“Honeybunch, ilang beses kitang tinitext at tinatawagan kagabi pero hindi ka sumasagot. Nakalimutan mo bang Anniversary natin kahapon?”
Kakalabas pa lang ni Rona ng bahay para pumasok sa trabaho ay sinalubong na siya ni Carl, ang manloloko niyang ex! Nasira na naman tuloy agad ang araw niya dahil ipinaalala na naman nito sa kanya kung paano siya nito niloko!
Ang sweet-sweet pa ng endearment sa kanya, iyon pala ay nakikipagchukchakan sa ibang babae. Hmp!
“Break na tayo Carl.” Pilit niyang pinapormal ang pagkakasabi dito.
Hindi dapat nito maisip na nasasaktan siya sa pakikipagbreak dito! Ngayon pa lang ay ipaparamdam na niya rito kung gaano ito ka-walang kwenta sa kanya.
“Ano? Bakit naman, honeybunch??”
Ang galing talagang magkunwari ng gago. Napakabait! Ang sarap hambalusin sa sobrang peke!
“Honeybunch? Wag mo akong pinaglololoko, Carl Agustin! Nahuli kita at ang babae mo noong isang gabi sa condo mo! Manloloko!” hinarap niya ito ang ubod ng lakas na sinampal! Makaganti man lang siya kahit kaunti sa panloloko nito. Sayang din ang isang taon na iginugol niya para rito at sayang ang mga perang nagastos niya para sa mga regalo niya rito! Walang hiya! Kung inipon niya ang mga iyon ay baka nakabili na siya ng motor. Tsk.
Agad namang bumalatay ang labis na gulat sa mukha ni Carl. Akala siguro nito ay hindi niya ito mahuhuli, huh! Kailan pa kaya siya nito niloloko?
“Kailan mo pa ako niloloko, Carl? Ang kapal ng mukha mo! Minahal naman kita pero ginago mo lang ako!” singhal niya rito. Pero hindi na siya magpapakita ng kahinaan dito. Hinding-hindi na rin siya iiyak dahil dito!
May mga tsismosang kapitbahay na ang nakikiusyoso kaya tinalikuran na lang niya si Carl at nagpatuloy siya sa paglalakad palabas sa looban at papunta sa sakayan. Magta-tricycle lang siya dahil malapit lang naman ang mall na pinagta-trabahuhan niya. At sa loob noon ay ang kilalang supermarket na pinagtatrabahuhan niya bilang isang cashier.
“Honeybunch, inakit lang ako ni Beatriz. Maniwala ka. Isang beses lang iyon na nagpadala ako sa pang-aakit niya!” Anito.
So dapat ba magpasalamat pa siya dahil isang beses lang itong nagpaakit sa babae nito??
Lalo lang siyang nagalit dahil sa sinabi nito kaya hinarap niya muli ito at binigyan ng matalim na tingin.
“Puwes dun ka na sa kanya! At kahit ilang beses ka pa ulit magpaakit sa kanya ay wala na akong pakialam.” aniya at tumalikod ulit dito. Sayang lang ang oras niya sa pakikipag-usap dito. Kung ma-late pa siya ay mababawasan pa ang sahod niya. Sobra-sobra na ang sinayang niyang oras at pera para rito!
“Honey, ikaw ang mahal ko. Nagawa ko lang ‘yon dahil may mga pangangailangan din ako bilang lalaki—”
What the fvck!
So excuse ba iyon para manloko ng kasintahan? Isang malaking HINDI!! Dahil kung talagang mahal siya ni Carl ay magiging faithful ito sa kanya at hindi ito papatol sa ibang babae dahil lang sa ‘pangangailangan’ nito, noh! Pwede naman itong magsarili! Kaso ay manloloko nga ito kaya di ito makatiis na hindi tumikim ng ibang babae.
“Wala na akong pakialam. Break na tayo kaya wag na wag mo na akong pupuntahan dito! At wag na wag mo na akong kakausapin ulit kahit sa text! Wag na wag ka nang tatawag sa akin!”
“Honey.. please.. Sorry na… Hindi ko na uulitin.”
Parang aso pa ring nakasunod sa kanya si Carl at kung anu-ano ang sinasabi pero hindi na niya ito pinansin.
Once a cheater always a cheater! Iyon ang paniniwala ni Becka na paniniwalaan na rin niya.
Minahal niya si Carl pero mas mahalaga sa kanya ang self worth niya! Hindi siya papayag na lolokohin lang siya nito tapos parang wala lang na babalik sila sa dati. Eh di wow! Masakit pa rin, pero kailangan niyang tiisin at kailangan niyang mas mahalin ang sarili niya. Ayaw na niyang mag-invest ng feelings sa mga lalaki! Masasaktan lang siya kung aasa siya sa pagmamahal. Ganoon pala iyon.
Hanggang sa makasakay na siya sa tricyle ay nagpapaliwanag at nakikiusap pa rin sa kanya si Carl na patawarin niya ito. Nakikipag-ayos ito sa kanya pero sabi niya sa sarili niya ay final na ang desisyon niya. Hindi niya deserve ang isang manloloko at hindi niya deserve ang maloko. Sayang naman ang beauty niya kung magpapaloko lang siya at magpapakatanga kay Carl.
“Ang aga-aga, nakasimangot.” puna kaagad sa kanya ng kapwa niya cashier na si Mercedes nang nasa locker room palang sila at iniiwan niya roon ang mga gamit niya. Bawal kasi sa trabaho ang magdala ng mga gamit kahit cellphone. Kinakapkapan din sila bago at matapos ang trabaho nila.
“May peste lang akong nakasalubong sa labas.” Sagot lang niya rito. Ayaw na niyang pag-usapan pa si Carl at baka lalo lang masira ang araw niya.
“Sino naman?”
Nagkibit-balikat na lang siya. Hindi naman sila gaanong close ni Mercedes para i-update niya ito tungkol sa lovelife niya. Mabait naman ito pero hindi niya pa feel mag-kwento. Siguro next time na lang, pag tuluyan na siyang nakamove-on kay Carl.
“Basta. Next week na nga pala ang birthday mo, di ba?” pag-iiba niya ng usapan.
“Next week ka diyan… Next month pa iyon, noh!”
“Ay next month pa ba? Akala ko ay next week na.” kunwari ay nagulat pa siya.
Ang totoo ay wala naman siyang pakialam kung kailan ang birthday nito, naalala lang niyang narinig niyang nag-uusap ang ilan nilang katrabaho na malapit na ang birthday nito. Ang alam lang niya ay nagba-bonding ito kasama ang ilang katrabaho nila sa tuwing nagbi-birthday ito at ang iba rin nilang katrabaho. Medyo may kaya kasi sa buhay ang boyfriend ni Mercedes at ito ang gumagastos sa tuwing birthday ni Mercedes. Sa mga lumipas namang taon ay umiiwas siya sa pakikipagbonding sa mga ito dahil pinipili na lang niyang manatili sa boarding house nila ni Becka. 3 years na siyang cashier sa supermarket na iyon pero ni minsan ay hindi pa siya sumama sa mga gala ng mga katrabaho niya. Homebody kasi siya.
Pero ngayon lang ay naisip niyang siguro ay dapat na rin niyang pagbigyan ang paanyayang bonding ng mga katrabaho niya sa susunod. Single siya at dapat niyang i-enjoy ang buhay niya kaysa ilaan ang oras sa ‘lovelife’ niyang palpak na naman!
“Next month pa. Sama ka ha, inuman lang naman at kaunting sayawan.” nakangiti nitong pag-iimbita.
“Sige ba!” agad na niyang sang-ayon na ikinagulat nito.
“Wow! First time mong pumayag ngayon, ah! Don’t worry, siguradong mabubusog ka na, mag-eenjoy ka pa.”
Tumango at ngumiti na lang siya kay Mercedes. Sisiguraduhin niya talagang mag-eenjoy siya! Ngayon pang single na ulit siya!