CHAPTER 5: The past; Ex-friends

1090 Words
(Two years ago) Agatha SA ISANG may kalakihang silid ng aklatan na matatagpuan sa Mariano University, isang partikular sa mga nakahilerang mesa ang ginamit ko. Nagtitipid sa kuryente ang eskuwelahan kaya naman sa halip na aircon ang gamit ay bukas ang magkakatabing mga bintana. Panay ikot din ang ilang piraso ng ceiling fan sa itaas. Humahampas ang nakakaantok na hangin mula sa labas sa puti at manipis na kurtina at halos dumampi ang dulong bahagi nito sa aking pisngi na kasalukuyang nagpapahid ng Stabilo sa bawat mahalagang salita na maraanan ng aking bilugang mata. Bahagya pang nakaawang ang aking mapang-akit na labi, ang mahaba at itiman na buhok ay maayos na nakapusod sa aking likuran dahil sa klima. Nakapangalumbaba ako habang nakatukod ang siko sa makapal na kahoy ng mesa kasabay ng pagmarka ng matingkad na kulay ng berde sa creme paper sheet ng aking medicine book. I looked bored. Perhaps everyone in this room could have suspected I don’t understand what I’m doing, but yes, I do—because I am Agatha Serrano, nineteen years old. Hindi ako ang tipo ng babae na madaldal o kaya naman ay estudyante na madalas magtaas ng kamay sa klase. Madalas na sinasarili ko lang ang mga iyon. Nahihiya ako o natatakot ako na tumingin sa akin ang lahat. Siguro nga ay isa ako sa mga tahimik na makikita roon sa school dahil bibihira ako na makihalubilo sa ibang studyante matapos magalit sa akin ang mga itinuring kong kaibigan. That was after all my choice in the end—to be alone. Hindi naman ako ganito dati, ngunit matapos akong talikuran ng mga itinuring kong kaibigan ay bigla na lang akong nagkaroon ng pangamba sa iba pa. Sapat na sa akin si Riggs Montenegro na ilang buwan ko nang nobyo ang makasama ko palagi. Sa lahat ay siya ang pinagkakatiwalaan ko. Madalas niyang painitin ang aking dibdib sa kanyang mga mabulaklak na salita. Siya ang nag-iisang nagpapasaya sa akin. “Hindi mo sila kailangan. Ginagamit ka lang ng mga iyon, Agatha,” iyon ang madalas niyang sabihin sa akin. Isang estudyante ang nakasagi sa aking likuran kaya bahagya akong napakislot at halos mangudngod sa mesa na nasa aking harapan “Sorry!” pagpapaumanhin ng nakasagi sa akin na hindi na ako nagawang sulyapan at nagtungo sa kung saan. Bahagya ko siyang sinulyapan. Nagpatuloy siya sa paglabas at ako naman ay sa pagbabasa. Nagdaan ang ilang sandali bago ako muling inabala ng isa pang estudyante na umupo sa kabilang panig ng mesa. “H-hi!” Isang salita lang iyon, ngunit nag-angat ako ng tingin mula sa mga letra na nakatatak sa bawat pahina. Namukhaan ko ang babae, kaklase ko siya sa isang subject. May makapal siyang salamin at buhok na umaabot sa leeg, simple ang suot na blusa, at bahagyang may katabaan. “Yes?” nakakunot ang noo na tanong ko sa kanya. May hihiramin ba siyang libro sa akin? “M-may naglagay ng papel sa likuran mo,” aniya na halatang kinakabahan. Nagpalinga-linga pa, at alam ko kung bakit. Posible na natatakot siya na baka mapag-initan ng mga taong may ayaw sa akin. Agad kong kinapa ang aking likuran. Nahablot ko ang isang bond paper na may nakasulat na “slut!” Walang emosyon na nilamukos ko lang iyon at ipinatong sa tabi ng aking binabasang libro. Nagpatuloy akong muli sa pagbabasa. Hindi ko alam kung ano ang problema ng mga taong gumagawa niyon sa akin, ngunit hinayaan ko na lang sila. Dalawang babae ang pumasok sa loob ng aklatan—ang mga itinuring kong kaibigan mula pa high school na huwad naman pala—si Janice at Marissa. Kumukuha ang mga ito ng engineering at ako naman ay sa medicine. Palibhasa ay magkatabi lang ang mga gusali namin at iisa ang library sa buong university, madalas ko silang makita. Madalas din na kung ano ang ginagawa nilang hindi maganda sa akin. Para respetuhin ang dati kong relasyon sa kanila, hindi ko na lang din sila pinapansin. Iyon din naman ang sabi sa akin ni Riggs. Ang mahalaga ay nagagawa ko ang kailangan sa eskuwelahan at makapagtapos ako ng kolehiyo. “Hoy, babae!” ani Janice. Huminto siya sa aking tabi kasabay ang matalik na kaibigan na si Marissa. “Shhh!” sita ng librarian na nasa bungad. “Totoo ba na sinabi mo kay Marcus na manggagamit ako? Inaakit mo ba ang boyfriend ko?” Halos sumigaw siya at walang pakialam sa katahimikan na bumabalot sa silid-aklatan. Kumuha kami ng atensiyon mula sa ibang mga estudyante na nagsipaglingunan sa gawi namin. Halos yumuko naman ang babae na sumakop sa kabilang panig ng mesa ko. “Silence!” galit na sita ng librarian mula sa puwesto nito, ngunit walang pakialam si Janice at Marissa. “Bakit hindi ka man lang umiimik d’yan? Ang pinsan mong si Nadine ang nagsabi sa ‘min na nakita niya kayong dalawa ni Marcus sa canteen. Magkasama kayong dalawa!” Sa totoo lang ay ayaw ko siyang pansinin, ngunit umasim ang aking mukha habang nakatutok pa rin sa libro. Iniisip ko kung ano ang ibig niyang sabihin na nakita kami ng nobyo nito na magkasama, at nagmula iyon sa aking pinsan. Natatandaan ko na nakasabay ko lang ang lalaki noong kumain ako kanina ng sandwich, pero sa magkabilang dulo kami nito umupo na may layong dalawang metro. Gayunman ay hindi na rin bago sa akin na manggaling ang bagay na iyon kay Nadine, ang pinsan ko. Madalas na gawan niya ako ng kung ano-anong kuwento. Iyon ang dahilan kaya lalong lumayo ang loob ng dalawang babae sa akin. Nabigla na lang ako nang kumalat ang mga kulay ng berde na naroon sa nakabuklat na libro sa aking harapan. Tumitilamsik pa ang tubig sa aking braso na nakapatong sa mesa mula roon. Nagmula ang likido sa isang bottled water na sadyang itinatapon niya mula sa ere. Tumiim ang aking panga sa ginawa ni Janice. Naiinis siya dahil hindi niya makuha ang atensiyon na nais niya mula sa akin. Napasinghap na lang halos ang lahat ng nakasaksi, ngunit wala akong emosyon. Wirdo ba ako kung sasabihin ko na naaawa ako sa kanya? “What are you girls doing? To the dean’s office! Now!” sigaw ng librarian sa aming tatlo dahil inabala namin ang tahimik at payapang silid ng aklatan. Napapagod na ako sa ganitong mga eksena namin ng mga itinuring kong mga kaibigan, pero wala akong nagawa dahil damay ako sa pinaalis. Naglawa na rin kasi ang tubig na itinapon ni Janice sa aking libro na naroon sa mesa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD