Chapter Fourteen

1291 Words
Pria Residence April 01, 2015 8:10 AM   “RICK!!! BUKSAN MO ‘TONG PINTO!!!” Naulit na naman ang mga sigaw niya kani-kanina lang. Parang background music na ito ng bahay namin. Lagi ko na lang naririnig. Sinuot ko muli ang mga ear plugs ko, tumalon sa kama, hinablot ang unan ko at pinatong sa mukha—isang pandagdag pantakip tunog. Masakit na nga ang ulo ko dahil gutom, lalo pang nadadagdagan ang sakit nang marinig ko na naman ang nakabibwisit niyang boses. “RICK!!!” Tinatadyak-tadyakan niya uli ang pintuan. Bilib din ako sa babaeng ito, nakatatagos ang boses sa mga pantakip ko sa tainga. “Ayaw mong lumabas diyan ha?” Padabog siyang pumaibaba. Nagpasalamat ako at natigil saglit ang pagwawala niya. Pero hanggang doon lang ang pasasalamat na iyon sapagkat matapos ng ilang minuto, heto siya, bumalik uli at mas malakas na ang pagdabog sa pintuan ko. May armas na siyang kinuha na panira ng knob ko. Base sa tunog, mukhang martilyo. Napaupo ako mula sa aking paghiga. Naalarma ako baka magtagumpay siya at makapasok sa loob. Alam kong magwawala iyan kapag nakita niyang ganito ang kalagayan ng kwarto ko. “Diane!” dinig kong suway ni Justin mula sa ibaba. “Justin! Tulungan mo nga ako rito!” “Tigilan mo na nga iyang bata. Mamaya kung ano pang magawa mo riyan.” Tumahimik saglit si Diane. Habang ini-imagine ko ang nangyayari, nakikita kong nagtataray na naman itong babae, “Nasa kanya iyong nawawala kong pera, sigurado ako roon. Ngayon, kung gusto mong makuha iyang perang kailangan na kailangan mo, tutulungan mo ako rito.” Eh siraulo rin pala itong si Diane. Wala akong kinukuhang kahit ano sa kanya! “JUSTIN!” pilit nito. Natuwa na sana ako nang ang akala ko ay hindi tutulong si Justin, natuwa na sana ako dahil pakiramdam ko ay mayroon din pala akong kakampi dito sa bahay, na mayroong magpoprotekta sa akin laban sa baliw na Diane na iyan. Ngunit kung gaano kabilis ko naramdaman ang tuwang iyon, ganoon din iyon kabilis na nawala. Narinig ko ring pumaitaas itong si Justin. Para akong tinraydor, kahit pa hindi naman talaga kami magkakampi. “Hindi martilyo ang solusyon diyan,” dinig kong sabi ni Justin. Ilang segundo pa ay may narinig akong kaluskos sa loob ng knob. Naalerto ang diwa ko. Tumayo agad ako para makakuha ng ipanghaharang. Kaso, huli na. Nanigas ang mga paa ko nang marinig ko ang pagbukas ng pinto. Nagkatitigan kami ni Diane habang silang dalawa naman ay halatang natulala sa bumulaga sa kanila. Nakita nila ang ganda ng aking kwarto. “Halimaw ka,” bulalas ni Diane. May sandaling naaliw ako sa reaksyon niya. Ganito ang nai-imagine kong hitsura ng kahit sinumang makakaalam na may kapangyarihan ako, na ibang klase ako. May halong takot at pagtataka. Para akong nagkaroon ng pagkakataon na makita ang ganitong reaksyon in advance. Ilang saglit pa ay gumuhit na ang galit sa ekspresiyon niya. Humakbang siya papalapit sa akin at natikman muli ng pisngi ko ang masakit sa taingang pagsampal niya. “Ano na lang ang sasabihin ng mga bisita ko ha?” sabi niya. “Na kumupkop ako ng isang demonyo? Baliw? Mangkukulam?” Humapit ang kanyang dibdib. “Holy water. Kailangan mong maligo ng holy water!” Natutuwa man ako sa inis niya ngayon pero hindi ko nagustuhan ang huli niyang mga nasabi. Uminit bahagya ang kwentas ko. Parang hindi kinakayang selyuhan ang pagpupumilit-lumabas ng kapangyarihan ko. “Ikaw ang demonyo!” sabi ko. Pumait ang ekspresiyon niya. “Aba’t talagang ang kapal ng mukha mo. Ako pa ang demonyo? Ah, gano’n ha?” Isa uling sampal mula kay Diane. Napayuko ako. Sige lang, Saktan mo ako! Iipunin ko lahat ng galit kong ito at titiyakin kong pagsisisihan mo balang araw itong p*******t mo sa akin. Nang humarap muli ako, hindi kay Diane napunta ang mata ko, kay Justin, na nasa doorway lang, pinapanood lang ang pangyayari. Kumikirot ang dibdib ko. Ganito ba kalupit ang mundo? Wala na ba akong maituturing na pamilya? “Nasaan na ang pera ko?” sigaw ni Diane. “Wala akong kinukuha sa’yo.” “Sinungaling.” Nagtungo siya sa mga drawer at cabinet ko at nangalkal ng mga gamit. “Tigilan mo ‘yan!” “Tigilan? Oh, so may tinatago ka nga?” Balik uli siya sa paghahalukay ng mga gamit ko. Pinagtatapon ang damit ko sa sahig. Hinugot ang isa pang drawer at binuhos ang mga laman nito paibaba. Walang pakialam kung may mahuhulog bang babasaging bagay. “Sinabi ng—” Sumugod ako para pigilan siya, hinila ko ang katawan niya ngunit sadyang malakas ang pagkatulak niya sa akin. Napaupo ako nito sa sahig. “Aba...” sabi niya, nakatitig sa nakuha niyang bagay, na hawak-hawak niya ngayon sa kanyang kamay, “So, ito ang sinasabi mong ’wala kang kinukuha sa akin’?” Hawak-hawak niya ngayon ang isang-libo ko. “Ipon ko iyan!” “Anong ipon? Buong isang-libo? Ipon? Hindi ka rin imbentador eh no?” “Sinabing akin nga iyan! Para sa swimming namin iyan mamaya.” “Wala akong pakialam sa swimming-swimming ninyo. Ang tanong ko sa’yo, bakit mo pinagnanakawan ang Mama Diane mo?!” “Hindi ko nga iyan ninakaw! Bakit hindi mo tanungin iyong Renz mo!” Saka isa pa, hindi kita Mama! “Ang kapal ng mukha mo,” sabi niya. “Idadawit mo pa ang anak ko?” Aabante na sana siya para sumugod kaso nakakilos ako agad, sinipa ko siya nang pagkalakas-lakas na siyang ikinatumba niya sa kama. “Rick!” sigaw ni Justin. Natakot agad ako sa reaksiyon ni Diane sa pagkasipa ko sa kanya. May bahid ng matinding galit ang mga mata niya. Parang siya ang tunay na demonyo, hindi ako na siyang inaakusa niya. Napapakapit na ako sa kwentas ko. Tinatanong sa sarili na, tatanggalin ko na ba? Ipapakita ko na ba ang kapangyarihan ko? Kaso may kung ano pa ring pumipigil sa akin, sinasabing hindi pa raw ito ang tamang oras. Napasandal ako sa desk ko. Patay, na-corner ako. Para akong nasa isang boxing ring, kalaban ang isang toro, ako ay nakapintang buong pula, ready na siyang suwagin ako anumang oras. Si Justin naman ay nakaharang sa doorway, hindi ko alam kung patatakasin ako o hindi. Katapusan ko na ba? “Diane!” babala ni Justin nang makitang mahigpit ang hawak ni Diane sa kanyang martilyo, habang dahan-dahang lumalapit sa akin. “Diane, kalma ka lang.” Nagkatinginan silang dalawa. Napatingin din siya sa hawak niya. Binaliktad niya ang paghawak sa martilyo, hawak-hawak na niya ngayon sa kamay ang bakal na parte. Singbilis ng kidlat ang pagsugod niya sa akin. Hindi na ako naka-react. Basta tumama na lang sa ulo ko ang hawakan nung martilyo. Napasigaw ako sa sakit, natumba at napasandal sa paanan ng aking desk. “Iyan ang nararapat sa iyong demonyong bata ka. Kulang ka sa disiplina,” sabi niya saka nilayasan ako tangay-tangay ang isang libong ilang buwan kong pinag-ipunan. Nanginginig pa ang kamay ko sa pagkapa-kapa sa parang bumukol sa noo ko. Nang tignan ko ang kamay ko, may mga bakas ito ng dugo. Ito iyong mga pagkakataong hindi ko mapigilang umiyak kahit ayaw ko. Ang hirap ng walang kakampi. Ang hirap ng walang pamilyang nagmamahal sa iyo. Ang hirap nitong sitwasyon ko. “Kung pinagpipilitan mong ang Kuya mo ang nagnakaw,” pahabol nung bwisit na babae bago umalis. “Edi hanapin mo ang Kuya mo, bawiin mo sa kanya ang pera.” Hindi ko na inintindi ang mga sinabi niya. Nag-iisa lang ang laman ng isip ko ngayon. Galit. Matinding galit. “Tang ina mong babae ka,” bulong ko sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD