Chapter Eighteen

1356 Words
ARGUS Internet Cafe April 01, 2015 8:45 AM   Ramdam ko ang aura ng pagiging unwanted dito sa loob ng comp shop. Nababasa ko iyon sa mata ng ibang hindi ko kilala. Ang iba naman ay natuwa, tulad nina Cedric, Alec, at Troy, dahil nakatagpo sila ng mapagtitripan. Minsan, hindi ko na nga alam ang role ko rito sa mundo. Kung payaso ba, kriminal na kailangang ipakulong, mental patient, o isang trapong ipampupunas sa mga maruruming bagay. Lahat ng tao’y may silbi. Ang silbi ko ata’y maging tagatanggap ng mga pang-aasar, mga panglalait na makapagpapasaya sa kanila. Sinusulit ko na lang ang silbi ko ngayon, dahil ilang araw na lang, mababaligtad na rin ang sitwasyon. Kung akala nila sila lang itong may karapatang mang-api, nagkakamali sila. Hindi nila alam ang kung anong kaya kong gawin. “Hi, Loves!” tawag ni Troy. Siya itong tanging itim ang buhok sa kanilang tatlo at ang tanging mamantika ang pisngi. Nakaupo ito sa computer unit #9, nakangiti sa akin at kumakaway. Nilingon akong muli nina Alec at Cedric, ngumisi rin ang mga ito. Nang hindi ako kumibo, nawala ang ngiti ni Troy. “Ay snob?” Binalik ko ang tingin ko kay Renz. Naalala ko ang totoo kong pakay. Ang pera ko. Patapik ko siyang inistorbo sa paglalaro. “Oi.” “Ano?!” “Iyong pera ko, asan?” Hindi siya nag-react. Kuntodo lang siya sa pag-click sa mouse niya habang pasigaw-sigaw sa mga kasama niya. “Hoy, i-stun mo! Bobo!” Ito mismo ang trashtalk na tinutukoy ko. Maya’t maya, inuulan ang buong compshop ng samu’t saring mura ng mga dota boys dito. Labanan ito ng dalawa sa sikat na grupo ng mga nagdodota rito sa bayan ng San Isidro. Ang Senti-nels, na binubuo ng mga kaklase ko. At ang isa pang grupo ay tinatawag na BetaMax. Grupo nina Renz at ng mga kabarkada niyang hindi ko gaanong kilala. “Hoy! Support! Heal mo ako, gago,” bigkas ng katabi ni Renz. Doom Bringer. Iyan ang pangalan ng character na gamit ngayon ni Renz sa kanilang laban. Isang higanteng halimaw ito, kulay apoy ang katawan, at may hawak-hawak na naglalagablab na espadang kulay green. Mukhang maganda ang pangalang Doom Bringer. Kung sakali mang maging isang superhero ako, iyan ang ipapangalan ko sa akin. Akmang-akma ang pangalang iyon sa plano ko. Teka. Superhero? Hindi ba’t mas angkop kung supervillain? “Renz,” ulit ko. At sa isang banggit ko lang na iyon, lalo siyang nanggigil sa kanyang mouse at keyboard. “Bwiset, ayun oh, i-ulti mo na!” sigaw pa niya sa katabi niya. “Saglit lang,” sabi ng kasama nito. Sa tinagal-tagal ay nakitingin na rin ako sa monitor nila. May hinahabol silang tumatakas na character, isang babaeng nakahood na may pana, Traxex ang pangalan, na sinusundan naman ngayon nina Doom Bringer at ng katabi nitong si Spectre. At sa isang iglap, isang parang hook ang bigla na lang lumitaw sa kakahuyan, dinagit itong walang kamalay-malay na Spectre. Nagsalita itong character na nakadagit. “Argh, Fresh Meat.” “Bobo,” bigkas ni Renz. Namatay ang kakampi ni Renz na si Spectre. Ilang saglit pa, nagsisulputan naman ngayon ang mga resbak ni Traxex, tatlong character, balak naman nitong pagtulungan ang kaninang maangas na si Doom Bringer. “Hoy! Tulong!” sigaw ni Renz, kaso walang kakamping malapit sa kanya. Wala pang ilang segundo ang lumipas, nakita ko nang natumba ang Doom Bringer ni Renz. Pagkamatay na pagkamatay pa lang ng character niya, tumingin agad siya sa akin nang masama. Padabog pa niyang nilapag ang kanyang headset. “Ano bang problema mo ha? Kanina ka pang istorbo nang istorbo diyan?” Bakit ba parang makaasta siyang ako itong may kasalanan ng pagkamatay ng karakter niya? Isa o dalawang beses ko lang naman siyang kinulit at nanahimik naman ako nang alam kong matindi na ang mga nangyayari. Hindi ako nagpatinag sa kanya. “Ang pera ni Diane na kinuha mo, nasa’n na raw?” Pumait ang mukha niya. “Pera? Anong perang pinagsasabi mo? Wala akong kinukuha kay Mama. Bintangero ka.” Alam kong nagsisinungaling siya. Ugali niyang lumihis ng tingin kapag hindi siya nagsasabi ng katotohanan. “Nasa’n na?” gigil na diin ko. “Wala nga sabi!” Tatayo na sana siya para saktan ako, ngunit nagpigil din. Ayan muli ang mukha at ang ugali niyang kinaiinisan ko. Lagi niyang tinatapang-tapangan ang mukha niya at aambang susugod. Laging dinadaan sa laki ng katawan ang mga argyumento namin. “Oh, away na ‘yan oh,” parinig ni Cedric. Nang mag-respawn ang character niya, bumalik siyang muli sa laro. Sa kalagitnaan ng pagpipindot niya sa keyboard, nagsalita siya, “Wala akong kinuhang pera kay Mama, Rick. Pero kung dahilan mo lang ‘yan para makahuthot ng pera sa’kin, hintayin mong manalo kami rito, bibigyan kita ng balato.” Hindi na ako nagsalita pa. Pero nakapagtatakang parang pinaniniwalaan ko siya sa mga sinasabi niya. Kung hindi siya ang nagnakaw ng pera ni Diane, edi sino? Si Justin? Nag-spark sa memorya ko kung paano niya nabuksan ang lock ng pintuan ko. Oo nga, parang bihasa nga siya sa pag-pick ng locks. Hindi imposibleng nagawa rin niya iyon sa kwarto ni Diane. At ito namang si Diane, porket may taglay nang pagkamuhi sa akin, ako agad ang sinisisi. Hindi man lang naisip na pupwedeng ibang tao ang may gawa no’n. Pupwedeng si Justin. Tama lang na sinulat ko ang pangalan niya sa mga hate list ko. Mabuti at may slot pa roon. Slot #10: Justin Romero. Nang mapasilip muli ako sa kanilang laro, ayun, tapos na pala. Ito ang second game nila, at ang score ay 1-1. Panalo naman sa pagkakataon ngayon ang Senti-nels. Talo si Renz. At base sa pagtingin niya sa mata ko, alam kong ako na naman ang sinisisi niya kung bakit sila natalo. “Last game!” sigaw nung katabi ni Renz. Kanina’y narinig kong tinawag itong Chris. Tumayo si Troy, tumakbo sa aking direksiyon at niyakap ako. “Nice one, loves!” Bumulong siya sa tainga ko. “Inisin mo lang ‘yang Kuya mo ha, istorbohin mo lang,” saka hinalikan ako sa pisngi bago bumalik sa pwesto, na siyang lalong nakapagpabwisit sa akin. Nagngingitian ang mga kasama niya. Ang sarap sunugin. Start na ng last round. Nagsipilian na rin sila ng kani-kanilang mga characters. Zeus naman ang character ni Renz ngayon. Matapos ng ilang minuto, hina-harass nito ang katapat niyang kalaban sa kanyang lane. “FIRST BLOOD!” sabi sa laro, na siyang sinabayan ng hiyaw nitong si Renz. Nakapatay kasi siya ng kalaban. Nagtuloy-tuloy ang swerte ng kanilang koponan. Hanggang sa ang BetaMax na nga ang idineklarang kampeon. Ngiting-ngiti itong si Renz, napapahiyaw pa, at sinasaktan-saktan si Chris sa tuwa. Nang magkabigayan na ng pera, hinarap niya ako. “Oh, dahil mabait akong kuya sa’yo,” inabot ni Renz ang isandaan sa palad ko. “Kulang pa ba?” Dinagdagan niya uli ng isa pa. Bale, P200 ang ibinigay niya sa akin. Anong gagawin ko rito? E walang-wala pa ito sa halaga ng nawala sa akin? Gustuhin ko man perong magreklamo, wala na siya sa harapan ko. Agad na siyang umalis kasama ang mga masasaya niyang mga kagrupo. Napabalik-tanaw ako sa kung gaano siya kasaya kanina. Sa ngiting nakita ko, tila ba naisip kong may kakayahan din naman sana siyang maging mabait na Kuya, ayaw lang talaga niyang ugaliin. Sayang lang at mukhang mas tumatak sa isip niyang gawing miserable ang buhay ko. Babalakin ko na sanang makisabay mula sa ilan pang mga naiwan na papalabas pa lang sa pinto, pero ang pagtawag sa pangalan ko ang nakapagpapigil sa akin. Ang boses ni Troy ang nakapagbalik sa alaala ko na kasama ko nga pala sila rito. Inaasahan kong mga galit ang pagmumukha nila sa akin pero kataka-takang nakangiti sila sa aking tatlo ngayon. Dahan-dahang lumapit si Troy sa akin at hinila ang braso ko. “Dito ka lang, Loves.” Hindi ko alam pero pakiramdam ko’y nasa peligro ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD