Prologue
“Mia, mababait ba ‘yung mga mag-aampon sa ‘tin?”
Bakas ang pangamba sa maamong mukha ng batang babae habang binibihisan nito ang manika.
“Hindi ko alam Maya, pero ang sabi ni Sister ay mababait naman daw at mayaman pa. Mapapaayos raw ang buhay natin roon,” ang nakangiting tugon ni Mia.
Pumalakpak si Maya at aninag sa mga mata nito ang tuwa at para bagang nakikita na nito ang magiging kapalaran sa hinaharap.
Nagpatuloy sa pagkukuwentuhan ang kambal sa ilalim ng malaking akasya dito sa bahay ampunan. Imbes na makipaglaro sa kaparehang bata ay sinusulit ng magkapatid ang bawat isa.
Dalawang taon na sila sa pangangalaga ng mga madre magmula noong mamatay sa car accident ang mga magulang nila ay dito na sila napadpad dahil walang kamag-anak na kumupkop sa kanila.
“Mia, tara maglaro tayo. Ikaw naman ang taya!” Tumalima naman agad si Mia habang si Maya ay naghanap ng matataguan.
“Tagu- taguan maliwanag ang buwan, wala sa likod, wala sa harap. Pagbilang ko ng tatlo ay nakatago na kayo. Isa, dalawa, tatlo!”
Masayang nag-angat ng tingin ang batang babae at agad niyang binigkas ang pangalan ng kakambal.
“Maya, narito na ako, hindi ko alam kung nasaan ka pero mahahanap kita!”
Palatak ni Mia habang isa-isang nilalapitan ang bawat sulok ng mga halaman. Pero hindi niya ito nakita. Hanggang sa lumipas ang ilang sandali at bumuhos ang malakas na ulan na may kasama pang pagkidlat kaya naman ay rumihestro na ang takot sa mukha ng bata dahil hindi niya pa rin mahanap ang kapatid.
“Maya? Nasaan ka, lumabas ka na riyan, talo na ako. Kaya lumabas ka na dahil malakas na ang ulan at baka hinahanap na tayo ni Sister…” humihikbi na ang batang babae sa kalagitnaan ng bugso ng ulan at kidlat subalit hindi pa rin nagpapakita ang kakambal.
“Maya, nasaan ka? Maya!”