“Halley, saan kayo lilipat?” tanong ni Aling Aroh habang nakatingin siya sa tricycle na sinasakyan ng Tita ko. Kinuha na kasi nila ang mga lumang gamit namin.
“Malayo sa lugar natin,” sagot ko.
“Pinamigay n’yo ang mga lumang gamit n’yo?”
Tumango ako. “Opo, binigay na namin sa kanila ang mga gamit namin. Hindi na namin dadalhin sa bagong bahay dahil kumpleto na ang mga gamit doon.”
“Totoo siguro ang tsismis tungkol sa 'yo?”
Kumunot ang noo ko. “May tsismis tungkol sa akin?”
Hindi ko akalaing laman na pala ako ng tsismis ng mga tsismosa naming kapitbahay.
“Oo, may tsismis na may afam ka raw na boyfriend, at ang lalaking guwapo na pumupunta sa ‘yo dito ang nagpakilala sa 'yo sa afam,” wika ni Aling Aroh.
Tumawa ako. “Hindi ko alam kung saan nila nakuha ang balitang ‘yan. Wala akong afam.”
“Sunod-sunod kasi ang swerte na dumarating sa inyo.”
“Swerte?”
Tumango siya. “Nakabayad kayo ng mga utang n’yo at ngayon lilipat na kayo ng bahay.”
“Aling Aroh, hindi kami lilipat ng bahay kung hindi n’yo kami sapilitang pinaalis.”
“Ay, oo nga pala!”
“Sige na, marami pa akong gagawin.” Tumalikod ako sa kanya at pumasok sa loob ng bahay.
Pagpasok ko, nakita ko si Nanay na nagliligpit ng mga damit namin. Lumapit ako sa kanya. “Nay, lahat na ba ng gamit natin ay pinamigay mo na?”
Malungkot siyang tumango. “Kinakabahan ako sa ginawa natin, baka mamaya wala tayong magamit sa bagong lilipatan natin.”
“Nay, wala ba kayong tiwala sa akin?”
“May tiwala naman ako, kaya lang—”
“Huwag na kayong mag-isip ng kung ano-ano. Ang mahalaga ay may bahay tayong lilipatan.”
Tumango siya. “Kumain ka na. Nagluto na ako ng tanghalian.”
“Mamaya na lang ako kakain. Umpisahan ko nang mag-impake ng gamit ko.”
“Sige, ikaw ang bahala.”
Pumasok ako sa kuwarto para magligpit ng mga gamit. Habang nagliligpit ako, narinig kong tinatawag ako ni Nanay.
Lumabas ako ng kuwarto. “Bakit, Nay?” tanong ko.
“Nasa labas si Betina.”
“Sige, lalabas na ako.”
Nakita ko si Betina na nakaupo sa bakuran namin.
“Betina!”
Tumayo siya. “Lilipat na pala kayo ng bahay.”
Tumango ako. “Oo, wala na kaming magawa dahil pinagmamadali na kami ni Aling Aroh.”
“Hay, wala na akong matinong kaibigan dito.”
Ngumiti ako. “Sandali, may kukunin ako.” Pumasok ako sa loob ng bahay at kinuha ang pera na ibabayad ko kay Betina. Sinobrahan ko iyon dahil matagal na akong hindi nakakabayad sa kanya. Siya kasi ang lagi kong takbuhan kapag walang-wala kami.
“Ito na pala ang bayad ko sa mga utang ko. Pasensya na at ngayon lang kita nabayaran ng buo. Ilang taon na rin ang lumipas bago ko nabayaran lahat.”
“Ang laki naman nito? Hindi naman kita napautang ng ganito kalaki. Sobra-sobra ang binigay mo.”
“Pinasobrahan ko dahil matagal akong hindi nagbayad sa 'yo. Betina, maraming salamat sa lahat ng tulong mo.”
“Walang anuman, pero saan ka naman nakakuha ng ganito kalaking pera?”
Ngumiti ako. “Binayaran ako sa kuwento ko. Naging libro na at gagawin pang pelikula kaya binayaran nila ako.”
Kumunot ang noo niya. “Nagustuhan ang kuwento mo? Eh, ang pangit ng kuwento mo noon!”
Sumimangot ako. “Grabe ka naman!”
“Talaga bang gagawin libro ang kuwento mo?”
Tumango ako. “Libro na nga. Sasabihin ko sa 'yo kapag meron na sa National Bookstore.”
“Sige, salamat.”
“Betina, salamat! Kapag yumaman ako, tutulungan kitang maghanap ng trabaho para hindi mo na kailangang magbenta ng katawan.”
“Iyon nga ang sasabihin ko sa 'yo. Hindi na ako pokpok ngayon.”
Lumapad ang ngiti ko. “Talaga?”
Tumango siya. “May nakilala akong foreigner sa club. Niligawan niya ako, pero sinabi ko sa kanya ang klase ng trabaho ko. Tanggap niya daw ako dahil mahal niya ako. Masaya ako dahil may nagmamahal na sa akin ng totoo.”
“Masaya ako para sa 'yo.”
“Ayaw niya nang magtrabaho ako sa club. Tulungan ko na lang daw siya sa negosyo niya.”
“Mabuti naman kung ganoon.”
“Alam mo ba? Bago kami nagsama sa iisang bubong, nagpa-HIV test muna kami. Gusto kong makasiguro na wala akong sakit para hindi makahawa ng iba. Sa awa ng Diyos, wala naman kaming sakit. Dalawang kilalang ospital pa kami nagpa-test para sigurado. Ngayon, mas masarap sa pakiramdam na magbagong buhay,” sabi niya habang naluluha.
Lumapit ako at niyakap ko siya. “Masaya ako para sa 'yo.”
“Salamat! Nakaalis na rin ako sa impyerno.”
“Ikaw yata ang sinasabi nila na may boyfriend na afam. Ako ang na-tsismis na may boyfriend na afam.”
Tumawa siya. “Alam mo naman ang mga tsismosa dito sa atin—laging may dagdag at bawas.”
“Tama ka.”
“Good luck sa bagong bahay n’yo. Balitaan mo ako kung saan kayo lilipat para madalaw kita.”
“Sige, salamat.”
Nang sumapit ang gabi, nasa sala na ang mga karton na may mga gamit na dadalhin namin sa bahay.
“Konti na lang ang liligpitin ko,” bulong ko.
Lumapit si Nanay. “Halley, nag-aalala ako sa mga gastusin natin sa bagong bahay. Siguradong mahal ang upa kapag kumpleto ang gamit.”
“Huwag n'yo na pong alalahanin iyon.”
“Hindi ko maiwasang mag-alala dahil wala naman tayong pinagkakakitaan.”
Ngumiti ako. “May trabaho na ako at may sideline ako sa pagsusulat. Ako na ang bahala sa gastusin natin. Huwag na po kayong mag-alala para makatulog kayo nang maayos.”
Bumuntong-hininga siya. “Sige, matutulog na ako.” Tumalikod siya at umalis.
Pumasok naman ako sa kuwarto para matulog, pero bago iyon ay kinuha ko ang maliit na sobre na naglalaman ng titulo ng bagong bahay namin. Ilang ulit kong binasa ang pangalan ko sa titulo.
“May sarili na akong bahay. Siguradong magugulat sila bukas kapag nakita nila ang bagong bahay na lilipatan namin,” bulong ko.
Alas-tres ng madaling araw nang tumawag sa akin si Lucas. Nasa labas na siya at naghihintay sa amin. Agad kong binuksan ang pinto ng bahay upang papasukin siya.
“Good morning!” nakangiti niyang sabi.
“Good morning, pasok kayo!”
May kasama siyang matandang lalaki na nasa edad singkwenta.
“Gusto n’yo ba ng kape?” tanong ko.
“Yes, please!”
“Sige, sandali lang at ipagtitimpla ko kayo ng kape.” Dumiretso ako sa kusina para magtimpla ng kape.
“Halley, bakit hindi mo ako ginising?” tanong ni Nanay na nagising nang marinig ang ingay.
“Hindi ko naman alam na darating sila nang ganito kaaga.”
“Ibigay mo na ang kape sa kanila at magluluto ako ng almusal natin.”
“Tulungan ko na kayo.”
“Huwag na, kausapin mo na lang sina Lucas habang nagluluto ako.”
“Sige po.”
Bitbit ko ang dalawang tasa ng kape at ibinigay sa kanila.
“Uminom muna kayo ng kape habang nagluluto si Nanay ng almusal.”
“Okay.” Hinigop ni Lucas ang kanyang kape. “Sinama ko ang driver ko, si Mang Fernan, para magmaneho ng isa pang sasakyan. Baka hindi magkasya ang mga gamit n’yo sa sasakyan ko.”
“Apat na malalaking kahon at tatlong malalaking bag ang gamit namin. Tapos, ‘yung ginagamit ni Nanay na kaldero, plato, kutsara, at baso ay dadalhin pa rin namin. Ayaw niyang ipamigay ang mga ‘yon dahil mga unang gamit nila noong bagong kasal pa lang sila, kaya kahit luma na ay dadalhin pa rin namin.”
Tumango si Lucas. “It’s okay.”
“Sandali lang, tutulungan ko si Nanay.”
“Okay.”
Tinulungan ko si Nanay na magluto ng almusal para makakain na kami. Kalahating oras lang ay natapos na naming lutuin ang pagkain. Ang mga gamit namin ay nailagay na nila sa sasakyan nina Lucas.
“Ate, malayo ba sa school ko ang bagong bahay na uupahan natin?” tanong ni Harry habang binabagtas namin ang daan papunta sa bagong bahay.
Tumango ako. “Ihahatid ka naman palagi hanggang sa matapos mo ang school year.”
“Ibig sabihin, sa ibang eskwelahan na ako mag-aaral?”
“Oo, may malapit na school sa bago nating lilipatan.”
“Hindi ko na pala makikita ang mga kaklase ko.”
“Tuwing school year naman ay iba-iba ang mga kaklase mo. Gano’n din ‘yon kapag sa ibang school ka mag-aaral.”
“Sabagay, cute naman ako.”
“Anong kinalaman ng pagiging cute mo?”
“Kapag cute, maraming nagiging kaibigan.”
“Tsk! Mag-aral kang mabuti.”
“Opo, Ate.”
“We’re here!” wika ni Lucas.
Pumasok kami sa loob ng malaking bakuran ng bagong bahay namin. Nakita ko ang pagkagulat sa mukha nila nang masilayan ang bahay.
“Halley, dito ba tayo titira?” tanong ni Nanay.
Ngumiti ako. “Oo, ito na ang magiging bago nating tahanan.”
“Ang ganda!”
“Ate, ang ganda ng bagong bahay natin. Siguro mahal ang upa rito?” wika ni Harry.
“Halley, hindi natin kayang bayaran ito,” wika ni Nanay.
“Pumasok na tayo sa loob,” sabi ko.
Pagpasok namin ay mas lalo silang namangha sa nakita nila.
“Nanaginip ba ako?” tanong ni Nanay.
“Nay, Harry, pumili kayo ng gusto n’yong kuwarto. Lahat ng gamit na nakikita n’yo ay sa atin.”
“Halley, sabihin mo sa akin kung saan ka nakakuha ng pera para magkaroon ng ganitong bahay?” wika ni Nanay.
“Huwag n’yo munang isipin ‘yon.”
“Saan ang kusina?” tanong ni Nanay.
Dinala ko siya sa kusina. Nagulat ako dahil puno ng pagkain ang malaking refrigerator at ang pantry.
Lumapit ako kay Lucas at bumulong, “Bakit bumili ka pa?”
“Gusto ko lang makasigurado na hindi na nila iisipin ang pagkain kapag umalis ka.”
“May natira pa kaming pera sa binayad mo sa akin.”
“It’s okay."
“Ang daming pagkain, parang isang taon na natin itong kakainin,” wika ni Harry.
“Nay, para sa inyo ito,” inabot niya kay Nanay ang health card.
“Para saan ito?”
“Puwede n’yo itong gamitin kapag nagpapagamot kayo.”
“Para sa asawa ko ba ito?”
“Para sa inyong lahat. Ipakita n’yo lang ‘yan, at wala na kayong gagastusin.”
Ngumiti si Nanay. “Salamat, mas mapapadali ang paggaling ng asawa ko dahil makakapag-therapy na siya.”
“Ako, wala?” tanong ni Harry.
“Harry!” sabi ko.
Ngumiti si Lucas. “Meron din sa ‘yo.” Inabot niya ang isang paper bag.
Nang buksan ni Harry ito, sobrang tuwa niya.
“Wow! Cellphone!” sigaw ni Harry.
“Bakit mo binigyan ng cellphone ang kapatid ko?” bulong ko.
“Gusto ko lang.”
Bumuntong-hininga ako. “Sobra-sobra na ang mga binigay mo sa amin.”
“Buong puso kong binigay iyon sa kanila, lalo na’t nakikita kong masaya sila.”
“Nay, Harry, ayusin na natin ang mga gamit natin,” sabi ko.
Tinulungan kami ni Lucas na mag-ayos ng mga gamit namin sa kuwarto. Nang matapos, umalis na siya.
Narinig kong may kumatok sa kuwarto, kaya binuksan ko ito.
“Nay, bakit?”
“Puwede ba akong pumasok?”
Tumango ako at binuksan ko nang bahagya ang pinto.
“Tulog na ba si Tatay?”
Tumango siya. “Halley, sabihin mo sa akin kung anong ginawa mo?”
Iniwas ko ang tingin sa kanya. “Wala naman.”
“Nakita ko sa bag mo ang titulo ng bahay, nakapangalan sa ‘yo.”
Huminga ako nang malalim. “Huwag kayong mag-alala, okay lang ako.”
“Halley, ang gusto lang namin ay maayos na tirahan. Hindi namin kailangan ng magarbong bahay, lalo kung sumali ka sa sindikato. Alam mong kapag droga ang pinag-uusapan, buhay ang kapalit.”
Napangiwi ako. “Hindi naman ako sumali sa sindikato.”
“Eh, saan ka kumuha ng pera?”
“Pumayag akong magpakasal kay Lucas, kapalit ng magandang buhay n’yo.”
Kumunot ang noo niya. “Ginayuma mo ba siya para magkagusto sa ‘yo?”
“Nay, naman!”
“Hindi ako makapaniwala na magugustuhan ka niya. Ang guwapo at macho ni Lucas.”
“Wala ka bang tiwala sa ganda ko?”
“Maganda ka, pero hindi ka naman matalino.”
“Grabe naman! Akala ko malulungkot kayo dahil pumayag akong magpakasal sa kanya.”
“Kung totoo ang sinabi mo, aba, jackpot!”
“Bakit naman jackpot?”
“May nainlove sa ‘yong guwapo na mayaman. Balak na nga kitang hanapan ng poreyner para makapag-asawa ka.”
“May masama pala kayong balak.”
“Totoo bang magpapakasal kayo ni Lucas?”
Tumango ako. “Bukas, sa bahay na niya ako titira.”
“Okay, mapapanatag na ang loob ko ngayon. Akala ko ay sumali ka sa sindikato.”
“Hindi kayo nagagalit na mag-aasawa na ako?”
“Guwapo si Lucas at mukhang mabait naman.”
“Okay.”
“Kung sinabi mo lang agad, sana pinagluto ko siya ng espesyal na ulam.”
“Sa ibang araw na lang.”
Pinagmasdan ni Nanay ang bahay. “Hanggang ngayon, parang nanaginip pa rin ako. Hindi ko akalain na magkakaroon ako ng ganitong bahay.”
“Ito ang bahay natin, at hindi na natin kailangang mag-isip kung saan kukuha ng pambayad buwan-buwan sa renta.”
“Ang laki ng bahay natin. Puwede ko nang papuntahin ang mga kamag-anak natin.”
Ngumiti ako. “Papuntahin n’yo sila rito para makita nila ang bago nating bahay.”
“Salamat, anak.”
“Matulog na kayo. Maaga pa tayong nagising kanina.”
“Sige, magluluto ako ng calderetang baka. Matagal ko nang gustong magluto ng ulam na ‘yon; ngayon ko lang magagawa dahil maraming karne sa refrigerator.”
“Sige, Nay.”
Tumayo siya at umalis.
“Okay na ako, handa na akong harapin ang magiging buhay ko kay Lucas.”