CHAPTER 1

1110 Words
"ANG galing mo talaga, Kapitan! Walang kahirap-hirap na napaamin mo si Boy Duling." Isang matipid na ngiti lang ang iginanti ni Jared sa mga tauhan niya na sumalubong sa kaniya pagkalabas niya ng interrogation room. Nagpalakpakan pa ang mga ito tanda ng paghanga sa kaniya. "Kaya lalong sumisikat itong presinto natin, eh. Dahil may Police Captain tayo na ilang minuto pa lang nahuhuli ang kriminal, napapaamin kaagad," pagmamalaki pa ng isa sa mga tauhan niya na si Police Officer One o PO1 Jake Manlanat. "Oo nga. At magaling pa sa bakbakan," pagsasang-ayon ng lahat. "Kaya hindi na nakapagtataka kung una ka sa listahan ng mga kandidato na papalit sa puwesto ng hepe natin kapag nag-resign siya." Binalingan ni Jared ang nagsalitang si PO3 Mark Santiago. "Alam mong hindi mahalaga sa'kin ang promotion. Dahil naniniwala ako na wala sa taas o baba ng posisyon ng isang police ang tagumpay. Kahit ano pa man ang ranggo mo, basta mahal mo ang bayan, magagampanan mo nang maayos ang trabaho." Muling nagpalakpakan ang mga tauhan ni Jared. Simula pa man noong simpleng police officer pa lang siya ay umaani na siya ng papuri mula sa mga kasamahan niya, mataas o mababa man ang ranggo. Hindi lang dahil sa husay at galing niya sa pakikipaglaban kundi higit sa kaniyang prinsipyo. Bagaman at may mangilan-ngilan na inaayawan at kinakantiyawan siya. Hindi raw niya ikayayaman ang prinsipyo niya. Pero tinatawanan lang ni Jared ang nagsasabi ng ganoon sa kaniya. Sa simpleng buhay lang ay masaya na ang binata. Hindi niya hinangad na yumaman, lalo na kung galing sa masamang paraan. Lahat ng achievements na naabot ni Jared sa kaniyang trabaho ay malinis niyang nakuha at totoong pinaghirapan. Naging Police Captain siya na kahit kailan ay hindi ipinagpalit sa pera ang kaniyang dignidad. Bukod doon ay may taglay siyang galing sa paghawak ng baril at martials arts na mahirap tumbasan ng mga normal na pulis. Kilala si Jared na tirador ng malalaking sindikato, at walang kinatatakutan. Para sa kaniya, ang batas ay walang sinisino: mahirap man o mayaman, kaaway man o kaibigan, at kadugo man o hindi. Kahit mga matataas na opisyales ng gobyerno, basta lumabag sa batas, binabangga niya. Nang magsibalik sa trabaho ang mga tauhan ni Jared ay kinausap niya uli si PO3 Mark Santiago. "Siguraduhin mong makakakuha agad tayo ng warrant of arrest para sa mga kasabwat ni Boy Duling. Baka makawala pa ang mga hayop na 'yon." Si Boy Duling ay leader ng isang sikat na 'akyat-bahay' gang sa buong Iloilo. Nagpapalipat-lipat ng bayan ang mga ito kaya mahirap mahuli. Kamakailan lang ay ang bayan nila sa Oton ang biniktima ng mga ito. Huli na nang mag-report ang may-ari ng bahay kaya hindi agad nahuli. Pero nakuhanan ng CCTV ang pagnanakaw at nasiguro nilang grupo nga ni Boy Duling ang mga suspek. Sa follow-up operation nila ni Jared kanina ay natunton ang pinagtataguang bahay ng grupo, sa tulong ng isa ring CCTV footage. Nahuli si Boy Duling at mga kasamahan nito. Pero alam nilang may kasabwat pa ang mga ito na mga kababayan nila. Ngunit agad ding ikinanta ni Boy Duling nang malamang siya si Kapitan Salvador. "Walang problema, Kapitan. Siguradong kahit si Judge ay gustong-gusto rin na makulong ang grupo ni Boy Duling." Kamag-anak ng biktima ang judge na nagsa-sign ng warrant of arrest. Mayamaya pa ay iniwanan na ni Jared ang kausap nang dumating ang isa sa mga police detectives niya at matalik na kaibigan. Ito ang kasama niya ngayong nag-iimbestiga sa pagpatay sa isang journalist. "Good news, Kapitan," nakangiting salubong sa kaniya ni Alex. "Natagpuan ko na ang photographer na nakaakto sa krimen. Kailangan na lang natin siyang kumbinsehin para maging testigo. Sa tingin ko, ikaw ang gusto niyang makausap bago niya ibigay ang mga litrato." "Mabuti naman kung ganoon, Palma. Kailangan na natin siyang makausap sa lalong madaling panahon. Para mailagay na siya sa Witness Protection Program." Masayang inakbyan ni Jared ang kaibigan. "At dahil diyan, ililibre kita ng isaw." "Kuripot ka talaga! Hindi ba puwedeng pork barbecue naman?" Tinawanan lang ni Jared ang pagrereklamo ng kaibigan. "SANA ma-resolve na natin ang kaso ni dela Cruz bago ako ikasal, pare." Bago tumungga ay nilingon muna ni Jared si Alex. Nasa bakuran sila ng kaniyang bahay habang inuubos ang tig-iisang bote ng beer na inilabas niya at pinamulutan ang binili niyang isaw at ulo ng manok. Balik sila sa kaswal na turingan kapag wala sa trabaho. Si Alex ay kaibigan na ni Jared simula pa lang noong high school siya. Magkaklase sila. Pero nagkaproblema sa pinansiyal ang mga magulang nito kaya huli na nakapag-college at pumasok sa NAPOLCOM. Noon pa man ay marami na ang nagsasabing parang kambal daw sila—Magkasingtangkad at pareho ang bulto ng katawan. Pati ang gupit ng buhok at klase ng pananamit ay iisa rin. Sa mga mata lang sila nagkakaiba. Medyo singkit si Jared at bilugan naman ang kay Alex. "Sabi ko naman sa'yo na ipaubaya mo na sa'kin ang kaso ni dela Cruz, eh. Isang linggo na lang at ikakasal ka na." Inubos ni Jared ang isang stick ng isaw bago tumungga uli ng alak. "Dapat nag-file ka na ng vacation leave." Tumawa nang pagak si Alex. "Alam mo namang ayaw kong umalis na may naiiwanang trabaho. Mabuti na lang at understanding si Karen," tukoy nito sa mapapangasawa. "Masuwerte ka nga sa kaniya, eh. Dahil okay lang sa kaniya kahit siya na halos ang nag-aasikaso ng wedding preparations n'yo." "Mas masuwerte siya sa'kin. Dahil guwapo na, aba'y, magaling pang police," biro ni Alex, sabay tawa. "Maghintay kang matauhan si Karen at mapag-isip-isip niyang nagkamali pala siya sa'yo." Nagkatawanan silang dalawa. Pero ang totoo, mas masuwerte si Karen sa kaibigan ni Jared. Dahil totoong mabait ito at matinong alagad ng batas. Kaya nga lalong tumibay ang pagkakaibigan nila, eh. "Ikaw, pare? Kailan mo balak mag-asawa?" kapagkuwan ay tudyo sa kaniya ni Alex. "Trenta ka na next year, ah." Ngiti lang ang isinagot ni Jared dahil alam niyang alam naman ng kaibigan niya ang rason kung bakit hanggang ngayon ay single pa rin siya. Takot na siyang makipagrelasyon. Sa tuwing nagkakaroon kasi siya ng nobya ay lagi na lang siyang inuudyukan na iwanan ang propesyon. Katulad na lang ng nauna niyang tatlong girlfriend. Kesyo delikado raw at baka mamatay siya nang maaga. At hindi kayang i-give up ni Jared ang pagmamahal niya sa bayan. Hindi bale nang tumanda siyang mag-isa basta masaya. Okay na sa kaniya iyong paminsan-minsan ay may nakaka-fling siya at pareho nilang naibibigay ang pangangailangan ng isa't isa. "Mag-aasawa ako kapag nakita ko na ang babaeng kayang tanggapin ang kung sino ako," sagot niya pagkalipas ng ilang sandali na ikinatawa lang ni Alex.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD