BOOK ONE: CHAPTER 1: Ex-convict

1355 Words
Agatha Serrano ISANG pasilyo sa piitan ang partikular na tinatahak ko, hindi alintana ang namumuong pawis sa aking noo. Ramdam ko ang buwan ng Mayo dahil sa nanlilimahid na gumagapag sa aking katawan. Nagkakagulo ang mga inmates sa magkabilang gilid. Tiim ang aking mga panga, matalim ang mga mata habang naghihiyawan ang mga ito. Isang mahalaga at mamahaling painting ang nawala sa tahanan ng mga Mariano na itinuturo na ninakaw ko. Iginuhit pa iyon ng isang sikat na pintor mula sa Europa noong nineteen-hundreds. Dalawang taon ang hatol sa akin ng husgado bilang kasabwat sa pagnanakaw at panloloob sa mansiyon. “Bilis!” wika ng may kalakihan na babae na naroon sa aking likuran. Itinulak ako nito para bilisan ko ang mga paghakbang. Bumilog ang aking kamao habang pinagigitnaan ng security papalabas. Dalawang guwardiya ang nasa aking magkabilang gilid. Mayroon din sa likuran na patuloy ang pagtulak sa akin sa tuwing bumabagal ako sa pag-abante at ang aming sinusundan na nasa bungad. Aalis na lang ako, ngunit para pa rin akong binibigyan ng red carpet. Hindi kanais-nais na pulang alpombra na para bang may mga tinik na tila tumutusok sa paahan ng maglalakad doon. Hindi masarap sa kalooban dahil katumbas nito ang dignidad ng isang taong hinusgahan. Naniningkit ang aking mga mata habang binabalot ng poot ang aking dibdib. Bakit kailangan na sa akin isisi ang bagay na hindi naman ko ginawa? At bakit kailangan na pagdusahan ko ng ilang buwan ang aking pagkakadawit sa pagnanakaw? Riggs! Hintayin mo ang lupit ng paghihimagsik ko. I’m almost there to kill you! Masyado akong naniwala sa aking kasintahan na si Riggs. Sinabi niya na may pupuntahan kami noong gabi ng aking pagkakahuli. Noong gabing iyon, sa isang mansion kami dinala ng kanyang motor. May kukunin daw siya roon sa loob ng mansion, kailangan ko lang siyang hintayin sa gate kahit na anong mangyari. I heard an alarm. It’s a combination of alarm and strobe red light. Sa sobrang pagkabigla ay umawang ang aking labi noon nang marinig ang umaalingawngaw na tunog na nagpagising sa natutulog at payapang gabi. Kahit naguguluhan at kinakabahan noon ay hinintay ko si Riggs na lumabas mula sa loob ng mansiyon, ngunit nauna pang magsidatingan ang nakapilang mga puting sasakyan na may sumasayaw na pulang ilaw sa uluhan nito. Matapos iyon ay naging mapanghusga na ang kapalaran sa aking buhay. Tila ako ipinasok sa impiyerno, nakilala ang mga ulupon ni Satanas na nagpahirap sa akin na siyang dahilan para tumibay ang aking loob matapos ang dalawang taon. Bago pa lumalim ang aking isipan ay ipinasok ako sa loob ng opisina ng warden sa piitang iyon. Naroon ang matabang babae sa likuran ng mesa nito, may nakasuksok na tabako sa bibig. May dalawang inmates sa magkabilang gilid na may hawak pang pamaypay para magbigay ng hangin sa kanya kahit pa na mayroong electric fan sa isang sulok na panay ang paling ng bilog na ulo sa magkabilang gilid—ilang araw na kasing sira ang aircon sa silid na iyon. Naalala ko ang sarili na ginawa na rin ang bagay na iyon noon. May kasama nga lang mura at sampal sa tuwing hindi maayos ang aking pag-paypay. Ngumisi ang warden nang makita ako. Isa ang babae sa nagpahirap sa akin kasabay ng paglakas ng aking loob sa loob ng ilang taon ng pananatili ko sa impiyernong lugar na iyon. “Tsk! Ano, miss ganda? Hindi ko makakalimutan ang araw na ipinasok ka rito. Ibang-iba ka noon kumpara ngayon. Masaya ka na ba, ha?” Itinulak ng kanyang hintuturo ang aking noo. Matalim ang aking mga tingin na diretso sa kanyang mata. Amoy na amoy ko ang matapang at hindi kanais-nais mula sa kanyang bibig, ngunit sino ba ako para magreklamo? Wala pa nga ang tila burak na sinisinghot ng aking ilong sa kasalukuyan. Lahat ng klase ng dumi na yata ay naamoy at naranasan ko sa lugar na iyon. Muli niyang dinuro ang aking noo, mapigat na lumapat ang kanyang hintuturo sa akin. “Ano ang tinitingin-tingin mo, ha?” Doon ko iginilid ang aking ulo at nag-iwas ng tingin. Wala akong panahon para sa tulad niya. Bakit kailangan ko pa siyang harapin kung ganoong lalaya na ako? Hindi ko na kailangan pang magbigay ng pormal na pamamaalam. “Tsk! Kalagan na iyan!” utos niya kasunod ang pagngisi. Bumalik ang warden sa kanyang kinauupuan sa likod ng malapad na mesa. Tinanggal naman ang pagkakaposas sa aking mga kamay ng isa sa dalawang guwardiya. “Pumirma ka rito!” Hinampas muli ng warden ang papel sa mesa. Itinuro niya ang mga dapat pirmahan sa papel. Bago pa ako makakilos ay nagbukas ang pintuan. Pumasok ang isa pang miyembro ng seguridad ng piitan. Dumiretso ito sa tabi ng warden at may ibinulong. Makalipas ang ilang saglit ay nagtaas ang kilay ng huli. Taimtim siya na tumingin sa akin. “Akala ko ba ay ulila ka, miss ganda?” Doon muli napukaw ang aking atensiyon. Ibinalik ko ang paningin ko sa kanya. Para akong nabuhayan ng loob. Narito kaya ang aking ama na hindi ko nakita sa loob ng ilang taon? “Kayong dalawa, labas!” utos ng warden sa dalawang inmate sa magkabilang gilid. Pinahatid sila sa isa sa mga kasama na miyembro rin ng seguridad na naroon din sa silid. Pagbukas ng pinto ay pumasok ang isang lalaki na may makapal na salamin. May bigote ito at may kakulutan ang buhok. Naglalaro sa limang pulgada at walo ang taas. Kahit may kainitan ay hindi ito napigilan sa pagsuot ng makapal na coat. Una itong tumingin sa akin bago sa wadren. “I’m here to accompany Miss Agatha Serrano.” Nagtaas ang aking kilay nang marinig ko ang aking pangalan sa kanyang bibig. Hindi ko siya kilala. Lumapit ang bagong dating sa mesa ng warden. “I will review the documents, mahirap na.” “At sino ka naman?” nakakunot na tanong ng warden, diretso ang tingin sa lalaki. “Abogado niya.” Itinuro niya ako na lalong nagbigay sa akin ng katanungan. “Tsk! `O!” Kinuha ng warden ang may ilang piraso ng papel at inabot sa lalaki. Binasa ng bagong dating na lalaki ang lahat ng nakasulat. May ilang minuto bago siya humarap sa akin at saka pinapirmahan ang mga dapat. Ilang minuto pa ay iniluwa ako ng gusali. Iba ang aking pakiramdam matapos malanghap ang hangin na ipinagkait sa akin sa loob ng dalawang taon. Kalakip ng bagong hangin ang kalayaan, ang panibagong bukas kaya hindi ko naiwasan na maluha. May namuong kung ano sa aking dibdib na hindi ko maipaliwanag. Agad kong pinunasan ang mga butil nito dahil naasiwa ako sa kakaibang tingin na ibinibigay sa akin ng hindi umanong abogado na sumundo sa akin. May isa pang matangkad na lalaki ang papalapit sa aming lugar. Seryoso ang mukha niya at higit sa lahat ay guwapo. “Miss Agatha, I’m Torin Agassi—President and CEO of United Laboratory or ULab. Narito kami ng abogado ko para sunduin ka.” Alam ko ang ULab. Sa pagkakaalam ko ay doon nagtrabaho ang aking ama noon. “A-ano ang rason ng isang presidente na tulad mo para sunduin ang isang hamak na bilanggo na tulad ko?” “May naghihintay sa ‘yo sa sasakyan. Siya na ang magpapaliwanag.” Itinuro niya ang makintab at itim na Lincoln Navigator na nakaparada sa hindi kalayuan. “Attorney Tucson, ikaw na ang bahala. Naghihintay sa akin ang anak ko sa bahay.” “Ikumusta mo ako kay Ms. Angela, boss.” Tinapik ng lalaki sa braso ang nagpakilalang abogado bago naglakad patungo sa ibang direksiyon. Nawiwirduhan na sumunod ako kay Attorney Tucson patungo sa may kalakihang sasakyan. Madilim ang mga salamin nito kaya hindi ko masyadong maaninag ang tao sa loob hanggang sa buksan niya ang pintuan sa back seat. Tumambad sa akin ang isang lalaki na prenteng nakaupo sa loob. Nagtama ang aming mga mata. “You are now mine, Miss Agatha.” Iniabot niya ang isang kamay sa akin. May kung anong mahika ang tono ng kanyang boses pati na ang mapang-akit niyang mga mata para iabot ko ang aking kamay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD