"Ah, a--ang k--kamay ko please."
"Napakasama mo!"
Bigla akong nagmulat ng mga mata ko. Inilibot ko ang aking paningin at napahinga ako nang malalim nang mapagtanto kong nasa loob ako ng kuwarto ko sa resort at hindi roon sa lugar kung saan naranasan ko ang pinakamatinding pangbu-bully ng isang lalaki labindalawang taon na ang nakakaraan. Dahan-dahan akong bumangon at umusod pasandal sa head board ng kama habang binabalikan ko ang aking panaginip. Ramdam ko ang bahagyang panginginig ng katawan ko. It has been twelve years. Pero sadyang hindi ko makalimutan ang karanasang iyon. Sariwa pa rin iyon sa alaala ko na para bang kahapon lang iyon nangyari.
Inabot ko ang unan sa tabi ko at mahigpit na niyakap. Muli ko na namang naalala ang sakit at galit na naramdaman ko nang araw na iyon habang pinupulot ko ang mga pagkain kong nagkalat sa lupa.
"Kung ako sa'yo, magpapakama-tay na lang ako. Walang lugar sa Earth ang mga pangit na katulad mo."
Napapikit ako nang bumalik sa alaala ko ang sinabing iyon ng lalaki. At kasabay ng pagmulat ko ng mga mata ko ay ang masaganang pagdaloy ng aking mga luha. Mariin kong kinagat ang unang yakap-yakap ko at doon pinakawalan ang isang impit na pag-iyak. Ngunit napaangat ako ng ulo at napalingon sa gawi ng pinto nang bigla iyong bumukas. At sa malamlam na liwanag na nanggagaling sa lamp shade na nasa tabi ng kama ay naaninag ko ang bulto ni Ali.
"Rie Rie," rinig kong saad niya.
May pagmamadali siyang naglakad patungo sa malapad na kama at kaagad na umupo sa gilid nito sa tabi ko. May kahigpitan niyang hinawakan ang nanginginig kong mga kamay na nakayakap sa unan bago ang mga iyon magaang minasahe.
"Hey. You are shaking. What's wrong? W--Wait. Are you crying?" tanong niya sa nag-aalalang boses habang hawak ang magkabilang pisngi ko.
Mabilis kong tinanggal ang unan sa kandungan ko at binitawan iyon. Bahagya akong umalis mula sa pagkakasandal sa kama at paluhod na yumakap sa leeg niya. Doon ako umiyak nang umiyak. Pakiramdam ko ay nakahanap ako ng kakampi sa mga salita at sa presensiya pa lang ni Ali. Banayad niyang hinaplos ang likod ko habang ang isang kamay niya ay mahigpit na nakayakap sa akin.
"Rie Rie, ano'ng nangyari? May masakit ba sa'yo? Did you have a bad dream?"
"A--Ali," sambit ko sa kaniyang pangalan habang umiiyak.
"Tahan na, Rie Rie. Nandito na ako. Huwag kang matakot," malumanay niyang pagpapakalma sa akin.
Bahagyang gumaan ang dibdib ko dahil sa kaniyang mga sinabi lalo na nang maramdaman ko ang magaan niyang paghalik sa ulo ko. Unti-unti akong kumalma. Nang tuluyan nang natigil ang pag-iyak ko ay dahan-dahan akong kumalas mula sa pagkakayakap sa kaniya at nahihiyang pinunasan ang pisngi kong basa ng luha gamit ang suot kong malaking puting t-shirt. Natigilan ako at nagtatakang nag-angat ako ng ulo. Diretsong natuon ang nagtatanong kong mga mata sa maamo niyang mukha. Nahihiya siyang ngumiti.
"Y--Yeah, that shirt is mine, Rie Rie. Sa sobrang pagod mo kagabi ay nakatulog ka na nang dinala kita rito sa kuwarto. I didn't have the heart to wake you up kaya sa halip na gisingin ka ay t-shirt ko na lang ang pinasuot ko sa'yo. Ayaw ko rin namang basta-basta na lang buksan ang luggage mo nang walang pahintulot."
Natigilan ako. Hindi ako nakasagot. Nag-init ang aking mukha nang dumaan sa imahinasyon ko ang eksena habang isinusuot ni Ali sa akin ang t-shirt habang tulog ako. Idagdag pa ang sinabi niyang sobrang pagod ako kagabi. Bigla kong naalala ang mga ginawa naming dalawa sa sofa.
"But don't worry. Malinis iyan, Rie Rie. At mabango iyan kahit amuyin mo pa," maagap niyang dugtong na ikinangiti ko habang nakaluhod ako sa kama paharap sa kaniya.
"Salamat, Ali. Pasensiya na sa abala," nahihiya kong paghingi ng paumanhin.
"Oh. Don't apologize. Kasalanan ko rin naman kung bakit ka napagod," mapanudyong saad niya. Nakaguhit sa mga labi niya ang isang pilyong ngiti.
"Ali!"
"Why? Totoo naman, ah. Pero alam kong kahit sobra kang napagod ay bawing-bawi ka naman. Sa ungol mo kagabi, alam kong bayad na ako sa pagod na idinulot ko sa'yo. Baka nga---"
Hindi na niya natapos ang kaniyang sinasabi dahil mabilis ko siyang dinamba at pinigil ang bibig niya gamit ang palad ko. Ngunit dahil sa ginawa ko ay patihaya siyang napahiga sa kama. Natagpuan ko na lang ang sarili kong nakapatong sa ibabaw niya.
"A--Ali, I'm sorry," saad ko habang dahan-dahang kumilos. Itinukod ko ang aking mga kamay sa kama at akmang babangon. Ngunit pinigilan niya ako sa pamamagitan ng pagyapos ng mga bisig niya sa katawan ko. Unti-unting bumilis ang t-ibok ng puso ko nang maramdaman ko ang init mula sa katawan niyang natatabunan lang ng manipis na puting t-shirt at itim na boxer shorts. Doon ko lamang napansing hindi na pala pajama ang kaniyang suot. Napalunok ako. Ito ang unang beses na nakita ko siya sa ganitong ayos.
"Rie Rie. I want to kiss you, baby," pabulong niyang saad.
"Ha?" tanging nasabi ko dahil sa kawalan ng salita. Pakiramdam ko ay bigla akong natuliro lalo na nang mapagtanto ko ang aming posisyon.
"Pwede ba kitang halikan ulit?"
Pinilit kong labanan ang kakaibang pakiramdam na lumukob sa buong sistema ko at itinago iyon sa pamamagitan ng biro.
"Na naman? Nakarami ka na kagabi ah! Kung saan-saan na nga nakarating ang makasalanan mong mga labi eh!"
Bahagya siyang natawa.
"Anong kung saan-saan? Dibdib mo pa nga lang ang pinakamalayong narating nito. Hindi pa ito umabot sa dako pa roon."
Unti-unting kumalma ang mabilis na t-ibok ng puso ko nang sumakay siya sa aking pagbibiro. Nag-iba na ang kaniyang tono. Hindi na iyong tipong nang-aakit.
Hinampas ko siya sa kaniyang balikat.
"Ako tigil-tigilan mo, Ali ha. Sige na. Pakawalan mo na ako. Gusto ko nang matulog ulit. Yakap ka nang yakap. Para kang adik, alam mo ba?"
"Totoo naman. Unti-unti na akong nagiging adik. Adik sa'yo. Ang sarap mo kasi, Rie Rie."
Napabunghalit ako ng tawa dahil sa sinabi niya. Naluluha ako habang dahan-dahang bumangon.
"Baliw! Ano ang tingin mo sa akin? Droga?"
"Parang ganoon na nga," sagot niya bago bumangon at bumalik sa pagkakaupo niya kanina.
"Loko! Bumalik ka na sa kuwarto mo at matulog. Maaga pa tayong gigising bukas."
"Pwede bang dito ako matulog sa kuwarto mo, Rie Rie?"
"Ha? Isa lang ang kama rito. Saan ka matutulog? Sa sahig?"
"Dito sa kama mo. Ang lapad nito, o."
"A--Ayaw ko nga!"
"Ang damot nito! Sige na, Rie Rie. Please?"
"Tigilan mo ako sa paawa effect mo, Ali ha?"
"Sige na, Rie Rie. Promise, magbe-behave ako," pamimilit niya na itinaas pa ang kaniyang kanang kamay na parang nanunumpa.
"Behave? Ikaw? Sino ang niloko mo? Huwag ako, Ali!"
"Promise. Wala akong gagawin. Unless---"
"Unless what?"
"Unless, ikaw ang mangalabit at magyaya. Oyyyy. Mangangalabit na iyan!"
"Loko-loko!!" singhal ko sa kaniya sabay hampas ng unan sa kaniyang dibdib.
"Sige na, Rie Rie. Pumayag ka na. Hindi ako aalis dito hanggang hindi ka pumapayag," saad niya at balewalang humiga sa kama.
"Oo na. Dito ka na matulog. Bwisit ka! Tumayo ka na riyan!"
"Sabi ko na nga ba, eh. Hindi mo ako matitiis."
"Asyumero ka! Anong hindi matiis? Pinilit mo lang ako, remember?"
"Nagpapilit ka naman? Ang bilis mo talagang mauto. Uto-uto!"
"Aba't ang kapal ng mukha mo! Layas! Lumayas ka rito!"
"Hoy! Biro lang. Ang bilis mo namang labasan."
"Ano'ng sabi mo? Bastos ka talaga kahit kailan, Ali!"
"Ikaw ang marumi ang utak, Rie Rie. Ang ibig kong sabihin, ang bilis mong labasan ng galit at usok sa ilong. Ikaw talagang babae ka! Gaano ka ba kadalas manood ng porn at parang kahalayan nalang yata ang laman ng utak mo? Sabihin mo nga. Nakakapag-isip ka pa ba nang maayos?"
"Hayop ka talaga! Walang hiya ka!" muli ko siyang hinampas ng unan na kaagad din niyang hinablot at binitawan. Sa isang iglap ay nakakulong na ako sa mga bisig niya.
"Alam mo, Rie Rie, sa dami ng sinabi mo, doon ka yata sa hayop tumama." Nakiliti ako dahil sa mainit niyang labing dumampi sa tainga ko nang bumulong siya. "Gusto mong malaman kung bakit? Dahil hayop ako sa kama, Rie Rie. Baka gusto mo akong subukan?"
Napalunok ako dahil sa kabang biglang umusbong sa dibdib ko.
"A--Ali. Akala ko ba w--wala kang gagawing masama sa akin?"
Malakas siyang tumawa bago ako binitawan.
"Baliw! Akala mo talaga kakainin kita? Well, siguro. Pero hindi na muna sa ngayon kasi inaantok na ako. Pahiram ng unan, ha?"
Mabilis niyang inabot ang isang unan bago gumapang sa gitna ng kama at komportableng humiga na tila ba sa kaniya iyon.
"Shuta ka, Ali! Doon ka sa kabilang gilid. Umusod ka," utos ko sa kaniya habang itinutulak siya.
Ngunit mabilis niya akong hinila pahiga sa tabi niya. Diretso akong napaunan sa kaniyang braso. Ikinulong niya ako sa isang mahigpit na yakap habang ang kaniyang binti ay ipinatong niya sa aking hita. Nakatagilid kami paharap sa isa't isa.
"Rie Rie, let's sleep like this, shall we?"
Sa lapit ng distansiya ng aming mga mukha ay ramdam ko ang init na nagmumula sa kaniyang bibig.
"A--Ali."
"Why did you cry, Rie Rie? You know you can tell me. Handa akong makinig."
"N--Not now, Ali," nag-aalangan kong sagot.
"Alright. Naiintidihan ko." Hinalikan niya ako sa aking noo. "Magpahinga ka na. Babantayan kita hanggang sa makatulog ka."
"T--Thank you, Ali."
Huminga siya nang malalim.
"Don't worry. I will chase those bad dreams away. Hmmm?"
Marahan akong tumango.
"Good night, princess."
"Good night, Ali," sagot ko bago ipinikit ang aking mga mata.
Bago ako tuluyang hinila ng antok ay naramdaman ko ang magaang pagdampi ng mga labi niya sa labi ko bago ako niyakap nang mahigpit.