Chapter 1

2103 Words
[Chapter 1] MABILIS ANG bawat hakbang ng aking mga paa palabas ng aming classroom. Pinigilan ko ang aking mga luha na gumulong sa aking mukha. Hindi dapat nila ako makitang ganito. Pagtatawanan nila ako dahil lang sa nagpadala ako sa mga ginagawa nila. Pero hindi ko na kasi kaya. Hindi na. Sumusobra na sila! Hindi naman kasi ibig sabihin na kapag mahirap at wala akong mga magulang ay magagawa ko na ang mga bagay na ibinibintang nila sa akin! 'Nakita ko siya kagabi. Pumasok siya sa bahay ni Mang Kanor. At alam na. Siguro nagpagamit ang babaeng 'yan kasi wala na siyang mapagkunan ng pera!' Sariwang-sariwa pa rin sa akin ang sinabing iyon ng kaklase ko. Oo, totoong pumasok ako sa bahay ni Mang Kanor kagabi. Pero hindi para magpagamit, kundi para labhan ang kanyang mga damit nang sa ganoon ay may panggastos ako. 'Tss. Nagkukunwaring malinis, e, 'yon naman pala...marumi!' Hindi ko na napigilan ang aking mga luha. Yumuko ako habang naglalakad papunta sa kung saan. Basta makalayo lang ako sa kanila! Naisipan kong pumunta sa school garden para mapag-isa, pero hindi pa man ako nakakarating doon ay may humablot na sa aking braso. Gulat akong napatingin kay Paula at sa dalawa niyang kasama na sina Venice at Carla. "Where do you think you're going, Sierra?" Pinilit kong bawiin ang kamay ko pero mas hinigpitan lang niya ang hawak niya rito. "Pakiusap, hayaan niyo na muna akong mapag-isa ngayon. Pakiusap." Hinila ako ni Paula papunta sa school gymnasium. Mukhang hindi niya narinig ang pagmamakaawa ko. "Pakiusap, Paula. Hayaan mo muna akong mapag-isa!" Marahas kong binawi ang kamay ko sa kanya dahilan para sumama ang tingin niya sa akin. "Lumalaban ka na?!" Isang malakas na sampal ang kanyang pinakawalan sa aking pisngi. Napaawang ang bibig ko sa gulat at hapdi. Tila naiwan pa ang kanyang palad sa aking mukha. Hinawakan ko ito at masama siyang pinagmasdan. Sumusobra na talaga siya! "Hindi ko na mapapalagpas ang ginawa mong ito sa akin, Paula!" Mabilis kong hinablot ang kanyang buhok at buong puwersa ko itong hinila. Pero napangiwi ako nang maramdamang hinihili rin nila Venice at Carla ang aking buhok. Pero kahit na ganoon ay lumaban pa rin ako. Hindi na ako makakapayag na i-bully nila ako physically. Tama na ang masasakit na salitang ibinabato nila sa akin! Nakita ko ang pagtakbo ng mga estudyante papunta sa amin. Akala ko ay aawatin nila kami ngunit hindi. Naghiyawan lang sila at isinigaw ang pangalan nila Paula. Dahil sa tatlo sila ay nagawang makatakas ni Paula sa pagkakasabunot ko sa kanya. Hinawakan naman nila Venice at Carla ang aking magkabilang kamay. Pulang-pula ang mukha ni Paula nang lumapit siya sa akin. "Bwisit ka Sierra, kaka-rebond lang ng buhok ko!" Malakas niya akong sinampal at naghiyawan ang mga estudyante. Muli akong naiyak dahil wala talaga akong kalaban-laban sa kanila. Kahit na pareho kaming nag-aaral sa public school, mahahalata mo pa ring mayroong marangyang buhay si Paula. Sila kasi ang may-ari ng mga karinderya sa palengke. "At dahil sa ginawa mo, wala kang makukuhang sabaw at kanin sa kahit na anong karinderya namin! Kakausapin ko sila Mama at Papa at itinigil na ang pagbibigay sa 'yo!" Muli niya akong sinampal nang malakas. Sobrang hapdi na ng mukha ko. Sobrang hapdi! "Paula, huwag naman sanang umabot sa ganito. Alam mo namang malaking tulong sa akin ang ibinibigay ng mga magulang mo." Ngumisi lang si Paula bago ako muling sinampal. "Alam mo naman palang malaking tulong sa 'yo 'yon, e. Sana hindi ka na lang pumalag kanina. Matuto ka kasing tumanaw ng utang na loob!" Utang na loob. Oo nga pala, utang na loob. Iyan ang mga salitang palaging isinusumbat sa akin ng mga tao sa paligid ko. Kagaya na lang ng Tiyuhin ko na kamuntik na akong gahasain. Isinumbat niya sa akin ang mga salitang 'yon. Siya raw ang nagbihis at nagpalaki sa akin simula pa noong bata ako, kaya sana naman daw ang marunong akong tumanaw ng utang na loob. Nakakatawa! "Anong kaguluhan ito?" Lahat kami ay napalingon nang dumating si Ma'am Castro, ang Prefect of Discipline ng Senior High School. Kasalukuyan kaming nasa harap ng Principal. Nasa katapat kong upuan si Paula, at sa kanyang likuran ay ang kanyang mga magulang na sina Aleng Julieta at Mang Albert. "Aba'y dapat na i-expell ninyo ang batang iyan, Ma'am! Sinaktan niya ang anak ko!" Mapait akong napangiti sa sinabi ni Aleng Julieta. Sinaktan ko si Paula. Tama. Sinaktan ko siya kahit hindi naman. Malungkot akong lumingon sa aking likuran, umaasang mayroon din akong mga magulang na magtatanggol sa akin laban sa kanila. Lihim akong napaiyak. "Tama po iyon, Ma'am! Nananahimik lang kaming tatlo nila Venice at Carla sa school garden nang bigla akong sinugod ni Sierra! Siya po ang nauna. Ipinaglaban lang namin ang mga sarili namin!" Nakita kong lihim na napagisi si Paula habang nakatingin sa akin. "Ang kapal talaga ng mukha mo, Sierra. Akala ko pa naman mabait kang bata kaya ka namin binibigyan ng kanin at sabaw tuwing umaga at gabi nang sa gano'n ay mabawasan ang gastusin mo araw-araw...pero ano itong iginanti mo?! Ang kapal ng mukha mo!" "Misis, hinay-hinay lang po tayo sa mga sinasabi natin. Minor pa rin si Sierra at maaari kayong makasuhan sa ginagawa ninyo." Kahit na hindi lubusang pinapahayag ng Principal, alam kong nakikisimpatya siya sa akin. "Miss Trinidad, may sasabihin ka ba?" Malungkot akong ngumiti bago umiling. "Wala po akong sasabihin, Ma'am. Alam ko pong mali ako. Pasensya na. At kung ano po ang desisyon ninyo, tatanggapin ko. Pasensya na." Hindi ko na kailangang ipaglaban ang sarili ko. Dahil kapag ginawa ko iyon ay ipaglalaban ako ng Principal namin na si Ma'am Corpus. Tutor ako ng anak niya at alam kong kilala niya ang ugali ko. At iyon ang ayokong mangyari. Ang pamilya kasi ni Paula ang isa sa mga palaging nilalapitan ng school kapag nagso-solicit ng pera para sa mga school-related activities. Kawawa naman ang ilang estudyante kapag nagkasiraan ang school at ang pamilya ni Paula. "Sige po, Ma'am, aalis na ako." Bastos na kung bastos, pero mabilis kong nilisan ang opisina ng principal. Tumakbo ako nang tumakbo hanggang sa marating ko ang munti kong tahanan na nakatayo sa isang iskwater area. Nang makapasok ako ay kaagad akong dumapa sa aking higaan at doon ibinuhos ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Ganito pala talaga kapag mahirap ka at ulila. Aapihin ka at walang magtatanggol sa iyo. Walang ina ang magsasabing 'Ayos lang 'yan, anak. Nandito lang si Mama,' at walang ama na magsasabing 'Sinong nanakit sa 'yo? Sabihin mo sa akin at nang maturuan ko ng leksyon!' Tumayo ako at tinungo ang karton kung saan ko itinago ang tanging larawan kung saan nandoon ang wangis ng aking mga magulang—nakangiti at halatang masayang-masaya habang karga-karga ako na sa tantiya ko'y isang taong gulang pa lamang. "'Ma, 'Pa, bakit ang aga n'yo naman akong iniwan." Hinaplos ko ang litrato at muli na namang umiyak. "Ang hirap mag-isa. Ang hirap kapag walang kang masasandalan at mapagsasabihan ng lahat ng saloobin mo." Niyakap ko ang litrato at inisip na yakap-yakap ko ang aking mga magulang. Sinabi sa akin ni Tiyo Albert na namatay ang papa ko noong dalawang taong gulang pa lang ako. Binaril siya ng hindi pa kilalang gunman. Habang si Mama naman ay namatay nang magkaroon ng kaguluhan dito sa amin. Nasaksak siya. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako sa ganoong posisyon. Nagising ako nang maramdaman kong parang may humahawak sa aking binti. Noong una ay akala ko guni-guni ko lang, pero nang maramdaman kong itinataas na ang palda ko ay mabilis kong iminulat ang aking mga mata. "Tiyo Albert?!" Nanlaki ang aking mga mata at mabilis na lumayo sa kanya. Pulang-pula ang mata niya at amoy alak siya. Mala-demonyo siyang nakangisi sa akin habang lumalapit. "Tiyo huwag po..." pagmamakaawa ko habang patuloy ako sa pag-atras. Sigurado akong lango na naman sa alak si Tiyo at gumamit na naman siya ng i***********l na droga. Bumukod na nga ako ng bahay dahil ayokong muli siyang magtangkang gahasain ako. "Ang ganda mo talaga, Sierra! Paligayahin mo naman si Tiyo bilang kabayaran sa pagpapalaki niya sa 'yo..." hinawakan niya ang aking binti kung kaya't pinagsisisipa ko siya. "Bwisit kang bata ka! Simple lang naman ang gusto ko, e!" Dinambahan niya ako kasabay ng paghawak niya sa magkabilang kamay ko. "Tulong! Tul---hmmpppp!" Tinakpan niya ang bibig ko ng kanyang kanang kamay. Marahas ko siyang sinabunutan gamit ang malaya kong kamay. Dahil doon ay nakawala ako sa kanya. Tumakbo ako papunta sa kusina para saan doon dumaan pero naabutan niya ako. Marahas niyang hinila ang aking buhok at buong puwersa akong itinulak sa sahig. Napadaing ako nang tumama ang aking tuhod. Muli niyang hinila ang aking paa. "Tulong! Tulungan ninyo ako!" "Walang tutulong sa 'yo, Sierra! Takot lang nila kapag nagwala ako!" Marahas na pinunit ni Tiyo ang aking blouse. Tanging puting sando na lang ang natira. Nagpumiglas ako at naghanap ng maaaring ipanghampas sa kanya. Nang mapadako ang kamay ko sa lamesa ay may nahawakan akong kutsilyo. "Tama naaaaaa!" Buong puwersa kong sinaksak ang leeg ni Tiyo. Nanlaki ang mata niya bago siya natigilan at pinagmasdan ang kutsilyong bumaon sa kanyang leeg. Nanlaki ang mata ko. Dumako ang tingin ko sa aking nanginginig na duguang kamay. Sinaksak ko si Tiyo! "Patawad...patawad!" Sinubukan kong lapitan siya pero iniharang niya ang kamay niya. Dahil sa hindi ko alam ang gagawin ko ay tumakbo ako palayo. Hindi ko na alintana ang mga taong nakatingin sa duguan kong kamay at sando. Ipinahid ko sa kulay rosas kong palda ang aking duguang kamay. Hindi ko na alam kung saan ako pupunta. Hanggang sa makita ko na lang ang aking sarili sa tapat ng isang bangin. Napatingin ako sa baba at hindi mapigilang hindu mapalunok. Gulong-g**o na ako! Baka hanapin ako ng mga pulis, o hindi kaya ay patayin ako ng mga kasama ni Tiyo. Baka ipaghiganti nila ang pagkamatay niya! Muli akong napatingin sa bangin. Mukhang inaakit ako nito. Mukha sinasabi nitong ito ang sagot sa lahat ng problema ko. Kapag ba tumalon ako ay mawawala na ang lahat ng problema ko? Hindi na ba ako aapihin ni Paula, at pagtatawanan ng klase namin? Hindi na ba ako mapapalapit sa kapahamakan na maaaring dala ng pagpaslang ko kay Tiyo? Sa kalagitnaan ng aking pag-iisip ay may nakita akong kumikislap na liwanag sa kalangitan. Pabagsak ito malapit sa akin. Napaatras ako hanggang sa hindi ko namalayang wala na pala akong aatrasan. "AHHHHH!" Napapikit ako at dinama ang malamig na hampas ng hangin sa aking katawan. Sobrang bilis ng aking pagkakahulog. Nang idilat ko ang aking mga mata at nakita ko ang kumikislap na liwanag na papalapit nang papalapit sa akin. At bago pa man bumagsak ang aking katawan sa mabatong bangin ay nauna nang tumama sa katawan ko ang liwanag na iyon. Iyon ang huling nakita ko bago ako mawalan ng malay. Marahas na dumilat ang aking mga mata kasabay ng malalim kong paghinga. Ang unang bumungad sa akin ay ang bughaw na bughaw na kalangitan. Bahagya pa akong napapikit nang masilaw ako sa liwanag. Nang tuluyang makapag-adjust ang mga mata ko ay marahan akong bumangon at pinagmasdan ang buong paligid. 'Nasa langit na ba ako?' tanong ko sa aking isipan nang makita ang magaganda at kumikislap na puting paru-paro sa paligid. Tinignan ko rin ang aking kinahihigaan. Napapalibutan ito ng puting mga rosas. Habang ang aking damit naman ay naging isang mahabang puting bestida na may kumikislap na mga maliliit na bato. Bumangon ako at naglakad-lakad. Pero napatigil ako nang mapag-alamang nasa tuktok ako ng isang malaking gusali na parang kastilyo. Oh my...nasa langit na nga siguro ako! Nang tumingin ako sa ibaba ay nakita ko ang malawak na berdeng lupain. Hindi kalayuan ay naroon ang mga kabahayan. May mga bahay din pala sa langit? Umihip ang preskong hangin kung kaya't napapikit ako. Itinaas ko ang aking kamay at ninamnam ang sariwang ihip nito. "What are you doing?" Mabilis kong ibinaba ang aking kamay nang marinig ko ang masungit na boses na iyon. Malalim na medyo paos. Lumingon ako at nakita ang isang lalaking nakasuot ng kulay pilak na baluti? May mahaba siyang itim na buhok na malinis na nakatali. Ang kanyang mga mata naman ay kulay dagat at napaka-misteryoso. Matangos ang kanyang ilong, at natural na mapula ang kanyang mga labi. Ganito ba ang ayos ng mga anghel? Nasaan ang pakpak niya? Bakit wala siyang halo? "Sino ka?" tanong ko. Nabigla ako nang bigla siyang yumuko. Ano ang ginagawa niya? Magpo-propose ba siya? "Ako si Throne Morphin, Mahal na Haligi. At maligayang pagdating sa Avellor." ###
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD