Bumakas ang pagkaalarma sa mukha ni Anthony, ngunit awtomatiko ding tumapak sa preno ang paa nito.
Agaran din ang pag-abante ng kanilang mga katawan nang sila'y mapahinto.
Nang bumalik ang paningin ni David sa daan, agad niyang inialis ang suot na seatbelt para bumaba ng sasakyan. Ganoon din ang ginawa ni Anthony nang makita ang dahilan.
Isang babae ang walang malay na nakahiga sa gitna ng kalsada.
"Anong ginagawa niya? Lasing ba siya?" wika ni David na tinitigan ang babaeng nakapaling sa gilid ang mukha.
Naupo sa gilid nito si Anthony para tingnan ang kalagayan ng babae. Itinapat nito ang tainga sa bibig nito. Dinama rin nito ang noo ng babae at agad natuklasang nakapapaso ang init nito.
"Buhay pa siya. Hindi rin siya nakainom, pero mukhang nilalagnat siya," turan nito nang tumayo para buhatin ang babae.
"Teka, saan natin siya dadalhin? Alam mo ba kung nasaan tayo?" pag-alma ni David. "Liblib na ang lugar na ito. Ang pinakamalapit na ospital ay isang oras pa ang layo," paliwanag pa niya habang bitbit na ito ni Anthony sa tabi ng kotse. Ipinagbukas na lang tuloy niya ito ng pinto sa likod na passenger seat.
"Malapit na tayo sa resthouse n'yo, 'di ba?" wika ni Anthony habang inihihiga sa loob ang babae.
Nakaalalay naman si David. "Oh, bakit?"
"Nakalimutan mo bang doktor ang lola mo? Kare-retire lang niya."
Napapukpok sa ulo si David. "Oo nga pala."
Kaagad na silang bumiyahe patungo sa resthouse kung saan nananatili ngayon ang masiglang lola ni David. Ilang minuto na lang din ang kanilang ibiniyahe kaya agad silang nakarating.
Hindi rin nagtagal ay ipinaparada na ni Anthony sa malaking garahe ang dala nitong kotse. Kaagad tumulong si David na maibaba ang babaeng tshirt at maikling short lang ang suot. Mukhang wala nga itong suot na panloob, base sa bumabakat sa dibdib nito. Pareho nilang iniiwas ang tingin bilang paggalang sa babae.
"Ang batang 'to!" bulyaw ng tinig na nagmula sa hagdan. "Sino 'yan? Bakit ka nag-uwi ng babae rito!?" tanong nito habang nakapamaywang na bumababa.
Maingat naman nilang inilapag sa 6-seater na sopa ang babae.
"Ano ba kayo, Lola? Pasyente n'yo ito. Nakita namin sa gitna ng daan, mukhang nilalagnat," paliwanag ni David.
"Magandang gabi po," pagbati ni Anthony sa matanda.
"Magandang gabi rin." Bigla nang napangiti si Lola Anastascia. "Mukhang nag-uwi ka rin pala ng magandang lalaki."
"Lola, si Simon po 'yan, 'yong kinukuwento ko sa inyo na kaibigan ko sa New York," paghalakhak ni David. "Anthony na nga pala ang pangalan niya ngayon."
Saglit na nagpakuha ang matanda ng mga kagamitan nito sa kasambahay. Kaagad tumalima ang balingkinitang ginang na nang bumalik, bitbit na ang first aid kit.
Mula roon ay naglabas si Lola Anastascia ng sthethoscope upang masuri ang dalaga. Pagkatapos at tiningnan din nito ang temperatura nito. Saglit nitong pinukpok ang thermometer at gamit ang isinuot nitong salamin, pinaktitigan nito ang mga numerong naroon.
"Huwag kayong mag-alala. Hindi naman siya malala," turan nito. "Kailangan niya lang makainom ng gamot at ng matinding pahinga."
***
"Patuloy pa ring pinaghahanap si Avah Lopez matapos mahulog mula sa isang ferry restaurant, dito sa Batangas," wika ng tinig ng isang babaeng reporter. Ipinapakita na sa screen ang mismong ferry resto na nakahinto na sa isang port.
Isang babaeng nakakulay rosas na bestida ang napaturo sa dulo ng ferry. "Nakita ko talaga siya roon, mag-isa siyang umiinom. Mukhang problemado talaga siya."
"Baka, malungkot siya dahil sa pagkakaaksidente ng dad niya, 'di ba?" pagsali ng isa pang babae. "Maybe, hindi lang siya makalapit dahil nga may iba na itong pamilya."
"Oo nga. Masyado natin siyang hinuhusgahan, hindi naman natin alam ang buong pangyayari," dagdag pa ng isang lalaki.
Nagpatuloy naman ang reporter na nakasuot ng jacket. "Palaisipan pa rin kung buhay pa ito, dahil ilang oras na ang lumipas mula ng pagkahulog nito. Samantala, wala pa ring ibinibigay na pahayag ang Glamour Entertainment ukol sa nangyari."
"Grabe, pati ganiyang balita, nilalagyan nila ng istorya," bulalas ni Joan na abala sa paghahain ng agahang iniluto ni Kristina.
Naroon ang panganay ng mga Katoh sa harap ng kalan at nagsasandok ng sinangag. Maririnig naman mula sa salas ang balitang kagabi pa yata laman ng telebisyon.
Matapos makapaglagay ng mga plato sa mesa, bumaling na si Joan kay Kristina. "Hala, Ate, gigisingin ko na ba 'yong kambal?"
Napatingin si Kristina sa malaking orasan. "Huwag muna, maaga pa naman. Kumain ka na riyan. Si Nicole ba, umalis na?"
"Umalis? Hindi naman umuwi 'yon, eh," tugon ng batang si Joan na napasimangot nang maupo sa harap ng hapag. "Parang si Kuya Bobby rin, hindi umuwi."
Nangunot ang noo ni Kristina nang mailapag sa mesa ang sinangag. "Nagpaalam ba sila kay Cindy?"
"Oo yata?" hindi siguradong wika ni Joan. "Bakit kaya wala pa si Ate Cindy? Ang sabi niya maaga siyang makakauwi?"
Napalingon sila sa direksyon ng salas nang marinig na bumukas ang pinto.
Nananabik na tumayo si Joan. "Nandiyan na si Ate!" Patakbo na itong nagtungo sa salas.
Bigla lang itong nadismaya nang makita kung sinong nasa pinto. "Kuya Bobby? Bakit ngayon ka lang?"
Naupo sa may sofa si Bobby at agad nagtanggal ng suot na medyas. "Kasi, ano, eh." Nalipat ang tingin nito sa telebisyon. "Naku, kawawa naman si Avah Lopez. Ano kayang nangyari kagabi? Sigurado ako, magkausap lang kami kagabi, pero bigla na lang siyang nahulog?"
Lumapit na rito si Krsitina. "Anong sinasabi mo? Paano mo makakausap si Avah Lopez, eh nasa Batangas 'yon?"
"Ah...eh." Napaiwas na ng tingin si Bobby.
"Kuya, galing kang Batangas?" bulalas ni Joan na nabuksan na pala ang bag nito, na naglalaman ng ilang pasalubong. "Wow, paborito ko 'to, eh!" Inilabas nito ang isang kending kilala sa probinsiyang 'yon.
"Bobby? Anong ginawa mo sa Batangas?" tanong ni Kristina.
"Kasi... Ate." Tumayo na ito at naglabas ng nakatuping tatlong libo mula sa wallet. "Nagpa-part time kasi ako. Pero kasama ko naman 'yong kaibigan ko, 'wag kang mag-alala. Pandagdag na lang muna 'yan ng pam-budget."
"Paanong pag-aaral mo?" pag-alma ni Kristina na tumaas ang tono. Mas lumapit naman ito para bumulong, "Saka, 'di ba, busy ka rin sa pagsasayaw?"
"Kaya ko naman 'yong pagsabayin," pahayag ng desi-nuwebe anyos na lalaki. "Ate, puwede bang 'wag mo na lang munang sabihin kay Ate Cindy."
"Ako, puwedeng hindi ko sabihin." Napatingin si Kristina sa bunso nila. "Eh, 'yan."
Biglang hinablot ni Bobby ang isang balot ng kending inuumpisahan na ni Joan. "Sandali lang. Bakit tinitikman mo na ito?" Matamis na ngumiti ang pangalawa sa bunso. Iniangat pa 'yon ni Bobby sa ere nang mag-umpisa si Joan na kuhain ulit 'yon.
"Kuya Bobby, akin na 'yan!"
"Gusto mo ba talaga nito?" pang-aasar ni Bobby.
"Promise, hindi ko sasabihin kay Ate Cindy na nagpa-part time ka at nakakarating sa Batangas!" pangako nito kasabay ang pagtaas ng kanang-kamay.
"Very good!" Ibinigay na 'yon ni Bobby at hinaplos ang buhok ng bunso nila.
"Anong sasabihin ko kay Cindy, kapag itinanong niya kung saan galing ito?" Iniangat ni Kristina ang hawak na tatlong libo.
"Sabihin mo na lang muna, may kaibigan kang nagbayad ng utang," tugon ni Bobby na
Napanguso naman si Joan. "Si Ate Cindy, maniniwala sa dahilang 'yan? Eh, hindi naman nagpapautang si Ate Kristina, kasi kuripot 'yan!"
Marahang napahampas si Kristina sa braso ng bata. "Anong sinabi mo?"
"Aray naman," maarteng pagrereklamo ni Joan na napatirik pa ang mata.
***
"Mrs. Perez," pag-ungol ni Avah.
Hindi niya magawang tuluyang maimulat ang mga mata. Nasisilaw siya sa matinding liwanag na nagmumula sa kung saan.
"Mrs. Perez..." pag-uulit niya.
Saka naman rumehistro sa kaniya ang pananakit ng buong kalamnan. Lalo na ang kaniyang ulo. Nakahiga man siya, pero damang-dama niya ang bahagyang pagkahilo. Hindi niya maipaliwanag kung bakit siya nagkakaganito.
Pinilit niyang maimulat ang mga mata. Nakaharap siya sa bintanang mayroong bukas na bukas na kurtina. Kaya naman pala ang sinag ng araw ay tutok na tutok sa kaniya.
Sandali... nasaan ba siya?
Pakurap-kurap siya habang nilalabanan ang matinding pagkasilaw.
Bakit parang... wala siya sa kuwarto niya?
Sinubukan niyang bumangon habang sapo ang ulo. Tumalikod din siya mula sa bintana, bakasakaling maibukas na niya nang tuluyan ang mga mata.
Pinagmasdan niya ang buong silid. Simple lang ang mga kagamitang narito, pero karamihan ay maliwanag ang kulay. Kulay puti, kulay kahel, kulay matingkad na berde. Mayroon ding malaking painting sa kabilang bahagi ng silid. Puro makukulay na bulaklak.
Nasaan ba siya?
Kaagad siyang napatingin sa suot niya. Oversized na tshirt na may dobleng sando, at malaki ring jogging pants na mahigpit lang na nakatali sa baywang niya.
Teka... bakit wala siyang suot na bra?
Bigla namang bumukas ang pinto at isang lalaki ang pumasok mula roon.
"Oh, mabuti gising ka na?"
Nang magsimula itong humakbang palapit, kaagad siyang tumili.
Biglang napatalon ang lalaki na agad napaatras.
"Ahhh!!!" Napatakip din siya sa bandang dibdib. "Sino ka!? Anong ginawa mo sa akin?"
"Ako si David, at wala akong ginawa sa 'yo, ha?" pahayag nito. "Nakita ka lang namin kagabi sa gitna ng kalsada."
"Gitna ng kalsada?" Napaisip naman si Avah. Bakit wala siyang maalala?
Ang huli lang na pumasok sa isip niya ay roon sa ferry. Hindi ba, nagpunta siya sa isang ferry resto kagabi para hanapin ang kaniyang ina.
"Anong ginagawa mo roon? Mukhang hindi ka naman lasing kagabi? Nilalagnat ka lang," pagdaldal ng lalaki na napatingin sa kamay niyang nakatakip sa bandang dibdib niya.
"Ang mata mo!" pagbabanta ni Avaha kaya napaiwas na ito ng tingin. "Sinong nagpalit ng damit ko?"
"Si Ate Lydia, 'yong kasambahay ni lola."
"Talaga?" Bigla naman siyang may naalala. "Hindi ako lasing?" Sa pagkakaalala niya, uminom siya kagabi?
"Oo. Hindi ka naman amoy alak. Saka, kung naamoy ka ni Lola, eh 'di sana, pinalayas ka na niya kagabi pa lang," patuloy ni David.
"Ang lola mo?"
"Oo, nandito ka sa resthouse namin. Nandito rin nagbabakasyon si Lola ngayon. Siya 'yong nag-check sa 'yo kagabi, doktor kasi siya," paliwanag nito. "Teka, okay ka na ba?"
"Ano bang nangyari?" usal niya sa sarili. "Batangas pa rin ba ito?"
"Anong sinasabi mo? Nandito ka sa Quezon."
"A-ano?" Nagimbal niyang wika.
"Bakit parang gulat na gulat ka?" bulalas ni David. "Dont tell me, wala kang ideya kung bakit ka nandito sa Quezon?"
"Wala nga."
Bigla namang nanlaki ang mata nito. "Hindi kaya, nakidnap ka!?" Napasapo na ito sa bibig. "Bakit hindi namin naisip 'yon? Sa estado ng ayos mo kagabi, wala kang malay sa gitna ng kalsada. Inakala ko pa ngang lasing ka."
"Hindi ba talaga ako amoy-alak kagabi?" muling tanong ni Avah.
"Hindi nga. Kailangan ka naming maidiretso sa police station nang makapag-report," tugon nito na sumenyas sa pinto. "Tara na nang makapag-agahan ka."
May labis namang ipinagtataka si Avah. Tinitigan niya nang mariin ang lalaki. Bakit parang wala itong binabanggit tungkol sa kaniya?
Isa siyang kilalang singer-actress at idol group member. Palagi siyang lumalabas sa telebisyon. Nagkalat sa social media ang mga pictures niya.
Imposibleng 'di siya makilala nito.
"Do you know me?" dahan-dahan niyang tanong sa lalaki.
Bahagyang nagsalubong ang kilay nito. "Ano ba namang klaseng tanong 'yan?" wika nitong napangiti. "Malamang hindi! Nagpakilala ka na ba?"
"Ano? Niloloko mo ba ako?"
"Mamaya na lang tayo mag-getting to know each other. Ang gusto ni lola, sabay-sabay lagi sa pagkain, kaya bumaba ka na." Humarap na ito sa pinto, pero muli itong lumingon sa kaniya. "Teka, kaya mo na ba?"
Tumango-tango lang siya. "Oo. Susunod na ako." Sinubukan niyang tumayo kahit medyo nahihilo pa rin siya.
Mabuti nga at kahit papaano ay umayos na rin ang pakiramdam niya, 'di gaya kanina.
"Okay, mauuna na ako sa baba," wika ni David na ngumiti. "Malaki 'yong resthouse, pero hindi ka naman maliligaw, kasi pagbaba mo, matatanaw mo agad 'yong dining room."
Pagkatayo ni Avah, napatitig siya sa malaking salamin na nasa bandang harapan niya. Patakbo siyang lumapit doon at agad pinagmasdan ang kabuuan niya.
Kasunod n'on ay umalingawngaw sa silid ang kaniyang nakabibinging pagtili.