Sakay ng isang speedboat, dalawa lamang sila ni Kurt na nagbiyahe patungong Punta Alegre kinabukasan. Ang nayon ay mas madaling mararating sa pamamagitan ng bangka.
Isolated o ibinukod iyon ng kabundukan sa kabayanan ng Imperial. Puwede rin na lakarin kaso ay matagal nga lang. Pero impraktikal iyon.
Sa motorized banca, mula sa daungan ng Imperial ay wala pang isang oras ang patungo roon.
Magkatabi sila sa pagkakaupo sa speedboat. Si Kurt ang nagtitimon. At parehong nilalaro ng hangin ang kanilang mga buhok.
Mag-a-alas-dos na ng hapon ng nasa laot pa rin sila."Kung sakaling gabihin tayo," ani Kurt "di ka ba pagagalitan ni Tatay Inggo?"
"May tiwala sa akin si Tatay, Kurt," aniya na pagbaling sa binata'y nasalikwat ng hangin ang maraming hibla ng buhok, at humarang iyon sa pisngi n'ya. Nagmamadaling hinawi niya iyon ng isang kamay. "Pero hindi naman tayo gagabihin sa Punta Alegre, di ba? Mabilis itong speedboat mo," dugtong pa n'ya.
Tumango si Kurt. "Ang inaalala ko lang, baka ipaghanda pa tayo ni Mang Quintin, 'yong may-ari ng niyugan. Baka magkatay pa ng kambing o baboy iyon... nakakahiyang di man lang tayo magtagal tagal sa bahay nila."
"It's okay."
"Mabuti."
Medyo pinabagal ni Kurt ang speedboat nang madako sila sa bahaging malalaki ang alon. Bagaman puwede silang mabasa dahil kaswal lang ang kanilang mga suot na damit,ngunit iniwasan ng binata na mabasa sila ng maalat na tubig.
Napagiwang ang speedboat nila dahil sa malakas na alon, dahilan para mapa-slide s'ya palapit kay Kurt.
Mabilis s'yang inakbayan nito para di siya masubsob sa driving board o kaya'y sa manibela.
"I'm sorry," aniya.
"Okay lang. Ang bango ng buhok mo." sumilay ang pilyong ngiti sa labi ng binata.
Namula s'ya. "Mabango kasi ang shampoo." Inayos n'ya ang pagkakatayo at lumayp ng kaunti sa lalaki. Hunawak siya ng mahigpit sa bakal pars hindi na s'ya muling ma-out balance.
"Gusto ko ang buhok mo."
"Paano ang buhok ni Mayette?"
"WHO?"
"Mayette. Yong anak ni Gov."
Nagtatakang napatingin nang matagal sa kanya ang binata. At hindi n'ya alam kung bakit sa tuwing tinititigan s'ya nito sa mga mata'y kumakabog ang kanyang dibdib. Bakit kayhirap yatang pagsabihan ng kanyang puso?
"Kilala mo ba si Mayette, Teeny?" Tanong nito sa kanya.
"Hindi sa personal." seryoso niyang sagot.
"Bakit mo siya nabanggit sa akin?"
"Alam ng lahat na nanliligaw ka sa kanya."
Binawi ni Kurt ang tingin sa kanya at pagkatapos ag tumanaw sa malayo. Ang dalampasigan ng Punta Alegre ay di pa gaanong makita pero natatanaw na ang puting parola di kalayuan.
"Kurt..."
"Hm?"
"Sorry. Naging masyado yata akong personal." paghingi n'ya rito ng paumanhin. Mali siguro na binanggit n'ya iyon sa harapan ng binata gayung hindi naman nito iyon nababanggit sa kan'ya.
"Okay lang. Her hair is short, Teeny. Mas maganda ang buhok mo kaysa buhok ni Mayette. And I think you're prettier too." Kumabog na naman ang dibdib n'ya.
"Thanks. But—"
"Teeny, hindi pa naman totohanan ang panliligaw ko sa kanya."
Napalunok s'ya. At umiwas ng tingin sa binata.
"I'm now having a second thought about her," dugtong ni Kurt."
"Bakit?"
"Di ko pa masasabi ang dahilan." Ngumiti nang maluwang ang binata. Saka tumingala. "Pero ikaw siguro ang unang makakaalam kung bakit ayoko nang
ituloy ang panliligaw kay Mayette."
Namagitan sa kanila ang katahimikan nang sumunod na ilang sandali.
****
Ang bahay na pinuntahan nila sa Punta Alegre ay semi-kongkreto, malaki sa karaniwan at nasa niyugan. Hindi nagtaka sina Teeny at Kurt nang pagdating nila roon ay maraming tao.
Kaninang dumaong sila sa malinis at magandang beach ng coastal village, sinalubong na agad sila ng limang binata at dalaga na anak ng mga kasama sa niyugan.
Mula sa pangpang, naglakad sila patungo sa niyugan. Isasakay sana sila sa kariton na hihilahin ng kalabaw ngunit tumanggi si Kurt. Tuwang-tuwa s'ya dahil noon lang uli siya nakasakay sa kariton. Mabagal lang ang paglalakad ng binata at sinasabayan nito ang kalabaw kasama ang limang binata. Habang s'ya ay parang bata na nakasakay sa kariton.
"Nang malaman nina Aning na dadalaw rito ang mga taga-rural bank," sabi sa kanila ni Aling Iladia na asawa ni Mang Quintin at may-ari ng niyugan, "naghanda sila ng maraming nilupak, kakanin at mga inumin. Nagkatay ng baboy pa nga ang mga binata."
"Nakakahiya naman ho. Eh, bakit naman ho kayo nag-abala pa?" tanong ni Kurt.
"Hayaan mo na dahil minsan lang naman kayong madalaw dine." sambit ni Mang Quintin.
"Ang akala namin e marami kayong taga-banko na pupunta rito," sabi ni Aning na dalagang anak ng mag-asawa. "Pero kahit dalawa lang kayo e okay na rin. Mag-party tayo kahit sandali."
Tumango si Kurt. "Aning, akala ko ba'y nasa Singapore ka?"
"Last month lang, naroon ako," sabi ni Aning. "Di ko nagustuhan ang trato sa 'kin doon. Kaya umuwi na lang ako."
Sumulyap si Kurt sa kan'ya na katabi sa mahabang sofa sa salas. "Kilala mo si Teeny?"
Lumuwang ang pagkakangiti ni Aning. "Siyempre. Nauna lang siya sa 'kin ng isang taon sa Sta. Dolores High." Napangiti siya nang maluwang kay Aning. "Di ba, madalas pa nga tayong magkausap sa CR noon?"
"Oh."
"Di ka ba nakapagtuloy sa college?"
Umiling si Anita. "Balak kong tapusin ang BSEed ko this coming year. Tara kumain na tayo at umpisahan na natin ang budol fight."
Kasalo ang mga kabataan sa niyugan na ang nakararam'iy dalagita't binatilyo, kumain sila ng nilupak, kalamay, palitaw, litsong baboy at inihaw na isda.
Di pa tapos ang kainan, may kumanta na sa karaoke. Pati si Kury ay hiniling ng mga taga roon na kumanta rin. Pumayag naman ito, at lihim na humanga s'ya sa boses at paraan nito ng pag-awit.
Pagkatapos ng kantahan, sayawan na. Disco. Cha cha. Boggie. Sweet.
Nagkaroon ng tsansang makasayaw sila ni Kurt sa maliit na espasyo sa gitna ng isang sweet music: Warm, my lips against your lips..
"And warm my tender kiss..." pagsabay ni Kurt sa kanta mula sa karaoke. "By giving me your hand..."
"Ang ganda namang kumanta ng boss ko," pagbibiro n'ya para mabawasan ang panlalamig ng kanyang mga palad. "Pero alam mo, nakakatawa 'tong nangyari sa atin. Akala ko, narito tayo para mag-credit investigate."
Napatawa ang binata. "Itong mga bagay na ganito ang di naituro sa atin sa kolehiyo. In college, we are taught about the four C's of credit: character, collateral, capital and capacity. Lahat ito'y bale-wala na ngayon, Teeny. Tell me paano natin tatanggihan sina Mang Quintin? Kahit di siya credit-worthy, mapipilitan akong okay-an ang kanyang loan."
Natatawang napatango s'ya. "Yah. Dahil ni-good time tayo. At baka gabihin tayong masyado rito, Kurt." Paalala n'ya sa binata sa huli niyang sinabi.
Pasado alas-kuwatro na nang magpasya su Kurt na kausapin nila si Mang Quintin. Nasa silong ng isang Indian mango tree sina Mang Quintin, umiinom ng beer.
Mga kasama sa niyugan ang kainuman nito. Akala n'ya ay ang tungkol sa pag-utang ni Mang Quintin ang pag-uusapan ni Kurt at ng mga ito.
Pero ang nangyari'y kung anu-ano lang ang paksang napag-usapan, at napilitan pa si Kurt na uminom ng dalawang boteng beer.
Nang magpaalam na ito, isa pang boteng beer ang ibinigay ng trabahante sa niyugan.
Pinagbigyan din ito ng binata, ngunit nakaramdam s'ya ng pagkainip at pagkainis. Dahil parang wala rin naman silang sadya roon.
Pasado alas singko na pero umiinom pa rin si Kurt kaharap sina Mang Quintin.
"Mga kasama," ani Kurt nang maubos ang pangatlong beer. "Magpapaalam na kami ni Teeny dahil baka kami'y masyadong gabihin. Isang oras din ho kaming maglalayag pabalik sa kabayanan."
"Darating kayo roon na wala pang alas-siyete, Kurt," ani Mang Quintin. "Hustuhin mo nang apat na bote ang nainom mo para balanse. Heto, isa na lang."
Napatingin sa kan'ya si Kurt.. "Ang mabuti yata'y makipagsayawan ka uli kina Aning, Teeny," pabirong sabi nito.
Umiling s'ya, at pilit na ngumiti. "Huwag na. Hihintayin ko na lang na matapos yang pang-apat na beer mo." Medyo may pagkasarkastiko na ang pagkakasabi n'ya niyon dahil sa inis n'ya.
Iniwan na lang sana s'ya nito sa opisina kung ganito rin lang naman ang ipinunta nila rito. Para tuloy s'yang tanga na nakaupo lang sa gilid. Naikuyom niya ng pasimple ang kamao.
At pilit na ngumiti sa Boss n'ya.
"Okay," ani Kurt. Nagsalin ito sa baso, itinaas iyon at sinabi: "Toast ho tayo."
Nag-toast ang may pitong kalalakihang nasa silong ng punong mangga, na ang mesang ginagamit ay yari sa kawayan.
Sa wakas, sinabi ni Mang Quintin: "Maiba nga pala ako, Kurt. yon bang aming nilalakad sa rural bank n'yo e kelan magkakaresulta?"
"Baka ho next week na," ani Kurt.. "Mairi-release ho ang tseke ninyo hanggang Biyernes ng susunod na linggo."
"Ay, salamat naman. Mga kasama, makabibili na
tayo ng malaking bangka na panghakot ng kopra mula
rito patungong bayan."
Isang ngiti ang pinakawalan n'ya ng marinig ang sinabi ng matanda at tuwang-tuwa pa ito. Hindi nga aplikamente ang natutuhan nila sa kolehiyo sa aktuwal.
Narito sila sa Punta Alegre para mag-credit investigate. Pero ang nangyari, para silang dumalo sa isang party. At ang tungkol sa sadya nilang negosyo'y insidente na lang.
ALAS-SAIS nang hapon ding iyon, inihatid sila nina Aning patungo sa pangpang.
Napansin n'ya na kakaiba ang lamig ng simoy ng habagat.
Maliliit ang alon pero bumubusa habang nababasag sa paggulong. Hindi n'ya sigurado kung napapansin iyon ni Kurt.. Masaya ang binata nang alalayan s'yang sumakay sa speedboat, palibhasa nga ay nakainom ng apat na bote ng beer.
"Aning, Linda, Leo, Mar .. tutuloy na kami. Maraming salamat sa pag-aabala n'yo," pagpapaalam nito sa mga naghatid sa kanila. "Nag-enjoy kami ni Teeny."
"Sige lang," ani Leo na nalaman ni Madel na nanliligaw pala kay Aning. "Ingat kayo, Philip, Madel."
Kulang na lang ay sabihin n'ya rito na ito lang ang nag-enjoy at hindi s'ya kasama doon.
"At balik uli kayo kapag may oras, magpiknik kayo rito minsan," sabi ni Aning na sa kan'ya na nakatingin. "Ha, Teeny?"
"Sure. Baka makapunta ako rito minsan."
Hindi nagtagal, palundag-lundag nang naglalayag ang speedboat sa karagatan.
"Kurt, huwag mong masyadong pakabilisan," aniya na ninerbiyos nang maampiyasan ng alon. "Lumalaki ang mga alon. At. di maganda ang hihip ng hangin, di ba?"medyo napalakas ang pagkakasigaw n'ya rito dahil hindi na sila sa magkarinigan dahil sa hampas ng mga alon.
“Parang tatay,” sabi ni Kurt.
Nangangalahati na sila sa distansiyang kailangang lakbayin ng sinasakyang speedboat nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.
At nagdilim ang karagatan, humihip ang malakas na hangin at lalo pang lumaki ang mga alon.
"Kurt, baka lumubog tayo!" ani Teeny na nakahalukipkip. Mas sa nerbisyos s'ya giniginaw, hindi sa pagkabasa mula sa ulan.
"Relax," ani Kurt.. "Malapit na tayo sa Imperial beach. Nasa tapat na tayo ng Pili." Siguro ay nasabi n'ya lang iyon dahil nakainom at hindi n'ya maramdaman ang mabilis na pagmamaneho n'ya ng speedboat.
Kinakabahan s'ya dahil sa maling pagkabig lamang nito ng manibela ay maaaring tumaob sila.
"Bagalan mo ang pagpapatakbo!" sigaw n'ya rito.