Chapter 8 – Team Leopard
Sabado na ngayon kaya wala kaming magiging klase. Ibig sabihin ay pwede kaming hindi pumasok. Pero ayon kina Nicy, may ilan sa mga rank A ang patuloy nag-eensayo dahil gusto nilang maging rank S.
Gusto ko rin sanang manatili para mag-ensayo kung hindi lang dahil sa nangyari kahapon. Hindi ko pa yata kayang harapin si Captain Zeus dahil sa ginawa ko. Halos lahat ng mga kaklase ko ay kakaiba na rin ang tingin na pinupukol sa 'kin. Hindi ko matagalan. Para na nila akong hinuhusgahan. Iyon ang pinaka-ayoko.
Nakatingin pa rin ako sa kisame sa kwarto ko sa inn nina Nicy habang nakahilata sa kama. Hindi pa rin ako bumabangon dahil wala naman akong balak ngayong araw. Wala naman akong pupuntahan o dadalawin. Gusto ko sanang mamasyal pero wala ako sa mood.
"Tumayo ka na nga riyan! Hanggang kailan mo iisipin ang katangahang ginawa mo?" ani Sparrow habang nakahiga sa tabi ko. Nakatagilid siya habang nakatingin sa 'kin. Nakapatong pa ang ulo niya sa palad niya habang nakatukod sa kama ang braso. Halos itulak ko siya paalis kung hindi lang talaga sa mood ko ngayon.
Sparrow ang pinangalan ko sa kaniya dahil hindi niya rin maalala ang tunay niyang pangalan. Ayoko namang tawagin siyang stupid o idiot sa lahat ng oras.
"Tigilan mo 'ko, a? Hindi maganda ang gising ko," sabi ko, nakataas ang isang kilay.
Tumayo na ako para maligo dahil bigla akong nagutom. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako susundan ni Sparrow pero wala naman akong choice kung hindi pagtiisan siya.
"Ito naman. Sabi ko lang naman ay gawan mo ng weak point, hindi ko naman sinabing halikan mo," pang-aasar pa niya.
Binato ko na siya ng tsinelas para matigil na siya. Tinawanan niya lang ako pero tumigil naman siya sa pang-aasar.
Matapos kong maligo, good thing hindi ako sinilipan ni Sparrow, isang katok sa pinto ang nakapagpatigil sa asaran naming dalawa.
"Sino 'yan?" tanong ko habang naglalakad palapit sa pinto.
"Gagala kasi sana kami nina Nicy at Jian. Gusto mo bang sumama?" tanong ni Alton sa kabilang bahagi ng pinto. Binuksan ko iyon at saka lumabas.
"Sama 'ko. Wala naman akong gagawin o kahit anong pupuntahan."
Naramdaman ko agad ang pagsunod ni Sparrow pero nakinig lang siya sa usapan namin.
"Pag-usapan din sana natin ang tungkol sa pagbuo ng grupo."
"Hindi pa naman sigurado kung makakapasok ako kaya bakit niyo ako isasama?" nakasimangot na sabi ko.
Ayoko naman kasing paasahin sila sa wala. Baka mamaya ay hindi naman pala ako makapasok.
Every month kasi ay may pinipili para umabante sa rank B. Tanging rank C lang ang nabibigyan ng ganitong pagkakataon kaya hindi naman gaanong inaabangan ang mga ganoong okasyon. Hindi ko nga alam kung mabibigyan ako ng chance.
Sa klase namin ay lima kami, halos tatlo lang sa iba pang categories. Pero marami na rin kami para sa mga baguhan. Tiyak na mahihirapan din kami na umabante lalo na at marami pang mas magagaling sa 'min na pwedeng mabigyan ng pagkakataon.
"Huwag ka ngang masyadong pessimistic diyan. Hindi mo pa alam kung ano ang pwedeng mangyari," aniya sabay akbay sa 'kin.
Hinayaan ko siya pero napangisi ako. "Wow, pessimistic. Spell nga," pang-aasar ko sa kaniya.
Natawa siya dahil sa sinabi ko. "Nagjo-joke ka rin pala? Akala ko, sobrang seryoso mo sa buhay na hindi mo na alam kung paano mag-enjoy," aniya sabay tawa.
"Ang judgmental mo talaga. Kapag nagbibiro kasi ako noon ay nakokornihan ang mga kaibigan ko kaya hindi na ako nagbibiro. Minsan na lang," sabi ko. Medyo napatigil pa ako dahil sa sinabi ko. Hindi ko inaasahang magiging casual lang ako kapag pinag-uusapan ang tungkol sa mga kaibigan ko.
"Hindi naman, a? Ayos lang iyan dahil mas korni mag-joke si Jian," aniya sabay tawa na naman nang malakas.
Um-order agad kami kina tita ng agahan. Kasabay namin si Nicy sa pagkain kaya sobrang ingay namin sa loob. May ilan na ring mga costumer na nandito pero dahil maaga pa ay hindi pa naman busy. Halos nakalahati na namin ang pagkain namin nang dumating si Jian.
"Hey, guys!" bati niya sa 'min.
"Hi, Jian. Kaunti na lang matatapos na kami. Dumating ka pa?" pang-aasar ni Nicy sa kaniya na agad ikinasimangot ni Jian.
"Pinaliguan ko pa kasi si Maximus kaya natagalan ako. Gusto pa ngang sumama pero alam mo naman iyon, sobrang harot!"
"Maximus?" tanong ni Alton, nakakunot ang noo.
"Ah. Aso ko iyon na golden retriever."
"Ano? Gala na tayo?" yaya ni Nicy.
Tinapos na namin ang pagkain namin at saglit pang hinintay si Jian. Hindi na umuulan ng nyebe ngayong umaga kaya naman hindi na namin kailangang magbalot ng damit pero nakapangginaw pa rin kami. May mga nyebe pa raw kasing naiwan dito dahil umulan kagabi.
Panay ang sulyap ko kay Sparrow na sobrang tahimik ngayon. Nakamasid lang siya sa mga dinadaanan namin na para bang ngayon lang siya nakapunta sa lugar na ito gaya namin ni Alton. Gusto ko sanang matuwa pero hindi ko mapigilang hindi magtaka.
"Balita ko may elite team na nag-eensayo ngayon sa Fleob. Gusto niyong panoorin?" tanong ni Jian sa 'min.
Agad kong tinakpan ang tainga ko dahil alam kong titili na naman si Nicy. Napansin ko rin ang panlalaki ng mata ni Sparrow dahil sa gulat. Muntik pa nga siyang madapa. Buti at hindi ako natawa.
"Oo nga pala! Buti pinaalala mo, Jian! Ang Team Leopard ngayon ang nag-eensayo. OMG! Makikita ko na sa personal si Zeus!"
Malakas na natawa si Sparrow dahil sa narinig. Samantala, para namang gusto kong umatras dahil sa sinabi ni Nicy. Hindi nga ako pumasok dahil akala ko ay siya ang magtuturo pero ito kami at pupunta kung nasaan ang guro namin. Nakakainis!
Buti nga at hindi pa alam ni Nicy ang nangyari. Kung hindi ay tiyak na tutustahin niya ako. Hindi pa ako handa para sa sunod-sunod na tanong niya.
"Tara na!" bulalas ni Nicy sabay hatak pa sa kamay ko.
Aapila pa sana ako kung hindi lang din ako hinila ni Jian sa kabila kong braso.
"Pagkakataon nga naman, o. Pinaglalapit na talaga kayong dalawa!" pang-aasar pa ni Sparrow. Sumunod din siya sa 'min gaya ni Alton na wala na ring choice.
Gusto ko sanang sigawan si Sparrow kung hindi lang ako magmumukhang tanga. Bahala na kung ano ang mangyayari mamaya. Bahala na talaga akong lamunin ng lupa dahil sa kahihiyan!
Tumigil kami sa gilid ng gubat. May isang monitor doon kung saan makikita mo ang bawat sulok ng gubat. Mukhang sakop din ito ng ST dahil sa makabago nitong mga kagamitan.
Parang may invisible threads na naghahati sa gubat at sa kinaroroonan namin. Para bang pinagbabawal kaming pumasok sa gubat dahil magiging mapanganib. Sinubukan kong sumilip sa loob ng gubat pero wala naman akong maaninaw kundi mga puno.
"Na-momonitor nito ang kahit anong bagay at tao sa loob ng gubat. Dito na lang tayo manood. Panoorin natin kung paano makipaglaban ang mga elite team," ani Jian.
Nakinood ako sa monitor dahil gusto kong malaman kung paano sila makipaglaban. Pero gusto ko ring umalis dahil sa pang-aasar nitong epal naming kasama.
"Curious siya sa ginagawa ni kapitan. Sabi ko na nga ba at may mabubuong pag-ibig."
"Pag-ibig, your face!" bulalas ko sa isip ko.
Inirapan ko siya at ibinalik na lang ang tingin sa screen para manood. Gusto ko lang malaman kung gaano kalakas ang mga elite team na tinatawag nila. Iyon lang talaga.
Naglalakad si Zeus palapit sa isang malaking hayop, na sa tingin ko ay ang huhulihin nila. May isang horn ito sa ilong na kumikinang pa ang dulo dahil sa talim. Ang balat nito ay parang bakal dahil kulay silver ito. Ang tutulis din ng pangil niya at ng mga kuko. Sobrang laki niya na hindi ko alam kung paano nila matatalo iyan.
"Calyx, stand by. Peter, pagkasugod ko ay paulanan mo agad ng palaso. Margo, I need your speed so switch with me every time," rinig naming utos ni Zeus.
"Teka, bakit naririnig natin ang sinasabi ni Zeus? Hindi ba at sa ear piece lang naman nila iyan?" nagtatakang tanong ni Alton.
Miski naman ako ay nagulat nang marinig ko ang seryosong boses ni Captain Zeus.
"Ito kasi ang training grounds ng mga elite. Mga aktwal na laban lang ang makakapagpahasa sa kakayahan nila. Kapag namatay sila rito ay babalik lang din sa dati ang katawan nila at mapupunta sila sa ST clinic. Pero madalang naman ang mga elite na namamatay rito. Madalas ay ang mga bago pa lang," ani Nicy.
Sabay-sabay naming pinanood ang team nina Captain Zeus. Naghihintay lang sila ng susunod na utos niya at wala ni isa sa kanila ang gumagalaw. Hinihintay nila ang pagsugod ng kanilang kapitan para magawa na nila kung ano man ang tungkulin nila.
Itinuon ko ang atensyon ko sa kanila. Tiyak na marami akong matututunan. Isa silang elite team kaya panigurado iyon. Medyo naiilang lang akong panoorin dahil sa tuwing titingnan ko si captain ay naaalala ko ang katangahang ginawa ko.
"Uy, ayos ka pa ba? Mukhang hindi ka na humihinga. Ganiyan mo ba kagusto ang kapitan na tingnan mo lang siya ay nawawalan ka na ng hininga?" pang-aasar ni Sparrow sa likod ko.
Napairap ako nang marinig ko ang boses niya. Sinasabi ko na nga bang hindi mabubuo ang araw niya kapag hindi ako inasar. Kapag talaga nalaman ko ang kahinaan niya ay hindi ko rin siya titigilan tulad ng ginagawa niya.
"Shut up! Gusto ko lang panoorin ang training nila dahil gusto kong matuto," sabi ko.
"Sige, sabi mo, e."
Inirapan ko na lang ulit siya dahil hindi ko siya kayang batukan ngayon. Ipaalala na lang sa 'king batukan siya mamaya kapag kaming dalawa na lang ang magkasama.
Nawala ang atensyon ko sa kaniya nang magsimula si Zeus sa pagsugod. Umulan agad ng palaso na parang kidlat. Tumama iyon sa balat ng kalaban nila pero hindi iyon namatay agad. Gamit ang espada ni Zeus ay sinubukan niyang hinawain ang katawan nito pero hindi rin tumalab.
"Ang tibay naman ng katawan niyan. Ano ba'ng tawag sa hayop na iyan?" tanong ni Alton.
"Isa iyang Hiposheep. Matibay talaga ang balat niya dahil proteksyon niya iyan sa mga kalaban. May lason ang horn niya kaya mahihirapan sila kapag nadikit sila riyan," pagpapaliwanag ni Jian.
"Hindi ba at system lang naman ang nagpapagana sa kanila? Bakit naman sila malalason kung ganoon?" tanong ulit ni Alton habang nakatingin pa rin sa team na nakikipaglaban.
"Iyon kasi talaga ang purpose ng system na ito. Kinukuha nila ang mga data sa mga Marcollds at saka sila gumagawa ng mga kakaibang nilalang para sa tuwing haharapin na nila ang tunay na kalaban ay magiging madali na lang," sagot naman ni Nicy.
Biglang nag-switch sina Zeus at Margo. Itutusok na sana ng Hiposheep ang horn niya kay Margo ngunit naging mabilis siya sa pagtalon. Para siyang nawala na lang sa hangin dahil sa sobrang bilis. Basta, nakita ko na lang siyang nakalayo na sa Hiposheep.
"Si Margo ay isang assassin. Mabilis siyang kumilos kahit na wala ang system. Pero dahil sa tulong ni Felix ay mas lalong bumibilis ang kilos niya," ani Jian.
"Isang wizard?" tanong ko.
"Correct! Isa sa mga pag-aaralan mo tiyak kung paano pabilisin ang kilos mo at ng buong grupo para mas maging epektibo ang pakikipaglaban niyo!" masiglang sabi ni Nicy na para bang sobrang excited siya sa nangyayari.
Nang mahanap ng Hiposheep ang kinaroroonan ni Felix ay agad niya itong sinugod. Naging maagap naman si Felix at naglabas agad ng isang mahabang kahoy – katulad ng kahoy na ginamit ni Oliver sa training namin.
May kulay pulang ilaw ang gumapang sa kahoy na iyon. Nang hampasin niya ang horn ng Hiposheep ay kitang kita sa screen ang pag-c***k niyon. Agad siyang nakipag-switch kay Margo upang mabilis na makalayo sa kalaban.
"Margo, get ready for the last attack," ani Zeus nang mapansin ang c***k. "Felix, boost everyone's mana. Calyx and Jing, prepare your guns." Nang banggitin niya ang dalawa pang myembro ay saka ko lang nalaman ang kinaroroonan nila.
Ngayon ko lang naalalang anim pala sila. Si Jing ay may hawak na sniper at sobrang layo niya sa kinaroroonan ng mga kagrupo. Si Calyx naman ay dalawang baril ang hawak at panay ang pagpapaputok ng baril sa kalaban. Malayo rin ang pwesto niya kaya hindi mo agad siya mapapansin.
Sumugod si Zeus sa Hiposheep at agad siya nitong nakita. Imbis na umiwas ay pinansangga niya ang espada niya dahilan para mas lalong mag-c***k ang horn.
"Switch!" Lumayo agad si Margo sa Hiposheep nang mag-switch sila. Umulan na naman ng palaso sa kalaban kaya nabaling doon ang tingin niya. Hindi tinigilan ni Peter ang pagpapaulan kahit na tumatakbo na ito sa pwesto niya.
Napatigil lang ang Hiposheep nang sunod-sunod na putok ang pinaulan ni Calyx sa likuran nito. Para bang mas lalong nagalit ang Hiposheep dahil sa ginagawa nila. Hindi nakaiwas si Peter sa pagsugod nito dahilan para tumilapon siya palayo.
"Felix, you know what to do," kalmadong utos ni Zeus. Sa katunayan, kanina pa nga siya kalmado na para bang hindi siya nangangamba sa kinakalaban nila.
Isang kulay dilaw na mahika naman ang lumabas sa kamay ni Felix at tinutok iyon kay Peter. Nawala ang mga gasgas nito sa katawan at mabilis siyang nakatayo at lumayo sa Hiposheep.
Napatigil ang Hiposheep sa pagtakbo kay Peter nang isang bala ang tumama sa kaliwa niyang mata. "Nice shot, Jing," nakangising sambit ni Felix.
Hindi naman tumugon si Jing at pinaputukan pang muli ang kanang mata nito. Hindi nila iyon sinayang. Pinaulanan nila ng pinaulanan ito ng mga atake. Akala ko nga ay mamamatay na pero nakatakbo pa rin ito patungo kay Peter.
Hindi lamang iyon natuloy nang tinapos na ni Zeus ang paghihirap ng Hiposheep at pinutol na ang apat nitong mga paa.
So, this is how the elite team works. Para lang silang naglalaro ng tagu-taguan kung saan sila ang taya at ang kalaban nila ang hahanapin.