RULES OF FRIENDSHIP

4229 Words
Huminga ako ng malalim. Nangangatog pa din ang tuhod ko kahit nakaupo na ako sa harap nila. Nakatingin ako kay Lexi. Inilabas ko ang dala kong ferrero rocher. "Sorry na, please?" bulong ko kay Lexi. Itinulak ko ang chocolate sa harap niya. Kinapa ko ang isa pang ferrero rocher sa dala kong paper bag. Hawak ko na iyon ngunit hindi ko alam kung paano ko iyon ilalabas. Ni hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kung ibibigay ko na iyon sa kaniya. Tinignan ko si Jino na noon ay nakatingin sa ibinigay kong chocolate kay Lexi. May kung ano sa tingin niya na hindi ko maintindihan. Sumilay ang ngiti sa labi ni Lexi. Paano ba 'to? Anong sasabihin ko kay Jino? Bakit ang hirap namang gawin yung noong kagabi lang ay simpleng plano ko. Bakit ako kinakabahan ng ganito! Huminga ako ng malalim. Bahala na! Ngunit nang iaangat ko na sana ang chocolate na nakalagay sa paper bag na dala ko ay bigla siyang tumayo. Muli kong binitiwan ang chocolate sa paper bag. "Hindi ko na kayang pigilan pa e." tumayo siya. Nagmamadaling umalis. Nataranta na ako. Nagkatinginan kami ni Lexi ngunit sandali lang iyon. Alam kong nahalata ni Lexi ang pagtataka sa aking mukha o puwede ding sabihing pagkabahala. Nandito na ako e, ako na yung unang lumapit. Gusto ko nang makipag-ayos. Ayaw ko na ding matakot pa kay Jino. Saka tinulungan niya ako laban kina Philip kaya kailangan ko siyang pasalamatan. "Sandali lang ha?" pabulong kong paalam kay Lexi. "Saan ka din pupunta?" tanong niya. Hindi ko na siya nilingon dahil nakapako ang tingin ko sa nakalabas na sa canteen na si Jino ngunit sinagot ko siya. "Diyan lang." Binilisan ko ang aking paghakbang. Marami akong nakakasalubong na katulad kong mag-aaral ngunit nakatuon ang tingin ko sa hinahabol kong si Jino. "Hoy! Sandali lang! May sasabihin lang ako! Hoyyyyy!" sigaw ko. Alam kong narinig niya ako ngunit hindi siya lumilingon sa akin. Mas binilisan pa lalo niya ang paglalakad. Nanadya ba talaga ito? Tumakbo ako. Nang maabutan ko siya ay lakas-loob ko siyang hinawakan sa balikat. Ngunit pagkahawak ko ay mabilis niyang hinawakan at pinilipit ang kamay ko. "Arrayyy! Sige na, okey na ako. Huwag ka lang manakit." Binitiwan niya ang kamay ko nang makita niyang namumula na ako at itinaas ko ang isang kamay ko tanda ng pagsuko. "May sasabihin ka ba?" tanong niya. Nakakainis lang na hindi ko masabi ang salitang "Sorry" o kahit "Salamat". Hindi naman mahirap bigkasin iyon ngunit para sa akin, iyon kasi ang mga salitang hindi ko madalas sinasabi kahit kanino. "Wala ka naman palang sasabihin, e. Sige na!" Pagkasabi niya no'n ay mabilis na siyang naglakad. Takbo lakad din ang ginawa ko para maabutan ko siya. "Hoyyyy! Sasabihin ko na! Hoyyy!" tawag ko sa kaniya habang sinasabayan siya sa mabilis niyang paglalakad. "Sandali lang, hoy!" laylayan na ng uniform niya ang hinawakan ko. Mahirap nang mapilipit uli. Huminto siya. Hinarap niya ako. Itinuro niya ang CR sa likod niya. "Puwede bang pumasok muna ako diyan, hoy? Ihing-ihi na ako e. Kanina pa. Puwede, kung may sasabihin ka maghintay ka na lang sa canteen. Okey lang ba 'yun, HOY! Alam mo naman siguro kung ano ang pangalan ko hindi ba. Makatawag ka naman ng HOY, wagas!" "Sorry" nahihiya kong sagot. "Ikaw kung samahan mo na muna akong umihi." Napayuko ako. "Akala ko kasi... sige sa canteen na lang ako maghihintay. Magsosorry sana lang..." Ngunit nagmumukha na pala akong tanga. Iniwan na ako ng kausap ko kanina pa. Nagmamadali akong bumalik sa canteen. Pawisan. Pagkaupo ko ay humihingal pa ako. Inilabas ni Lexi ang panyo niya at nang inilapat niya iyon sa noo ko ay nahawakan ko ang kamay niya. Nagkatinginan kami. Nataranta siya. "Ako na. Nasa bag ko kasi yung panyo ko e." nahihiya kong pamamasag sa awkward moment namin. "Di ba dapat sa bulsa mo nakalagay ang panyo?" "Hindi ba puwede sa bag? Ayaw ko kasing may bumubukol sa bulsa ko." sagot ko. "Saan ka ba kasi galing? Pinagpapawisan ka tuloy." "Wala, baka lang kasi naiwan ko yung bag kong bukas. Tinignan ko lang." palusot ko. Ilang sandali pa ay dumating na din si Jino. Umupo sa kinauupuan niya kanina. "Feel better?" tanong ni Lexi. Alam pala niyang iihi lang hindi man lang niya sa akin sinabi. Sana pala naging totoo na lang ako at sinabi kay Lexi na sundan ko si Jino. Hindi pa sana ako napahiya. "Oo. Kinilig pa pang ako e." sagot niya nakatingin sa akin. Napalunok ako. Ibibisto pa yata ako ne'to. "Kapag pala matagal mong pinigilan ang ihi at matapos ka, kikiligin ka." Hayyyyy nakahinga din ako ng maluwang. Akala ko... "Ikaw kasi e, sabi ko daan muna ako ng CR tapos ipinipilit mong kaya ko pang pigilan." Kinuha ko ang sandaling pag-uusap nilang iyon para iabot ang kanina ko pa gustong ibigay. Mabilis kong inilagay sa harap ni Jino ang chocolates. Hindi ko siya tinignan habang ginagawa ko iyon ngunit namumula ako. Nag-iinit ang aking tainga. Parang hindi na tumigil ang pamamawis ng aking noo. Yumuko ako ngunit dahan-dahan kong tinignan siya ng patago. Nakikiramdam kung ano ang gagawin o sasabihin niya. Nahuli niya ang mga mata kong patagong nagmamasid sa kaniya. Mabilis kong itinago ang mata ko sa pamamagitan ng pagtaas ko ng aking kanang palad para takpan ang aking mukha sa kaniya ngunit nahagip na muna ng tingin ko ang kaniyang tipid na ngiti bago ko ibinaling kay Lexi ang aking tingin na noon ay natatawa. "Bakit ka natatawa." Sinipa ko siya sa paa. "Aray naman! Bakit ka naninipa?" tanong niya. "E, pinagtatawanan mo ako." sagot ko. Hindi ko pa din ibinababa ang palad ko sa aking noo. Minabuti kong ipangkamot ng pasimple iyon sa aking kilay at panakaw akong sumilip kay Jino na noon ay hinawakan na niya ang inilapag kong chocolate sa harap niya. "Hoy! Akin ba talaga 'to?" tanong niya. "Kung akin ito, bakit mo ako binibigyan nito?" "Oo sa'yo 'yan." "Ihhh hahaha, ang sweet naman" kinikilig si Lexi. "Ano ba Lex! Pareho kaming lalaki, gumaganyan ka!" singhal ko sa kaniya. Lalo tuloy akong namula. "Ang sweet ng chocolate kako, bakit ka ba defensive? Saka di ba pwedeng sweet ka sa kapwa mo lalaki bilang kaibigan?" Sinimangutan ko siya. "Hoy, sa akin mo ba talaga ibibigay ito?" tanong muli ni Jino. Hindi yata siya kumbinsido. "Nilagay ko nga sa harap mo di ba? Bakit ayaw mo ba?" "Sinong tinatanong mo, Romel, ako ba o si Jino? Bakit ka sa akin nakatingin e siya yung kausap mo?" nakangiti si Lexi. "Wala, bakit ba andami mong napapansin?" "Bakit ka ba nahihiya?" balik tanong niya. "Hayan oh, kausapin mo siya, tignan mo ng diretso. I think we need to start over." Kumindat siya kay Jino. Nagkangitian sila. Muli akong yumuko at kinamot ang noo ko para lang maitago ko ng bahagya ang mukha ko. Bakit ba kasi ganito? Kagabi okey lang naman ang plano ko. Dapat astig ang dating ng pagbibigay ko, e. Nasaan na yung tibay ng dibdib ko? Naramdaman kong tumayo si Jino. Pumunta siya sa harap ko. Napahagikgik si Lexi. Lalo akong pinagpawisan. Fuck! Hindi ako 'to ah! Bakit ako nagkakaganito? "Brad, Jino nga pala. Puwede ba kitang formal na makilala? Mas mainam 'yun kaysa tawagin mo ako ng hoy" nakangiting inilahad niya ang kamay niya. Kinamot ko ang ilong ko. Kinakabahan ako at nahihiya. Huminga ako ng malalim para maibsan ang paninikip ng aking dibdib sa hindi ko alam na kadahilanan. "Ro" garalgal ang boses ko. Ano 'to? Pangalan ko lang ang tinatanong saka kilala ko na siya dati pa. Naging mortal na kaaway ko nga siya. Putcha naman oh! Tinignan ko ang kamay niyang nakalahad. Namumula na si Lexi sa katatawa sa reaksiyon ko. "Romel pero Buboy na lang ang itawag mo sa akin." Huh! Hirap no'n ah! Lumusot din at naging diretso ang boses ko. Handshake. "Okey, Buboy. Friends?" may kakaibang dating sa akin ang pagbanggit niya sa pangalan ko. Pinisil niya ng bahagya ang kamay ko. "Okey, friends." Mahinang tugon ko. Mabilis kong binawi ang kamay ko. Tumayo si Lexi. Inakbayan kaming dalawa. "Hayun! Sobrang saya naman ne'to. Nagkasundo din ang aso't pusang mga friends ko. Group hug na then, dali!" Dahil sa mahigpit at malakas niyang paghila sa amin para yakapin ay hindi sinasadyang tumama ang aking pisngi sa labi ni Jino. Naramdaman ko ang init ng pagdantay no'n. Ang kakaiba nitong lambot. Hindi ko gusto ang pagtayo ng balahibo ko at parang pagkakuryenteng naramdaman ko. Ayaw ko! Alam kong naramdaman din iyon ni Jino kaya nang bumitaw sa amin si Lexi ay malikot ang mga mata niyang bumalik sa kaniyang upuan. "Favorite ko 'to. Salamat Boy." Si Lexi binuksan niya at kumuha ng isa. "Ako din favorite ko 'to." nakita kong kumuha din si Jino sa ibinigay ko kay Lexi ngunit hindi nakalusot iyon sa paningin ng isa. Bago siya makakuha ay tinapik na nito ang kamay niya. "Eto naman, babawasan pa ang akin e, may ibinigay naman sa'yo." "Sorry, baka lang lulusot. Isa lang naman e! Damot." Napangiti ako sa kanila. Tumingin sa akin si Jino. "Thank you dito Boy ha? Nanghihinayang akong buksan at bawasan kasi e." "Bakit naman?" tanong ko. "Wala lang. May sentimental value kasi siya. Peace offering mo yata ito sa akin." "Drama mo, Ino! Hindi bagay." Itinapon ni Lexi ang gold wrapper ng chocolate sa mukha ng nagdadramang si Jino. "Hindi 'yan dekorasyon no. Chocolate yan, kinakain. Kung ayaw mo, para di masayang, ibigay mo sa akin." "Binigay ko yan dahil nagpapasalamat ako sa pagtanggol mo sa akin. Mabuti dumating ka kahapon. Saka sorry na din sa mga di magandang nangyari sa atin." Mahina kong sinabi. Sa wakas nasabi ko din iyon ng diretso. "Isa din 'to. I hate drama! Kalalaking mga tao huh!" si Lexi. Ngumunguya ng chocolate saka siya ngumisi sa amin na tinakpan ng chocolate ang ngipin niya sa harap. Natawa kaming dalawa ni Jino sa hitsura niya. Pasimpleng tinapik ni Jino ang kamay ko. "Okey lang 'yun brad. Sagot kita!" kinindatan niya ako. Doon na nagsimula ang pagkakaibigan naming tatlo. Isang pagkakaibigang lalong bumuo sa mabuti kong pagkatao. Inilabas ng pagkakaibigang iyon ang nakatagong ako. Sila ang tumulong sa akin para makilala ko ang sarili ko, para malaman kung ano ang mga kakayahan ko. Iyon ang nagbigay daan sa akin para muli kong matutunang buksan ang sarili ko sa ibang tao. Magiging masaya. I-enjoy ang kabataan. Iyon ang laging sinasabi sa akin ni Lexi. Kailangan daw laging masaya ang bawat araw dahil minsan lang pagdadaanan ang bawat sandali at hindi na maarng balikan pa. Mas mainam pa din daw na nakangiting aalahanin ang nakaraan kaysa bumuntong-hininga dahil sa pagsisisi. Kahit magkaedad kami ay para siyang matanda kung mangaral. Pinipilit ako ni Jino na ituloy ang pag-aaral ko ng Taekwondo pero nawalan na ako ng gana. Lalo pa't ipinaunawa naman niya sa akin na hindi dapat ako mag-aral ng taekwondo dahil lang sa gusto kong maging mas malakas sa pakikipagsuntukan. Pero sa totoo din lang, may isang bagay kung bakit ayaw ko nang magtaekwondo, iyon ay dahil gusto kong iwasan yung kami lang dalawa ang madalas magkasama. Ayaw kong magiging sobrang close kami. Gusto kong lagi lang nandiyan parin si Lexi. Mas panatag ang loob ko. Nawawala ang nararamdaman kong pagkaasiwa. Tama sila nang sinabi nilang dapat kong pinagbubuti at pagtuunan kung saan ako mas nag-eenjoy. Kung saan sa tingin ko ang mas nagbibigay sa akin ng totoong saya. Tuwing Sabado kasi, sina Tito Carl at Tito E-jay ang kasama kong naglalaro ng Tennis. Kapag hapon naman ng Linggo sina Papa Zanjo at Papa Pat ang kalaro ko ng basketball. Naging madalang na nga ang pakikipaglaro ko sa kanila habang lumalaki ako dahil madalas akong tamaan ng toyo sa utak pero napapakiusapan pa din naman nila ako. Sina Jino at Lexi ang nagpush sa akin para sumali sa Basketball Team ng aming school at ako din ang naging representative ng aming school sa Tennis. Malakas si Jino sa Principal at coach namin kaya madali sa akin ang makapasok sa Team pero naniniwala din naman akong may kakayahan din naman talaga ako. Iyon ang pinatunayan ko sa pagkapanalo ko ng madalas kapag may school competition. Kaya kahit late na ako na pumasok bilang athlete ng school namin ay humabol pa din naman ako. Sa akin ang Sports, kay Lexi ang Journalism at kay Jino ang Academic at Leadership. Dahil sa kanila nabago ang mundo ko. Nakilala ako bilang pambato sa Basketball at Tennis. Sa pagdaan ng ilang buwan, ibang Romel na ang turing sa akin ng mga kamag-aral ko. Tumaas ang tingin nila sa akin. Nakilala din ako. Dumaan ang ilang buwan na ganoon ang set up naming tatlo. Kami ang magkakasama sa Recess. Kaming tatlo ang palaging magkakasamang naglalaro sa loob ng school. Pataasan kami ng score sa mga games sa ipad namin. Laging nasa tabi ang isa't isa kapag may sinasalihang competition. Biruan. Tawanan. Pikunan at madalas ang lagi naming napapaiyak ay si Lexi. Ngunit hug lang naman ang katapat no'n o kaya ay paulit-ulit na pagsosorry hanggang okey na naman siya. Madalas kaming nag-uusap sa malapit na Park sa school namin. Tuwing wala kaming pasok doon kami lagi nagtatambay. Naglalaro ng scrabble. Nakakahiya man ngunit madalas akong talo ngunit kung nakakadugas sa pagbunot ng Z o X at tumama sa triple word, doon nila ako hinahangaan. Paulit-ulit nga lang ang word kong Box sa X at Zero sa Z. Para manalo kailangan kong daanin sa pagdugas sa bunot ng letters. Isang malaking disgrasiya para sa akin kapag nabubunot ko ang Q. Madalas na lang napapanis sa akin o ibabawas ang 10 points sa score ko. Sila ang nanghihinayang na hindi iyon nagamit. "Anyare sa Q? Bakit hindi lumalabas?" si Lexi. "Nasa akin. Hindi ko magamit e. Wala akong maisip na word." Pabulong kong sagot. "Marami ah, quack, queen, quirk, qats" si Jino. "Gusto mo tulungan kita?" tanong niya. "Huwag na, kaya ko 'no. Kapag manalo ako sasabihin mo na naman na kung wala kang tumulong di ako manalo." Paninindigan ko. "Pwede ding Quit, quey, quelot..." nakangiting sinabi ni Lexi. Pinag-isipan ko ang sinabi niyang words. Wala talaga. "Oo no, try mo din queso, querida, quendeng..." seryoso ding pagpapatuloy ni Jino. "Hayun, tama . Pasok ang queso ko!" napapasuntok pa ako sa hangin bago ko inilagay iyon sa triple word. "Yeh whoooooh! Panalo na ako mga bespren!" pagmamalaki ko. Nagkatinginan sila. Sabay ding humagalpak ng tawa. "Bakit?" naguguluhan kong tanong. "Kung sana Tagalog ang laban panalo ka na. Queso? Pinaarteng K-E-S-O?" natatawa si Lexi. "Di ba sabi mo, pwedeng queso?" tanong ko kay Jino. Sabay silang humagalpak muli ng tawa ni Lexi. At noon alam ko na pinagtritripan na naman ako ng dalawa. Porke sila ang magaling sa academic. Nag-init ang batok ko. Ginulo ko ang nabuo naming words. Itinaob ko ang board. "Wala e, lokohan na pala 'to." seryoso kong sinabi. Natigilan sila. "Dahil ba ako ang pinakabobo sa inyong dalawa?" Tumalikod na ako at naglakad palayo. Ngunit hindi palang ako nakakalayo nang bigla na lang akong hinabol at binuhat ni Jino. Oo mas malaki ang katawan niya sa akin dahil payat din naman talaga ako ngunit hindi ko aakalaing gagawin niya iyon sa akin. "Ano ba! Bitiwan mo nga ako!" nagwawala ako. Namumula sa hiya. "Aalis ka at magtatampo na naman tapos di mo kami iimikan hanggang bukas. Di ka sasagot sa text o sa tawag o kahit message lang sa f*******:?" "Ha Ha Ha! Paupuin mo 'yan dito bilis! Akala niya basta lang siya makakawala! Pagtulungan natin yang kilitiin!" sigaw ni Lexi. Pagkababa sa akin sa damuhan ay sabay nila akong kiniliti. Ngunit nang nahawakan ko si Lexi ay hindi ko na siya binitiwan. Niyakap ko siya. Nagpagulong-gulong kami. Hanggang sa nasa ibabaw na niya ako. Tumigil siya sa katatawa. Natigilan din ako nang naramdaman kong lapat na lapat ang aming katawan. Mahigpit akong nakayakap sa kaniya at amoy namin ang hininga ng isa't isa. Halos maglapat na din ang aming mga labi. Mabilis akong bumangon. "Sorry Lex." Bulong ko. Hinawakan ko ang palad niya at tinulungan ko siyang bumangon. "It's okey. Nagkakasiyahan tayo e." sagot niya. Matipid ang ngiti. "Kamay ko pala." Nahihiya niyang binunot ang kamay niyang hawak ko. "Sorry." Nahimasmasan ako. Nilingon ko si Jino. Nakatingin sa aming dalawa ni Lexi. Tinging madalas kong makita sa kaniya sa tuwing nagkakasiyahan kaming dalawa ni Lexi. Tinging hindi ko maintindihan. Kung lumiliban si Lexi sa klase ay ako ang umiiwas kay Jino. Hindi ko alam kung bakit ako naasiwa kung dalawa lang kami ang magkasama. Ngunit may pagkakataong dinaanan niya ako bago palang ako lalabas sa aming classroom kaya wala akong kawala. Kailangan kong sumabay magmiryenda sa kaniya. "Kapag ba wala si Lexi, hindi na din tayo puwedeng magkasama o magkaibigan?" tanong niya. "Puwede naman." Isang tanong, isang sagot lang ako. Katahimikan. Kumakain kami noon ng spaghetti at nakita kong may sauce sa taas ng labi niya. Hindi ko alam kung paano iyon sasabihin sa kaniya. Idinaan ko lang sa ngiti. Tuloy para lang kaming tanga. Nagkakangitian. Nagkakahiyaan. Parang may mali. May hindi tama. Hindi ba talaga kami click bilang magkaibigan? Kung kay Lexi iyon baka kanina ko pa iyon pinunasan na hindi ko kailangang sabihin pa sa kaniya. Bakit kay Jino ni hindi ko magawang sabihan siya. Ngiti lang ako at pinunasan ko ang bibig ko ng tissue. Ngiti uli habang nakikiramdam at naghihintay na gagawin din niya ang ginawa ko. Ngumiti lang din siya. Para lang tuloy talaga kaming tanga. Bakit ba ako nahihiya kasi sa kaniya? "May ano, sa ano mo?" tinuro ko sa taas ng labi niya. "Anong ano?" tanong niya. Kumuha ako ng tissue para punasan dahil kanina pa ako naasiwang nakikita iyon pero nang punasan ko ay sakto namang nakuha na niya ang ibig kong tukuyin. Naglapat ang aming mga kamay. Napalunok ako. Mabilis kong binawi ang kamay ko. "Thank you." Mahina niyang sabi sabay ng nagpapa-cute yata niyang ngiti. Kumunot ang noo ko. Hindi ako nagsalita pero tumango ako. Ang isang ayaw ko pa sa kaniya ay parang binabantayan niya ang bawat kilos ko. Madalas kasi siyang panakaw na nakatingin sa akin at doon ako naasiwa. Laging nakapako ang kaniyang mga mata sa aking mukha. Kaya madalas din ako napapapunas dahil baka lang may dumi din sa mukha ko na nahihiya din lang siyang magsabi. Kung nahuhuli ko siyang nakatingin sa akin ay mabilis naman niyang binabawi ang kaniyang tingin. Bakit ganoon? Anong meron sa mukha kong lagi niyang tinitignan? "Magkuwento ka naman, tungkol sa'yo, sa pamilya mo?" tanong niya. "Ayos lang." sagot ko. "Ako ayaw mong tanungin? Alam mo kasi yung..." "Okey na 'yun." Sagot ko. Gusto kong putulin na ang usapan tungkol sa pamilya. "Anong okey na?" nalilito niyang tanong muli. "Okey na yung ganito. Friends. Huwag na lang pag-usapan ang pamilya ko o ang pamilya mo. Alam kong narinig mo na dalawa ang daddy ko, sana huwag na lang pag-usapan, pwede?" Huminga ako ng malalim. "Okey. Sorry." Yumuko na siya. Parang napahiya. Hindi ako proud na ikuwento sa kaniya na lumaki ako na may dalawang lolo na Papa ang tawag ko dahil iyon ang gusto nila, parehong Daddy ang tawag ko sa mga magulang ko na ni isa sa kanila wala akong kadugo. May mga tito ako pero ganoon din ang status ng relasyon nila, bakla sa bakla. Doon lang sa lolo at lola kong nasa Tanay ako proud dahil sila ang tunay kong kadugo. Ang tunay kong Daddy, namatay bago ako ipinanganak. Kung tatanungin kung sino ang nanay ko? Hindi ko alam. Sumubo ako ng spaghetti. Tumahimik na din siya maliban sa madalas niyang pagtingin at pagngiti sa akin. "Krrrrrrringggggggggg! Kkkrrrrrrrrrriiiiiiinggggggggg! Tumunog ang bell. Tapos na ang recess. Hay salamat naman. "Tara, hatid na kita sa classroom mo?" "Bakit kailangan mo akong ihatid brad?" nagtataka kong tanong. Mabuti sana kung madadaanan niya ang classroom namin. Ibang building kaya siya. "Kailangan ba laging may dahilan?" tanong niya. "Kailangan bang may hatiran?" balik tanong ko. "Hindi ako si Lexi brad. Lalaki ka, lalaki ako, bakit kailangan mo akong ihatid?" "Okey, sige huwag na. See you around." Inilahad niya ang kamay niya. Naisip ko ang itinuro ni Lexi sa amin na goodbye handshake. Tinanggap ko ang kamay niya. Hinila namin ang aming palad habang nakakuyom ang mga daliri. Nang maglapat ang mga daliri naming nakakuyom ay saka namin pinagtagpo ang aming mga hinlalaki. Naramdaman ko ang panlalamig ng daliri niya ngunit may namumuong pawis sa kaniyang noo. Pinagdadaanan ba niya ang madalas na nararamdaman ko? Laging ganoon kami ni Jino kung dadalawa lang kaming magkasama. Nagkakahiyaan. Ngunit kapag nandiyan si Lexi, buo ang saya. Walang ilangan sa pagitan namin. Malaya naming naihahayag ang gusto naming sabihin at naikikilos ang gusto naming gawin. Bago ang graduation namin sa Elementary at pagkatapos ng dalawang magkasunod na araw na absent si Lexi ay naging masaya muli kaming tatlo. Katatapos lang noon ng aming ensayo para sa aming graduation song at nagmimiryenda kami sa canteen. Naglabas si Lexi ng pasalubong niya sa amin. "Naisip kong dapat magkaroon tayo ng friendship bracelet para masaya. Kaya may pasalubong ako sa inyo. Para exciting, bubunutin ninyo ang bracelet sa paperbag. Iisa ang design ng mga ito pero magkakaiba ang kulay. Good luck guys. Ang maiwan ay akin." Natutuwang sinabi ni Lexi. "Sinong gustong bumunot muna?" "Ako" sabi ni Jino. Bubunot na sana siya pero muling isinara ni Lexi ang paper bag. "Wait! Mas exciting kung sabay-sabay nating titignan ang nabunot natin. Pagkabunot ninyo, itago muna sa likod at isa-isa nating ilatag sa table. Sa silong ng table natin bubunutin at huwag titignan hanggang turn na ninyong ipakita ha?" "Deal!" halos sabay naming sinabi ni Jino. Naunang bumunot si Jino. Kumindat pa sa akin. Bumunot din ako at kasunod si Lexi. Hawak na namin ang bracelet ngunit nanatili naming itinago sa aming likod. "To make it official. Kapag inilabas ang bracelet. Dapat may sasabihin din tayo para sa ating friendship. Kahit tig-isa lang na pangako o kaya rule para hindi tayo magkawatak-watak." Si Lexi uli. Andaming alam na kaartehan. Pangiti-ngiti lang ako. "So, dahil ikaw ang nakaisip niyan. Ikaw ang mauna." Si Jino. "Okey. Kapag sinabi ko ang gusto ko para sa friendship natin, dapat ilagay ninyo sa puso ninyo ang isa ninyong kamay at sabhing deal, okey? Bawal ang KJ." Nilagay namin ni Jino ang isang kamay sa dibdib namin sabay sabing "Deal" "Ayy hindi pa 'yun. Duh! Inilabas ko na ba ang bracelet? Di ba hindi pa? Atat naman kasi kayo eh!" sumimangot siya. Natawa kami ni Jino. "O sige na, joke lang namin iyon. Tampururot ka na naman e." malambing kong bulong sa kaniya. Sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. "Game!" inilabas na niya ang bracelet. Blue ang nakuha niya. Kulay na gustong-gusto ko! "Yeeyyyy! Blue ang akin!" sigaw niya. "Eto na." Inilagay niya ang bracelet muna sa kaniyang dibdib. Huminga ng malalim. "Gusto ko sana walang makakalimot sa atin. Manatili tayong magkakaibigan magkakasama man o hindi. Nagkikita man o tuluyan nang pinaglayo tayo sa isa't isa." Sandaling tumigil siya. Nakangiti ngunit basa ang paligid ng kaniya mga mata. Parang may kung anong emosyon na pilit niyang pinipigilan. "Sana..." garalgal ang kaniyang boses. Hinaplos ni Jino ang likod nito. "Sana, mananatili ang pagkakaibigan natin forever and ever!" Nakita ko ang pagtulo ng luha sa kaniyang pisngi ngunit mabilis niya iyong pinunasan. "Sorry, ako naman yata ang nagiging madrama ngayon. O ang sagot ninyo, asan na!" Inilagay namin ni Jino ang kamay namin sa dibdib namin at sabay namang sinabi ang hinihintay niyang sagot. "Deal!" "Ako na!" si Jino! Excited din siya. "Dyaran!" inilabas niya ang nabunot niyang bracelet at kulay dark green iyon. Halatang nagustuhan niya ang kulay ng kaniyang nabunot. "Yes! I love it, Lex. Thank you!" "Oh ang rule, nasa'n?" si Lexi. "Dapat mahalin natin ang isa't isa. Ipagtatanggol at ipaglalaban kahit anong mangyari. Kahit pa buhay ang magiging kapalit para sa kaligtasan ng isa sa atin." "Antindi naman no'n, pero gusto ko. Buhay para sa pagmamahal sa isang kaibigan. Syempre deal ako doon." inilagay ni Lexi ang kamay niya sa kaniyang dibdib. Tinignan nila ako. Hinihintay akong magsalita! "Uyy ano na?" tanong ni Lexi. "Deal!" sagot ko. "Oh ikaw na, Boy." Nakangiti si Jino. "Ako na! Heto na! Hooooopppssss yaaahhhh!" Natahimik ako. Hindi ko nagugustuhan ang nakikita ko. "Dark Pink ba 'to o Red?" pabulong. Halatang naasiwa ako. "Fuschia 'yan. It is a dark purplish-red color. Bakit ayaw mo?" si Jino. "Parang pink e." "Hindi nga 'yan pink. Sige ganito na lang kung kaya mong gawin ang ipagagawa ko palit tayo, sa akin 'yan, sa'yo ang blue." Si Lexi. Bumalik ang saya sa mukha ko. Gusto ko talaga yung blue. "Kahit ano pa 'yan basta makuha ko lang yung blue." Seryoso kong sagot. "Kahit ano? Sure ka kaya mo?" si Lexi. "Oo naman, ako may aatrasan? Yakang-yaka 'yan." Pagmamalaki ko. "Okey, then. Simple lang." "Sigurado ka simple lang ha." "Oo. Just Spell Fuschia." "Ano?" kumunot ang noo ko. "Spell Fuschia. Ano ba? Ang simple kaya no'n." "Ahh Fuschia ba? Maning-mani naman 'yan. F-U-S-H..." umasim ang mukha ni Jino. Mukhang mali na yata ako. "Ulitin ko ha, F-U-S..." naghihintay sila ng kasunod. "S-H"... umiling si Jino. Tumigil ako. "Okey na. Maganda naman pala 'to. Okey na ako dito sa parang dark pink lang na bracelet." Pagpapalusot ko. Natawa sila. Halatang hindi ko alam ang spelling no'n. Wala akong lusot. "Oh akin na 'yan. Sa'yo na lang ito. Sabihin mo na lang sa amin ang rule of friendship natin." Si Lexi. "Yun e! Yun ang sinasabi ko! Salamat Lex. Hindi mo talaga ako matitiis, ano?" Tumigil ako. "Rule of friendship na!" si Jino. Nag-isip ako. "Ano ba ang sasabihin ko." Tumingin ako kay Jino. Naroon na naman ang tingin niya sa akin. Tinging naaasiwa ako. Tinging makahulugan. "Dapat friends lang. Wala nang mas higit pa do'n. Parang magakakaptid lang tayo. Walang main-love sa sa isa't isa para buo lagi tayo bilang magkakaibigan!" natatawa kong sinabi. Nagkatinginan silang dalawa. Naghihintay ako ng sagot nilang Deal. "May mali ba sa rule na sinabi ko?" tanong ko. "Wala! Deal!" si Jiro ang unang sumagot. "Deal din." Walang ganang sagot ni Lexi. "Okey, deal tayong tatlo! Saya lang!" nakatawa kong sinabi. "Saya nga" ngising asong sagot ni Lexi. Tumayo siya at kinuha ang bag. "Tara na baka hinahanap na tayo." Mahina niyang sinabi at tumalikod. Tumayo din si Jino. Nakatingin sa akin. Mukhang hindi siya masaya. "Ohh anyare do'n? May nasabi ba akong hindi maganda?" "Wala naman. Saya nga eh." Kibit-balikat niyang sagot. Ngumiti siya ngunit halatang pilit lang din iyon. Tinalikuran na niya ako. "Weird ng mga taong to?" bulong ko sa aking sarili. "Dahil ba sa hindi tama ang spelling ko ng Fuschia?" sigaw ko. "Whatever!" sagot ng palabas na si Lexi. "Paano yung handshake natin?" pahabol ko muli. "Gawin mo mag-isa." Sagot ni Jino na hindi nagawang lumingon. Lakas ng topak ng mga 'to. Weird!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD