Chapter One
"OKAY na, Boss!" sabi ni Mark sa may-ari ng kotse na katatapos lang nilang i-carwash. Inabot ng customer nila ang bayad, pagkatapos ay umalis na ito. Binigay niya ang bayad kay Marisse, na siya naman nilagay nito sa lalagyanan ng pera ng Lolo at Lola niya.
"Miguel, papasukin n'yo na 'yung susunod na magpapalinis!" sabi niya sa pinsan.
Sunod na pumasok sa bakuran nila ang kulay puting van. Nagtulong-tulong silang tatlo nila Jester at Jefti na linisin iyon. Habang ang iba naman na mga pinsan niya ay naglilinis ng ibang kotse. Dahil Sabado iyon, dagsa ang mga customers nila na nagpapalinis ng sasakyan. Kaya silang magpipinsan, kumpleto at tulong-tulong doon. Naagaw ang atensiyon niya ng mapalingon siya sa may labas ng bakuran nila. May mga nag-aabang na mga kababaihan doon, ay may mga hawak itong mga face towel. Hindi niya maintindihan ang mga trip ng mga babaeng ito. Tatambay doon sa tapat ng bakuran nila para panoorin lang sila habang nagka-carwash, tapos kapag binati ito ng mga pinsan niya biglang titili at parang kilig na kilig.
Napailing siya ng lapitan ni Wesley ang mga ito. Gaya ng inaasahan, nagtilian ang mga kababaihan, sabay punas ng hawak ng mga itong face towel sa pawisang mukha nito.
"Pare, parang gusto kong kumanta ng kanta sa simbahan." Sabi ni Kevin sa kanya.
Napalingon siya dito. "Bakit naman?" tanong niya.
"Eh hindi ko naman alam na Santo pala itong si Wesley," sagot nito.
Nagtawanan sila. Paano kasi ay feel na feel ng huli ang pinagkakaguluhan ito. Sa kanilang magpipinsan, ito ang nag-eenjoy sa atensiyon na ibinibigay ng publiko. Palibhasa'y mahilig makipag-date.
Napagkatuwaan nilang bitbitin si Wesley, saka nila ito nilagay sa loob ng isang drum na puno ng tubig. Nagtawanan silang lahat, habang ito naman ay halos manginig sa lamig ng tubig. Kaya bilang ganti, nang makalabas ito doon sa drum. Agad nitong kinuha ang hose at binuksan iyon, pagkatapos ay binasa silang lahat.
"Wah! Rambo! Lintik lang ang walang ganti!"
Napuno ng halakhak nila ang bakuran ng Mondejar. Tumatawa pa rin na pinagmasdan niya ang Pamilya niya. Bukod sa kung ano man ang mayroon siya, ang pananampalataya niya sa Diyos at ang mga ito ang higit na mas mahalaga sa kanya.
"Mark! Hi!" tili ng isa sa mga babaeng nakatambay sa harap ng bakuran nila.
Napalingon siya. Napangiti siya ng makitang nakasimangot si Kim sa mga ito, lalo na sa babaeng tumawag sa kanya.
"Mga Miss, mawalang galang nga lang ano? Baka puwedeng umalis kayo dito sa tapat ng tindahan ko? Kasi umagang umaga nahaharangan niya ang grasya papasok ng negosyo ko! Saka teka, hindi kayo taga-rito sa Tanangco ah?" tungayaw ni Kim sa mga ito.
"Ang sungit mo naman, Manang." Anang isa sa mga babae.
Lalo naningkit ang mata ni Kim.
"Pakiulit nga ang sinabi mo?"
"Kayong mga bata nga kayo, eh magsiuwi na kayo!" pagtataboy ni Lola Dadang sa mga ito. "Ke aga aga ay narito kayo at pinagnanasahan ninyo ang aking mga apo! Hala! Uwi! Hamong maglinis kayo ng bahay n'yo, hindi iyong ang mga apo ko ang gusto n'yong linisin, mga tinamaan kayo ng magaling!"
Walang nagawa ang mga ito kung hindi ang umalis.
"Thank you, Mahal!" pabirong sigaw niya kay Kim.
Salubong ang kilay na lumingon ito sa kanya. "Tse! Mahal mo mukha mo!" pambabara nito sa kanya.
"Huwag ka nang magselos, ikaw naman ang number one sa puso ko eh!" hindi apektadong sagot niya dito.
Hindi na ito sumagot, sa halip ay nagmartsa na lang ito papasok ng tindahan nito.
"Barado ka na naman, Pinsan." Wika ni Marvin sa kanya.
Ngumiti lang siya. "Ganyan lang 'yan." Aniya.
"Ligawan mo na kasi," udyok pa ni Jester sa kanya.
"Bakit ko naman liligawan 'yan? Ayoko sa kanya!" sagot niya.
"Aruuu! Echuserong falaka!" sabad ni Marisse sa usapan.
"Mark, hindi bagay sa'yo ang showbiz! Pang-commercial ka lang." sabi naman ni Daryl.
"Bahala kayo kung ayaw n'yong maniwala," aniya.
"Ako na nagsasabi sa'yo, mahal mo 'yan." Ani Karl.
Tumawa siya. "Who's talking here about love?" pang-aasar niya dito.
"Tigilan n'yo na nga ako! Itong mga sasakyan ang asikasuhin n'yo! Hindi 'yung ako ang nakikita ninyo! By the way, mamaya na ang airing ng commercial ng raffle ng Mondejar Cars Incorporated." Paalala niya sa mga ito.
"Ang galing sumegway ah, sige na nga!" sagot ni Glenn.
"Pinsan, alam mo naman siguro na hindi mo habang buhay matatakasan ang tawag ng pag-ibig." Sabi naman ni Gogoy.
Marahas siyang napabuga ng hangin, sabay kamot sa ulo niya. Medyo naiinis na siya sa mga ito. Bakit ba siya ang napagti-tripan ngayon halukayin ang lovelife?
"Ano bang tinatakasan? Wala akong tinatakasan? Hindi siya ang type ko!" tanggi niya.
"Huuu! Lokohin mo pa ako, Pengkum!" sagot naman ni Kevin.
"Ay! Tigilan n'yo na nga ako! At ng matapos na natin 'to! Marami pa tayong customers!" saway niya sa mga ito.
Napapangiti na siya nang tingnan ang mga Pinsan niya. Kahit na anong asar niya dito minsan, hindi kailan man niya nakuhang magalit sa mga ito. Simula pagkabata ay kasama na niya ang mga ito, kaya kabisado na niya ang likaw ng bituka ng mga ito.
Mark Manuel Meneses. Sa edad niyang dalawampu't siyam, siya na ang nagpapatakbo ng negosyo ng Pamilya niya, ang M3 Advertising Agency. Hawak ng ahensya nila ang mga sikat na produkto dito sa Pilipinas. Their company considered as one of the Top Class and most reliable advertising agency in the country. Pero dahil sa pagbubukas ng Mondejar Cars Incorporated, pansamantala muna siyang nag-leave doon. Bagkus ay pinahawak muna niya ito sa nakakabatang kapatid niya na si Marlon. Kailangan kasi niyang pagtuunan ng pansin ang MCI. Lalo na ang Marketing Plans ng kompanya. Bago pa lang kasi ito, pero kapag may extrang oras siya, pumapasyal siya sa M3 lalo na kapag may board meeting.
Ang mga magulang niya ay nasa Pampanga. Mas pinili ng mga itong doon manatili kasama ang dalawa pang nakakabatang kapatid niya. Nalilibang kasi ang Papa niya sa lupain nito na binili niya para dito.
Gaya ng mga pinsan niya, minsan na rin siyang kinulit ng mga magulang tungkol sa lovelife niya. Sa isipin na iyon, wala sa loob na napatingin siya sa gawi ng tindahan ni Kim. Hindi niya alam kung anong mayroon sa babaeng ito, ngunit sa kabila ng pagiging aso't pusa nilang dalawa. Sa bandang huli, hindi pa rin niya matiis ito. Isang bagay na hindi niya maintindihan kung bakit.
HUMALUKIPKIP si Kim at sumalampak ng upo sa isang tabi sa loob ng tindahan niya. Nanggigigil at naiinis na naman kasi siya kay Mark. Tawagin ba naman siyang "Mahal". Nang magsabog yata ng kayabangan sa mundo ay nasa unahan ito ng pila at may dalang batya kaya nasalo nitong lahat.
"Kapal ng mukha, eh! Nakakainis talaga!" naiinis na sabi niya.
"Hoy, sinong kaaway mo?" untag sa kanya ng Nanay niya.
"Wala po," tanggi niya.
"Ano bang wala? Eh pwede na ngang gawin ribbon ang kilay mo ah? Si Mark na naman ba?" panghuhula pa nito.
Huminga siya ng malalim. "Eh sino pa ho ba?" aniya.
"Ku, ikaw na bata ka. Eh para naman hindi mo kaibigan 'yan. Hindi ka na nasanay." Anang Nanay niya.
"Ewan ko ba kasi, itatakwil ko nang kaibigan 'yan. Ay hindi! Hindi ko pala siya kaibigan. Dahil wala akong kaibigan na makapal ang mukha." Tungayaw na naman niya.
"Ikaw talagang bata ka, napaka-sungit mo. Manang mana ka sa Tatay mo. Ano ba kasi ang sinabi sa'yo?"
"Tinawag na naman kasi akong 'Mahal'." Sagot niya.
Imbes na makisimpatya sa kanya ang Nanay niya, tumawa pa ito. Hindi siya makapaniwala sa naging reaksiyon nito. Dumagdag pa ng biglang magsulputan doon ang mga kaibigan niya. Kanina pa pala naroon ang mga ito at nakikinig lang sa usapan nila.
"Nay naman eh, bakit kayo tumatawa?" maktol niya.
"Eh kaya ka naman pala nagkakaganyan eh. Kinikilig ka sa sinabi n'ya." Sabi pa nito.
"Nay!"
"Korek po kayo diyan, Nanay Con!" sang-ayon naman ni Marisse.
"O bakit? Totoo naman eh, kinikilig ka eh." Ulit pa ng Nanay niya.
"Paano naman po ako kikiligin? Eh nabubuwisit nga ako." Tanong pa niya.
"Sa klase n'yong dalawa na wala ng ginawa kung hindi magbangayan, lambingan n'yo na 'yan para sa amin. Ayaw mo pa no'n? Ke guwapo guwapo ang tumatawag sa'yo ng Mahal?" paliwanag ng Nanay.
"Saka Hello, girl. Ang daming nagkakandarapa kay Mark, no? Tapos ikaw naman dine-deadma mo." sabad pa ni Sam.
"O kita mo na, anak? Saka gusto ko magkaroon ng mga guwapo at magandang apo." Dagdag naman ng Nanay niya.
"Ah! Nanay naman eh!" maktol na naman niya.
Tumawa lang ito na tila hindi apektado.
"Ayieee!" tudyo sa kanya ng mga kaibigan niya.
"Ay naku, tantanan n'yo nga ako ng kakatukso diyan sa Mark na 'yan.
Wala akong gusto sa kanya, okay? Period!"
"Sige nga, bigyan mo kami ng dahilan kung bakit ayaw mo sa kanya?" usisa pa ni Jhanine.
"Mayabang siya." Mabilis niyang sagot.
"Hindi naman," tanggi ni Marisse.
"Palagi niya akong kinokontra sa mga gusto ko." Dagdag pa niya.
"Eh tama naman kasi siya minsan eh," sabi naman ni Sumi .
"Higit sa lahat, malakas siyang mang-asar! Nakakairita siya!"
"Pikon ka kasi kaya ayan, ikaw ang lagi niyang inaasar." Sagot naman ni Kamille.
"Sandali nga! Kanino ba talaga kayo kampi? Nakakahalata na ako ah! Lahat ng sinasabi ko kinokontra n'yo!" singhal niya sa mga ito.
Tumawa ang mga ito. "Peace, Kim-tot!" ani Nicole.
"Hmm, alam mo? Ikaw na babae ka! Masyado kang echusang falaka! If I know, attracted ka rin sa kanya. The more you hate, the more you love." Komento naman ni Razz.
"Hindi kaya!" mabilis na tanggi niya.
"See? Defensive ka!" sabi naman ni Laiza.
Hindi siya nakaimik. Saka wala sa loob na napalingon siya sa loob ng malawak na bakuran ng bahay ni Lolo Badong. Napako ang mga tingin niya sa lalaking pinag-uusapan nila.
Sa totoo lang, ang mas higit na kinaiinis niya dito. Masyado itong mabait, kahit na ilang beses niyang awayin at singhalan ito. Hindi man lang ito nagagalit sa kanya. Maaalalahanin din ito, sa tuwing nababalitaan nitong may problema siya. Mabilis pa sa alas-kuwatro na dumamay ito. At higit sa lahat, guwapo ito. Isang bagay na talaga naman mahirap balewalain. Na kahit anong siksik niya sa isip niyang ito ang pinaka-pangit na lalaki sa mundo. Ang ending pa rin niya ay lihim na napapatulala dito, lalo na kapag nasa tabi niya ito. Kaya madalas ay umiiwas siya dito.
Lalo na ngayon at ganyan ang tanawin. Wala itong ibang suot kung hindi board shorts, habang labas ang mga pandesal nito sa tiyan at matipunong dibdib nito. Lihim pa siyang napalunok ng tila hindi sadyang mawisikan ito ng tubig galing sa hose. Kaya hinagod ng kamay nito ang buhok nito, at pababa sa dibdib at sa tiyan nitong nabasa din.
Naku naman, Lord! Patawad po sa mga mata kong nagkakasala! Piping dalangin niya.
Isa pa 'yan. Napaka-exhibitionist ng lalaking 'yan. Gustong-gustong binibilad ang katawan sa madla, kaya maraming babae ang halos mawala sa katinuan dahil sa mga kagaya nito.
"Tumutulo na ang laway mo oh."
Nagulat pa siya ng tila may pinahid si Marisse sa gilid ng labi niya. Bigla siyang napakurap. Saka agad na lumingon sa mga kaibigan, na ng mga sandaling iyon ay nakangisi habang nakatitig sa kanya. Mabilis niyang iniwas ang mga mata palayo kay Mark.
"Ah, nakanang! Iyan ba ang naiinis? Halos lumuwa ang mata mo ah!" pang-aasar pa ni Sam.
"Tse! Tigilan n'yo na ako!" singhal niya sa mga ito.
"Ay sows! Pengkum ka sa lahat ng mga Pengkum, Kim! Ayan oh? Kitang kita sa mga mata mo. Pinagnanasahan mo si Mark Mondejar Meneses." Dagdag naman ni Razz, habang nilandian pa nito ang boses nito.
"Ah, Nay!" naiiyak na baling niya sa Nanay niya.
"Ay naku, Kimberly. Kapag nanligaw sa'yo si Mark, bukas na bukas ipapakasal ko na kayo agad!" sa halip ay sagot ng Nanay niya.
Napatili siya, sabay takip sa tenga niya. "Stress! Nakaka-stress kayo!"
sabi pa niya.
"Remember, kayo ang taya noong huling beses tayong naglaro ng taguan." Sabi naman ni Sumi .
"Oh, eh ano naman ngayon?" tanong niya.
"Hindi mo ba napapansin, Girl? Kung sino ang nagiging taya kapag naglalaro tayo ng taguan, siya ang sumunod na nagkakaroon ng lovelife." Sagot naman ni Jhanine.
Napaisip siya. Saka isa-isang binalikan ang mga naganap sa mga kaibigan niya. Oo nga, no? sang-ayon ng isip niya.
Napakunot noo siya saka tiningnan ni Jhanine. "Hindi rin," tanggi niya. "Nagkataon lang 'yon, ano 'yon? Parang yung nangyari sa Tanangco Boys dati?"
Nagkibit-balikat ito. "Malay mo, hindi mo masabi." Sagot nito.
"Kalokohan lang 'yan!" kontra niya.
"Coincidence lang ang tawag doon." Giit pa niya.
"Kimberly Jean Ledesam, pakinggan mo 'to. At tandaan mo ang araw na sinabi ko ito sa'yo. Lahat ng bagay dito sa mundo, may dahilan. Ang mga nangyayari sa buhay natin araw-araw, plinano na 'yan ni God. Walang nagkataon lang. Kaya ikaw, wala kang magagawa kapag ang puso mo ay tumibok para kay Mark. Na kahit anong tanggi at iwas mo, hindi mo matataksan 'yan." Litanya ni Marisse.
"Bow!" si Kamille.
"Amen!" si Nicole.
"Oh, ayan. Kapag may nasabi ka pa diyan, anak. Ewan ko na lang sa'yo." Sabi naman ng Nanay niya.
"Uh, teka, may pinapagawa pa nga pala si Tatay sa akin." Paiwas niyang sabi. Saka mabilis na pumasok sa loob ng bahay nila at nagtago sa loob ng CR.
Kumabog ng malakas ang puso niya matapos na marinig ang mga sinabi ni Marisse. "Lokong babae 'yun ah? Kinabahan ako sa sinabi." Sabi pa niya sa sarili. Para kahit paano ay mahimasmasan, naghilamos siya. Baka sakaling kumalma ang dibdib niyang punong puno ng kaba ng mga sandaling iyon.
HINDI alam ni Kim kung paanong posisyon pa ang gagawin niya para lang dalawin siya ng antok. Hindi rin niya alam kung bakit hindi siya makatulog. Sinong tinamaan ng magaling kaya ang nag-iisip sa kanya ng alas-dos ng umaga? Marahas siyang napabuga ng hangin saka bumalikwas ng bangon.
"Ah! Ano bey? Bakit hindi ako makatulog?" tanong niya sa sarili.
Pagkatapos ay muli niyang binagsak sa kama ang katawan niya. Saka padipa siyang humiga doon. Sumiksik sa utak niya ang sinabi ni Marisse sa kanya. Pumikit siya at saka pinilig ang ulo.
"Ang bruhitang Marisse na 'yon!" sabi pa niya. "Hay naku, Kim. Bakit mo ba kasi iniisip 'yon? Ikaw naman ang may sabi, di ba? Ayaw mo kay Mark? Eh bakit ka nagkakaganyan?" pagkausap pa niya sa sarili.
Hindi niya maintindihan kung bakit ayaw maalis sa isip niya si Mark. Dati naman silang madalas nagkakabangga nito, nade-deadma naman niya ito. Pero bakit ngayon ay pinapagulo nito ang isip niya? Gusto tuloy niyang iumpog sa pader ang ulo ng mga kaibigan. Pati ang Nanay niya ay dumagdag pa sa mga nanunudyo sa kanya.
Mga bata pa lang ay magkakilala na sila ni Mark. Noon naman ay magkasundo sila nito, ngunit habang lumalaki sila. Napapansin niyang palagi na siya nitong inaasar. Ang masama pa, nagiging kontrabida ito sa mga gusto niya. Kung hindi lang iniisip na buwisit din ito sa kanya, baka mapagkamalan niyang may gusto ito sa kanya. Kaya lang, alam niyang mas malabo pa sa tubig ng Ilog Pasig mangyari iyon. Isa pa, alam niyang hindi siya ang tipo nito. Ilang beses na rin niyang nakitang nakikipagdate ito sa kung sino sinong mga sosyal na babae.
"Inhale, exhale." Sabi pa niya. "Kesa isipin mo ang Pengkum na 'yon. Mag-focus ka sa Pamilya mo. Iyon ang dapat mong gawin."
Tama iyon nga ang dapat niyang gawin. Gaya ng ginagawa niya dati, hindi na lang niya papansinin ang pang-iinis sa kanya ni Mark. Ang importante ay ang Pamilya nila. Siya ang pangalawa sa magkakapatid. Ang Kuya niya na siyang panganay ay nasa abroad bilang isang Engineer. Habang siya, pagkatapos mag-aral ng kursong Marketing. Agad siyang nag-trabaho at nag-ipon, nang makapag-ipon. Pinili niyang huminto sa pagta-trabaho at magtayo ng sarili niyang Tindahan. Kailangan din kasing may tumingin sa mga magulang niya. Lalo na at may Highblood ang Tatay niya. Habang ang dalawa pa niyang nakakabatang kapatid na kapwa lalaki din ay parehong nasa kolehiyo.
Masaya siya sa simpleng buhay niya. Walang komplikasyon, kuntento naman siya sa Tindahan niya. Hindi kagaya noong nagta-trabaho pa siya. Palagi siyang pagod sa byahe. Hindi gaya ngayon, mapagod man siya. At least, dahil iyon sa gawaing bahay. Isa pang dahilan kung bakit niya mas piniling huminto sa pagta-trabaho ay nang minsan siyang mabigo sa pag-ibig. She had a boyfriend. His name is Robert. Kasama niya ito sa trabaho at ito din ang kauna-unahan niyang minahal, halos isang taon na ang relasyon nila nang magpaalam ito sa kanya. Kinailangan nitong pumunta sa America para dalawin daw nito ang magulang nito na doon na naka-base. Ang sabi nito sa kanya, isang buwan lang ito mananatili doon.
Lumipas ang isang buwan, ngunit hindi ito umuwi. Hanggang sa hindi na ito tumawag pa o kahit nag-email man lang. Hanggang sa mga sandaling iyon, na halos apat na taon na itong wala. Nasaktan siya ng husto. Kaya para makalimot at para makaiwas sa tsismis na nilikha ng hindi nito pagbalik. Nag-resign siya. Simula noon, hindi na siya umalis pa sa Tanangco. Nakuntento at bumalik ang saya sa puso niya nang manatili siya doon. At malaki ang pasasalamat niya sa Diyos dahil napaka maunawain ng Pamilya niya. Simula noon, pinangako na niya sa sarili na hindi na siya iiyak pa ng dahil sa isang lalaki.
Bumalik ang isip niya kay Mark. Hindi niya maintindihan kung anong mayroon sa taong iyon. Na kahit na anong taboy niya palayo dito, ay nananatili pa rin ito sa tabi niya. Aaminin niya, minsan, alam niyang masasakit ang mga sinasabi niya dito. Ngunit tila ba balewala iyon dito. It must be because they have the same circle of friends.
Oo nga. Iyon lang 'yon, Kim. Huwag mong bigyan ng ibang kahulugan. Ang mabuti pa simula bukas, iiwasan ko na siya. Pangungumbinsi pa niya sa sarili.