"Kamusta?" nag-aalalang tanong ni Thesa.
Napabuga ako ng hangin. "Galit yata eh. Akala bisita ko lang si Julian. Hindi niya alam na bagong employee," bulong ko.
"Aw. Naku, matandain si Sir. Nagtatanim ng galit 'yan," babala ni Thesa.
Napatakip ako ng bibig. Sumenyas ako na babalik na ko sa station ko. Tumango naman si Thesa.
Pabagsak akong naupo sa swivel chair ko saka nanghihinang sumandal.
"What happened?" curious na tanong ni Leslie.
"Napagkamalang bisita ko lang si Julian at bawal daw 'yon. Sabi ko di ko siya ordinaryong bisita kundi start niya ngayong araw as employee dito." Nakahinga na rin ako nang maluwag. Akala ko'y may mali na akong nagawa sa trabaho ko.
"Ah, akala ko kung ano na. Kinabahan ako para sa 'yo. Tara na, lunch break na," aya ni Leslie sa amin.
Dumaan sa tapat ng station ko si Luke. "Napagalitan ka?" tanong nito.
Umiling ako at ngumiti nang alaganin. "Hindi naman. May itinanong lang."
Tumingin si Luke kay Julian, nag-abot ng kamay dito. "Luke, Pare."
Inabot din ni Julian ang kamay. "Julian."
"Tara na, Leslie, Clarisse, lunch na tayo," aya ni Luke.
"Sige, susunod na ako. Tatapusin ko lang 'tong last part ng research ko." Saka ako nagbalik ng tingin sa monitor.
Naglabasan na ang staff para mag-lunch.
Bumulong sa akin si Julian. "Saan ba pwedeng makapag-usap tayo nang walang makikinig sa atin?"
"Sa rooftop siguro? Magandang tumambay ro'n."
"Tara," aya ni Julian sa akin.
Umakyat kami ng rooftop na nasa 35th floor. May pahingahan dito, may ilang puno na itinanim, at bench na nakakalat sa rooftop. Hindi typical na rooftop kagaya sa ibang building. Hindi rin basta-basta pwede kang mag-suicide kung maiisipan mo dahil mataas ang bakod at may fence.
"Ang ganda pala rito, pero parang walang nagpupunta," saad ni Julian.
"May isa pa kasing ganito, sa may cafe sa 12th floor, karugtong ng cafe iyong garden. Mas maraming tumatambay ro'n." Malilim, mukhang uulan, malakas din ang simoy ng hangin. "Ano nga pala ang sasabihin mo? Saka marami akong tanong nga pala."
"Iyong sasabihin ko na ang sagot sa mga tanong mo." Umupo si Julian sa bench sa tabi ko pero may dalawang dangkal ang distansya pagitan namin. Magalang na lalake. Marunong rumespeto sa personal space ng babae. "Tumawag ako sa Headquarters para magtanong ng ilang information tungkol sa office n'yo. May ilan na silang nahalungkat, hindi lang ikaw ang na-stalk dito. May nauna na sa 'yo."
Napatuwid ako nang upo sa pagkagulat. Dinukot nito ang phone at pinakita sa akin ang larawan ng isang babae. "Tingnan mo kung ano ang pagkakapareho n'yo."
Minasdan ko ang babae. Maganda, medyo bilugan ang mga mata, mahaba ang pilik, matangos ang ilong at mapupula ang mga labi. Pareho kami ng buhok, mahogany, parang halos pa-pula na... mahogany hair... nagtatanong ang mga mata kong napatingin kay Julian.
"Yes, pareho kayong may mahogany hair. Dati rin siyang nagtratrabaho rito bilang admin staff, last year lang. Muntik na siyang dukutin ng stalker niya habang pauwi sa apartment. Hindi niya nakilala kung sino dahil nakasuot ng maskara ang lalake. Nakaligtas lang siya dahil saktong dumating ang boyfriend niya at nakipagbunuan sa offender, tapos nakatakas ang salarin. Nag-report sila sa station namin about that incident. Stalker daw niya ang may gawa no'n. Lahat ng gawin niya, messages, email, suot niya, lakad niya, social media—alam ng stalker. Nag-resign siya sa hinala niyang taga-rito ang stalker niya pero hindi roon nagtapos 'yon, ayun nga, nangyari 'yung halos dukutin na siya."
"Pwede ba natin siyang puntahan mamaya? Gusto ko siyang makausap!" Nasa tono ko ang desperada na sa paghahanap ng makakatulong sa akin.
Umiling si Julian. "Wala na siya rito. Hindi namin makontak ang number na bigay sa amin noon. Ang huling sabi niya no'ng nag-report sila ng boyfriend niya ay mag-a-abroad na lang daw siya para makalayo sa stalker niya."
Napabuga ako ng hangin. Hindi ako makapaniwala. Kung gano'n, posibleng dahil sa buhok ko kaya niya ako napansin? "Do I need to change my hair color?" Sayang dahil type ko ang hair color ko pero wala naman akong choice, kung kailangan talagang palitan ay gagawin ko, maglaho lang ang pesteng stalker ko.
"Nasa sa 'yo 'yon, pero hindi tayo siguradong iyang buhok mo ang nakapagpa-trigger sa tililing ng stalker mo, at kung titigil siya kapag nag-iba ang kulay niyan."
Nasabunutan ko ang sarili kong buhok dahil sa kunsumisyon at kaba.
"Huwag kang mag-alala. Babantayan kita. Pamangkin ng Superintendent namin ang kasama kong HR kanina, kaya nakapasok ako agad dito. Kasama mo ako 24/7. Babantayan kita hangga't hindi tumitigil ang stalker mo." Tinapik ni Julian ang balikat ko. "Dadaan tayo mamaya sa psychiatrist na associated ang police department. You may also need an advise from a professional dahil malamang may trauma ka na."
"Mayroon na. Kung alam mo lang kung ano'ng klaseng nerbyos ang nararamdaman ko. Paranoid na nga ako madalas." Napasubsob ako sa mga palad ko saka ako umiyak nang umiyak. Banayad na hinagod ni Julian ang likod ko para pakalmahin ako. Dumukot ito ng puting panyo sa bulsa saka inabot sa akin, at tinanggap ko iyon. Ang gaan sa pakiramdam na may malalabasan ng sama ng loob at problema.
Gusto ko nang matapos ang problema ko sa stalker ko, at gusto ko siyang makulong o di kaya'y madala sa mental hospital kung saan siya nababagay! Naaapektuhan na ang pang-araw-araw na buhay ko at natatakot na ako kahit sa simpleng bagay lang. Baka pati ako'y masiraan na nang tuluyan ng ulo.
It was comforting knowing someone is protecting me. Pakiramdam kong ligtas ako ngayong nasa paligid ko si Julian.
Parang gusto ko tuloy hilingin na huwag munang mahuli ang stalker ko para patuloy akong bantayan... wait, ano ba 'tong pinagsasabi ko? "Halika na, lunch na muna tayo, medyo nagugutom na ako," aya ko kay Julian. Gutom lang siguro ang nararamdaman ko. Ayokong isipin na nagkakagusto na ako sa kaniya. Masyado akong maraming iniisip at pinoproblema sa ngayon. Isa pa, mukhang malabo na magkagusto sa akin ang pulis na ito.
"Let's go. Nagwawala na rin ang mga alaga ko." Tumawa si Julian. Nice set of teeth he has. Ipinilig ko ang ulo ko. Nababaliw na yata ako. Nahahawa na ba ako sa stalker ko?