“HELLO! ‘Nay, si Mojacko po ba dumaan dyan?” tanong agad niya pagsagot nito ng tawag niya. Ang tinutukoy niya ay ang service niyang Trycicle Driver. Araw kasi iyon ng grocery niya para sa mga paninda sa tindahan niya. Ang usapan nila ay susunduin siya nito, ngunit kalahating oras na siyang nakatayo sa harap ng malaking grocery store na iyon, ngunit hindi pa ito dumarating. Kaya Mojacko ang tawag niya dito ay dahil may katabaan ito, nagkataon na uso ang cartoon character na Mojacko noon nang makilala niya ito.
“Naku eh, ikaw na bata ka! May pangalan naman ‘yung tao eh. Oo, hindi ka daw niya madadaanan diyan dahil may importanteng lakad daw siya. Wala naman daw siyang load kaya hindi ka niya ma-text.” Paliwanag ng Nanay niya.
“Pengkum talaga ‘yon, kapag nakita n’yo ‘yun pakisabi itapon na n’ya cellphone niya.” asar na wika niya.
“Tumahimik ka na nga diyan, Kimberly. Sa ibang trycicle ka na lang sumakay.” Anang Nanay niya.
“Hmp! Tatagain lang ako ng mga ito sa pamasahe.” Reklamo pa niya.
“Eh kesa maglakad ka na bitbit ang sangkaterbang groceries?”
“Sige na nga po,” pagpayag niya.
Nang matapos ang usapa nilang mag-ina. Nag-abang na siya agad ng trycicle. Ngunit hindi pa nagtatagal, ay may pumaradang isang itim at magarang sasakyan sa harapan niya. Agad na bumilis ang pintig ng puso niya nang bumaba ang bintana ng kotse na iyon at sumilip ang driver.
“Hey, pauwi ka na ba?” tanong ni Mark sa kanya.
“H-ha? Ah, Oo.” Kandautal na sagot niya.
“Tara, sabay na kita.” Anito.
“Ay, hindi na!” mabilis na tanggi niya. “Hinihintay ko si Mojacko.” Sagot niya.
“Wala si Moja-moja, nakita ko kaninang umalis.” Sabi nito.
Nawalan siya ng kibo. Saka mabilis na pinagana niya ang utak niya sa mga posibleng irason niya para hindi siya sumabay dito. Sinabi na niya
noong nakaraan gabi na iiwasan niya ito, dahil masyado na nitong pinapagulo ang takbo ng isip niya.
“Ah, eh…Ano…ah,”
“Huwag ka nang mag-protesta pa, sumabay ka na sa akin. Pauwi na rin naman ako eh.” Sabi nito. Hindi na siya nakakibo pa ng bumaba ito sa kotse nito at lapitan siya.
Nahigit niya ang hininga ng lumapit ito ng husto sa kanya. Kasabay ng pagsalakay ng mabangong amoy nito sa ilong niya. Lalo lang umarangkada ang t***k ng puso niya ng titigan siya nito ng malapitan. Kitang kita niya kung gaano kaganda ang mga mata nito. He has hazel brown eyes, and it’s like digging deeper into her heart. Bahagya napaatras ng lalo nitong ilapit ang mukha sa kanya.
“Ang ganda mo talaga,” sabi pa nito sabay ngisi.
“Ano?” salubong ang kilay na tanong niya. Para kasi siyang nabingi sa sinabi nito.
“Ayaw mong maniwala?” tanong din nito.
“Aba’t…ikaw—”
Hindi na niya naituloy ang sasabihin niya nang bigla nitong hawakan ang kamay niya. Pakiramdam ni Kim ay parang sasabog ang dibdib niya sa sobrang lakas ng kaba niya.
“Let’s go!” biglang sabi nito. Sabay kuha ng mga plastic bag sa dalawang kamay niya.
Hanggang sa maisakay na nito ang iba pang pinamili niya sa loob ng compartment ng kotse nito, ay nanatili pa rin siyang nakatayo at tila namantanda sa kinatatayuan niya.
“Hoy, okay ka lang ba?” kunot-noong tanong ni Mark sa kanya, mahinang pinitik nito ang ilong niya.
Doon siya natauhan. Hinampas niya ang kamay niya.
“Tse! May sarili kang ilong, huwag itong akin ang pitikin mo.” pagsusuplada niya dito.
Ngunit tila balewalang tumawa lang ito. “Halika na nga,” yaya nito sa
kanya.
Nakaramdam pa siya ng pagkailang ng alalayan pa siya nitong sumakay sa kotse nito. At parang nananadya at nanunukso ito dahil mula sa puwesto nito, ito pa ang nagkabit ng seatbelt niya. Kaya ang resulta, muli na naman niyang nakita ng malapitan ang guwapong mukha nito. Napapikit siya ng wala sa oras.
Hala! Lumayo ka sa akin! Tili niya sa isip.
“Ganoon na ba ako ka-guwapo ngayon?” biglang tanong nito na siyang nakapagpadilat sa kanya.
Muli siyang napaatras ng bumungad sa kanya ang mukha nito, akala niya ay nakalayo na ito sa kanya.
“A-ano bang si-nasabi mo?” kandautal na tanong niya dito.
“Pumikit ka eh. Ibig sabihin no’n, hindi mo kayang titigan ng malapitan ang kaguwapuhan ko.” Nakangisi ngunit mababa ang boses na sagot nito.
“Ang yabang mo! lumayo ka nga! Baka mamaya may makakita sa atin dito, isipin na may ginagawa tayong kabalbalan!” singhal niya dito, sabay tulak ng mukha nito palayo sa kanya.
Sa asar niya lalo, tumawa lang ito.
“I was just kidding, pikon ka talaga.” Natatawang sabi nito.
“Ewan ko sa’yo.” Aniya.
Hindi na ito kumibo nang paandarin na nito ang kotse nito.
KITANG-KITA niya kung paano kumunot ang noo ng mga kaibigan niya at pinsan ni Mark ng pumarada ang sinasakyan nila. Huminga muna ng malalim si Kim bago bumaba ng kotse.
“Ayan naman oh! Pasundo-sundo na lang ngayon.” Agad na pang-aasar ni Daryl.
Hindi niya pinansin ito.
“Ano? Kelan ang anniversary n’yo?” dugtong pa ni Wesley.
“Hoy, ang bunganga mo! Baka may makarinig sa’yo!” asar na saway niya dito.
Tumawa lamang ito.
“Huwag kayong mang-intriga. Nadaanan ko lang siya sa tapat ng Grocery Store kaya sinabay ko na.” sabi naman ni Mark.
“O, bakit? Anong nangyari kay Mojacko?” tanong ni Marisse.
“Iniwan siya.” sagot naman ng Nanay niya na nasa loob ng tindahan ngunit nakikinig sa usapan nila.
“Aw! Siguradong may LQ na naman kayo n’yan mamaya.” Pagbibiro pa ni Sam.
“Hoy, huwag kayong ganyan. Nagseselos si Mark.” Sabad naman ni Karl.
“Shhh!” saway niya sa mga ito. “Walang magsasalita.”
Wala ngang nagsalita sa mga ito. Maging sa pagbaba ng mga pinamili niya ay tinulungan siya ni Mark. Ito pa ang nagpasok sa tindahan nila.
“Okay na ‘yan diyan. Salamat ah.” Nakangiting wika niya dito.
Sandali itong natigilan. Saka unti-unti ay gumuhit ang isang matamis na ngiti sa mga labi nito, lumabas tuloy ang mapuputing ngipin nito. Sa isang iglap ay parang hinipan ng malakas na hangin ang katinuan niya. Hindi niya maintindihan kung anong espesyal sa tagpong iyon. Basta naramdaman na lang niya ang muling pagtibok ng mabilis ng puso niya.
“Walang anuman.” Simpleng sagot nito. “I gotta go,” paalam nito. Hanggang sa nakaalis ito, ay hindi pa rin siya natitinag sa puwesto niya. Kung hindi pa siya kinalabit ng Nanay niya, hindi pa siya matatauhan.
“Anak, ayos ka lang ba?” nagtatakang tanong nito.
“Po? Ah, opo.” Sagot niya.
“Napapadalas yata ang pagtulala mo nitong mga nakaraan araw.” Puna nito.
“Po? Hindi naman po.” Tanggi niya.
“Sabihin mo lang, anak. Baka ikaw eh, namamatanda na.” sabi pa ng Nanay niya.
Napangiti siya sa sinabi ng Nanay niya. “Nanay talaga, puro kalokohan.” Aniya.
“Conchita, halika nga dito at pakihanap mo ‘yong paborito kong kamiseta.” Narinig niyang tawag ng Tatay niya dito.
“O, tawag ka ng boyfriend mo.” biro pa niya dito.
“Huu, itong matandang ito. Kulang na lang pati karsonsilyo niya, ipahanap sa akin.” Komento ng Nanay niya.
Natawa siya. “Nandiyan na!” sigaw nito, saka mabilis na umalis.
Nang maiwan siya sa loob ng tindahan. Agad bumalik ang isip niya sa nangyari kanina lang. Hindi niya maintindihan kung anong meron sa eksenang iyon. Pero iyon na yata ang pinaka-solemn na paghaharap nilang dalawa ni Mark. Walang bangayan. Walang asaran. Tahimik lang. Magaan na nakangiti sa isa’t isa. Pakiramdam pa niya kanina ay parang nakalutang sa ere ang mga paa niya. Matagal na niyang nakikita itong nakangiti, ngunit iba ang naging dating nito kanina.
Kimberly, hindi iba sa’yo si Mark. Kaibigan siya ng mga kaibigan mo, so parang kaibigan mo na rin. Walang iba sa nangyari kanina. Ngumiti lang siya, ganoon lang ‘yon.
HINDI mapigilan ni Mark ang mapangiti kahit na nag-iisa siya doon sa apartment niya. Napailing siya habang hindi mawala sa isipan niya ang inosenteng mukha ni Kim. And why is that girl so special to him? Kung tutuusin, sa dinami-dami ng pagkakataon na nagtalo sila at nag-away sa napakaraming bagay. Dapat ay nilayuan na niya ito. Pero bakit ba hindi niya magawa?
Aaminin niya, hindi niya ito matiis. Madalas ay tila may tumutulak sa kanya para huwag umalis sa tabi nito. And he liked the feeling of standing next to her. Kim actually looks more beautiful every time she snobbed at him. Lalong sumisingkit ang mga mata nito. At gustong gusto niyang kurutin ang cute na ilong nito at ang namumula nitong mga pisngi sa tuwing naaasar ito sa kanya. Pero madalas ay pinipigilan niya ang sarili na haplusin ang mapulang labi nito. And he wonders, is she aware of what he feels for her? Oo. Inaamin niya sa sarili na gusto niya ito. Hindi. Mali pala. Gustong gusto
niya ito. College na siya at highschool na ito ng mapansin niya ang kakaibang ganda nito habang nagdadalaga ito. Limang taon kasi ang tanda niya dito. Ngunit hindi niya maligawan ito noon dahil masyado pang bata ito. Nang tuluyan na itong magdalaga, saka siya gumawa ng paraan para mapalapit dito. Ngunit sa tuwina ay palagi na lang nitong nami-misinterpret ang mga ginagawa niya. Napagkakamalan nitong pinapakialaman niya ito, kinokontra at nagyayabang daw siya. Noong una, nasasaktan siya. Ngunit nang kalaunan ay nasanay na rin siya sa pagsusungit nito, hanggang sa natutunan na niyang sakyan ito.
Kung nalalaman lang nito na sa tuwing sinasabi niyang ‘maganda ito’ o kaya naman ay tinatawag niya itong ‘mahal’. Na hindi iyon pang-aasar kung hindi pagpapahayag ng tunay niyang nararamdaman dito. Ano kaya ang magiging reaksiyon nito?
Isang himala talaga na natiis niya ng matagal na panahon ang damdamin niya para dito. At himala din na naitago niya ito sa mga pinsan niya kahit na alam niyang nagdududa na ito sa mga kinikilos niya. Hindi naman siya sa nagsisinungaling sa mga ito. Ang tanging nais niya ay si Kim muna ang unang makaalam ng tunay niyang damdamin dito, bago ang iba.
Naputol ang pag-iisip niya ng biglang mag-ring ang cellphone niya. Sinagot niya agad iyon ng makitang ang sekretarya niya sa MCI ang tumatawag.
“Yes, Marie?” bungad niya dito pagsagot.
“Sir, tumawag po ‘yung secretary ni Sir John. May meeting daw po kayo ngayong five in the afternoon, sharp.” Wika nito.
”What? Wala naman ‘yan sa schedule ko today, di ba?” gulat na tanong niya dito. Nang sulyapan niya ang suot niyang wrist watch, alas-kuwatro na ng hapon.
“Sir, urgent daw po.” Sagot nito.
“O sige, sige. Pupunta na ako. Thanks Marie!”
Napailing siya. Napaka-workaholic talaga ng pinsan niyang iyon. Puwede naman sa bahay na lang ng Lolo nila sila mag-meeting. Napabuntong hininga siya. Kahit na anong reklamo niya, wala naman silang magagawa. Ito ang tinalaga nilang Big Boss ng MCI. Kapag sinabi nito, obligado silang sumunod, not to mention na ito ang panganay sa kanilang magpipinsan.
Mabilis siyang lumabas ulit ng bahay, saka muling sumakay sa kanyang kulay itim na Cadillac Escalade. Eksaktong pagparada niya sa harap ng tindahan ni Kim ay tila may kanya-kanyang kausap sa cellphone ang mga pinsan niya.
“Tinawag ka rin para sa meeting?” tanong ni Marvin sa kanya.
“Oo,” sagot niya.
“Give us a minute, dude. Convoy na lang tayo.” Sabi pa ni Wayne.
“Okay.”
Nagmadaling umuwi ang mga ito at saka nagbihis, sila ni Daryl na nakaready ang tanging naiwan doon sa labas at naghintay.
“Ay Mark, Maraming Salamat pala sa pagtulong mo kay Kim kanina.” Sabi ni Aling Con, ang Nanay ni Kim.
“Walang anuman po.” Nakangiting wika niya.
“Nasaan na ba ang batang iyon? Nagpasalamat na ba ‘yon sa’yo? Baka mamaya sininghalan ka na naman no’n.” sabi pa nito.
“Huwag po kayong mag-alala, ngumiti pa nga po siya.” Sagot niya.
“Ay, hallelujah! Mabuti naman.”
Napalingon siya ng biglang lumabas si Kim sa tindahan nito at may inabot sa kanya. Tupperware iyon at tila may laman sa loob.
“Ano ‘to?” tanong niya.
“Nagluto ako ng biko kanina, para sa’yo. Pasasalamat na rin dahil sa pagtulong mo sa akin kanina.” Sagot niya.
Tumalon ang puso niya matapos nitong ibigay sa kanya iyon. Pinagmasdan niya ang magandang mukha nito, habang tila paiwas na binaling sa iba ang paningin nito. Natutukso siyang halikan ang mapula at manipis na labi nito, dahil para itong batang nakausli ang nguso.
Kimberly, kung alam mo lang.
NAPALINGON si Kim ng bumaba si Mark sa sasakyan nito. Nagtaka siya dahil bigla itong tumingala sa langit at tila may hinahanap. Wala sa loob naman na nakitingala din siya.
“Katapusan na ba ng mundo?” seryosong tanong nito, habang tila may sinisipat pa rin ito sa itaas.
“Ha? Bakit?” nagtatakang tanong din niya.
Bigla itong tumingin sa kanya ng nakangiti. “Eh kasi hindi mo ako sinusungitan ngayon. Uso pa pala ang himala!”
Agad na naningkit ang singkit na niyang mga mata saka agad na inambaan ito ng suntok.
“Ewan ko sa’yo, Mark! Kahit kailan ka talaga binubwisit mo ako!” nanggigigil na sabi niya dito. Mabilis itong umatras at tinaas pa nito ang dalawang kamay nito tanda ng pagsuko. “Hey, I’m just kidding.” Mabilis na bawi nito. “Pikon ka talaga.”
“Bahala ka nga sa buhay mo.” nakasimangot na sagot niya dito.
“Ang sweet n’yo talagang maglambingan,” sabad naman ni Laiza sa usapan.
“Oo nga, kulang na lang magpatayan kayo.” Sang-ayon naman ni Kamille.
“Oy ah, ako mapagmahal akong mamamayan ng bansang Pilipinas. Nasa dugo ko ang pagiging makatao. Hindi ko ninais kailan man na kunin ang buhay ng magandang dilag na nasa aking harapan.”
Napasimangot siya sa klase ng sagot nito. “Hindi bagay sa’yo ang makata.” Pambabara niya dito.
“Thank you,” sa halip ay sagot nito.
Mayamaya pa, isa isang nagsilabas ang magagarang kotse ng mga pinsan nito mula sa bakuran ng bahay ni Lolo Badong. Binusinahan ito ni Kevin.
“Tara na Pare!” sigaw nito mula sa loob ng kotse nito.
Tumango ito sa huli pagkatapos ay bumaling ito sa kanya. “Bye Kim,
huwag mo akong masyadong ma-miss ah?” sabi pa nito sabay kindat.
Lalo siyang napakunot noo sa ginawa nito, kasunod ng pagsikdo ng kanyang puso. Bago ito umalis, ngumiti ito muli sa kanya. Hanggang sa makaalis ito, ay tila pinako siya sa kanyang kinatatayuan.
“Ang lalaking ‘yon,” pabulong pang sabi niya.
Nang bahagyang bumalik sa natural ang katinuan niya. Ang mapanuksong ngiti ng mga kaibigan niya at ng Nanay niya ang bumungad sa kanya.
“Hep! Walang magre-react!” mabilis niyang wika sa mga ito. Mabuti nang unahan ang mga ito, dahil nasisiguro niyang uulan ng tukso sa mga ito. At talagang kailangan kasama pati ang Nanay niya.
“Grabe ka, ‘Nay! Nakikisali ka pa talaga.” Puna niya dito.
“Oh eh, anong magagawa ko kung boto ako kay Mark para maging future manugang ko.” Sagot nito.
“Eh! Nanay naman eh.” Maktol niya.
At talagang kapag pinagpala ka nga naman. Nang makisali sa pang-aasar sa kanya sila Lolo Badong at Lola Dadang.
“Ay Kim, balita ko ay may gusto ka sa apo kong si Mark.” Sabi sa kanya ni Lolo Badong paglapit.
“Ho?” gulat na reaksiyon niya. “Wala po,” mabilis na sagot niya.
“Aba eh, sayang! Gusto ka pa naman namin para sa kanya.” Sabi pa nito.
“Baka naman nagde-deny lang itong anak mo, Conchita.” Sabad naman ni Lola Dadang.
“Naku, Ka Dadang, ewan ko ba diyan sa batang ‘yan. Mabait naman si Mark, hindi ko alam kung bakit ayaw niya. Hindi ko rin maintindihan kung bakit hindi sila magkasundo.” Sabi naman ng Nanay niya.
“Naku eh, Lolo Badong. Lola Dadang. Hindi ko naman po sinabing ayaw ko kay Mark. Eh kaya lang po, magkaibigan lang talaga kami.” Sagot niya.
Napailing ang dalawang matanda. “Hamo sila, Conchita. Pasasaan ba
at darating din ang tamang panahon para sa dalawang iyan.” Sabi pa ni Lolo Badong.
Naguguluhan na napatingin siya sa Nanay niya. “Oo nga po.” Sagot naman ng huli.
“Ay maiwan ko muna kayo,at ako eh, naiihi na.” sabi ni Lola Dadang.
“Halina at sasamahan na kita,” ani Lolo Badong.
Nakangiting pinagmasdan niya ang mag-asawa. Bihira na sa panahon ngayon sa mag-asawa ang tumatagal ng kagaya ng pagsasama nila. Ang mga magulang niya, kahit na strikto ang Tatay niya. Nakikita naman niyang mahal nito ang Nanay niya. Bigla tuloy siyang napaisip, kung siya ang tatanungin. Kapag nag-asawa siya, gusto din niya na hanggang sa pagtanda nila ay maramdaman pa rin niya na mahal pa rin siya ng mapapangasawa niya. Iyong aalagaan at lalambingin pa rin siya. Ang tanong, kailan kaya niya makikilala ang lalaking iyon?
“Si Mark ba?”
“Oo,” wala sa loob at tulalang sagot niya.
“Sabi ko na nga ba eh!” malakas na sabi ni Razz.
Napapitlag siya. “Ay sabi ko na nga ba!” gulat ding sabi niya. “Ano ba ‘yon?” tanong niya dito.
“Wala!” mabilis na sagot ni Razz.
“Ay, bahala nga kayo diyan.” Sabi niya sa mga ito, saka siya muling pumasok sa tindahan.
Pagpasok niya ng tindahan, agad siyang tumungo sa ibabaw ng mesa. Doon ay huminga siya ng malalim. Hindi pwedeng ganito ang maramdaman niya kay Mark. Kaibigan lang niya ito. Paboritong kaasaran. Iyon lang ‘yon. Walang dapat na humigit pa doon.