Halos tatlumpong minutong nawala sina Nanang at Jag para kumuha ng papaya, si Tatang naman ay hindi rin ako iniwanan at walang tigil kung magkuwento ng kung ano ano, bagay na nakakatuwa dahil ang dami kong nalalaman sa kanya. “Naging drayber ako ng pamilya nila, kaya bata pa lang ‘yan ay malapit na siya sa amin. Para na rin naming siyang anak lalo na at lagi siyang naiiwanan sa amin dahil abala ang mga magulang sa trabaho, gayunpaman ay pinalaki siya ng mga magulang niya na mabuting tao, saksi kami ng asawa ko roon, dahil mabuting tao rin ang mga magulang niya, naku, kung hindi lang namatay ang ina ko noon na siyang nagaalaga sa mga anak naming ay hindi kami aalis sa kanila.” Pagkukuwento pa niya. Ako naman at tahimik lang na nakikinig, paminsan minsan ay tumatango sa mga sinasabi niya.