ISANG linggo ang mabagal na lumipas. Napagtanto ni Alaina na kahit pala gaano kaganda ang lugar kung nasaan ka, kapag wala kang masyadong pinagkakaabalahan ay mabuburyo ka. Maliban kasi sa pagtulong niya sa kaniyang ama sa pagluluto tatlong beses sa isang araw at pagboboluntaryong maghugas ng mga pinggan ay wala na siyang ibang ginagawa. Kapag gusto niyang tumulong sa mga tagapag-linis tumatanggi ang mga ito. Si Randall ay hindi na siya inutusan na dalhan ito ng maiinom. Katunayan hindi na niya nakikita ang lalaki matapos ang unang araw niya roon.
Kaya nang magising siya bago mag-alas singko isang umaga, hindi na nakatiis si Alaina. Bumangon siya at nagdesisyon na maglakad-lakad. Kapag wala kasi siyang ginagawang kakaiba ng matagal hindi siya mapakali. Katulad noong unang beses niyang ginawa iyon ay maingat at tahimik na lumabas siya ng silid nila para hindi magising ang papa niya. Pagkatapos ay pumasok siya sa mansiyon at nagtungo sa staircase. Gusto niyang panoorin ang sunrise. Wala naman sigurong magagalit sa kaniya kung hanggang hagdan lang siya.
Nakailang baitang na siya paakyat nang matigilan siya nang makitang may ibang tao na roon. Namilog ang mga mata niya. “M-master Randall!” manghang nausal ni Alaina at napahawak sa balustre ng staircase. Dahil masyadong tahimik ay halos mag-echo ang boses niya.
Gulat na napatingin sa kaniya si Randall na nakaupo sa isa sa mga baitang paharap sa glass wall. Katulad noong una niya nakita ang lalaki ay wala na naman itong pang-itaas at pajama bottoms lang ang suot. Magulo ang buhok nito na tila kababangon lang mula sa kama. “Quiet,” mahina ngunit mariing saway nito sa kaniya.
Naitikom ni Alaina ang mga labi at sunod-sunod na tumango.
Kunot ang noo na pinakatitigan siya ng binata. “What are you doing here this early?”
Nakagat muna niya ang ibabang labi bago sumagot. “I plan to watch the sunrise. Pero kung bawal sige babalik na lang ako sa silid namin,” aniya rito at tumalikod upang bumaba uli sa hagdan.
“You can stay,” sabi ni Randall. Gulat na muli siyang napalingon sa binata. Nakatingin pa rin ito sa kaniya. “As long as you won’t tell anyone that you found me here. This is the only time of the day that I can be alone and away from my bodyguards.”
Napatitig si Alaina sa mukha nito. “I can accompany you here?” tanong niya.
Inalis ni Randall ang tingin sa kaniya at tumitig sa scenery na makikita sa glass wall. “Don’t make me repeat myself.”
Napangiti na si Alaina. Sumulyap siya sa glass wall. Hindi pa sumisilip ang araw. Nag-iiba pa lang ang kulay ng kalangitan. Bigla siyang may naisip. Muli siyang tumingin kay Randall. “Gusto mo ng kape?”
Sumulyap ito sa kaniya at tumango. Lumawak ang ngiti niya. “Sandali lang, ipagtitimpla kita.” Iyon lang at mabilis na tumakbo si Alaina patungo sa kusina at nagtimpla ng kape. Nang bumalik siya sa staircase nakaupo pa rin doon si Randall habang nakaunat ang mga binti at nakatitig sa labas. Nang tumingin ito sa kaniya ay ngumiti siya at inabot ang tasa ng kape. Walang salitang kinuha iyon ng lalaki. Nanatili siyang nakatayo roon at pinagmasdan lamang ito.
Kunot noong tiningnan siya ni Randall. “Sit down,” utos nito.
Sandaling napakurap lang siya bago tumango. “Okay.” Pagkatapos ay maingat na umupo si Alaina sa baitang kung saan din nakaupo ang lalaki. Siniguro niya na malaki ang espasyo sa pagitan nila para hindi ito magalit bago kuntentong tumingin sa glass wall. Maliwanag na sa horizon, patunay na papasikat na ang araw. “Mas maganda sana kung nararamdaman natin ang init ng araw na iyan sa balat natin,” nausal niya.
“Isn’t it just fine to watch it from here?” biglang sagot ni Randall bago sumimsim ng kape.
Napalingon si Alaina sa lalaki dahil hindi niya naisip na sasagot ito. Prepared na nga siya mag-monologue habang magkasama silang dalawa. Indifferent ang tono nito pero nagpasaya pa rin iyon sa kaniya. “Ibang karanasan kapag nararamdaman mo ang pagsikat ng araw sa balat mo. Mas masarap kaysa panoorin lang iyon. Lalo na kapag nasa dalampasigan ka. Malapit sa beach ang apartment namin ni papa kaya madalas ako nagpupunta sa dalampasigan para hintayin ang sunrise kapag wala akong pasok sa school. Hindi mo pa ba iyon nasusubukan?”
“No. That’s dangerous.”
Kumunot ang noo ni Alaina at magtatanong sana kung bakit sa tingin nito mapanganib iyon. Pero bigla rin niyang napagtanto kung bakit nang maalala ang bodyguards ni Randall. “Ang ibig mong sabihin, delikado dahil mayaman ka at sa tingin mo may gagawa ng masama sa iyo?”
Tiningnan siya ng lalaki at muli parang may kumurot sa puso niya nang makitang malamig ang mga mata nito. “Not I think but I know. For someone like me, there is no such thing as a safe place. I must make sure I always have my guard up. Even people, I cannot just trust anyone.”
May bumikig sa lalamunan ni Alaina. “But that is so… sad.”
Napatitig sa kaniya si Randall at sandaling nawala ang lamig sa mga mata nito. Napalitan ng pagtataka at iba pang emosyon. Pero bago iyon mabasa ni Alaina ay binawi na ng lalaki ang tingin at tumitig sa harapan nito. “I don’t feel sad. That emotion is only for the weak.”
“That’s ridiculous. Saan mo narinig iyan?” kunot noong tanong niya.
“From my father.”
Natigilan si Alaina at namilog ang mga mata. “Huwag mong sabihin na pati ang paniniwala mo na wala kang mapagkakatiwalaan galing din sa kaniya?”
“Yes. And I know that he is right.”
Umawang ang mga labi ni Alaina. Kaya naman pala ganito si Randall, dahil sa paraan ng pagpapalaki ng ama nito. Hindi iyon tama. Paano magiging masaya ang lalaki kung ni hindi ito marunong magtiwala sa kahit na sino? If he must always be on guard? Nakakapagod iyon. Duda siyang marunong ngumiti si Randall. Baka hindi iyon kasama sa itinuro rito ng ama.
Magsasalita na sana siyang muli nang maunahan siya ng lalaki. “You are here to watch the sunrise and not my face right? Look in front of you,” tila yamot na sabi nito.
Nag-init ang mukha niya at tumalima. Napakurap siya at nakalimutan sandali ang kanina ay tumatakbo sa isip niya nang makita ang pagsikat ng araw. Napangiti na si Alaina at tahimik na pinanood ang sunrise. Makalipas ang maraming minuto ay sumulyap siya kay Randall. Noon niya nakita na nakatingin din ito sa kaniya na para bang pilit siyang binabasa na hindi niya mawari.
“Bakit?” tanong niya rito.
Himbis na sumagot agad ay inilapag ni Randall ang tasa sa tabi niya at tumayo. “Nothing. I’m going back to my room. They will be awake any minute now.” Iyon lang at tumalikod na ang lalaki at naglakad paakyat sa ikalawang palapag.
Mabilis na tumayo si Alaina. “Puwede ba akong bumalik dito bukas?” pahabol na tanong niya.
Napahinto sa paglalakad si Randall at bahagyang lumingon sa kaniya. Saglit na nagtama ang kanilang mga mata bago muling tumalikod. “Do what you want.” Iyon lang at tuluyan nang nawala sa paningin niya ang lalaki.
Naiwan doon si Alaina at napangiti nang may humaplos na init sa puso niya. Nakapag-usap sila ni Randall. Kahit matipid ang mga sagot nito, kahit sandali lang, may nalaman siya tungkol sa lalaki kahit papaano. She felt accomplished and happy. Tumingin siya sa nakasikat ng araw sa huling pagkakataon bago ngiting ngiting umalis din doon.