KAPITULO 2

3917 Words
"MABUTI nalang at nakapagtimpi ako Sanya, kung hindi ay baka naisalaksak ko na itong mangga sa bunganga ng mga libakera na 'yan!" Sambakol ang mukha ni Fina sa akin habang nagsasalita. Kasing taas ng suot na heels niya ang kilay nito sa galit. Ikaw ba naman kasi ang maging paksa ng mga tindera dito sa palengke ng bayan tiyak isangdaang porsyentong aakyat rin ang dugo mo sa ulo. Hinimas ko ang balikat niyang marahas ang pagtaas baba. "H'wag mo nalang pansinin ang mga 'yan. Wala lang silang ibang makita na lilibakin kaya ako ang na-tripan nila." Sa kasamaang palad, ako ang  nagpapainit sa nilalamig na kwentuhan ng bayan. Napabuntong hininga ako. "Alam ko namang araw araw ka maganda. Pero 'wag naman nilang araw arawin ang kasikatan mo dito sa palengke. Ang beauty mo ay pang showbiz. Hindi pang market market." Inayos niya ang mga fake eye lashes at ang may kalumaang bestida bago umaktong beauty queen na umayos sa pag-upo. Maarteng kinuha ang pangbugaw ng langaw at saka barakong sumigaw. "Oh mga suki! Bili na kayo ng hinog, malalaki at masasarap naming prutas! Mura lang! Hindi katulad ng iba diyan, parang pwet ng baso, lugmok!" Parinig niya bandang huli. Napailing nalang ako habang nangingiti at bumalik na sa pagdidisplay ng mga tinda. Hindi nakaligtas sa'kin ang pagsesentir at ang mga bulongan ng mga kalapit naming tindahan gawa nga ng pagpaparinig ni Fina. Isa pa uling beses, nag-bingi-bingihan ako. Mas walang pakialam, mas payapa. Isinumpa ko sa sarili na hindi na muli papasukin ang galit sa aking sistema.  Dito sa probinsya ng Karahome, ang pangunahing hanapbuhay namin ay pagtitinda sa palengke ng mga prutas. Kaagapay ko rito ang matalik kong kaibigan na si Fina. Wala akong pagpipilian kundi ang kaibiganin dahil hindi mo matatanggihan ang malapad niyang ngiti na nag-aaya ng pakikipagkaibigan. Pinagtibay rin ng sabunutan at sapakan ang samahan namin nitong si Fina. "Sanya, matutuloy na naman ba ang larga natin ngayon sa ospital?" tanong niya na naantala ang pagaalok ng mga prutas sa kostumer. Ngat-ngat na niya ang sariling kuko— pangunahing mannerism niya iyon. "Kailangan e, alam mo naman kung bakit 'di ba?" Pinulot ko ang nalaglag na piraso ng star apple at saka pinunasan. "Sabagay, kung ako nga naman ang may nagawang kasalanan roon sa tao, ganyan din ang gagawin ko." Suklay-suklay naman niya ngayon ang pilukang ginto ang kulay. Hangang balikat iyon at nangalahati sa noo nito ang bangs. Animong chandelier naman ang hikaw niya sa tainga. Naka-cross legs ito, lantad ang pinuhing balbon. Mapustura kasi ang babaeng ito. Minsan nga, wala na sa hulog ang porma. Isa pa 'yan sa dahilan kung bakit kami palagi ang taya ng kwentuhan dito sa palengke. Pumuslit na naman ang malutong na konsensya sa akin. Kailangan pa bang ipag-diinan na kasalanan ko 'yun? Nilingon ko si Fina at binato ng piraso ng lansones. Nakailag naman siya at sinayawan lang ako ng kilay habang binabanatan ako ng mapangasar na salita at ngisi. "Siguraduhin mo lang may mapapala tayo ngayon. Ibinubulsa ata ng mga chiwa-wang nurse na 'yan ang Renai mo e. Hindi natin mahagilap." Napalabi ako. Kung ako man ang nasa katayuan ni Renai, pareho ng sa kanya ang gagawin ko. Pagtataguan ko rin s'ya. Ikaw ba naman, gusto mo bang makita pa ang nakagawa sayo ng kasalanan? Siyempre hindi na. Kahit malapit pa sayo ang taong 'yon. Palagay ko nga, isinusumpa na ako no'n. Itinuon kong muli ang atensyon sa mga prutas. Isinalansan ko iyon at tinanggal ang mga nabulok na. Bato talaga sa dibdib ang makagawa ng kasalanan. Lalo na't sa taong pinakamamahal mo pa. Pero hindi ko sinasadya ang nagawa ko. Nadala lang ako ng pinaghalong galit at kamandag ng alak. Saan man aspeto tingnan, maling-mali ako. "Patatawarin pa kaya ako ni Renai?" Hindi ko napigil itanong iyon. Kasi kung ako lang ang tatanungin, hindi ko sigurado ang tamang sagot. "Uhmm...'' aniya, waring nag-iisip. Inilagay pa niya ang sentido para kunwari may utak at talagang maganda ang sasabihin. ''Sa totoo lang tayo ha? Walang samaan ng loob?" Konsekyutibong tumango ako. "Walang samaan ng loob." Ngumisi siya bago pumitik sa ere at ni-ready ang mga nakalistang litanya. ''Ikaw naman kasi! Napaka-amazona mo'ng babae ka! Sinong matinong Maria Juana ang gagawa no'n? Wala! Ikaw lang, Sanya!'' ratrat niya. Nagtanong lang ako, nanermon na ang kaagad. "Matagal na kitang gustong tuktukan sa puyo dahil do'n sa nagawa mong kagagahan. Nakakahiya ka. Of all people, place, things, time..." Lihim akong natawa sa mga pinagsasabi niya. Akalain mo'ng na-perpekto nito ang rekados ng noun. Samantalang barok ito sa ingles. “Kay Renai pa talaga? Nandiyan 'yong mga hunk niyang kapatid bakit do'n pa sa ikakasal na?" Panandalian akong nanahimik at napaisip sa tinuran ng kaibigan ko. Bakit nga ba Heina? Siguro dahil mahal ko si Renai at nasasaktan akong makitang nakikipag-ngitian siya roon sa fiancee niya. Masakit makita na ang nagiisang lalaking nagpatibok ng puso mo ay may iba ng tinitingnan katulad ng pagtingin mo sa kanya. Kalahating pag-ibig lang ang nabuo at hindi na mabubuo pa dahil may iba na itong pakakasalan. "Pero gets kita e. Gets na gets. Umibig ka lang naman kay Renai. At ang taong umiibig kapag nagagalit sinasapian ng masamang espiritu sa utak. Nanghahalik nalang bigla sa araw pa ng engagement party no'ng tao!" Namaypay ito, gamit ang palad. "Mabuti nalang talaga at may alibi akong lasing ka lang kaya mo nagawa 'yon. Kung hindi, baka kinaladkad ka ng mga gwardiya civil nila palabas ng mansiyon." Malinaw pa sa dalisay na tubig ang mga senaryong iyon sakin. Kung paano ko pinahiya ang sarili ko at ang lalaking tinatangi ko. Ang emosyong bumalatay kay Renai nang walang pakundangan kong hinalikan ito sa harap ng mga bisita at sa harap ng babaeng papakasalan nito. Galit na galit ito. Patuloy ko paring naaalala ang pagtulak nito sa akin. Ang paghabol nito doon sa babae. Ang marahas na tingin ng iba nitong kamag-anak sa akin. Nawalan ng talab ang alak sa hiyang naramdaman ko no'ng gabing iyon. "Kung pwede nga lang, sampalin kita sa harapan ng mga bisita no'ng gabing iyon, ginawa ko na. Ang kaso, kaibigan kita e. Imbis na sampalin kita mas kinampihan pa kita. Isipin mo, inimbitahan na tayo ni Renai kahit malayo ang agwat natin sa kanila. Gano'n pa ang gagawin mo. Sampid lang tayo sa event na 'yon! Sampid! Inagaw mo ang spotlight no'ng babae. Kung alam ko lang talagang gano'n ang mangyayari, ki-na-dena na kita sa sulok." Nangangati ang palad kong kinapa ang suksukan ng aking bota. Kumislap ang kinang ng balisong nang bunutin ko iyon roon. Matalas ito at hasang hasa pagdating sa hiwaan ng kung ano-ano. Miski dila kaya nitong putulin. Bwisit na saging to, bakit ayaw maghiwalay? ''Ayan! Ayan! Mismo! Diyan ka napapahamak. Napaka-iksi naman kasi ng pasensya mo. May masabi lang sayo ang tao, nilalabas mo na agad 'yang makamandag mo mga pangil! Sasaksakin mo ko? Sasaksakin mo ko? Pati akong kaibigan mo be, tinatalo mo!'' Eksaheradang sumisigaw ito, nakaturo ang may singsing nitong daliri sa balisong. Samahan pa ng mga nanlalaking mata, kumpleto na. Isa na siyang ganap na aktres ng isang mumurahing suspense movie. Umigkas paitaas ang kilay ko. "Anong role na naman ba 'yang sinusubukan mo huh? Saka anong sasaksakin ang sinasabi mo d'yan? Hihiwain ko lang itong piling ng saging na nagdikit o. Kita mo?" Sinimulan ko nang hiwain iyon sa harapan niya. Palitada ang mukha niyang tinanggal ang pagkakaduro kasabay ng napapahiyang irap. "Wala naman 'tong pakisama. Minsan na nga lang maka-acting, di pa sumabay. Bwisit na teatro yan! Imagine, katulong ang role na binigay sakin. De-hamak namang mas deka libre ang talento ko sa pag-acting kumpara sa bida-bidang, Lavinia na 'yan!" "Baka masiyado ka naman kasing mahusay para sa role. Ang kailangan kasi nila, underacting hindi overacting..." Miyembro ito ng teatro sa unibersidad na pinapasukan namin. Fourth year college na kami ngayon unang semestre ng pasukan—parehong Bussiness Management ang napiling programa. Medyo tagilid nga lang parati ang napupunta ritong role kay Serafi dahil over qualified daw ito masiyado at nakakainis na. "Bias lang talaga ang mga administrator ng teatro no! But anyway, just move on and let's go back to the topic." Perpektong ingles nito. Nakakaamoy ako ng improvement sa kanya ah. Tumango ako. "Bumalik tayo sa topic. Mapapatawad pa kaya ako ng mahal kong si Renai?" "Hindi." Instant niyang sagot na nagpalaglag ng dalawa kong balikat at ng hawak kong balisong. "Kapal! Kung maka-mahal ko ka naman parang pagmamay-ari mo." Pumitik pang ugat sa aking sentido. Gustong mag-pasabog ng usok sa ilong ko pero nanahimik nalang ako. Binuhos ko nalang ang sipag sa pag-aayos ng prutas. Mas interesante ito kaysa pakinggan ang ka-prangkahan ni Fina. "Ang sakit namang katotohanan 'yan..." damdam ko. Pinigilan kong iparinig kay Fina. Sa imahenasyon ko na nga lang maaring angkinin si Renai sinira pa niya. Napakabarag talaga ng bibig niya. Ang sakit magsalita. Hindi ko alam kung tama bang hiningi ko ang opinyon niya. Napansin ata ni Fina ang pananahimik ko dahil narinig ko ang taguktok ng takong niya palapit sa gawi ko. Sa dulo ay inalo rin niya ako. "Huwag kang mawalan ng pag-asa, Sanya, magkababata kayo, tanda mo?  I'm sure, makikita niya ang sincerity sa mga mata mo. Mabait si Renai. Hindi ka naman mahuhulog sa kanya kung hindi mo nakita ang kabutihang loob niya di ba?" Tumango ako at napangiti. Medyo gumaan ang pakiramdam ko sa huling sinabi ni Fina. Doon ako kakapit. Mapapatawad niya ako dahil magkababata kami. Maliit man o malaki ang nagawa kong kasalanan. *** GABI na nang magsara kami ng pwesto. Natagalan lang ng kaunti dahil dumating ang panibagong deliver ng mga prutas. Inayos pa namin iyon bago nag-desisyong mag-sara. Malaki ang kita kanina at natutuwa akong bumili ng short order ng pancit bihon para ipasalubong kay Renai. Panay naman ang tukso ni Fina sa akin habang binabaybay namin ang pasilyo ng hospital. Ito lang ang nag-iisang pribadong hospital rito sa Karahome. Pagmamayari ito ng mga Eleazar— kilalang angkan dito sa amin dahil narin sa isa sila sa mga makapangyarihang tao. Kalahati ng probinsya ay teritoryo nila. Elitistang apelyido na pinagnanasaan ng mga ordinaryong tao. At isa na ako ro'n.  Sinuyod ko ng tingin ang pinto ng mga nakahelerang kwarto. Sa laki ng hospital na 'to, imposibleng mahanap namin si Renai rito. Ayoko namang magtanong ro'n sa nurse na naka-assign sa information desk dahil baka wala na naman kaming mapala. Duda ko pa, inutusan na ni Renai na 'wag sasabihin kung nasaan siya kapag may naghanap. At alam kong kilala na kami ng nurse dahil ilang beses na kaming nagpabalik-balik upang magtanong. Iisang tao lang naman ang hinahanap namin sa kanya. Si Renai Eleazar. Talagang galit sa'kin si Renai. Hanggang ngayon hindi parin nito ako kayang makita. Bakit ko ba kasi nagawa ang bagay na 'yun? Sa dami ng araw na mawawala ako sa katinuan, talagang araw pa na espesyal rito. Magaling, Heina. Huli na para d'yan sa pagsisisi mo. Ipinilig ko ang ulo at pumikit. Hahanapin ko si Renai ngayong gabi para matapos na 'to. “Sanya, saglit lang. Pumutok 'yong paltos ko sa paa,” tawag sa'kin ni Fina. Nahuli siya sa paglalakad. Nakatukod ang isang kamay niya sa may pinto ng kwarto habang sinusuri ang sinapit. "Patingin nga.” Lumapit naman ako at kinuha ang paa niyang naglalabas ng tubig sa paltos. Hindi ba naman kasi sa porma niya ngayon na nag-suot ng sobrang taas na heels hindi magkakapaltos ang babaeng 'to. Hindi naman kami magpaparada. Wala talaga sa hulog ang kargada ng utak niya. "Dahan-dahan naman, baka lumabas ang pari." Diniinan ko nga ang pumutok nitong paltos. Napahiyaw ito ng malakas. "Maldita ka! Sabi ko dahan dahan—" Subalit hindi na natapos ni Fina ang pag-mamarkulyo nang may walang modo ang nagbukas ng pinto kung saan nakasandal ng prente ang kaliwang kamay niya. Napapikit nalang ako sa paglagatik ng pangupo nito sa sahig. Nag-dive pati ang mukha ni Fina sa sahig. "Oh my gosh! I'm sorry!" Malamyos ang boses ng babae na umalingawngaw sa pandinig ko. Pamilyar sa akin iyon kung kaya't nagdilat ako upang matiyak ang hinala. Agad sumindi ang inis at galit sa dibdib ko nang makita kung sino ang babae. Pero agad ko din sinupil iyon. Kita ko rin ang ang pag-nganga ni Fina doon sa babae kahit mukhang alumpihit ito sa sakit. Siguro miski ito ay nagulat rin sa nakita. "I'm sorry. I'm sorry, miss!" Hindi magkandaugaga ang babae sa pagtulong kay Fina. "Hindi ko talaga alam na may tao. May masakit ba sayo? Saan? Tell me." Makatotohanan sa pakiramdam na tanong nito. Nakakainis lang dahil mukhang walang halong kaplastikan ang pinapakita nitong concern. Buo ang atensyon ng maamo niyang mukha kay Fina. Hindi man lang kasi ako nito mabigyan ng sulyap. Mukhang nakabawi naman si Fina sa sakit. Kumurap kurap ito at saka nakuha ng sumagot sa tanong nito. "O-okay lang ako..." "No. You need to check up. Renai, please come here babe! Someone's need your help!" tawag niya at bahagyang lumingon sa loob ng kwarto. Nanlaki ang mata ko sa narinig. Nagkatinginan kami ni Fina. "Hindi! Hindi! Ayos lang ako. Ayos na ayos lang talaga ako." Matinding pagtanggi ni Fina habang minamata ako. Nag-uutos na umalis na ako habang hindi pa ako tinitingnan ng babae. Pagtaas naman ng kilay ang ibinalik ko sa kaibigan ko. Bakit ako aalis? My pride won't make my guilt fade away. Hindi ba't sinabi kong tatapusin ko ito ngayong gabi. Hindi ako manggugulo. Wala akong sisirain. "Pero namumula 'yong kamay mo. Kailangan mo ipatingin 'yan. Mamaya napilay 'yan o kaya may nabali—" "Kapag sinabi niyang ayos lang siya, ayos lang siya." Pagsingit ko gamit ang blangkong mukha at tinig. Doon ay umikot ang leeg ng babae upang ako'y balingan. Ang maamo niyang mukha ay nabahiran ng pagtigas ng anyo. Ang pagtikhim ni Serafi ang nagsilbing pamagitan. "Sanya..." Mababa na ang tinig niya ngayon, nasa mata ang pagkilala sa akin. Sa tagiliran ng mata ko'y nakikita ko si Fina na sapo ang noo at pino-problema ang maaring maganap. "Ako nga, Zia..." kapagkuwa'y ngumiti ako ng may pagpugay. Sa paraang alam kong hindi siya maiinsulto. "What are you doing here?" Umalon ang boses niya pataas. "Pagkatapos ng engagement party ko, dito naman sa ospital ngayon? Talaga bang ganyan ka?" "Gusto ko lang makausap si Renai." Simpleng sagot ko. Nasulyapan ko ang pagkuyom ng kamao ni Zia sa gilid ng suot nitong off shoulder at faded jeans. Umiling siya bago bumaling kay Fina. "Tulad nga ng sabi mo miss, mukhang ayos na ayos ka naman. Makakaalis na kayo ng kaibigan mo dito sa ospital." Hindi papatibag ang taas ng noo ni Zia habang sinasabi iyon. "Hindi kami aalis hanggat hindi ko nakakausap si Renai." Pantay ng sa kanya ang taas ng kumpiyansa ko. Tila naging kerida laban sa totoong asawa ang eksena ng matagal naming titigan. Walang gustong kumurap. Ang kumurap uuwing luhaan. "Babe, anong nangyayari diyan sa labas?" Animong masamang hangin ang tinig na iyon na nakapagpakurap sa akin. Lihim akong napamura. Nalihis ang titig ko kay Zia at agad pumalo sa lalaking nakasuot ng puting uniporme. Kumikinang ang nameplate nitong may napakagandang pagkakaukit ng ngalan. Maganda talaga ang lahat ng bagay kapag yari sa pilak. Doc. Renai  M. Eleazar. Neurologist. Napakagandang pangalan para sa napakagandang propesyon. Bagay na bagay na kombinasyon. "Ano'ng kailangan mo Heina?" Mabigat sa pandinig na tanong ni Renai. Ang isang bisig nito ay umakbay sa lantad at nangangamatis na balikat ng kasintahan. Ang mapusyaw na pisngi ni Zia ay namula sa ginagawang paghaplos ng kamay ni Renai sa balikat nito. Marahan iyon at may halong paglalambing. Parang gusto ko atang tumakbo nalang paalis sa harapan nila at kainin nalang ng konsensya. Mga walang konsiderasyon sa feelings ng iba. Mahihiya ang pait na nararamdaman ko sa tamis ng pag-ibig nila. "Gusto sana kitang makausap Renai... kung ayos  lang sayo..." ani ko at kinagat ang ibabang labi habang inaarok ako ng mga tingin ni Zia. "At pagkatapos? Hahalikan mo ulit siya tulad ng gabing iyon?" May pangigigil na sabat ni Zia. Mabilis akong umiling. Sinalubong ko ang matang-lawin ni Zia na parang sasakmal ngayon sa kinatatayuan ko. "Sa maniwala ka o hindi Zia, hinding hindi ko na gagawin ang bagay na 'yon." Sinserong sabi ko. "Katunayan nga, kaya ako nandirito para pormal na humingi kay Renai ng pasensya. Lalong lalo na sa'yo na alam kong nasaktan ng dahil sa kagagahan ko. Lubos akong humihingi ng tawad. Patawarin n'yo 'ko." Mahigpit ang hawak ko sa plastik ng pancit bihon. Malamang lumamig na rin ito gaya ng panlalamig ng mga kamay ko. Rinig ko rin ang lakas ng kalabog ng puso ko nang tingnan ko si Renai. Isang linya lamang ang labi nito habang mataman akong tinitingnan. Nasasaktan ako dahil wala man lang itong reaksyon sa mga sinabi ko. "Apology not accepted." Supalpal ni Zia sakin.  "Halos masira mo ang relasyon namin ni Renai tapos sorry lang. No. I wont give you my forgiveness. Hindi naman kasi gano'n-gano'n lang ang binigay mong sakit at kahihiyan." Nahugot ko ang hiningang naipon ng hindi ko alam. Radar ko na talagang hindi magiging madali ang lahat. Ngunit hindi ko rin inisip na sobrang hirap. "Heina, masiyado ng gabi para magtagal pa kayo rito sa ospital. Malayo pa ang uuwian niyo. You better go home now." Mariing wika ni Renai. “S-sige, nga pala bumili kami ng paborito mo'ng pansit. Baka gutumin ka.” Inabot ko sa harapan niya ang supot ng pagkain. “Renai, let's go.” Singit ni Zia. Tiningnan ni Renai ang hawak ko at nakita ko sa mata niya ang alinlangan sa pagkuha ng pansit sa kamay ko. “Salamat, mag-ingat ka pag-uwi.” aniya at sa huli, kinuha rin ang supot. “Babe, let's go!” Iritatableng mando ni Zia kay Renai na ngayo'y busangot na ang mukha. Walang nagawa si Renai kundi ang tipid na ngumiti sa akin at saka lumayo kasama ang impaktang nobya niya. Napanguso ako at kalauna'y napangiti. Hindi talaga ako matiis ni Renai. Kahit galit siya sakin, kinuha parin niya ang pasalubong ko sa kanya. **** “SA wakas, makakapag-pahinga na rin ako!” ungol ni Fina habang inaayos ang pagkabit ng seatbelt sa katawan. “Grabe, pakiramdam ko matatanggal ang paa ko sa sakit ng paltos ko.” “Nasa ospital na tayo kanina, dapat pala pinagamot na natin 'yang paa mo.” Nilabas ko ang susi ng may kalumaan ng sasakyan ni Tatay Dencio. Isa iyong Jeep Wrangler, nasa likuran nito ang mga natirang paninda na prutas. Ako ang mag-mamaneho ng sasakyan pauwi. “Para ano? Para lalong umusok ang ilong ng fiancee ni Renai? Tigil-tigilan mo nga ako diyan, Sanya! Lalawayan ko lang 'tong sugat ko, gagaling na rin to, kaya paandarin mo na ang bulok na sasakyang 'to at nang makauwi na. Pagod na ang beauty ko, no!” Isinampay niya ang paa sa harap ng salamin at ipinikit ang mata. Nailing na lamang ako bago i-ni-start ang engine. Binuksan ko ang palyadong stereo. Umalingaw-ngaw ang malamyos na boses ng lalaking singer sa radyo. “Sakto ang timing, favorite band ko 'yan!” anas ni Fina na sinabayan ang pamilyar na kanta. Sa kahabaan ng biyahe ay sinabayan namin ang pagkanta ng naturang banda. Ito ang buhay namin sa pang araw-araw. Hindi gano'n kahirap ngunit payak. Estudyante sa umaga, tindera ng prutas sa gabi. Si Fina nalang at ang Tatay Dencio ko ang kasama ko sa buhay. Ulila na ako sa ina. Namatay sa panganganak sakin. Huminto muna ako sa isang convenience store para bumili ng pagkain. Bumaba ako at iniwan sa loob si Fina na nakatulog na. Pagpasok ko sa glass door ay may bumangga sakin na isang lalaki dahilan upang masubsob ako sa trash bin. Nakasimangot ako at inis na tumayo. Pinagpag ko ang damit na nadumihan. Kapagkuwa'y dinuro ang naka-maong jacket na lalaki. “Hoy! Tumingin ka naman sa taong nauuna sayo!” asik ko. Huminto ang lalaki sa pagpasok at saka masama ang tinging bumaling sakin. Napaatras ako sa itsura niya. Hindi normal ang kulay ng mata niya. Pulang-pula iyon at nangingitim ang paligid niyon. Kinilabutan ako nang mapansin ang dugo sa kamay niya at pantalon. Mukhang hindi basta-basta itong tao na ito. Para siyang serial killer sa mga palabas. “Anong sinabi mo?” ani lalaki. Napalunok naman ako at alanganing ngiti ang binigay rito. “S-sorry, hindi kasi ako tumitingin sa likuran ko. Sige pasok ka na.” Baluktot ang dila ko'ng paumanhin. Hindi ko na hinintay na magsalita siya at tarantang bumalik na sa sasakyan. Sinundan ako ng tingin ng lalaking estranghero kaya naman mas domoble ang kaba ko. Nakahinga lang ako ng maluwag nang makaalis na sa lugar na iyon at kasalukuyang binabaybay ang masukal na daan. Kung saan pinupugaran ng mga taong halang ang bituka. Hindi na ako magtataka kung ang bumunggong lalaki sakin kanina ay dito nanggaling. Umangat ang puwitan ko upang kuhanin ang balisong sa bulsa. Mas okay na ang handa sa lahat ng bagay. Sa side mirror ay sinulyapan ko ang tulog na si Fina na noo'y nakanganga. Bumaling ako sa daan at dobleng ingat ang titig ko ngayon sa pagmamasid ng paligid. Halos lahat kasi ng motorista, kapag nadadaan dito ay kailangan maging alerto. Marami na kasing na-modus na driver rito. Mga nagpapanggap na nasagasaan pagkatapos ay holdap pala ang tunay na pakay. Sinipat ko ang oras sa relong pambisig. Alas-dose na ng madaling araw. Hindi ko tuloy maiwasang mag-hikab. Dinadalaw na ako ng antok. Kinusot-kusot ko ang mata ngunit saglit lamang akong kumurap nang masilayan ko ang pigura ng lalaki sa head light. Lumuwa ang mata ko sa nakita. Gumagapang ang duguang lalaki sa madamong kalsada. Nagsilabit ang paa ko sa preno at muntik ng masubsob ang mukha sa dashboard dahil sa biglaang paghinto ng sasakyan. Mabuti na lamang ay na-protektahan ako ng seatbelt. Narinig ko ang pag-ungol ni Fina sa gilid. Gising na ito at umubo nang umubo. Nakapulupot pala sa leeg niya ang seatbelt. Gusto ko'ng matawa pero mas inuna ko'ng alisin ang seatbelt. “Potres naman, Sanya! Hindi ganito ang manggising ng taong tulog!” angil ni Fina. Hindi ko siya pinansin. Dala ang balisong ay binuksan ko ang pinto ng sasakyan. Nakabulagta ang lalaki sa harapan ng Jeep Wrangler. Animo'y wala na itong buhay. “Teka, saan ka pupunta?” untag ni Fina mapansin ang paglabas ko. “Dito ka lang at tumawag ng police.” Mahina ko'ng utos sa kanya. “Bakit?” Iminuwestra ko sa kanya ang katawan ng lalaki sa kalsada. Nanlaki ang mata niya sa nakita, sapo ang nakabukang bibig. “OMG! Deds na kaya siya? Kailangan ko'ng tumawag ng pulis!” Dali-dali niyang kinuha ang cellphone sa bulsa at tumipa roon. “Sabihin mo sa mga pulis ang lokasyon natin. Lalapitan ko lang ang lalaki kung buhay pa. Tumawag ka na rin pala ng ambulansya.” “Sira ka ba? Umalis na tayo! Paano kung modus operandi 'yan? Hindi ba at marami ng kaso gano'n nitong mga nakaraang linggo?” Pigil niya. “Paano kung hindi? Paano kung kailangan nga niya talaga ng tulong? Kakayanin ba ng konsensya mo? Nakalimutan mo na ba ang sinabi ni tatay? Tumulong hanggat kaya, tumanggi kapag sobra na.” Paalala ko sa munting bilin ng ama ko. Napangiwi siya. “Bahala ka na nga! Ang kulit mo! Tatawag na ako ng pulis at ambulansya!” sa huli ay pabatid niya. Naglakas loob akong lapitan ang estrangherong lalaki. Nasa kamay ko ang balisong para kung sakaling modus ito, madali ko'ng maipagtatanggol ang sarili. Nahintakutan ako nang umungol ito. Bahagyang gumalaw ang kamay nito na ikinaatras ko. Unti-unting umangat ang mukha nito paharap sa aking direksyon. “T-tulong. . .” hirap niyang sambit. Napalunok ako sa kalagayan niya. Masagana ang daloy ng dugo sa mukha niya rason upang hindi ko makita ng maigi ang kanyang itsura. Biglang sumagi sa isip ko ang lalaki sa convenience store. Hindi naman kaya, iyon ang may kagagawan sa taong ito? Napalunok ako. Posible iyon, batay na rin sa dugong akita ko sa kamay at pantalon nito. Isinuksok ko sa bulsa ang balisong. Hinawakan ko ang pulso sa kanyang leeg at dinama. Mayroon pa'ng kaunting pintig akong nakapa. Nilingon ko si Fina. “Buhay pa siya, kailangan natin siyang dalhin sa ospital!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD