BENJAMIN 1

1795 Words
"Hello, Kuya," kaagad na bungad ko nang sagutin ni Kuya John ang cellphone nito dahil tinawagan ko siya. Ito lang ang nag-iisang kapatid ko at ang tanging pamilya ko. Mayroon din naman kaming ibang kamag-anak pero matagal ko na silang kinalimutan dahil hindi rin naman nila kami kinikilalang pamilya nila, kasi isang kahig at isang tuka lamang kami lalo na noong hindi pa ako nakapag-aral at nakapagtrabaho rito sa Singapore. Sampung taon lang ako nang maulila kami sa mga magulang ni Kuya John ko. Seventeen years old naman noon si Kuya. “Kumusta ka na diyan, ha?” Nahihimigan ko ang matinding excitement sa boses ni Kuya nang sumagot ito sa akin. Kinuha ko ang airpods ko para i-connect ko iyon sa aking cellphone para maumpisahan ko ang aking trabaho habang kinakausap ko si Kuya. Nang mailagay ko iyon nang maayos sa aking tainga ay saka ko binuksan ang aking computer. Kailangan kong matapos ang aking trabaho sa lalong madaling panahon bago ako magbakasyon. Sobrang saya ko na na-aapprove ang vacation leave na matagal ko ng inaasam. Na-miss ko na talaga ang Kuya ko at ang mga pamangkin ko. Pati na nga pala si Elly, halos mag-aapat na buwan na ito simula nang umuwi sa Pilipinas. Madalang na nga rin kaming makapag-usap sa telepono dahil sabi nito ay sobrang pressure daw ang trabaho nito. Pero alam ko na may hindi sinasabi si Elly sa akin. Alam ko na rin na umalis si Edward sa A.Arguellez dahil kay Elly, kung ano ang tunay na dahilan n'on ay saka ko na malalaman pag-uwi ko. “Okay lang ako, Kuya. Kayo, kumusta na ba kayo? Ang mga bata? Si Ate Jenny?” Tanong ko habang ang aking kamay ay abala sa pagtitipa sa keyboard ng computer ko. “Ganoon pa rin naman. Baka pinapabayaan mo na ang sarili mo diyan dahil sa trabaho mo, Alyssa, ha? Alalahanin mo walang sasagip sa ‘yo diyan dahil malayo ako sa ‘yo.” Napangiti ako pero sa kaloob-looban ko ay gusto kong maiyak dahil sa paalala na ‘yon sa akin ni Kuya. Alam ko kung gaano ka-protective sa akin si Kuya. Kayang tiisin ni Kuya ang kaniyang sarili para sa akin. Ang lahat ng kayod ay ginawa nito para lang makapag-aral ako noon nang mamatay ang aming mga magulang. High school pa noon si Kuya at ako naman ay nasa Elementarya pa lamang. Pero tandang-tanda ko pa ang mga sakripisyo na nagawa sa akin ni Kuya no’n. Namatay ang aming mga magulang dahil sa isang aksidente. Ang trabaho kasi ng Nanay at Tatay namin noon ay ang pagtitinda ng mga dry goods sa mga bayan-bayan sa iba’t-ibang probinsya. Kada Biyernes ng madaling araw ay magbabiyahe na silang dalawa para pumunta kung saan-saan. Mananatili sila roon hanggang Linggo ng gabi at uuwi naman Lunes na ng madaling araw. Tanda ko pa na maganda ang kita ng aming mga magulang dati ni Kuya John. Pero dahil nga sa aksidente ay maagang binawi ng Diyos sa amin ang Nanay at Tatay ko. Nahulog sa mataas na bangin ang sinasakyang bus ni Nanay at Tatay at hindi na sila umabot pa sa hospital. Dead on the spot sila dahil sa natamo nilang mga sugat. Simula noon ay si Kuya na ang tumayong ama at ina ko. Tumigil si Kuya sa kaniyang pag-aaral at pinasok ang kahit anong trabaho para lang makaraos kami sa araw-araw na pangangailangan namin at sa gastusin sa pag-aaral ko. Naawa ako kay Kuya noon dahil alam ko kung paano niyang tiisin ang lahat ng hirap para lang huwag akong mahirapan. Sinubukan kong kausapin si Kuya na magtrabaho ako kapag walang pasok pero hindi pumayag si Kuya. Ang katwiran niya ay ang pag-aaral ko lang daw ang aatupagin ko. Noong mag-college na ako ay kinausap ako ni Kuya na pansamantalang titigil muna daw ako dahil mag-iipon lang siya sa gastusin ko sa aking kolehiyo. Nanghinayang ako pero pumayag naman ako. Alam ko na sobrang hirap na rin naman si Kuya sa mga panahon na ‘yon dahil sa palaki nang palaki na gastusin ko. Balak ko noong maghanap na rin muna ng trabaho para makatulong na rin ako kay Kuya sa pag-iipon ng pangkolehiyo ko, but everything fell to it’s perfect timing. May isang foundation na naglibot sa kung saan-saang lugar para magbigay ng application sa mga batang walang kakayahang mag-aral pero gustong-gusto naman makapagtapos. Sinubukan kong mag-apply kahit na walang kasiguraduhan kung iyon ba ay lehitimo. Tatlong buwan lumipas ang exam na ‘yon sa aming lugar ay hindi na rin naman akong umaasa na legit iyon dahil wala naman akong natanggap na kahit na anong confirmation, kung nakapasa ba ako o hindi. Pero isang hapon ay nagulat na lamang ako nang may sasakyang tumigil sa harap ng aming munting bahay. Kakauwi lang din ni Kuya n’on galing sa kaniyang trabaho. At hindi ako makapaniwala nang makatanggap ako ng isang certificate at sulat galing sa main office ng foundation kung saan ako nag-apply ng scholarship, ayon sa sulat ay isa ako sa mga nakapasa sa mga batang libo-libong kumuha ng exam. It was an overwhelming joy to me. Ayon sa sulat ay puwede akong kumuha ng kahit na anong kurso pa ang gugustuhin ko at libre lahat, mula sa tuition fee ko, Board and lodging, food allowance, daily allowance, at iba pang necessary na gastusin sa pag-aaral. Pero naging isang malaking hadlang ang natirang slots na napunta sa akin noon. Singapore na lamang ang natirang accredited school ng foundation dahil napuno na ang slots ng paaralan na nandito sa Pilipinas at sa iba pang lugar. Kuya John hardly resisted. Ayaw niyang lumayo ako noon dahil baka daw mapahamak ako. Hindi rin daw namin sigurado kung legit ba na foundation na ‘yon. Pero dahil pursigido ako at determinado sa aking pangarap na makapagtapos sa aking pag-aaral ay ginawa ko ang lahat. Pumunta ako sa isang ahensya ng gobyerno para ipa-legit check ang nasabing foundation at napatunayan ko naman na legit nga ang White Faith Foundation. Ipinakita ko iyon sa Kuya at matagal din munang discussion sa pagitan namin bago ko siya napapayag. Iyon na nga ang simula kung bakit ako napadpad dito sa Singapore. At sa unang taon ko sa Singapore ay hindi naging madali para sa ‘kin. Marami akong bagay na dapat i-adjust at matutunan. From their language, food, culture, pakikisama sa mga tao, at marami pang iba. Pero noong magsimula na ang klase ay bigla ring nagkakulay ang buhay ko nang makilala ko ang isang napakagandang babae sa classroom namin. Pareho kaming Pilipina kaya madali kaming nagkasundo. Mabait rin si Elly kung kaya’t naging matalik kaming magkaibigan. “Aba, hindi, Kuya, ah. Hindi pressure ang trabaho ko rito kaya carry lang ng beauty ko,” natatawa kong sagot sa aking Kuya matapos ang ilang saglit na pagbabalik tanaw ko. “Kung hindi pressure ang trabaho mo bakit hindi ka makapagbakasyon man lang rito, Alyssa? Ang huli mong uwi ay noong matapos pa ang graduation mo diyan sa kolehiyo mo. Nakalimutan mo na yata na nandito pa ako kung kaya’t parang wala ka ng ganang umuwi sa Pilipinas,” sa tono ng aking Kuya ay kinokonsensya niya na naman ako at lihim lang akong napangiti. Hindi ko kasi sinabi sa kaniya na uuwi na ako ilang araw na lamang ang lilipas. Gusto kong masorpresa ang aking Kuya sa aking pag-uwi. “Ito namang si Kuya ay parang baliw. Tatawag ba ako palagi sa ‘yo kung nakalimutan na kita diyan? Sinabi ko na naman sa ‘yo na hindi pa nga na-approve ang aking vacation leave dahil alam mo naman na ang lahat ng trabaho ni Elly ay sa akin na napunta simula nang umuwi siya diyan sa Pilipinas. Pero nangako naman ang head namin na sa taong ito talaga ay makapagbakasyon ako.” Bahagya akong tumawa habang hinihintay ko ang isasagot sa akin ni Kuya. “Bahala ka na nga. Basta ang huwag mong kalimutan ay ang mag-asawa bago pa sumapit sa kalendaryo ang edad mo. Mahirap ang mag-isa sa pagtanda, Issa. Hindi habang buhay ay nandito ako para sa ‘yo.” Naitirik ko ang aking mga mata pataas dahil simula nang makatapos ako sa aking kolehiyo ay naging paboritong paksa na ni Kuya ang pagbo-boyfriend ko at habang lumilipas ay ang pag-aasawa ko na naman. Paano naman kasi ako mag-aasawa kung wala nga akong boyfriend? Manliligaw? Marami naman pero wala sa kanila ang tipo ko. Nakapag-boyfriend din naman ako noong mag-third year college na ako pero dahil nga iba ang lahi ni Levy ay hindi rin kami nagtagal dahil sa magkaiba naming pananaw sa buhay. British model si Levy at kung physical na anyo lang ang pag-uusapan ay wala akong maipipintas sa kaniya. Pero ‘yon na nga, dahil sa magkaibang kinalakihan naming dalawa ay nagpasya akong hiwalayan siya kahit na anong tanggi ni Levy. “Naku, Kuya, iyang iniintindi mong pag-aasawa ko kung sinimulan mo nang intindihin ang paghahanap ng puwesto mo para sa negosyo na gusto mo, eh, ‘di sana ay masaya pa ako,” turan ko kay Kuya. Matagal ko na kasi siyang hinihikayat na tumigil na sa trabaho niya bilang isang barista sa isang bar at magpatayo na lamang ng negosyo niya dahil naisip kong bigyan siya ng puhunan pero hindi ko maintindihan si Kuya kung bakit ba ayaw niyang maiwan-iwan ang boss niya. Sabi naman nito mabait na masungit daw ang boss nito kaya hindi ko alam kung saan ko ilulugar ang description ng boss ni Kuya sa isip ko. Basta iisa lang ang sigurado ako, matandang binata na ang boss ni Kuya. Iyong kalbo na ang gitna ng ulo nito at maputi na rin ang natitirang buhok nito sa paligid ng ulo nito. Tapos iyong malaki ang tiyan, at naninilaw ang ngipin dahil sa sigarilyo. Tapos nag-imagine pa ako na ang amoy ng pabango nito ay parang iyong amoy ng bulaklak sa simbahan. Tapos alam ko na paika-ika na itong lumakad dahil sa rayuma. Gusto kong mapahagalpak ng tawa habang ginuguhit ko sa aking isipan ang anyo ng boss ni Kuya John. “Saka na nga natin ‘yan pag-uusapan kapag makauwi ka na rito. Isa pa, walang maaasahan si boss Benj kapag umalis ako. Minsan pa naman ay ilang araw na hindi mapapagawi iyon sa bar dahil inaasikaso niya ang kanilang hacienda. Isipin mo na lang kung gaano ka-busy na tao si boss, araw-araw pa iyong nagba-biyahe mula Bicol pa-Maynila para lang matingnan niya ang negosyo niya rito,” seryosong sagot ng Kuya ko. Hindi ko maintindihan kung bakit parang pamilya na lamang kung ituring ni Kuya ang sinasabi nitong boss Benj nito. Minsan nga ay nagseselos na ako sa boss Benj na ‘yon dahil parang katulad lang kami kung bigyan ni Kuya ng concern.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD