IF IT'S ALL I EVER DO
CHAPTER 6
Nang sumunod ako sa kanila ay naabutan kong nag-eensayo si Jino para sa Valedictory Speech niya sa bakanteng classroom. Hawak niya ang isang notebook na pinagsusulatan niya ng idinadagdag niya kaniyang speech. Hawak din ni Lexi ang kopya ng original niyang speech na ginawa ng kaniyang advicer. Sa katulad ni Jino na mautak, hindi lang siya doon nakukuntento at naka-focus. Naalala ko pa nang sinabi niya sa amin na humingi daw siya ng permiso sa advicer niya at sa Principal namin na magdagdag siya ng sasabihin bukod sa mga nabanggit doon. Ang mahalaga lang daw naman ay masabi niya lahat ang mga nasa original speech at bahala na siyang magdagdag pa. Ang hawak ni Jino na notebook ay ang speech na kung saan niya inilagay ang buong speech na gusto niyang sabihin sa mismong araw ng aming graduation.
Nilapitan ko ang nakaupong si Lexi na noon ay nakatutok sa pakikinig kay Jino. Di nila ako pinapansin.
"Ang ganda talaga ne'tong blue bracelet na nibigay mo Lex." Mukhang walang narinig. Hinawakan ko ang kamay niyang may bracelet. "Maganda din pala ito ano? anong kulay na uli ito? Fuschia ba? Bagay sa kamay mo, Lex." Pagpapansin ko muli. Hindi siya lumingon.
Hindi rin huminto si Jino sa kaniyang speech. Tuluy-tuloy lang siya.
Inihipan ko ang tainga ni Lexi. Di pa din niya ako pinapansin. Muling kong inihipan. Tumayo siya at lumipat ng upuan.
Tumayo ako na din ako. Nilapitan ko ang noon ay nagsasanay na si Jino. Hinawakan ko ang braso niyang may suot na dark green bracelet.
"Ganda ah! Bagay na bagay sa kulay mo, brad. Lalo kang pumogi. Putcha! Gandang lalaki lang oh!" Paningit ko sa kaniyang speech.
Napansin kong sandaling nawala siya sa kaniyang sinasabi ngunit sandali lang iyon.
Parang wala siyang narinig o naramdaman.
"Sa akin ba maganda din itong blue? Bagay ba sa kamay ko brad?" kinalabit ko siya. "Ano brad, magkasing-gandang lalaki nab a tayo?"
Wala pa din.
Tuluy-tuloy lang siya na para lang akong tanga doon.
Binalikan ko si Lexi. Dumaan ako sa harap niya pero parang walang nakita. Itinapat ko ang mukha ko sa mukha niya. Nandiyang ginagaya ko ang mukha ng unggoy. Kinakalabit, magpapacute, ngingiti-ngiti, tatalon-talon ngunit sadyang pinanindigan na nila ang di pagpansin sa akin. Desperado na ako.
Kinuha ko ang stick sa gilid ng blackboard. Humarap ako kay Lexi. Tinakpan ko ang tinitignan niyang si Jino. Ginawa kong parang gitara ang stick saka malakas kong sinimulan ang pagkanta.
Kaibigan, tila yata matamlay
Ang iyong pakiramdam, (hinawakan ko ang baba niya)
Nakita ko ang unti-unting pagngiti nito. Konti na lang bibigay na siya.
At ang ulo mo, sa kaiisip
Ay tila naguguluhan,
"Psssstttt!" inilagay nilang dalawa ang kanilang hintuturo sa kanilang labi. "Tumabi-tabi ka nga!" sigaw ni Lexi.
"Hayun, napansin din! Ano okey na tayo?" tanong ko.
Wala ng sagot.
Nagpatuloy lang sila sa kanilang ginagawa.
"Matigas kayo ha! Sige tignan natin." Bulong ko sa aking sarili.
Ipinagpatuloy ko ang pagkanta. Lumapit ako sa hindi natitinag na nag-eensayo ng speech. Siya naman ang kinantahan ko. Ginawa kong mas malakas ang aking boses sa kaniya.
Kung ang problema o suliranin
Ay lagi mong didibdibin (Tinapik ko ang dibdib ni Jino, sabay ng paghaplos-haplos doon)
Ay tatanda kang bigla
Pag tumulo ang luha (Inilagay ko ang hintuturo ko sa kaniyang mata pababa sa kaniyang pisngi)
Hahaba ang iyong mukha
Hinawakan ko ang mukha niya gamit ang dalawang palad ko. Napakislot siya. Nagkatinginan kami nang nahawakan niya ang kamay ko na nasa kaniyang pisngi. Ako naman ang natigilan.
At ikaw ang siyang kawawa
"Lipat na nga lang tayo ng room Lex. May nanggugulo dito." Binitiwan ni Jino ang kamay ko.
Naglakad na siya papunta kay Lexi. Tumayo din si Lexi ngunit maagap akong humarang sa pintuang lalabasan sana nila. Pinagpatuloy ko lang ang pagkanta habang ginamit ko na ang huli kong baraha. Dadaanin ko sila sa aking karisma na pagpapa-cute.
Kasama mo ako (itinuro ko ang sarili ko, mala Robin Padilla ang tayo ko.)
At kasama ko rin kayo (umakbay ako sa kanilang dalawa)Sa hirap at ginhawa
Ako'y kagabay n'yo
Tinanggal nila ang kamay kong nakaakbay sa kanila.
At may dalang pagasa (Kinindatan ko sila)Limutin siya, limutin siya
Marami, marami pang iba
"Freak!" sigaw ni Lexi.
Mabilis ding hinawakan ni Jino ang kamay ni Lexi para sabay na silang lumabas at nang dumaan sila sa akin ay nahablot ko ang notebook na hawak ni Jino. Nakalabas na sila no'n. kaya mabilis kong isinara ang pintuan.
"Boy! Kasi naman e! Kailangan ko 'yan!" si Jino.
Nakasilip sila sa bintana.
"Okey na, bati na tayo. Ibigay mo na 'yan." Pakiusap ni Lexi.
"Ito lang pala ang katapat ha? Ano bang laman ng notebook na'to" sinimulan kong buksan iyon.
Lalong nagwala si Jino. Kinakatok na niya ang pintuan.
Umupo ako. Wala pa akong balak pagbuksan sila. Gusto kong maramdaman din yung feeling na sila ang humahabol at nagpapansin sa akin.
Binuklat-buklat ko ang notebook ni Jino habang sila ay hindi magkaugaga sa pakiusap na papasukin sila o ibigay na lang ang notebook.
FLAMES.
Napangiti ako doon. Nagpapaniwala din pala sila sa FLAMES na ito.
Natigilan ako nang mabasa ko ang nasa baba.
Nagtapat ang pangalan ko at pangalan ni Lexi at na-cross-out ang mga magkakatulad na letra sa pangalan niya at pangalan ko. Penmanship ni Lexi iyon.
Napangiti ako.
"May nalalaman pa pala kayong Flames ha!" kantiyaw ko.
"Akin na kasi 'yan please. That's too personal!" pakiusap ni Jino.
"Hindi mo pinunit yung FLAMES na isinulat ko sa notebook mo?" si Lexi. Namumula na siya. Hindi makatingin sa akin ng diretso.
Binasa ko ang nakasulat doon.
"LEXI SANTOS and ROMEL SANTIAGO"
"Boy, naman. Huwag na kasi!" sigaw ni Jino.
Tumahimik at sumuko na si Lexi. Hindi niya masalubong ang mga mata ko.
"FLAMES Result= ENEMY (SAD)"Doon ako napatawa. "May "SAD" pa talaga. Bakit sad e, di ba kalokohan lang naman ito. Di naman totoo ito e!" Umiling-iling akong kantiyaw sa kanila.
Muli kong binuksan ang kabilang pahina.
"Oh my God!" si Jino.
Doon na ako napakunot ng noo. Hindi ko na lang binasa ng malakas ang nababasa ko. Lumakas ang kabog ng aking dibdib. Hindi ko alam kung kailangan kong magalit. Sulat kamay na ni Jino iyon. Hindi na kay Lexi. Hindi ko lang din alam kung alam ni Lexi ang tungkol doon.
JINO REYES * ROMEL SANTIAGO
FLAMES Result= LOVE (YEEEEEYYY!)
Napalunok ako. Ano 'to?
Huminga ako ng malalim.
"Boyyy! Sige na, buksan mo na 'to please?" pakiusap ni Jino.
"Bakit kasi hindi mo pinunit. Di ba sabi ko punitin mo yung page na 'yun?" si Lexi.
"Sorry. Malay ko bang pakikialaman niya ang notebook ko."
Kumunot ang noo ko sa kanila.
Pagkabukas ko ng pintuan ay tinitigan ko siya. Naghihintay ng paliwanag niya kung anong kalokohan ang pinaggagawa niya na pati mga pangalan naming dalawang lalaki ay kailangan niyang laruin sa FLAMES. Ayaw kong isipin na katulad siya ng mga magulang ko ngunit kinukutuban ako. Sana nagkamali lang ako ng hinala.
"Akin na 'yan." Kinuha niya sa kamay ko ang notebook.
Hindi sila makatingin ng diretso sa akin.
Nang makuha ni Jino iyon sa kamay ko ay dinaanan ko silang parang hindi ko na sila kilala. Sumunod sila sa akin pilit sinusuyo ngunit nanatiling nakakunot ang noo ko. Binilisan ko ang paglalakad palayo sa kanila.
Kahit sa huling ensayo namin para sa graduation song namin sa araw na iyon ay pinanindigan kong huwag na muna silang pansinin. Hindi ko lang nagugustuhan ang nabasa ko sa notebook na iyon.
Kinagabihan ay may natanggap akong text galing kay Jino.
"Alam kong kaya ka nagkakaganyan kasi ayaw mo yung tungkol sa FLAMES sa notebook ko? Wala lang 'yun ha. Wala lang kasi akong magawa kaya napagtripan ko lang 'yun. Si Lexi kasi ang naunang naglaro no'n tapos nang umalis siya, sinubukan ko lang din ang pangalan natin para malaman kung ano ang lalabas kapag dalawang lalaki. Sorry brad."
Hindi ako sumagot.
"Reply ka naman diyan please? Sorry na!" muli niyang text.
Di pa din ako nagtext.
"Sorry. Sige na brad, promise wala lang talaga 'yun."
"Ok!" maikli kong reply.
"Galit ka naman e. Sorry na ha. Promise di na iyon mauulit."
Binura ko ang mga text niya. Hindi na ako nagreply.
Hanggang sa text pa din siya ng text. Hindi daw siya maghahapunan kung di ko siya mapapatawad bilang punishment niya sa sarili niya.
Di pa din ako nagrereply. Hanggang sa nakita ko na lang na tumatawag na siya. Hindi ko sinagot.
"Pinahihirapan mo naman ako e. Wala lang naman kasi 'yun. Sagutin mo naman ang tawag ko." text muli niya.
Ilang sandali pa ay muling tumunog ang cellphone ko. Hindi ko na siya matiis, sinagot ko.
"Ano?" matigas kong tanong.
"Nahihiya man ako pero sorry na ha. Kalokohan lang yun brad. Wala lang 'yun."
"Natutuwa ka pang Love ang lumabas e, no? Kabaklaan lang?"
Natahimik siya.
"Sorry. Kagaguhan ko lang 'yun brad. Patawarin mo na ako. Please?"
"Di na mauulit?" tanong ko.
"Oo." Sagot niya.
"Promise?"
"Promise." Napabuntong hininga siya.
"Maalala mo yung rule na sinabi ko? Deal na tayo nu'n di ba?" tanong ko.
"Oo. Deal"
"Good. Mabuti nang malinaw. Sige na, maghapunan ka na. Okey na tayo."
"Thanks brad."
"Bye!"
"Bye Brad!"
Bumaba na din ako para sabayan sina Daddy sa pagkain. Kanina pa kasi nila ako tinatawag.
"Dad, graduation na namin. Hindi ba luluwas sina Lolo at Lola?" tanong ko. Suwerteng naroon din si Daddy Mak kaya kumpleto kami sa gabing iyon.
"Siyempre luluwas sila. Malapit lang naman ang Tanay dito sa atin. Kumpleto kaming pupunta sa graduation mo. Siguradong nandoon kaming lahat." Masayang pagbabalita ni Daddy Ced habang naglalagay siya ng ulam sa plato ko.
"Lahat Daddy?" napalunok ako.
Binitiwan ko ang kutsarang hawak ko.
"Oo naman lahat kami. Papa Pat at Papa Zanjo mo, Tito Carl at Tito E-jay mo, sina Lolo at Lola mo saka siyempre, kami ng Daddy mo. Di na muna kami tumanggap ng trabaho ng Daddy mo at nakabili na din kami ng aming maisusuot para sa graduation mo. We're proud na nakuha mo ang Athlete of the year anak." Si Daddy Mak habang naglalagay siya ng juice sa baso ko.
"At excited na din ang Papa Pat at Papa Zanjo mo. Sila daw ang sasagot sa party mo. Katatawag lang nila kanina at nakabili na din sila ng regalo nila sa'yo." Natutuwang pagbabalita ni Daddy Ced.
"Kailangan ba lahat nandoon?" tanong ko.
Pinaramdam kong hindi ako natutuwa.
Nagkatinginan sila. Walang nakasagot. Hindi itinuloy ni Daddy Ced ang pagsubo sa kinakain niya.
"Sana si Lola at Lolo ang sponsor at magsasabit sa medalya ko." Seryoso kong sinabi.
Nawala ang ngiti sa mukha ni Daddy Ced ngunit sandali lang iyon. Pinilit parin niyang ngumiti kahit alam kong nasaktan siya sa sinabi ko.
"Oo naman, anak. Sila ang i-isponsor sa'yo. Sila din ang sasabit ng medalya mo." Garalgal ang kaniyang boses.
Naghari ang katahimikan.
Uminom ako ng juice.
"So, ano? Hindi na din ba kami pupunta para panoorin ka?" tanong ni Daddy Ced. Nakita ko ang pamumula ng gilid ng mata niya hanggang sa tuluyang umagos ang pinipigilan niyang luha.
Napayuko si Daddy Mak habang hinahaplos niya ang likod ni Daddy Ced.
Naghihintay silang dalawa ng isasagot ko.
"Sandali lang naman po yung graduation di po ba? Uuwi din naman po tayo dito. Diba puwedeng maghintay na lang dito. Puwede namang isa na lang sa inyo ang pupunta tapos sina Lolo at Lola, huwag ng lahat Daddy." Diretso kong sinabi.
Iniisip ko kasi ang sasabihin ng makakita sa amin. Siguradong kukuhaan na naman kami ni Tito Carl ng picture. Mag-iingay sila doon. Ayaw kong makita nina Lexi, Jino at iba ko pang kaklase na mga bakla ang kinamulatan kong pamilya. Puwedeng naiintindihan iyon ng iilan ngunit karamihan pa din ang hindi tanggap ang ganoon. Ayaw kong huling araw na nga lang ay pag-uusapan pa kung anong klaseng pamilya meron ako.
Huminga ng malalim si Daddy Mak. "You're almost 13 years old, anak. Tanong ko lang, ikinahihiya mo ba kami?" tanong niya.
Hindi ako sumagot.
"Ano ba kami sa'yo anak?" tanong ni Daddy Ced.
Binitiwan na niya ang hawak niyang kutsara at tinidor. Uminom siya ng tubig ngunit hindi niya napigilan ang pagluha. "Iba ba kami sa'yo. Anak ka namin, lagi kong sinasabi sa'yo na hindi mo man kami kadugo ngunit higit pa sa tunay na anak ang pagmamahal namin sa'yo. Sagutin mo ang tanong ni Daddy Mak mo, ikinahihiya mo ba kami, anak?"
Tinignan ko sila.
Tahimik lang si Daddy Mak ngunit nakita ko na din ang pag-agos ng kaniyang luha.
Yumuko ako. Natatakot akong sabihin ang totoo.
"Bakit hindi mo ipamukha sa amin para alam namin kung kailan at saan lang kami puwedeng manghimasok sa buhay mo. Anak, maglalabintatlo ka na, naiintindihan mo na ang mga bagay-bagay. Wala kaming ginawa kundi ang iparamdam sa'yo kung gaano ka kahalaga sa amin. Ngayon, tinatanong ka namin, kaya ba ayaw mong pumunta kami sa graduation mo at sina Lolo at Lola mo lang nag gusto mong nando'n dahil ikinakahiya mo ang pagkatao namin?" pinunasan ni Daddy Ced ang luha sa kaniyang pisngi.
"Opo."
Hinawakan ni Daddy Mak ang kamay ni Daddy Ced.
"Ayaw kong pag-usapan ako ng mga kaklase ko. Dad, kilala na ako sa school namin. Hindi lahat nakakaintindi sa klase ng pamilyang meron tayo." Lakas loob kong sinabi iyon sa kanila.
"Iniisip mo ang maaring sasabihin ng kaklase mo anak? Mabuti pa sila pinahahalagahan mo ang maaring isipin nila tapos yung mararamdaman namin balewala lang sa'yo? Ngunit huwag kang mag-alala anak. Siguro nga, mas importante sa'yo yung sasabihin ng mga kaklase mo. Kumain ka na. Matulog ka na din ng maaga ha? Yung nabili kong uniform mo para sa graduation mo, ibibigay ko na mamaya kay Manang para dalhin sa kuwarto mo pagkatapos kong maplantsa. Magpapahinga na ako." paalam ni Daddy Ced.
Tumayo na din si Daddy Mak. "Pagkatapos mong kumain anak, tawagin mo na lang sina Manang para iligpit ang pinagkainan natin. Tatawagan ko na muna sina Papa Zanjo at Tito mo Carl para sabihing hindi na kami matutuloy sa graduation mo." huminga siya ng malalim. Uminom ng Juice. Tumalikod siya ngunit sandali lang iyon dahil muli niya akong hinarap.
"Pasensiya ka na anak kung ganito kami. Kung nahihiya ka dahil sa pagkasino namin. Kung may magagawa lang sana kami para mabago yung pagkatao namin para sa'yo. Kung sana madaling proseso lang ang lahat ay siguradong hindi namin iyon ipagkakait sa'yo pero anak, ganito na kami. Ito na kami e." muling naglakbay ang luha sa kaniyang pisngi.
May sundot ang sinabi niyang iyon sa akin.
"Kahit ganyan ka sa amin. Lagi mong tatandaan na mahal ka namin. Wala kaming ibang hinangad kundi ang mapabuti ka. Kung maibabalik lang sana namin yung dating anak namin. Yung Buboy na tatlong taong gulang palang pero sobrang bait, yung makulit ngunit sweet na apat na taong gulang na Romel at yung bibo at mapagmahal naming Buboy na anim na taong gulang. Namimiss na namin yung Romel na 'yun anak. Yung hindi niya magawang ikahiya kahit sino pa kami. Yung hinahalikan at niyayakap kami sa harap ng ibang tao." Huminga siya ng malalim. Nanginginig ang palad ni Daddy Mak habang pinupunasan niya ang luha sa kaniyang pisngi. "Ang masakit kasi, yung manggagaling mismo sa'yo ang pag-aming ikinahihiya mo kami dahil sa aming pagiging ganito." Humihikbi siya.
"Huwag kang mag-alala anak, masusunod ang gusto mo. Walang kasinsakit pero tatanggapin namin ang desisyon mo. Hindi namin ipipilit ang sarili naming saksihan ang graduation ng mahal naming anak kung hindi niya ikasisiya na naroon kami." itinaas niya ang laylayan ng kaniyang damit. Pinunasan niya luha.
Yumuko ako. Hindi ko na puwedeng bawiin ang sinabi ko.
"Good night, anak." Humalik muna siya sa noo ko bago niya ako tinalikuran.
Nawalan na din ako ng ganang kumain. Sumunod na din akong pumasok sa kuwarto ko. Hindi ako nakatulog sa kaiisip kina Daddy. Naguguluhan ako kung paano ko sila ihaharap sa mga kaibigan ko at kaklase. Hanggang sa nagdesisyon na lang din akong panindigan na lang kung ano ang unang nasabi ko sa kanila. Ayaw ko nang mapaaway pa dahil sa kanila. Ayaw kong makarinig na tawagin ang pamilya ko na pamilyang bakla o ako mismo ay tatawaging bakla dahil ganoon ang mga magulang ko.
Bago ang oras ng graduation namin ay dumating sina Lolo at Lola. Ganoon pa din naman sina Daddy sa akin. Walang nagbago sa pagpaparamdam nila sa akin kung ganoo nila ako kamahal. Parang hindi sila nasaktan sa nasabi ko. Masaya silang naroon nang nagbibihis na ako. Wala akong narinig sa kanila na ipinilit pa nila ang sarili nilang mag-attend sa graduation ko. Pati sina Papa Zanjo at Papa Pat ay wala na din pang binanggit tungkol sa pagsama. Dumating si Tito E-jay at Tito Carl. Si Tito E-jay na lang daw ang kukuha ng picture sa akin.
Bago kami umalis ng bahay ay kinausap muna ako ni Lola.
"Totoo bang ikaw ang may ayaw na sasama pa sina Daddy at Papa mo, apo?"
Tumango ako. Nagsumbong na din pala sila kay Lola.
"Bakit?"
Hindi ko kayang sabihin kay Lola ang dahilan.
"Apo, sana kahit ano pa ang pagkatao ng mga magulang mo, huwag mo naman gawin ito sa kanila. Kung buhay ang Daddy mo ngayon, alam kong ikasasakit ng loob niyang makita na ganito ang trato mo sa mga magulang mong pinag-iwan niya sa'yo. Kaya ka niya iniwan sa kanila apo kasi alam niyang mamahalin at aalagaan ka nila tulad ng pagmamahal sana niya sa'yo."
"Bakit kasi hindi na lang niya ako iniwan sa inyo. Sana mas nagiging tahimik ang buhay ko." maluha-luha kong sagot.
"Susmaryosep apo. Paano ka nakakapagsalita ng ganyan laban sa kanila? Napakabuting tao ang mga nagpalaki sa'yo?"
"Huwag na lang ho kasi natin pag-usapan pa 'La. Masaya akong kayo ni Lolo ang kasama ko doon, kaya please?" pinagsaklob ko ang dalawang kamay ko na parang nagdadasal. Walang magawa si Lola kundi ang bumuntong-hininga.
Nang paalis na kami ay niyakap ako ng nalulungkot na sina Papa Pat at Papa Zanjo.
"Happy graduation, anak. Hihintayin ka na lang namin dito. Sasama sana kami pero marami pala kaming aasikasuhin kaya enjoy your graduation ha?" si Papa Pat.
Nangingilid ang kaniyang luha.
"Salamat Pa."
Napako ang tingin ko kay Daddy Mak. Hawak-hawak niya noon ang paborito kong laruan na robot. Iyon ang laruang ibinigay niya sa akin noong anim na taong gulang ako. Pinapahid niya ang kaniyang luha. Tumayo siya at lumapit sa akin.
"Pa'no 'nak." Pilit ang kaniyang ngiti. "Hihintayin ka na lang namin dito. Mamaya na lang namin ibigay yung regalo namin sa'yo ha?"
"Umiiyak ka Dad?" tanong ko.
"Hindi. Napuwing kasi ako dito sa laruan mo. Maalikabok pala." Kinagat niya ang labi niya.
"Sige na anak. Baka mahuli na kayo. Happy Graduation." Niyakap niya ako at tinapik sa aking balikat. "I know you will always make us proud anak. Masaya ako para sa'yo." Pagkatapos no'n ay tinanggal na niya ang pagkakayakap niya sa akin at mabilis na tumalikod papasok ng bahay.
Si Daddy Ced ang naghatid sa amin sa school.
Bago ako bumaba ng sasakyan ay nilingon ko muna siya. Hindi siya nakatingin sa akin. Sinadya niyang itago ang kaniyang mukha.
"Dad."
May gusto sana akong sabihin pero parang may bumara sa lalamunan.
"Sige na, anak. Baka mahuli na kayo." Garalgal ang boses niya.
Hindi siya lumilingon sa akin. Alam kong ayaw niyang ipakita sa akin na napapaluha siya.
"Salamat Dad." Pabulong iyon.
"It's okey. You are always welcome, anak." Hindi pa rin siya tumitingin.
"Dad, ano ba?" kinalabit ko siya.
Nilingon niya ako mabilis niya akong hinila at niyakap ng mahigpit.
"Magbibinata na ang anak ko. Sorry, naalala ko lang ang Daddy mo. Ano kaya kung nandito siya ngayon? Kung buhay kaya siya papayag kaya siyang ganito lang ang papel ko sa buhay mo? Tigahatid at tigasundo mo lang?" Huminga siya ng malalim.
Tumingin sa akin na puno ang luha sa kaniyang mga mata. "Kung nandito siya, sigurado sobrang saya no'n para sa'yo. Para kasing nakikita ko siyang tumatawa, naluluha sa sobrang saya. Kung buhay pa kaya ang daddy mo, makakasama kaya ako sa graduation mo o mananatiling ganito lang talaga ako sa'yo." Pinunasan niya ang luha niya. Pinilit niyang ngumiti. "Sige na, anak. Pasensiya na kay Daddy. Masyado lang emotional. Nakakahiya kina lolo at lola mo oh, kanina pa sila naghihintay."
"Sige po." Maikling sagot ko.
"Congratulations anak." Pahabol niya bago ako bumaba.
Pagkababa namin ay agad ding umalis si Daddy. Magkakasabay kami nina Lolo at Lola na pumasok sa school namin.
Malayo pa lang ako ay nakita ko na sina Jino at Lexi. Nag-uunahang silang lumapit sa akin at nang malapit na sila ay hinila ni Jino ang balikat ng nauuna nang si Lexi at nang malagpasan niya ay saka siya mabilis na tumakbo.
"Behhhh! Talo siya. So, sa party ko pupunta mamayang gabi si Buboy." kantiyaw ni Jino nang hinihingal na si Lexi.
"Paanong di mo ako mauunahan e hinila mo ako paatras! Kahit kailan talaga ayaw mong nauunahan kita. Gusto mo laging ikaw ang panalo. Nakakabanas!" si Lexi. Salubong ang kilay. Naghalukipkip.
"Aba, parang kayo lang ang may party. May party din kami sa bahay. Hinihintay din ako doon pagkatapos ng graduation natin." Sagot ko. "Siya nga pala, Lolo at Lola ko." pagpapakilala ko. "Lolo, Lola, sila pa ang mga bestfriends ko, si Lexi at si Jino."
"Hi po." Halos sabay nilang bati.
Nagmano silang dalawa.
"Ang ganda mo naman, neng saka guwapo din si Jino." Si Lola. Matamis ang pagkakangiti sa dalawang kaibigan ko.
"Happy graduation mga bata. Pag-igihan ang pag-aaral hanggang makatapos kayo ha?" wika ng bibihirang iimik na si lolo.
Nang naglalakad kami papunta sa aming school gym ay hinila ako ni Jino paatras.
"Saan ang mga magulang mo? Bakit sina Lolo at Lola mo ang mga kasama mo?" pabulong na tanong niya. Nakiliti ako sa halos dumampi na sa tainga kong bibig niya. Nakaakbay siya sa akin. Bibihira lang akong magpaakbay lalo na sa kaniya.
"Kailangan ba buong pamilya?" tanong ko.
Tinanggal ko ang kamay niyang nakaakbay sa akin.
"Hindi naman pero di ba dapat sila ang mas importanteng narito?"
Muli siyang umakbay. Mas malapit na ngayon ang katawan niya sa katawan ko. Muli kong tinanggal ang kamay niya sa balikat ko at pasimpleng siniko ko siya palayo sa akin.
"Saan ang parents mo?" si Lexi.
Siya naman ang humila sa akin at isinuksok nya ang braso niya sa aking braso.
Inakbayan ko.
"Paulit-ulit?" bulong ko sa kaniya. Tumama ang labi ko sa pisngi niya. Kinurot niya ang tagiliran ko.
"Ngayon ko lang tinanong paulit-ulit agad?" pabulong din iyon.
"Hindi nga ikaw pero yan, oh? Nagtanong na kanina pa?" inginuso ko si Jino na noon ay salubong na ang kilay.
"Napano siya?" bulong ko kay Lexi. "Galit na naman?"
Nagpahuli na si Jino sa paglalakad. Palingon-lingon kami sa kaniya ngunit hindi na siya sa amin tumitingin. Nauna na sina Lolo at Lola. Hinintay namin si Jino ngunit tumigil ito at tumalikod.
"Anyare do'n?" tanong ni Lexi.
"Aba, malay ko? Okey lang naman 'yan kanina."
"Lapitan mo nga, baka nag-iinarte na naman." Utos ni Lexi.
Binalikan ko siya.
"Hoy, anong nangyari sa'yo?" tanong ko.
"Hoy ka diyan. Jino ang pangalan ko brad!" seryoso niyang sagot.
"O brad Jino, anong toyo ang nilaklak mo't umabot pa sa utak mo?" biro ko.
"Wala!"
"Wala daw, sus! Huwag ka nga. Ano nga!" Inakbayan ko siya.
Nakangiting nakatingin sa amin si Lexi.
"Huwag mo nga akong inaakbayan!" singhal niya.
Tinanggal niya ang kamay ko.
"O sige, sabihin mo kasi kung bakit ka nagtatampo. Kanino ka may sama ng loob sa akin ba o kay Lex."
Inakbayan ko uli siya.
Muli niyang tinanggal ang kamay kong nakaakbay sa kaniya. Sinimangutan pa ako.
"Akala mo siguro gwapo ka kapag nagsisimangot kang ganyan ano? Sagwa kaya. Hirap namang amuin 'to."
"Kasi ikaw e, kapag si Lexi ang umakbay o humawak sa'yo wala lang, kapag ako, tinatanggal kaagad. Kapag may bulungan dapat dampi sa pisngi, kapag ako parang nandidiri lang? Akala ko ba brad patas ang friendship na'to bakit parang may lamangang nangyayari, naiilang ka ba sa akin o naaasiwa? Iba ba talaga ang trato mo sa akin kay Lex e pareho mo naman kaming kaibigan?" namumula siya habang sinasabi niya iyon.
"Ahh! Ha ha ha! Lex halika ah! May nagseselos!" sigaw ko.
Lumapit si Lexi. Tumatawa. "Sabi ko sa'yo eh. Tinanggal mo kasi yung akbay niya."
"Nagseseslos daw?" protesta ni Jino. "Hindi no."
"Sige na, sabihin mo uli yung sinabi mo kanina brad. Ang cute hahaha! Parang babae ka lang at lalaki ako. Hindi sana bagay pero ang cute ng pagkakasabi mo! Ha Ha ha!" kantiyaw ko.
"Ahhh! Ewan ko sa inyo. Bahala na nga kayo diyan!" binilisan na niya ang paglalakad palayo sa amin. Tinatawag namin siya ngunit hindi na siya lumilingon.
"Halla ka! Lagot ka kay Eistein! Humanda ka mamaya sa valedictory speech niyan baka pati ikaw madamay!"
"Eh ang arte kasi. May nalalaman pa siyang mga ganyan. Parang babae! Mas astig pa nga siyang tignan sa akin. Pagsabihan mo nga yang bestfriend mo."
"Bestfriend mo rin 'no. Hayaan mo, di din tayo matitiis niyan. Tara na at baka magsimula na." muli niyang inilagay ang kamay niya sa aking braso.
Ilang sandali pa ay nagsimula na nga ang aming graduation ceremony. Nasa likod ko lang si Lola habang nasa upuan ng mga bisita naman si Lolo. Naroon lang din si Tito E-jay na kumukuha ng picture sa amin.
Madalas kong nahuhuli si Jino na napapalingon sa kinauupuan ko. Noong una nginitian ko pero mabilis niyang binawi ang kaniyang tingin. Kunyari hindi lang niya ako napansin. Naulit muli ang paglingon niya at ginawa ko din sa kaniya ang ginawa niya sa akin na nakatingin pero parang walang nakikita. Nilingon ko si Lexi. Inginuso niya sa akin si Jino. Nang tignan ko si Jino nakalingon pa din pala sa akin. Kinindatan ko sabay kagat sa aking labi. Sumimangot at tuluyan na siyang humarap sa stage. Ibinalik ko kay Lexi ang aking tingin at sabay kaming napahagikgik ng tawa. Nagtatampo daw pero siya itong tingin ng tingin. Hindi makatiis?
Nang awarding of medals ay si Lolo ang nagsabit sa akin sa nakuha kong Athlete of the Year. Nakuha ni Lexi ang Journalism Award at si Jino ang Class Valedictorian. Halos hindi na siya umalis sa stage dahil sa dami ng kaniyang awards. Hindi kaya siya nabibigatan sa dami ng medalya sa kaniyang leeg?
Tinawag na kami isa-isa para tanggapin namin ang aming mga diploma. Si Lola ang kasama kong umakyat sa stage. Pagkatapos kong yumuko ay nahagip ng tingin ko sina Daddy Ced, Daddy Mak, Papa Zanjo, Papa Pat at Tito Carl sa pinakadulong bahagi ng gym. Malayo sa amin ngunit natatanaw nila ako. Lihim pa din pala silang nanood. Iyon nga lang ay minabuti na lang nilang pumuwesto malayo sa akin. Hinayaan ko na lang sila. Kunyari ay hindi ko sila napansin.
Hanggang sa dumating ang oras para sa valedictory address ni Jino.
"There were also times when I believed I was next to nothing. Iyon ay nang mga panahong naguguluhan ako sa kung anong klaseng pamilya meron ako. Mahirap kung ang pamilyang umaruga sa'yo ay hindi katulad ng pamilyang kinalakhan ng nakakarami. But I learned that what others think of my unconventional family is not nearly as meaningful as what my parents showed they love to me. We can never owe the quality of our existence to other people but we definitely owe our success to our parents who served as wind beneath our wings. Tandaan natin na hindi tayo binigyan ng pagkakataon para pumili ng magulang, ng kapatid, ng Lolo at Lola, ng buong pamilya. Conventional parents were not given the chance as well to choose who will be their children. Pero kung nagkataong hindi ka tunay na anak ng mga magulang mo, then you are still blessed for they have chosen you to be their child. Binigyan ka ng pamilya na siyang bubuo sa'yo."
Napalunok ako sa sinabi niyang iyon. Hindi siya sa akin nakatingin ngunit parang sa akin lahat tumatama ang mga salitang binibitiwan niya. Yumuko ako.
"Bakit kailangan unahing isipin ang sasabihin at pagkukutya ng ibang taong wala naman talagang nagagawang mabuti para sa atin? Bakit natin ipagpapalit ang iisipin nila sa pagmamahal na ibinibigay sa atin ng ating mga magulang? You must evaluate your life and give it purpose. At sana, isa sa mga hangarin natin ay ang patuloy nating ipagmalaki ang ating mga magulang anuman ang kanilang pagkatao dahil sila ang naroroon sa kahit anong tagumpay na ating makakamit sa ating buhay."
Nakagat ko ang labi ko. Unti-unting umiinit ang paligid ng aking mga mata. Parang may kung anong nakadagan sa aking dibdib. Nasasaktan ako sa aking mga naririnig sa kaniya. Tumingin ako kay Jino. Nagsalubong ang aming mga mata.
"Fellow graduates, let us all not be so quick to judge. Be not afraid of what others may think of you, because more often than not, it's the love and acceptance of your family does really matter."
Inapuhap ko ang panyo sa bulsa ko. Patago kong ipinahid iyon sa aking luha bago pa man iyon babagtas sa aking pisngi.
"Sa mga katulad kong magtatapos, huwag sana tayong magalit sa ating mga magulang dahil iba sila sa mga magulang ng ating mga kaklase. Kung bakit nasa harapan ninyo ako ngayon at namuno sa inyo ng ilang taon, sa likod ng mga nakamit kong tagumpay at parangal, iyon ay dahil utang ko ang pagiging ako sa mga magulang kong sina Mr. James Reyes at Mr. Christian Santos. May I request my dear parents to please stand." Garalgal ang boses niya. Dahan-dahang tumayo ang dalawang lalaki na mukhang mga kaedad lang din nina Daddy Ced at Daddy Mak. Nagpalakpakan ang lahat.
"Papa James, thank you for being a good provider. Papa Xian, allow me to call you Papa from now on kasi po higit pa sa isang ama ang ipinaramdam ninyo sa amin ni Kuya at ipinagpapasalamat ko ng pauli-ulit na dumating kayo sa buhay namin. I realize that having two parents of the same gender is better than just having a single parent or even no parents at all." Doon na siya tuluyang napaluha. Huminga siya ng malalim. Dinig iyon sa mikropono. Inilibot muna niya ang kaniyang tingin sa lahat ng mga naroon
"Yes, my parents are gay." Naglikha ng pagkabigla sa mga ibang naroon ang sinabi ni Jino. Ako man ay napahawak sa upuan ko. Wala sa hinagap kong pareho lang pala kami ng pinagdadaanan. Ngunit magkaiba lang din kami sa pagtanggap. Hindi niya ikinahihiya ang kaniyang mga magulang.
"So what if they are different? They've been together longer than any of the straight parents in our family. Napalaki nila kami ng maayos ng kuya Jethro ko. At sana, yakapin ninyo ang inyong mga magulang na nasa iyong tabi ngayon dahil ang unang diploma na ating natanggap ay hindi lang dahil nagsunog tayo ng ating mga kilay kundi dahil sa sipag, tiyaga, pagmamahal at determinasyon nilang gisingin tayo sa umaga, ipaghanda ng mababaon, ihahatid at susunduin tayo sa ating paaralan, gagabayan nila tayo sa ating mga assignments at kahit sa oras ng ating pagtulog ay naroon silang patuloy tayong binabantayan. Please fellow graduate. Tumayo po kayong lahat at yakapin ninyo ang inyong mga magulang."
Ilan sa mga classmates ko ay hinarap nila ang kanilang mga magulang na nakaupo sa kanilang likod. Ilan ay nahihiya pa. Nakita ko si Lexi na niyakap niya ng mahigpit ang kaniyang Mommy. Niyakap ako ni Lola ngunit parang may kulang sa akin. Nahagip ng tingin ko ang tumayo na para paalis nang mga magulang ko. Palabas na sila noon sa gym.
"Sandali lang 'La." Bulong ko.
"Ganoon nila tayo kamahal, sana ibalik natin ang pagmamahal na iyon sa patuloy nating pagkamit sa ating mga pangarap hindi lang para sa ating mga sarili kundi sa mga magulang din nating naghihirap para maigapang tayo sa ating pag-aaral." Pagpapatuloy ni Jino. Nakatingin sa akin. Parang sinasabi nitong ito na ang pagkakataon para ayusin ko ang relasyon ko sa aking pamilya.
Bumilis ng bumilis ang t***k ng aking puso. Naramdaman ko na lamang na nakikiraan na ako sa mga kaklase kong yakap ang kanilang mga magulang. Kasabay ng mabilis na pagbaybay ng luha sa aking pisngi ang bilis ng aking paghakbang para maabutan sila na noon ay tuluyan nang nakalabas ng gym.
"Dadddyyyy!" sigaw ko. Hindi ko na kasi sila makita pa. Wala na akong naabutan pa sa kanila. "Daddyyyy!" muli kong sigaw.
Tumakbo ako patungo sana ng gate.
"Anak, nandito kami." Boses iyon ni Daddy Ced.
Lumingon ako. Naroon sila sa labas at gilid ng gym. Pinapatahan nila si Daddy Ced sa pag-iyak.
"Sorry anak, hindi kami nakatiis na hindi ka mapanood. Pasensiya ka na sa amin anak." Si Daddy Ced.
"Hindi bale anak, pauwi na din naman kami." Maluha-luha ding dagdag ni Daddy Mak.
"Daddy!" humihikbi na ako.
Dahan dahan akong naglakad palapit sa kanila. Nangangatog ang tuhod ko. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Tuluy-tuloy lang ang aking pagluha.