CHAPTER THREE

2602 Words
HINDI mahirap pakisamahan ang pamilya ni Manang Melda. Sa una lang pala tahimik ang mga anak nito pero kapag nakausap mo na ay pawang mga palakuwento at makulit. Ang asawa naman nitong si Manong Tupe ay bibihirang magsalita pero hindi rin naman nakakailang. “Ate Riya, may boyprend ka na ba? Siguro ang pogi ng boyprend mo, ‘no? Kasi maganda ka at mabait ka, eh,” sa pagitan ng pagkukulitan ng magkakapatid ay tanong sa kaniya ng bunsong anak na babae ng mag-asawa na si Melisa. Halos mabilaukan siya sa kinakaing bilo-bilo kaya maagap siyang binigyan ng isang baso ng tubig ni Melody habang si Melanie naman na katabi niya ay kaagad na hinagod ang likod niya. Pakiramdam niya ay kulay-makopa na ang mukha niya dahil sa pamumula niyon. Well, kung alam lang siguro ng mga ito kung gaano siya kasiga noong nag-aaral pa lang siya, ewan na lang niya kung masabi pa iyon ni Melisa. “Naku, kayo talagang mga bata kayo, oo! Napakausisera ninyo!” saway naman ni Manang Melda sa mga anak bagama’t tumatawa rin naman ito, ngunit ‘yon tipo ng pagtawa na tila ba naaaliw at hindi nang-aasar. “Aba, eh, siguradong meron nang boyprend ‘yaang si Ate Riya, nagtanong ka pa?” pilosopo namang singit ni Emil na siniko ng katabi nitong si Melody. “Eh, bakit? Sa ganda niyang ‘yaan? Imposible namang wala, ‘no?” katwiran naman nito saka bumaling sa kaniya. “‘Di ba, Ate Riya?” Ngumiti siya nang alanganin saka umiling. “Naku, wala pa,” tugon niya saka mahinang tumawa. “Wala pang nagkakamali,” dugtong pa niya. Sa edad niya kasing beinte otso, wala pa siyang seryosong nakarelasyon. The last time she had a boyfriend was when she was in college at para ngang nakikipaglaro lang siya noon. And the last time she kissed a guy was… napalunok siya sa naalala. Lumakas din ang pagtibok ng puso niya nang maisip ang posibilidad na sooner or later ay maaaring magsanga ang landas nila ng tiyuhin ng aalagaan niya. Wala sa loob siyang napakagat sa kaniyang pang-ibabang labi at saka napapikit bago niya ipinilig ang kaniyang ulo. Pagdilat niya ay gusto na sana niyang lumubog sa kinauupuan niya nang magisnan na pawang nakatanghod sa kaniya ang pamilya at nagtatakang nakatitig sa kaniya. Pansumandali pala siyang natigagal sa kawalan at naglakbay ang utak niya sa kung saan. “Okay ka lang ba, Ate Riya?” tanong ni Melody, nasa mukha nito ang pinaghalong pag-aalala at pagtataka sa turan niya. Napakamot tuloy siya sa ulo niya saka namumulang ngumiti at tumango bago nagpatuloy sa pagkain. “Ang sarap ho ng ginataan n’yo, Manang Melda,” pag-iiba niya ng usapan. Umiwas siya ng tingin sa mga ito at itinutok na lang ang atensyon sa kinakain. Tila naman nakuha ng mga ito na gusto niyang umiwas sa pagiging sentro ng usapan kaya nagpatuloy na lang din ang mga ito sa pagkain ng miryenda at sa halip na magtanong ay nagkuwento na lamang sa pagitan ng mga pagsubo at pagnguya. “O, kayo na ang bahala rito’t ililigoy ko laang si Riya sa buong kabahayan, ha?” Pagkakain ay sabi ni Manang Melda sa mga anak at saka nila iniwan ang mga para para ipakita nito sa kaniya ang kabuuan ng labas at loob ng mansyon. Sa sobrang lawak ng nasasakupan ng bahay at laki ng mismong mansyon ay inabot sila ng mahigit dalawang oras sa paggala. Inisa-isa pa rin kasi ng matanda na ipaliwanag sa kaniya ang bawat bahagi ng mansyon. Pagkarating nila sa huling bahagi ng ikatlong palapag ay nag-aya nang bumaba si Manang Melda na ipinagtaka niya. Mayroon pa kasing ikaapat na palapag na hindi ipinakita sa kaniya ng matanda. “Ah, doon sa itaas ang kuwarto ni Ethan. Siya ‘yong bunsong anak nina Adolfo. Wala naman dito ang batang ‘yon at tila wala nang balak umuwi rito kaya isang beses sa isang linggo lang napupuntahan ang itaas para malinisan,” imporma ng matanda sa kaniya kahit pa nga ang alam niya ay malamang na umuwi rin ito dahil baka nga dito iwan nina Mrs. Vera ang pamangkin nito. Dapat sana ay matuwa siya dahil at least, nagkaroon siya ng pag-asa na baka sakaling hindi nga niya makakadaupang-palad ang lalaking palagay niya ay ang lalaki ring nakilala niya noon sa Amerika. ‘Yong lalaking walang pakundangan niyang hinalikan sa labi. ‘Yong lalaking tinakasan niya… Pero, bakit ba tila nanghihinayang rin siya? Bakit parang nandoon sa isang bahagi ng puso niya na gusto niya itong makita… hindi lang para masiguro kung ito nga ang lalaking tinakbuhan niya noon, pero may iba, eh. There was something she couldn't explain. Ngumiti na lang siya sa matanda at tumango rito bago siya napahigit ng hininga saka sumunod rito. Isang sulyap muna ang ipinukol niya sa hagdan papanhik sa ikaapat na palapag bago siya tuluyang pumanaog. Dumiretso sila sa kusina pagkababa nila dahil ayon dito ay pauwi na raw ang mag-asawang Olivarez kasama ang apo nitong si Liby. Nakapagluto na ang mga anak nito ng ilang putahe ng ulam—steamed broccoli and corn cub, pritong tokwa at ginisang kangkong—na ayon dito ay bukod-tanging kinakain ng mag-asawa sa gabi. Bihira nga rin daw nagkakanin ang mga ito lalo sa gabi bagama’t may sinaing naman para sa kanilang mag-anak. “Mangyari, eh, dati nang inatake si Adolfo maigi nga't naagapan. Kaya magmula noon, napakarami nang ipinagbabawal sa kaniya si Vera at mas lalong naging maingat ang mag-asawa lalo na sa pagkain,” kuwento pa ni Manang Melda. “Ah…” Tumango-tango lang siya habang tumutulong sa pag-aayos ng hapag kahit pa nga tumanggi ang matanda. “Maigi nga ho at healthy living sila,” komento niya. “Sinabi mo pa, ineng. Noon kasi, nakaw! Napakalakas sa alak niyang si Adolfo. Napakalakas ding manigarilyo tapos ubod nang hilig kumain ng mga matataba. Iyong alimasag, naku, mentras ibinabawal mo, eh, lalong iginigiit ang gusto!” natatawang-naiiling na salaysay pa ng matanda. “Kaw, humalit ka na naman!” Mula sa pintuang nasa gilid ng dining area ay wika naman ng asawa nitong si Manong Tupe na kapapasok lamang. May bitbit itong ilang hinog na manggang supsupin na may mga tangkay pa at isang piling ng hinog na saging na señorita. “O, buti't naabutan ko pa bago napitas ng mga taga-kabila.” Iniabot ng matandang lalaki ang tangan nito sa asawa. Nagkusa naman siyang kuhanin ang piling ng saging. Napansin na nga niya kanina habang nagtu-tour sila ni Manang Melda na hitik sa bunga ang mga manggang nasa likod-bahay ng mga Olivarez pero hindi man lang niya napuna na may hinog na pala roon. Maging ang mga saging na nakatanim naman sa pagitan ng mga puno ng mangga at puno ng kaimito ay hindi man lang din nila napuna na may bunga na rin pala. Bukod-tangi kasing puso ng saging ang kumuha ng atensyon niya dahil naikuwento niya kay Manang Melda na isa sa paborito niyang kainin noon ay ang ginataang puso ng saging na may langka. “Pumarine ka na sa kusina't samahan mo nang kumain ang mga bata,” yakag ni Manang Melda sa asawa saka nagpatiuna nang maglakad. “Pagpasensyahan mo na ang manang mo at napakadaldal,” natatawang pahayag ni Manong Tupe sa kaniya habang pinupunasan nito ng puting towel ang mukha at leeg nito. Ngumiti naman siya rito. Bagama't matanda na ito—sitenta anyos ayon kay Manang Melda habang ang matandang babae naman ay sisenta—ngunit hindi talaga halata sa hitsura nito tulad ni Manang Melda na sa una’y inakala niyang nasa kuwarenta lamang. Hindi maipagkakamali na magandang lalaki ito noong kabataan nito. Malaki ang pangangatawan, palibhasa'y batak, at aakalain mong nasa kuwarenta lamang din ang edad dahil itim pa ang buhok nito. May ilang wrinkles ito sa may gilid ng mata at hupas na rin ang dimples nito sa magkabilang pisngi. But overall, he could be considered as a hunk kung bibihisan lang ito at aayusan. Si Manang Melda naman ay hindi maikakailang maganda rin tulad ng mga anak nitong babae, ‘yon nga lang, may katabaan lang talaga at bukod-tanging ang kulubot lamang sa balat nito ay ang sa bandang leeg nito. Nahiya pa nga siya dahil parang mas makinis pa yata ang kayumangging mukha nito kaysa sa kaniya. “Naku, maigi nga ho kasi hindi ho ako naiilang,” kiming tugon at depensa naman niya kay Manang Melda habang kasabay itong maglakad patungo sa kusina. “Emil, pumaroon ka muna sa may pintuan at baka dumating na ang mag-asawa,” utos ni Manang Melda sa bunsong anak nito nang makita itong papasok ng kusina galing sa likod-bahay. Naghugas muna ng kamay ang binatilyo at walang-kibong sinunod ang utos ng ina. Pagkadala nila ng mga gagamiting plato, baso, at cutleries ay itinaboy na siya ng matanda. “Magbihis ka na at nang makasabay ka na sa pagkain ng mag-asawa. Siguradong kakain kaagad ang mga ‘yon dahil alas-sais talaga ang hapunan ng mga iyon,” anito. Awtomatiko siyang napatingin sa relo niya. Pasado alas-siete na pala ng gabi. Napakabilis ng oras, ni hindi man lang niya namalayan kung hindi pa sinabi ni Manang Melda. “Eh, sa inyo na lang ho ako sasabay, manang. Nakakahiya naman ho kina Sir Adolfo at Ma’am Vera,” alanganing wika niya saka siya napakamot sa ulo niya. “Aba, at bakit naman mahihiya ka sa kanila? Alam mo, ineng, sabi nga ni Vera, para ka na raw magiging ina ni Liby kaya naman—” “H-Ho?” nanlalaki ang mga matang sambit niya nang marinig ang sinabi ng matandang babae. Pinangunutan naman siya ng noo ng matanda na para bang walang kagulat-gulat sa sinabi nito. “Aba, eh, hindi nga ba't gagawin mo kay Liby ang mga bagay na tanging ina lang ang makapagpaparamdam? Aba, siyempre, maliban sa mapasuso mo siya, eh, halos lahat ng gawaing ina ay gagampanan mo sa kaniya, ‘di nga ba?” paglilinaw naman nito sa kaniya. Napalunok siya nang maisip na tama nga ang matanda. Hindi man lang iyon sumagi sa isip niya dahil sa tagal kasi ng pagiging cuddler niya, palaging siyang naglalagay ng distansya sa pagitan niya at ng batang niyayakap niya noon dahil alam niyang sa malaon at sa madali ay kukuhanin na rin ito ng sariling pamilya nito o ‘di kaya ay ng aampon dito. But in this case, parang nagkamali yata siya ng pagpayag. Para kasing… then she remember the last last part of the contract na tinanong niya rin kay Jake bago niya ikinonsidera ang trabaho. Humugot siya nang malalim na hininga bago iyon marahas na ibinuga. Sigurado siyang biniro lang naman siya ng Sir Jake niya. Kung literal naman na babasahin ang nilalaman niyon, it just mentioned that she could resign or end her service after their youngest son gets married. Sigurado naman siyang may girlfriend na ito, imposibleng wala o baka nga steady pa rin ito at ang girlfriend nito noon kung sakali ngang ito ‘yong lalaki na nakadaupang-palad niya noon sa Amerika. Ah, basta. Gagawin niya lang ang trabaho niya. Tama. Malaking raket ito sa isang katulad niya at malaking ginhawa sa pagbabayad niya ng utang at pag-iipon niya. Tumango na lang siya sa sinabi ng matanda bago alanganing ngumiti rito. “Parang ganoon na nga ho,” napilitang pagsang-ayon niya rito. “Hena't salubungin na natin sila. Paniguradong napakasaya ng mga iyon na naiuwi na nila ang apo nila,” yaya nito sa kaniya bago siya hinawakan sa braso. Ngunit hindi pa man sila ganap na nakakalabas ng kusina ay paparating na ang mag-asawang Olivarez. Karga ni Mrs. Vera ang apo nitong si Liby samantalang si Mr. Adolfo naman ay nakaalalay rito. Napangiti siya sa sarili nang maalala na ganitong-ganito rin ang eksena sa ospital noong una niyang makita ang sanggol na si Liby sa ospital dalawang araw na ang nakararaan. Mabilis niyang sinalubong ang mga ito kasundo si Manang Melda para batiin ang mag-asawa at kuhanin sana ang bata para makakain nang maayos ang dalawa. ngunit nagdire-diretso si Mrs. Vera hanggang sa dining table at umupo roon na karga pa rin ang apo. “Ma'am, ako na ho ang kakarga muna kay baby para makakain ho kayo,” magalang niyang sabi rito nang hindi pa rin nito ibinigay sa kaniya ang bata. “Sshhh… malapit na siyang makatulog,” mahina at nakangiting sambit ni Mrs. Vera habang inihehele ang apo. Sabay-sabay silang napatingin sa may entrada ng pinanggalingan nila nang dumating si Emil na may sulong-sulong na stroller. Maagap namang tumalima ang ina nito at iginiya ang anak na ipuwesto iyon sa may tabi ni Mrs. Vera. “Kakadede niya lang kaya heto't inaantok na,” puno ng kasiyahang saad ng matandang babae bago bumaling sa asawa nito. “Kumain ka na,” utos nito kay Mr. Adolfo habang siya ay ini-a-adjust ang higaan ng stroller. “Of course. I'm already starving,” walang gatol na wika naman ng matandang lalaki. Mabilis siyang pupunta sana sa hapag nang pigilin siya ni Mrs. Vera. “Where are you going?” kunot-noong bulong nito. “Maghahain ho—” tugon na niya na kaagad ring naputol nang umiling ito. “That's not your job, Riya. I want you to focus your attention only on my granddaughter, okay?” wika nito bago tiningnan ang noo'y nahihimbing nang si Liby. “Oh, look at her! She looks like a cherub!” puri nito sa apo habang nagniningning ang nga mata. Sobrang puti ni Liby at mamula-mula ang matambok nitong pisngi. Napakapula rin nang manipis na labi ng sanggol at makapal ang brown at kulot na buhok nito. “Mana ho sa inyo,” komento niya, bagay na totoo naman. Mrs. Vera has the same locks as Liby at para ding gatas ng kalabaw sa puti ang kutis nito. “See? I told you, ako ang kamukha, eh,” tudyo nito sa asawa na noon ay abala nang nagsisimula sa pagkain. Ngumiti lang siya at saka kinuha ang baby nang iabot ito sa kaniya ng matandang babae. “I think it's better if you put her to her room, hija. Baka maingayan pa rito at magising,” suhestyon ng matanda na sinang-ayunan naman nila ni Manang Melda. “Sige ho,” aniya saka niya iniayos ng karga payapos ang baby bago ngumiti kay Manang Melda saka siya humakbang papanhik sa kuwarto ni Liby. Now that she's holding Liby for the second time, the first was when she met the baby at the hospital two days back, she feels that the baby really longs for her real mother as she nibbled in her clothes while she was carrying her. At nang ibaba na niya ito sa kuna ay umingit ito at natigil lang nang muli niya itong kargahin. She smiled and smelled Liby's baby's scent then she sat at the rocking chair and sang a lullaby for this li'l angel. “Huwag kayong mag-alala. Alalagaan ko si Liby tulad ng dapat ay pag-aalaga ninyo sa kaniya,” pagkausap niya sa larawan ng magulang ni Liby na nakapatong sa bedside table na katabi rin ng rocking chair. Ngunit mentras tinititigan niya ang larawan ay saka nabubuo ang isang alala na hinding-hindi niya malilimutan. Mataman niyang tinitigan ang mga ito at halos mapasinghap siya nang makilala ang babae sa larawan. The woman in the picture looked like the woman who caught her kissing the man named Ethan! Napalunok siya at tila ba tumigil ang pagtibok ng puso niya. Napakagat-labi siya at napahigit ng kaniyang hininga. It just confirmed everything! She’s really in trouble this time!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD