Chapter Three

3357 Words
          NAPABALIKWAS ng bangon si Chaia matapos mabasa ang text ng kaibigan niya. Biglang nawala ang antok niya. Kinusot pa niya ang dalawang mata para masigurong tama ang pagkakabasa niya ng mensahe nito. Mabilis pa sa alas-kuwatro na dinaial niya ang numero nito.           “Hello! Talaga? Mamaya na ang grand raffle na promo ng Mondejar Cars Incorporated?” bungad niya pagsagot nito ng tawag niya.           “Oo nga! Kailangan talaga paulit ulit?” anang kaibigan niya.           “Hala! Naku Lord, alam ko magiging akin ang Volvo na ‘yon!” sabi pa niya. “Hello Lena! Kapag ako ang naging grand winner, promise ikaw ang unang-unang isasakay ko!”            “Aba dapat lang no? Eh teka, marunong ka bang magmaneho at nangangarap ka na mapasakamay mo ang Volvo na ‘yon?” tanong pa ni Lena, ang bestfriend niya since College.           “Marunong na ako ng basic. Madali na ‘yung iba.” Sagot niya.           “Eh teka, kumusta naman pala ang bagong trabaho mo?” tanong nito.           “Okay naman, ang babait ng mga kasama ko. Kaya madaling napalagay ang loob ko doon.”           “Eh ‘yung boss mo? Okay naman?” tanong ulit nito.           Hindi agad siya nakasagot. Mabilis na nag-flash back sa kanya ang nangyari kagabi. Mabilis na nag-init ang magkabilang pisngi niya, agad naman niyang pinilig ang ulo at pinalis ang eksenang iyon.           “Hoy, hindi ka na nakasagot diyan. Masungit ba ang boss mo?” pukaw nito sa kanya mula sa kabilang linya.           “H-ha? Hi-hindi, hindi. Ah, mabait nga eh. Pasensiya na may naalala lang kasi ako.” Sagot niya. “O, basta mamaya. Alas-sais, manood ka. Televise ang pag-announce ng winner.” Paalala nito.           “Oo sige, hindi ko kakalimutan. Makikipanood na lang ako sa trabaho no’n. May TV naman sa pantry namin.” Wika niya.           “O siya, bye na. May gagawin pa ako.”           “Bye.”           Pag-pindot niya ng End Call button, mabilis na kinuha niya ang ticket at entry niya. “Volvo, you’ll be mine.” Pagkausap pa niya sa pobreng ticket, pagkatapos ay muli niyang tinabi sa loob ng wallet niya iyon saka tuluyan ng bumangon.           Nang sulyapan niya ang oras, alas-kuwatro na ng hapon. Pagdating niya doon sa bahay nila kaninang umaga, agad siyang nakatulog dahil sa pagod at antok. Hindi na niya nakuha pang bumangon ng tanghalian para kumain. Paglabas niya ng silid, naabutan niya ang Mama niya na abala sa pagtatahi ng kurtina. Ito ang pinagkakakitaan nito. Ang pananahi ng mga kurtina at kung anu-ano pa.           “Anak, gising ka na pala. Kumain ka na, hindi ka pa nanananghalian.” Sabi nito pagkakita nito.           Ngumiti siya dito pagkatapos ay niyakap niya ito mula sa likod nito. Narinig niyang tumawa ito. “Ang anak ko, naglalambing.” Anito.           Ngumiti siya. “Wala lang po.” Usal niya.           “Ay siya, kumilos ka na at baka ma-late ka. Pinagtabi kita ng ulam kaninang tanghali. Kumain ka na.”           “The best ka talaga, Ma.”           “Sus! Binola mo na naman ako.”           Habang kumakain ay muli na naman sumiksik sa utak niya si Sir Karl. Napabuntong-hininga siya. Panibagong gabi na naman iyon para sa kanya. Ilang kolehiyala at conyo kaya ang makakahalubilo niya. Napangiti siya ng maalala niya ang mga pinsan ng boss niya. Nang magsabog yata ng kaguwapuhan ang langit, may dala yatang batya ang mga ito at tila nasalo ng mga itong lahat iyon. Ngunit sa kabila niyon, kita niya ang kababaan ng loob ng mga ito. Hindi mayabang at pasikat ang mga ito gaya ng iba. Masaya ngang kasama ang mga ito.           Nandoon kaya si Sir mamaya?           Mabilis niyang pinilig ang ulo matapos biglang sumulpot ng tanong na iyon sa isip niya. “Eh ano naman kung nandoon si Sir mamaya? Natural lang ‘yon dahil siya ang may-ari ng Bar.” Sabi pa niya sa sarili.           Bigla siyang napangisi ng lumingon ang Mama niya na nakakunot-noo. “Anak, sinong kausap mo?” tanong nito.           “Uhm, kayo po. Sabi ko, masarap po ‘yung niluto n’yo.” Pagdadahilan niya.           “Ah, sige, salamat.” Anito, pagkatapos ay binalik ulit nito ang atensiyon sa tinatahi nito.           Hay Chaia! Ayusin mo nga utak mo! Ha? Trabaho ang dahilan kaya nandoon ka! Hindi ang kung ano pa man! Focus! Fighting! Aniya sa sarili.                       HABOL pa ni Chaia ang hininga niya nang makarating siya sa The Groove. Kailangan kasi ay alas-sais naroon na siya. Hinahabol niya ang grand raffle promo ng MCI. Pagdating niya sa pantry, naabutan niyang naghihintay din ang mga kasama niya.           “Miss Anne, nag-umpisa na po ba?” tanong agad niya, sabay upo.           “Sumali ka rin? Hindi pa, ngayon pa lang.” anito.           “Ay, mabuti naman. Akala ko late na ako.” Sabi niya, nilabas niya ang raffle ticket. Eksakto naman biglang nag-umpisa ang programa.  “Good Evening po sa inyong lahat! Ito na po ang matagal na ninyong hinihintay! Alam kong excited na kayong malaman kung sino ang mananalo ng brand new Volvo c30!” pag-uumpisa ng babaeng host ng programa. “So, I think hindi na natin patatagalin pa ito. We have here our DTI Representative, para i-check ang validity ng entry na mananalo ngayon gabi. And also we have here, the representatives of Mondejar Cars Incorporated. The Vice-President of MCI, Mister Daryl Mondejar Rivera and the Operations Manager, Mister Miguel Mondejar Despuig.”           Habang palapit ng palapit ang oras, lalong kumakabog ang dibdib niya.           “Mister Rivera, maaari po bang kayo ang bumunot sa gabundok na entries natin. Para malaman na natin kung sino ang mapalad na winner ng brand new Volvo c30?” sabi pa ng host.           Napakunot noo si Chaia. Hindi siya maaaring magkamali, ang dalawang iyon ay dalawa sa mga nakausap niya kagabi doon sa Bar. Mga pinsan ito ng Boss niya. Kung ganoon, ang boss niya…           Naputol ang pag-iisip niya ng muling magsalita ang host. “Here we go! The lucky winner of Volvo c30! Hawak na ni Mister Rivera ang mapalad na winner.” Anito. Tiningnan muna ng DTI Representative ang raffle entry, matapos nitong ma-inspeksiyon. Muli nitong binalik kay Daryl ang entry.           “Please do the honor to announce the winner.” Anang host.           Napahigpit ang hawak niya sa raffle ticket niya. “And the grand winner of Volvo c30, by Mondejar Cars Incorporated is…”           Kumabog ng malakas ang dibdib niya. Eksakto naman na dumating ang boss niya. Nakiupo ito at nakinood din.           “Chaia Reyes of San Andres Bukid, Manila.” Anunsiyo ni Daryl.            Nanlaki ang mga mata niya. Kasabay nang panlalamig ng buong katawan niya, kasunod ng paglakas ng t***k ng puso niya. Dahan-dahan naglingunan sa kanya ang mga kasama niya.           “Chaia,” ani Miss Anne.           Totoo ba ang narinig niya? Pangalan ba niya iyon? O baka naman nagkamali lang siya ng dinig.           “Ako? Ang nanalo?” tulala pang tanong niya.           Nagulat siya ng biglang magsigawan ang mga ito.           “Chaia! Ikaw ang panalo!” malakas na sigaw ng isang waitress na kasama niya sa trabaho.           Doon nag-sink in sa isip niya ang mga pangyayari. Napahiyaw siya ng malakas, at naglulundag. Wala sa loob na humarap siya kay Karl.           “Sir Karl! Panalo ako!” masayang wika niya, habang naluluha ang mga mata niya sa sobrang saya. Hindi niya namalayan na sa sobrang saya niya ay napayakap siya dito. Saka lang niya na-realize ang ginawa niya ng gumanti ito ng yakap sa kanya. Sabay bulong sa tenga niya.           “Congratulations, Chaia.” Anito.           Hinipan ang lahat ng nasa utak niya. Sa isang iglap ay nakalimutan niyang nanalo siya ng mamahalin at bagong kotse. Nakalimutan niyang may mga tao sa paligid. Bagkus, ay nakulong siya sa ideya na nakakulong siya sa matipunong bisig nito. And it actually felt good. So good.           Parang kagabi lang…             HINDI maitago ni Chaia ang saya at excitement habang naglalakad papalapit sa Mondejar Cars Incorporated Showroom. Iyon na ang araw na makukuha niya ang napanalunang kotse. Ayon sa organizers ng contest na nakausap niya kinabukasan matapos i-anunsiyo na siya ang panalo. Pinatawag siya kinaumagahan sa opisina ng MCI. Doon ay pinirmahan niya ang mga papeles ng kotse. Dahil kailangan pang ayusin ang ilang mga legal papers ng sasakyan, hindi muna niya naiuwi ang Volvo.           Naalala pa niya noong unang beses na i-anunsiyo na may pa-contest ang pinakasikat na Car Shop. Wala pa nga siyang interes dati, dahil ang katwiran niya, sa dami ng gustong sumali. Imposibleng manalo siya. Ngunit kinumbinsi siya ni Lena na sumali. Hanggang sa makita mismo ng mga mata niya kung gaano kaganda ang kotse. Ang isang pirasong raffle entry ay naging sampu. Ayon kasi sa Contest Organizer. Ang mga sasali ay kailangan bumili ng toy replica ng Volvo c30 sa mga partner establishments ng MCI, na nagkakahalaga ng isang daan piso. Sa bawat toy replica ay katumbas ng dalawang raffle entry. Pagkatapos fill-up-an ang entry niya. Hinulog niya iyon sa drop box.           Ngayon, narito na siya sa tila isang panaginip na pangyayari sa buhay niya. Sino nga ba ang mag-aakala na ang isang ordinaryong Bartender na kagaya niya ay magkakaroon ng isang mamahalin na luxury car. Ngunit hindi sa kotse kumabog ng husto ang dibdib niya, kung hindi sa lalaking paparating at sumasalubong sa kanya.           “Hi Chaia!” nakangiting bati nito sa kanya.           “Hi Sir Karl,” bati din niya dito.           Napapailing ito habang nangingiti. “Sir Karl? Wala naman tayo sa Bar para tawagin mo ako ng Sir.” Anito.           Hindi siya nakakibo. Nahihiyang tumungo siya. Wala kasi siyang maisip na sabihin.           “Call me, Karl. Hindi mo kailangan magpaka-pormal kapag wala tayo sa The Groove.” Sabi ulit nito.           Tumango siya. “Okay, Karl.”           “Let’s go! Everybody’s waiting for you.” Anito.           Bago pumasok. “Teka, baka mamaya may media.” Aniya. Isa iyon sa pinakiusap niya. Ang totoong plano ng mga ito ay ipe-present siya sa media. Pero dahil pribadong tao siya, nakiusap siya sa mga ito na kung maaari ay walang media. Ayaw kasi niyang makakuha ng maraming atensiyon ang pagkapanalo niya. Lalo na sa panahon ngayon na uso ang mga Car Jackers, aware siya na magiging mainit sa mga mata ng mga ito ang kotseng kagaya niyon.           Pagpasok pa lang niya sa pinaka-entrance ng Showroom. Agad siyang sinalubong ng malakas na palakpakan ng buong staff ng MCI. At mukhang kumpleto ang magpi-pinsan.           “Congratulations, Chaia!” anang mga ito.           “Thank you very much!” nakangiting wika niya.           Lumapit ang nakakatandang pinsan ni Karl. Kung tama siya ng pagkakatanda, John Michael Lombredas ang pangalan nito. Pero narinig niya sa mga pinsan nito na Gogoy ang tawag ng mga ito dito.           “Thank you, Sir.”           Lumapit sa kanya si Marvin at si Daryl. “Here’s the papers, Chaia.” Sabi ni Marvin, sabay abot ng isang brown envelope. “Nariyan ang lahat ng papeles ng kotse mo. Lahat ng iyan ay nakapangalan sa’yo. Asahan mong wala ng magiging problema pa sa mga iyan.”           “And here’s your car key. Finally, you can take home your car.” Sabi naman ni Daryl.           Nag-uumapaw sa kasiyahan ang puso niya, sa sandaling kinuha niya ang susi ng kotse.           “Wayne, kunin mo na yung kotse sa likod.” Utos ni Gogoy sa pinsan nito.           Lumapit si Mark sa kanya. “Do you mind if I borrow your key for a while, Miss Bartender?” nakangiting tanong nito.           “O sige,” aniya, saka binigay dito ang susi ng kotse.           “Wait, marunong ka bang mag-drive?” tanong ni Karl.           Nakagat niya ang ibabang labi, sabay ngiti sa mga ito. “Eh, medyo lang. Problema ko nga kung paano ko iuuwi ‘yan. Wala naman mapaparadahan doon sa amin. Baka mamaya kapag doon ko inuwi ‘yan, bukas, wala agad gulong ‘yan.” Sabi pa niya.           Kitang-kita niya kung paano gumuhit ang magagandang ngiti ni Karl. Lihim siyang napabuntong-hininga. Bakit ba ang guwapo ng boss niya? Kung hindi lang niya ito Amo, malamang magkaka-crush na siya dito.           “Ganoon ba? Maaari mo naman muna siyang ilagay dito. Doon siya sa parking sa bandang likod ilalagay. Hindi mo kailangan mag-alala dahil tight ang security namin dito. I assure you, your car is safe here.” Suhestiyon ni Jester.           “Kung okay lang po. Eh di, ganun na lang.” pagpayag niya. “Hangga’t hindi pa po ako nakakahanap ng mapaparadahan sa kanya.”           “Oh, here’s your car.” Sabi pa ni Karl, sabay turo sa labas.           Napamulagat siya ng makita ang kumikinang na kulay puti na kotse. And she’s proud to say, this car is hers. Bumaba mula sa driver’s side ang isa pang pinsan ni Karl. Ang sikat na basketball player na si Wayne.           “Damn! I love that car!” sabi pa nito.           “I’m sure, marunong kang mag-start ng kotse. Puwede mo nang sakyan ‘yan. Anyway, it’s yours.” Sabi ni Marvin.           Hindi na niya napigilan na tumakbo palabas ng showroom. Hinaplos ng palad niya ang kotse. Nang sumakay siya, agad niyang in-start iyon. Saka pinatakbo sa loob ng vicinity ng MCI. Nang pumarada siya ay nilapitan siya ni Karl.           “Bakit hindi mo i-test drive? Ilabas mo dito. Mamasyal ka.” tanong nito.           “Eh, natatakot na ako kapag marami ng sasakyan. Baka mamaya maibangga ko.” Sagot niya.           “Hindi, akong bahala sa’yo. Tuturuan kitang magmaneho ng maayos. Kailangan mong matuto, hindi mo mae-enjoy ‘yan kung hindi mo pag-aaralan mag-drive.” Sabi pa nito. Pagkatapos ay sumakay ito sa passenger’s seat.           “Talaga? Tuturuan mo ako? Baka naman makaistorbo ako?”           “Nah! Ano bang istorbo ang sinasabi mo diyan? Let’s go!” yaya nito sa kanya.           Buong puso niyang tinanggap ang alok nito. Siya ang pinasakay nito sa driver’s seat, at ito sa tabi niya. Bago sila umalis ay tinuruan pa siya nito nang iba pang dapat niyang malaman sa mga function ng kotse. Pagkatapos ay umalis na sila. First car and first driving lesson. Ang pinakamasaya sa lahat ng iyon. Si Karl ang kasama niya. May iba pang dapat niyang malaman sa mga function ng kotse. Pagkatapos ay umalis na sila. First car and first driving lesson. Ang pinakamasaya sa lahat ng iyon. Si Karl ang kasama niya.                     NAKAHINGA ng maluwag si Chaia matapos niyang maiparada ang sasakyan sa tapat ng The Groove. Halos hindi siya makapaniwala na ang minaneho niya ay isang magarang Volvo c30. At lalong hindi siya makapaniwala na kasama niya sa loob ng sasakyan ang isang gaya ni Karl. Noong unang magtagpo sila nito, inakala niyang kayhirap nitong abutin, gaya ng ibang Boss diyan. Ngunit nagkamali siya, down to earth, approachable at magaling itong makisama sa mga empleyado nito. Kaya sa loob ng ilang linggo niyang pamamalagi doon sa The Groove bilang isang Bartender. Madali niyang nakapalagayan ito ng loob.           “That’s nice.” Anito.           Tumingin siya dito, sabay ngiti. “Talaga nice ‘yon? Hindi ka ba nabingi sa akin?” tanong pa niya dito.           Natawa ito, sabay iling. “Hindi naman. I think I can tolerate that.” Sagot nito na ang tinutukoy ay ang pagtili niya kanina.           Habang tinuturuan kasi siya nitong magmaneho. Napapatili siya kapag may sasakyan na gigitgit sa kanya. O kaya naman ay kapag bigla siyang pepreno. At si Karl naman, ay tinatawanan siya kapag tumitili siya o kaya naman ay natataranta kapag nagkakamali siya ng tapak sa preno at silinyador. Nang umalis sila kanina sa MCI. Doon nila napagkasunduang pumunta, tutal, hapon na. Alanganin na ang oras kung uuwi pa siya sa kanila. Doon na lang siguro siya magpapalipas ng oras, sigurado naman siya na may mga kasamahan na rin siya doon.           “Pasensiya ka na sa akin. Eh talagang natatakot ako sa pagmamaneho nito. Hindi ko tuloy alam kung tama na sumali ako sa promo n’yo. Sabagay, malay ko naman na ako ang mananalo.” Sabi pa niya.           Umiling ito. “No Chaia, be thankful. Para sa’yo talaga ‘yan. God wants you to have this car, it’s your reward from heaven for your hardwork.” Anito.           Napangiti siya sa sinabi nito. “Thank you po,” aniya.           “Po? Saan galing ‘yon?” tanong nito.           “Ay, oo nga pala. Thank you.” Pagtatama niya. “Eh teka, paano pala ‘yung kotse mo? Naiwan sa MCI. Eh di babalikan mo pa ‘yon?”           “Nah! Ipapakuha ko na lang, tinatamad na akong bumalik doon.”           Tumango siya. “Okay.”           “Tara! Doon na tayo sa loob ng makainom. Ako ang nauhaw sa kakasigaw mo.” Biro pa nito.           Natawa siya. “Sorry naman.”           Pagpatay niya ng makina ng kotse. Kinuha niya ang bag sa likod, akma siyang bababa ng pigilan siya ni Karl.           “Bakit?” tanong niya.           “Hand brakes. Nakalimutan mo.” Anito.           “Ay! Sabi ko nga!”           Napapailing na bumaba ito ng kotse. Papasok na sila ng Bar ng batiin siya ng guard.           “Naks! Ang gara ng kotse mo Chaia,” ani Manong Guard.           “Thanks Manong!”           Pagdating nila sa loob, doon sila sa mismong station niya tumambay. Binati sila ng mga ilang staffs na nag-aayos na doon. Pinag-mix niya ito ng cocktail drink na walang alcohol. Siya naman ay simpleng orange juice lang ang ginawa. Pagkatapos ay sinamahan niya ito sa labas ng Bar Counter, at umupo sa isang bakanteng high chair.           “Chaia,”           “Hmm?”           “Nasaan ang pamilya mo?”           Napatingin siya dito matapos niyang marinig ang tanong nito. Saka malungkot na ngumiti. Umiling siya. “Sa totoo lang, ulila na ako. I mean, ‘yung Mama ko na kasama ko ngayon. Stepmother ko siya. Ang totoong Mama ko, matagal ng pumanaw. Tapos ilang taon na rin ang nakakalipas, iniwan na rin ako ng Papa ko. Naiwan ako sa pangalawang asawa niya saka stepsister ko.”           “I’m sorry to hear that. Hindi na dapat ako nagtanong.”           “Hindi, okay lang.”           “Pero, maayos naman ang trato nila sa’yo?” tanong nito.           Hindi agad siya nakasagot. Kung sa Mama niya, wala siyang problema. Pero paano ba niya sasabihin ang lihim nilang hidwaan ng Ate Macy niya.           “Chaia, does that mean?”           “Ay hindi!” mabilis niyang sagot. “O-okay lang kami. Ang ibig kong sabihin, maayos naman ang trato nila sa akin. Lalo na ng Mama ko, pati ng, A-ate ko.” Pagdadahilan niya.           Lihim siyang napabuntong-hininga. Sana, totoo lahat ng sinabi niya na magkasundo sila ng Ate niya. Hindi lang kasi niya maintindihan kung bakit noon pa man ay mabigat na ang trato nito sa kanya. Kapag nasa labas sila, ayaw nitong magpapatawag ng Ate sa kanya. Ayaw daw nitong malaman ng ibang tao na may kapatid itong gaya niya. Kaya noon pa siya napapaisip, ano bang mali sa kanya? May nagawa ba siya noon na naging dahilan upang maging mabigat ang loob nito sa kanya?           Hindi niya namalayan na tumulo ang luha niya sa isang mata. Napapitlag siya ng biglang dumukwang si Karl palapit sa kanya, dahilan upang mapaatras siya at mawalan ng balance. Napahiyaw siya dahil sa napipintong pagbagsak niya ngunit, mabilis siyang nahawakan ni Karl sa braso at nahila siya nito palapit dito. Hanggang sa namalayan na lang niya na yakap na siya nito.           Mabilis na pumintig ang puso niya. Agad na umahon ang kaba sa kanyang dibdib. Narito na naman ang mahiwagang damdamin na iyon. Bakit nga ba madalas na nangyayari ang ganoong sitwasyon sa kanilang dalawa?           Hindi pa man din siya nakakabawi sa aksidenteng pagkakayakap nito sa kanya. Nang maramdaman niyang ilayo siya nito mula sa dibdib nito. Pagkatapos ay tinitigan siya nito ng husto. Alam niyang namumula na siya ng mga sandaling iyon dahil sa pag-iinit ng magkabilang pisngi.           “Ba-bakit?” kandautal na tanong niya.           Nahigit niya ang hininga ng ilapat nito ang dalawang palad nito sa magkabilang pisngi niya.           “A-ano ‘yang gi-na-gawa mo?” utal na naman tanong niya. Paano nga ba siyang hindi mauutal? Kung ganoon na malakas ang kabog ng dibdib niya, at malapit ang mukha nito sa kanya. Kung saan kitang kita niya ang kulay tsokolateng mga mata nito na mataman nakatitig sa kanya.           “Shh! Stay still. It will help you warm up a bit.” Paanas na sagot nito.           Warm? Tama. Warm nga ang nararamdaman ng puso niya ngayon, dahil sa ginagawa nito. Saka lang niya napagtanto na nanlalamig pala ang mga kamay niya at mga braso dahil sa lakas ng aircon sa buong Bar.           “Ang hina mo yata sa lamig ngayon.” Sabi pa nito habang nakalapat pa rin ang mga palad nito sa magkabilang pisngi nito.           “Ah, ano. Kasi, ‘yung aircon. Masyadong malakas, saka konti lang…ang…tao. Kaya siguro, nanlalamig ako. Tapos, malamig…pa…ang…iniinom ko.” Pangangatwiran niya. Gusto niyang kagatin ang dila niya dahil ayaw pa rin tumino ng pagsasalita niya.           Tumango ito. “Are you okay?” tanong nito. Nang matapang na salubungin niya ang mga tingin nito, saka lang niya nakita na may kung anong emosyon doon. Hindi lang niya mabasa ng maigi kung ano ‘yon. Sabagay, nagtataka pa ba siya kung hindi niya maipaliwanag iyon. Kung ang sariling damdamin nga niya ay hindi niya maintindihan.           Tumango siya. “Oo. Okay na ako.” Sagot niya.           Ngumiti ito. Isang bagay na siyang nagpatunaw sa puso niya.           Oh no! Ano ‘tong nararamdaman ko? Bakit mabilis ang t***k ng puso ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD