"Marrie, anak, gising na. Ala sais na, may pasok ka na ngayong araw sa bago mong eskwelahan," rinig kong saad ni Mama sa kabila ng antok na nararamdaman ko.
"Mama, please. Inaantok pa po ako," sagot ko bago nagtalukbong ng kumot. Gusto kong mainis sa pang-iisturbo niya sa pagtulog ko ngunit pinigilan ko ang sarili ko.
"Anak, alam mo namang kailangan mong pumasok. Fourth grading na. Kung hindi ka papasok ay siguradong hindi ka makakapagtapos ng First Year high school ngayong Marso. Kaya sige na, anak. Kahit para kay Mama nalang," pagsusumamo ni Mama na mas lalo kong ikinainis. Mabilis kong tinanggal ang kumot at kaagad bumangon at umupo sa pang-isahang kama na napapatungan ng manipis na foam.
"Mama, ayaw ko pong pumasok sa eskwelahang iyon. Gusto ko pong bumalik sa academy. Bakit ba kasi tayo umalis sa mansyon? Maayos naman ang trabaho mo roon, Mama," hindi ko naiwasang iparamdam ang inis ko sa tonong ginamit ko.
"Anak, patawarin mo na si Mama. Bata ka pa. Hindi mo pa ako maiintindihan sa ngayon."
"Mama, naman."
"Sige na, anak. Basta tandaan mo, para sa'yo ang lahat ng mga ginagawa ko. Mahal ka ni Mama."
"Sige po," sumusuko kong sagot.
Tuluyan na akong bumangon at dumiretso sa banyo sa may kusina ng maliit naming bahay bitbit ang aking tuwalya. Tinatamad man ay wala akong magawa kung hindi ang sundin si Mama. Alam kong may pagkasutil ako ngunit pagdating sa kaniya ay sobrang lambot ng puso ko.
Pagkatapos kong kumain ng agahan ay dali-dali akong nagsipilyo at nagsuot ng puting blouse at maroon na pleated skirt na lampas-tuhod. Ito ang uniform ng bago kong eskwelahan. Isang public school ito sa bayang nilipatan namin. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit panay ang lipat namin ng tirahan ni Mama. Sa tuwing tinatanong ko siya ay wala akong nakukuhang sagot.
Pagkatapos magbihis ay isinuot ko na rin ang aking lumang sapatos na bigay pa ng amo ni Mama sa mansyon. Pinaglumaan ito ng kaniyang anak na halos kaedad ko lang.
"Anak, ito na ang bag mo. Nandiyan na lahat ng mga gamit mo. Nandito naman sa canvass bag ang baunan mo. May ulam na riyang pritong isda at ginisang gulay," saad ni Mama habang inaabot sa akin ang itim na backpack. "Pagpasensyahan mo na ang uniform mo, anak ha. Binili ko lang iyan sa palengke kasi wala pa akong kakilalang mananahi rito sa baranggay."
"Wala po iyon, Mama. Maganda naman po ang nabili ninyo. Kasyang-kasya po sa akin," nakangiti kong sagot.
"Ang bait talaga ng anak ko. Pwera lang kapag bagong gising," panunukso niya habang inaayos ang kulot na kulot kong buhok. "Bukod sa mabait ay napakaganda pa at responsableng anak."
"Mama, alam ko pong niloloko n'yo lang po ako. Hindi po ako maganda, Mama. Dahil kung maganda po ako, hindi po ako makakaranas ng pangungutya sa dati kong eskwelahan," malungkot ang boses kong saad. Sa academy na pinanggalingan ko ay hindi basta-basta ang pinagdaanan kong pangbu-bully. Kesyo anak raw ako ng Ati dahil maitim ako at kulot ang buhok. Idagdag pa ang mga ngipin kong wala sa ayos at mga "pimples kong tinubuan ng mukha". Oo, puno ng pimples ang magkabilang pisngi ko pati na rin ang aking noo. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ako tinutukso ng mga kaeskwela ko. Wala na raw lugar ang mga pimples sa dami nito. Parati akong umuuwing luhaan ngunit hindi ko iyon ipinapakita kay Mama.
Sa kabila nito, mas gugustuhin kong manatili sa academy dahil sanay na ako sa mga bullies doon. Ngayon ay ibayong kaba at takot ang nararamdaman ko dahil panibagong mga tao na naman ang huhusga at kukutya sa akin.
"Basta, anak. Tandaan mo ang bilin ko. Huwag mo silang papatulan. Umiwas ka na lang sa kanila para walang gulo," nakikiusap niyang bilin. "At totoo ang sinasabi ko, anak. Maganda ka, inside and outside. Bulag lang ang hindi nakakakita. Masuwerte nga si Mama sa'yo dahil kahit thirteen years old ka lang ay independent ka na at responsable. Sobrang sipag mo pa. At parang matanda ka kung mag-isip."
"Nako, Mama. Alam ko binobola mo lang ako. Oo na po, magpapakabait po ako. Hindi ako papatol sa mga bullies. Sige po. Aalis na po ako."
Mabilis ko siyang hinalikan sa pisngi at may pagmamadali akong lumabas ng aming munting bahay. Nasa isang kilometro lang naman ang lalakarin ko at maaga pa naman. May pera naman akong bigay ni Mama pero iipunin ko na lang iyon.
Pagdating ng eskwelahan kay kaagad akong dumiretso sa classroom ko. Alam ko na kung nasaan ito dahil nakapunta na ako rito noong nagpa-enroll ako kasama si Mama.
Pagpasok ko pa lang ng pintuan ay sa sahig ako dumiretso dahil sa isang paang nakaharang. Alam kong sinadya iyon ng kung sino mang nakatayo sa gilid ng pintuan. Nag-angat ako ng tingin at nakita ko ang isang magandang dalagita na sa palagay ko ay kaedad ko lang. Kaklase ko siguro.
"Ayan kasi, sa dami ng pimples mo sa may mata, hindi mo na nakita ang daraanan mo," sarkastikong saad nito bago ako tinalikuran.
Akmang babangon na ako nang biglang may umapak sa kaliwang kamay kong nakatukod sa sahig. Masakit iyon kaya nakagat ko ang aking pang-ibabang labi at pinigilan ko ang sarili kong mapaiyak. Pagbaling ko ng tingin ay isang gwapong mukha ang nakatunghay sa akin. Napaka-cute niyang tingnan lalo pa ang maliit na heart-shaped na balat sa kaliwa niyang pisngi.
"Hoy, dugyot! Tumayo ka riyan! Hindi mo ba nakikita? Walang tubig kaya hindi ka dapat lumalangoy diyan. Doon ka sa pond sa likod nitong classroom. May tubig doon. Pwede kang lumangoy hanggang gusto mo kasama ang mga katulad mong palaka. Kay aga-aga, gumagawa ng eksena. Papansin ka? Buti sana kung kagandahan ka. Tabi!"
Kung nasaktan ako sa pagkakaapak niya sa kamay ko ay walang-wala iyon sa mga salitang binitawan niya. Ngunit sa halip na magsalita ng masama pabalik ay nakiusap pa ako.
"Ah, a--ang k--kamay ko please," nanginginig ang boses kong saad habang pinipigilan ko ang aking mga luha sa pagpatak.
"Tama na iyan, 'tol. Grabe ka talaga. Transferee iyan tapos ginaganyan mo," saad ng isang lalaki sabay akbay nito sa nang-apak sa kamay ko at naglakad paalis. Dahan-dahan akong tumayo at tinungo ang isang bakanteng arm chair sa bandang likurang sulok ng classroom.
Pagdating ng tanghalian ay tahimik akong naglakad palabas ng classroom upang maghanap ng isang lugar kung saan pwede kong kainin ang dala kong baon.
Nasa kasarapan ako ng pagkain nang biglang may tumabig ng baunan ko. At bago pa ako makahuma ay nakita ko na lang iyon sa lupa kasama ang nagkalat kong kanin at ulam.
"Sino ang nagsabi sa'yong pwede kang kumain dito? Tambayan namin 'to kaya umalis ka rito," galit na sita sa akin ng lalaking umapak sa kamay ko habang dinuduro ako.
"Q, tama na iyan. Bakit ba ang init ng dugo mo sa kaniya? Kumakain lang naman ang tao."
"Alam mong galit ako sa mga pangit!" asik ng barumbadong Q pala ang pangalan.
Nanginginig ang mga kamay kong pinulot ang mga pagkaing nalagyan na ng buhangin at ibinalik ang mga iyon sa baunan ko. Habang nakayuko ako at ginagawa iyon ay hindi ko napigilan ang mga luha ko sa pagpatak. Galit na galit ako subalit wala akong magawa. Ayaw ko ng gulo. Pagkatapos kong iligpit ang baunan ko ay kaagad akong bumalik sa lamesa upang sana ay kunin ang aking backpack. Ngunit nanlaki ang mga mata ko nang makita ko itong lumulutang na sa maliit na pond sa di kalayuan. Nang balingan ko ang hinayupak na lalaki ay nakakaloko siyang nakangiti. Ang kasama niya ay napapakamot sa ulo nito.
Mabibilis ang mga hakbang kong kinuha ang backpack ko bago siya hinarap.
"Hindi ko alam kung ano ang kasalanan ko at galit na galit ka sa akin. Sana lang huwag mangyari sa'yo ang ganito. Napakasama mo!" umiiyak kong saad na sinuklian lang niya ng isang malutong na halakhak.
"Pangit ka kasi. Ang sakit mo sa mata. Kung ako sa'yo, magpapakama-tay na lang ako. Walang lugar sa Earth ang mga pangit na katulad mo."
"Hoy, Q! Sumusobra ka na," saway ng kaibigan niya.
"Tumahimik ka, Jurry, kung ayaw mong madamay!" muling asik niya sa kaibigan na ikinatahimik nito. "Ano pang tinatayo mo riyan? Alis!"
Walang salita akong tumalikod at nilisan ang lugar. Ngunit sa halip na bumalik ng classroom ay sa main gate ng eskwelahan ako dumiretso. Nagdesisyon na lang akong umuwi dahil basa na rin naman ang mga gamit ko. Papakiusapan ko si Mama na ilipat ako sa ibang eskwelahan.
Pagdating ko ng gate ay siya namang paghinto ng isang tricycle sa harapan ko. Nagulat ako nang humahangos na bumaba roon si Mama.
"Mama, ano po ang ginagawa ninyo rito? Bakit po kayo nagmamadali?"
"A--Anak, huwag ka nang magtanong. Bilis! Sumakay ka na. Kailangan na nating makaalis ngayon din!" natatarantang saad ni Mama habang hila ako sa kamay pasakay ng tricycle.
"Mama, saan po tayo pupunta ngayon?"
"H--Hindi ko alam, anak. Pero p--pupunta tayo sa lugar kung saan hindi tayo m--mahahanap ng pamilya ng Papa mo," nanginginig ang boses ni Mama habang nagsasalita.
"May Papa po ako?"