa grupo. Kulang pa naman kayo ng dalawa, 'di ba?" tanong niya sa 'kin habang pabalik ako sa inn. Tapos na ang kailangan naming gawin sa school kaya uuwi na ako. Mamaya pa ang uwi nina Alton kaya hahayaan ko na munang itong lalaking ito ang makasama ko. "Oo na. Bakit ba kasi gusto mong isama namin si Oliver? Mukha namang hindi siya interesado hangga't hindi pa siya rank S." "Basta! Nararamdaman kong mas lalakas pa siya at kakailangan niyo siya sa grupo. Hindi nga siya interesado pero subukan mo pa rin." "Bahala na! Siya naman ang magpapasya riyan kaya itatanong ko na lang muna. Kung hindi siya pumayag, wala na akong magagawa." Nakita ko ang pagnguso niya kaya napairap na lang ako. Hindi ako makapaniwalang may kasama akong bata. Daig ko pa ang baby sitter dahil sa kaniya. Hindi nga siya demanding pero kailangan ko namang tingnan siya para siguraduhing wala siyang ginagawang kalokohan. Papasok na sana kami ng inn nang bigla kong matanaw si Oliver. Mukhang pauwi na rin siya sa kanila. Mag-isa lang siyang naglalakad tulad ko – kung hindi mo nakikita si Sparrow. Parang ang lalim ng iniisip niya pero tinawag ko pa rin siya. Iyon nga lang, hindi niya ako narinig. "Uy! Sino ba 'yang tinatawag mo?" Napatingin ako kay Sparrow nang bumalik siya sa labas at tiningnan ang dereksyong tinitingnan ko. "Nakita ko kasi si Oliver. Hindi niya siguro ako narinig nang tinawag ko siya," sabi ko. Hindi siya sumagot at tumingin lang kay Oliver na palayo na ngayon. Niyaya na niya ako sa loob kaya pumasok na ako. Bukas ko na lang siguro kakausapin si Oliver tungkol sa grupo namin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD