KABANATA 2

1607 Words
KABANATA 2 “ITO, maganda ‘to. Ito pa! Bilisan mo, bitbitin mo ‘to baka madampot pa ng ibang namimili! Ay, sandali parang mas babagay ‘to sa magiging ayos ng buhok mo!” Napakamot ako ng ulo at pinilit na lang sundin ang gusto ni Nanay. Kasalukuyan kaming nasa malaking ukay-ukay kung saan pinamimili ako ni nanay ng damit na babagay at kakasya sa akin para sa pinaghahandaan na malaking kasiyahang mangyayari sa aming bayan sa darating na Linggo. “Nay, bakit ba natin kailangan ubusin ang isang linggong sahod niyo ni Tatay sa mga damit na ‘to? Alam naman natin na maraming babaeng pupunta sa kasiyahan na ‘yon, mas maraming magaganda at mayayaman kaysa sa ‘tin ang mapapansin doon.” Nakanguso at nakakunot ang labi na ani ko habang sinusundan ang nanay sa paglalakad, ang huli naman ay abala pa rin sa paglalagay ng mga damit sa aking mga braso. “Ano naman ngayon?! Alam naman nating ikaw ang pinakamaganda rito sa bayan!” “Nasasabi mo lang ‘yan kasi nanay kita.” Nilingon ako ni Nanay saka dinuro ang sentido ko at nameywang. “Tumahimik ka, Angeline, minsan lang ‘to. Hindi mo masasabi ang panahon, malay mo naman doon ka na makahanap ng mayaman na lalaking aahon sa ‘tin sa kahirapan! Ano bang ingles noon—grab lang nang grab ng pagkakataon!” “Pero hindi naman ako magpupunta roon para dumalo bilang guest nila. Nakiusap ako kay Ate Sandra para maging waitress doon. ‘Yun lang ang ipupunta ko roon, Nay!” Namilog ang mga mata ni Nanay saka hinampas ako sa braso ng ilang ulit, naiirita ang ekspresyon. “Aray ko!” Numiwi ako. “Ano ka ba naman, Angeline! Wala ka talagang utak! Hindi ka naman yayaman sa isang gabing pagwi-waitress mo sa event na ‘yon! Pumunta ka ro’n bilang binibini na naghahanap ng nobyo o kung susuwertihin mapapangasawa na! Maghanap ka ng lalaking mayaman na mayaman ha, tatamaan ka sa ‘kin!” “Uunahin ko pa ba ‘yan, aabsent ako sa farm para riyan?” “Oo! Nakatanggap tayo ng invitation, kaya hindi natin sasayangin ‘yon!” Batid ko ang kahirapan sa buhay ng aking pamilya kaya ganito na lamang mag-isip ng mga plano para sa akin si Nanay. Said na said nga naman kasi ang pang araw-araw naming buhay, salat sa kahirapan at inililigtas lang ng kakarampot na perang sinasahod mula sa pinagtatrabahuhan namin nila Nanay at Tatay sa freshwater pearl farm ng pinakamayaman at sikat na pamilya sa buong bayan ng La Hermosa. Part-timer din ako sa mansyon ng pamilyang ‘yon. Ang mga Aragon. Hindi na ako nakakapag-aral ngayon at huminto sa pangalawang taon sana sa kolehiyo, gustuhin man kasing ipilit nila Nanay ang gastusin ngunit talagang mas gugustuhin ko na lang na tumulong sa paghahanap-buhay para sa pambayad namin sa tubig, kuryente, upa sa bahay at pagkain namin sa buong buwan maging sa mga patong-patong pa na utang. 25 years old na ako ngayon at halos paulit-ulit pa rin ang buhay araw-araw, gigising ng maaga para magtrabaho bilang tauhan sa farm, uuwi na may maliit na halaga ng pera bilang sahod. “Kung pinapayagan mo lang akong lumuwas ng Maynila para magtrabaho noon pa, e ‘di sana nakahanap na ako ng maayos na trabaho. Kung papalarin, makahanap ako ng amo na mabait sa pagiging kasambahay.” “Narinig mo na ba ang nangyari roon sa anak ni Corazon?! Ginahasa ang anak niya sa Maynila, pinahithit pa ng droga, pag-uwi no’n dito ano na?” Singhal sa akin ni Nanay, napakamot ako ng noo sa lumalakas nitong boses. “Pag-uwi no’n ayun wala na sa sarili. Hindi kami payag na matulad ka roon!” “Mag-iingat naman ho ako.” “Dito ka lang at maghanap na lang ng mayaman na lalaking pakakasalan ka! Sa ganda mong ‘yan alam kong posible ‘yon.” Sumusuko na bumuntonghininga na lang ako. Ganiyan nila ako kamahal, magsasama-sama kaming nahihirapan. Basta sama-sama. “O ‘di ba! Sinabi ko naman sa ‘yo eh! Babagay talaga ‘tong bestida na ‘to sa katawan mo, saktong-sakto sa hubog ng katawan mo oh!” Tuwang-tuwa na komento ni Nanay nang makauwi ako at maisukat ang pinamiling damit kanina lang sa ukayan. Puting-puti ‘yon na bestida at umaabot hanggang itaas ng aking mga tuhod, may disenyong kumikinang ngunit pekeng maliliit na dyamante sa linya banda sa may dibdib. “Dadagdagan ko na lang ‘to ng design design pa, may isang araw pa naman para makapanahi ako! Tapos puting laso sa buhok mo, bagay na bagay sa ‘yo mukha kang anghel!” Natatawang umiling ako habang pinagmamasdan si Nanay na tuwang-tuwa. Masaya naman ako sa bagong damit ko, minsan lang ako sa ilang buwan makabili ng damit mula sa ukay-ukay dahil may mas mahahalagang bagay ang dapat unahin. Nanghihinayang nga lang. “Sayang ang 100, Nay. E ‘di sana pinambili na lang pala natin ng manok diyan sa kanto, pang-ulam.” “Ay, manahimik ka, maraming manok ang mabibili natin kapag nakabingwit ka na ng mayaman sa darating na Annual Hermosa Week!” Kamot-ulong naupo na lang ako sa upuan na kahoy saka pinagmasdan ang makulay na piraso ng papel sa ibabaw ng maliit na mesang kahoy sa ‘kinh tabi, iyong exclusive invitation na ipinamigay kahapon lang sa piling pamilya na may binibini sa tahanan. Annual Hermosa Week Isang event na pinasimulaan ng pamilyang Portugal, ang pumapangalawa sa mga Aragon bilang maimpluwensya at mayaman na pamilya sa bayan ng Hermosa. Taun-taon dinaraos ang event na ‘yon at ang purpose? Para sa mga babae o lalaki na naghahanap ng pagkakataong maisayaw o makausap ang napupusuan nila sa bayan, o ‘di naman kaya ay ‘yong mga walang kasintahan na gusto lang talagang kumilala ng panibagong tao sa buhay. Mapalad na ang mga babaeng inaya agad ng kasal at dinala sa malaking bahay ng ginoo. At alam ng lahat na sa tuwing ginaganap ang gabing ‘yon bawat taon, may mga lalaki mula sa iba’t-ibang bayan ang dumarayo, madalas pa nga ay mga dayuhan na naghahanap ng pinay na mapapangasawa. Lahat ay may kaya sa buhay. Mayayaman. “Kahit matanda, patulan mo na! Lalo na ‘yung mga malapit na mamatay, ay naku! Sa ‘yo agad ang yaman niyan.” “Nay naman, daig niyo pa binugaw ang nag-iisang anak ninyo.” Sasagot na sana si Nanay nang marinig namin ang papalapit na ingay ng mga boses mula sa mga kapitbahay namin. Nako, sila Ate Josie ‘yan panigurado. “Glenda! Glenda!” Tawag nila kay Nanay. “Oh, Josie!” “Sakto nandito ka rin pala, hindi ka rin pumasok sa farm? Pati pala ‘to si Angeline, bakit ano mayroon?” Tanong nila kay Nanay kasama ang tatlo pang kapitbahay namin, saka dire-diretsong pumasok sa loob at nakiupo sa upuang kahoy at monoblock. “Namili kami ng bestida nito para sa Taunang Gabi ng Hermosa!” “Ay, kami rin kanina. Sana lang talaga pag-uwi nitong sila Angeline at noong mga anak kong babae ay milyonaryo na tayo!” Hagikhik nilang matatanda. “Sinabi mo pa. Noong nakaraang taon, hindi tayo pinalad dahil hindi man lang tayo naimbitahan, walang imbitasyon na umabot. Sayang.” “Pupunta rin ba sila Jappa, Aling Josie?” Asik ko. Ang tinutukoy ay ang isa sa mga kababata kong sila Jappa, anak niya. “Hindi yata, hindi naman siya importante.” Ani nito saka biglang may naalala kaya sabik ang reaksyon na dumikit ng upo sa akin at hinampas pa ang braso ng nakatayong si Nanay sa gilid ko. “Huy! May kumakalat din na balita, uuwi raw ang Senyorito Aragon sa Hermosa Night! Malamang dadalo ‘yon! Single pa raw ‘yun eh!” “Talaga?!” Seryoso at namimilog ang mga matang segunda ni Nanay kaya halos masapo ko ang aking noo. “Kilala ang Aragon bilang pinakamayaman dito sa atin, jackpot ang makakabihag ng puso no’n!” “Huwag mo sabihing itutulak mo ako ro’n, Nay? Ang yaman no’n! Mayaman din ang hanap no’n!” Segunda ko, inaalala ang eksenang nakita kahapon lang sa mansyon nila. Sa ganoong hitsura ng Senyorito Raphael... sigurado akong hindi mag-aaksayang lumingon ‘yon sa mga babae rito sa bayan. Wala namang may kaya sa buhay rito... halos lahat kami ay trabahador nila sa farm, maghapon napuputikan ang mga paa at kamay, kumakayod para sa pera. “Manahimik ka riyan.” Anito. “Ano, Josie, kanino galing ang chismis na ‘yan?” “Kanino pa! E ‘di roon sa mga chismosang kasambahay ng mansyon ng mga Aragon! Wala bang alam si Angeline tungkol doon?!” Mabilis na umiling ako. Iniiwasan magsalita ng kahit ano tungkol sa mga Aragon. Nakakatakot. “Eh sandali, sino raw bang anak sa pamilyang Aragon? Baka naman ‘yung isa ang dumating.” Singit ng isa sa mga kapitbahay nilang naroon din. “Si Presley? ‘Yung mestisong mabait na Senyorito!” “O baka ‘yung isa... ‘yung minsan lang dito magpunta at sobrang misteryoso ng ugali. Sino nga ba iyon?” “Senyorito Raphael.” Umiling si Nanay at pinagpatuloy ang paghaplos sa bestida ko. “Kahit sino riyan, basta mayaman! Baka pag-uwi no’n sa mansyon nila, magkita na kayo, magpaganda ka araw-araw ha--” nagpatuloy ito sa mga sinasabi pero kumibit-balikat lang ako. Alam kong maikukumpara bilang langit ang ganoong uri ng mga tao, malayong magkaroon ng interes sa isang kagaya ko lang. Isa pa... wala na ‘kong oras sa pag-ibig, maraming mas mahahalagang bagay ang dapat intindihin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD