PRESENT TIME.
Tinignan ko ang sarili ko sa harap ng malaking salamin sa CR ng Montevista Hotel matapos ko suotin ang uniform na binigay sa akin. Saktong sakto lang sa akin ang long sleeve suit and skirt na kulay wine red. Ang ganda. Feeling ko empleyado na talaga ako sa hotel na ito. 500 hours ang kailangan ko bunuin at 4 hours sa isang araw ang oras ng duty ko. Until 1pm ang oras ng klase ko sa school at 2:30 naman ang oras ng duty ko sa hotel. Ilang buwan akong mangangarag sa schedule ko pero kaya ko naman pagtyagaan.
Habang nagme-make up, napapaisip ako sa estrangherong si Maximus na Stepbrother pala ni Wade. Hindi na siya nawala sa isip ko simula ng malaman kong siya ang stepbrother ng boyfriend ko na anak ng may ari ng hotel na ito.
Naalala ko nang magising akong magkayakap kaming nakahiga sa backseat ng kotse at bigla akong natauhan sa pinaggagagawa ko. Sinabi ko ng hindi ko pagsisisihan na bumigay ako sa lalakeng 'yun pero nagising na lang ako na nagsisisi. Kung bakit kasi sobra akong nagpakalasing kaya hindi na ako nakapag isip ng maayos at binigay ko pa ang sarili ko sa kanya, na kung sa boyfriend ko nga ay hindi ko nagawa.
Nang magising ako at matauhan basta na lang ako umalis. Natutulog pa siya noon at hindi ko na siya tinangkang gisingin pa. Doon ko na tinuldukan ang lahat at pinilit na kalimutan na siya kahit hindi ko magawa dahil parati niyang ginugulo ang isip ko at ngayon ay dito ko siya sa hotel matatagpuan at stepbrother pa siya ni Wade.
Siguro paninindigan ko na lang talaga na kunyari ay hindi ko siya kilala. Nagawa ko na 'yun nung nagkita kami uli sa penthouse niya. Kahit napakahirap na magpanggap na hindi ko siya kilala at wala lang siya sa akin ay ginawa ko para lang hindi maging awkward ang sitwasyon namin. Magiging kumplikado ang sitwasyon namin dahil stepbrother niya si Wade kaya paninindigan ko na lang na isipin niyang hindi ako ang babaeng nakasama niya ng gabing 'yun
Matapos kong mag ayos ay lumabas na 'ko sa CR. Pumunta muna ako sa locker room at tinago doon ang mga gamit ko 'tsaka ako pumunta na sa front desk. Receptionist ang position na binigay sa akin sa HR. Ang gagawin ko lang daw ay tumayo sa reception at batiin ang mga guest na papasok sa hotel. Ang boring pero pwede ko ng pagtyagaan.
"You're late!" Bungad na sabi sa akin ng supervisor pagdating ko sa front desk. Napatingin ako sa wrist watch ko. 2:32pm. 2 minutes lang naman akong late pero kung makapagtaas ng kilay ang supervisor na ito parang ilang oras na ang katumbas nun.
"Sorry po. 1pm po kasi ang tapos ng oras ng class ko. Naglunch pa po ako at medyo traffic ang papunta dito kaya po ako natagalan." Pagdadahilan ko sa supervisor na kamukha ni Ms. Minchin. Naalala kong natagalan ako sa CR kanina dahil iniisip ko si Max.
"So ano araw-araw ganito tayo. You should learn time management habang OJT ka pa lang. Kasali yan sa training niyo as OJT!" Panenermon sa akin ni Ms. Minchin. Napatingin ako sa Receptionist na nasa front desk na regular employee ng hotel. Sumesenyas siya sa akin na sumang ayon lang ako kaya iyon ang ginawa ko.
"Noted po Ms. Minch... I mean Ms. Dara!"
Magalang kong sabi.
Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa na parang ineestima ang ayos ko.
"Dagdagan mo pa 'yung make up mo. Maputla kang tignan. Ikaw ang unang makikita ng mga guest kaya dapat magandang maganda ka!" Saad ni Ms. Dara. Sumunod naman ako sa sinabi niya.
Bumalik ako sa locker room at dinagdagan ang make up ko. Matapos kong gawin 'yun ay bumalik na 'ko sa reception at tumayo malapit sa front desk na malapit rin sa main entrance door.
Kasama kong nakatayo si Patricia na kaibigan ko at OJT rin sa hotel. Ang dalawa naming kaibigan na si Levy at Hazel ay sa ibang hotel nakaduty.
Kasama namin ni Patricia na nakatayo ang tatlong Porter na lalake, yung isa sa kanila ay OJT rin at ang dalawa ay empleyado ng hotel. Sila ang nag-aassist sa mga guest sa luggage na bitbit at hinahatid kung saang room sila naka-check in.
Habang nakatayo sa reception, napatingin ako sa malaking pangalan ng 'Montevista Hotel' sa wall. Hindi ko akalain na ang lalakeng 'yun na nakasama ko ng gabing 'yun ang may ari ng hotel na ito. Nagtanong pa siya akin kung maganda sa hotel na ito at sinabi ko pang may Jabee sa loob. Kaya siguro tawang tawa siya noon. Bakit kaya hindi niya sinabi sa akin na siya pala ang may ari ng Montevista Hotel, edi sana noon pa lang nagkakilala na kami. Nalaman ko na sana noon pa na stepbrother siya ni Wade at wala sanang nangyaring milagro sa aming dalawa.
Napatingin ako sa elevator nang lumabas ang Mom at Stepfather ni Wade. Naalala ko bigla yung sinabi ni Max na parating busy ang Dad niya at ang Mom niya ay yumao na. Napakalungkot ng mga mata niya noon dahil birthday niya pero nag iisa siya. Natuwa pa ako na napasaya ko siya sa kaarawan niya at ngayon malalaman kong pamilya ng boyfriend ko ang tinutukoy niya.
Palabas na sa exit door ang Mama ni Wade nang mapatingin sa akin. Ngumiti siya at nilapitan ako.
"Claire!"
"Tita!" Sambit ko at nginitian siya.
"Okay ka lang ba sa trabaho mo dito? Just tell me kung nahihirapan ka pwede kong irequest sa HR na ilipat ka."
"Ay, okay lang po ako Tita! Gusto ko po itong trabaho ko. Salamat po!" Nahihiya kong sabi sa kanya.
"Oh good, tell me if you need anything, okay!" Sambit niya 'tsaka umalis sa harap ko at lumapit sa Stepdad ni Wade na naghihintay malapit sa exit door. Ngumiti siya sa akin kaya nginitian ko rin siya. Natuwa akong mababait talaga sila sa akin. Agad namang nawala ang ngiti ko nang makita si Max sa likod ng Dad niya. Hindi ko alam kung kanina pa siya doon. Ngayon ko lang siya napansin. Nakatingin siya sa akin at hindi ko maintindihan ang expression sa mukha niya. Ganun din ang mukha niya noong kasama ko si Wade sa penthouse niya, ibang iba sa mukha niya noong magkasama kami nung gabi na parati siyang nakangiti.
Naka-business attire siya. Mukhang may business meeting siya kasama ang Dad niya. Napaka formal ng ayos niya kumpara noong magkasama kami ng gabi na tanging tshirt at pantalon ang suot niya, napakasimple niya noon. Parang mas okay pa sa akin ang Max na nakasama ko noon kaysa ngayon. Feeling ko tuloy magkaibang tao ang Maximus na kasama ko noon sa Max ngayon.
Umiwas na ako ng tingin sa kanya para hindi na rin niya ko tignan pa, hanggang mapansin kong lumabas na siya ng hotel.
"Girl, siya ba 'yung Max? Stepbrother ni Wade na kinuwento mo samin?" Mahinang sabi ni Patricia habang magkatabi kaming nakatayo.
"Oo!" Sagot ko. Naikwento ko kasi sa mga kaibigan ko ang nangyari sa akin noong naiwan ako dahil pinili silang tatlo ng tatlong racer at naencounter ko si Max na stepbrother pala ni Wade. Hanggang doon lang naman ang kinuwento ko sa kanila at hindi na kasali 'yung may nangyari sa aming dalawa. Ayoko na kasi 'yun maungkat pa, gusto ko ng kalimutan ang kagagahan kong 'yun pero ngayong nagtagpo uli kami ng estranghero at makakasama ko pa ay malabong makalimutan ko pa ang pangyayaring iyon.
Mahigit dalawang oras ang lumipas sobra ng nangangalay ang mga binti ko. Akala ko napakadali lang ng trabaho ko pero napakahirap pala dahil apat na oras akong tatayo lang at nakangiti at paulit ulit na 'Good afternoon, welcome to Montevista Hotel' ang sinasabi ko. Apat na oras akong ganito at parang gusto ko na lang magpapalit ng assignment. Feeling ko mas gusto ko pa ang room attendant o housekeeper na tagalinis ng mga kwarto kaysa sa ganitong trabaho.
"Claire, nandiyan na uli siya!" Bulong sa akin ni Patricia na nakatingin sa entrance. Si Max ang bumungad sa paningin ko. Bumalik na siya mula sa business appointment niya.
"Good Afternoon Sir!" Sabay-sabay naming pagbati sa kanya. Nakatingin siya akin. Hindi naman siya nakangiti pero maaliwalas ang mukha niya.
"Good Afternoon!" Pagbati rin niya habang naglalakad ng mabagal. Ngumiti siya at tumingin sa mga kasama ko hanggang tumingin rin siya sa akin. Umiwas naman ako ng tingin sa kanya. Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang pakiramdam ko na hindi ko kayang salubungin ang tingin niya.
May dumating na guest kaya doon na nabaling ang atensyon namin.
Napatingin uli ako kay Max na pasakay na ng elevator. Siguro kailangan ko ng sanayin ang sarili ko sa araw-araw na ganito. Hindi ko siya maiiwasan kahit anong gawin ko dahil nasa iisang lugar kami at ang tanging magagawa ko na lang ay magpanggap na hindi siya kilala.
Ilang minuto ang nagdaan nang lumapit si Ms. Dara.
"Claire. Umakyat ka sa penthouse. Naubusan na ng tissue si Sir Max kaya pakidala ito doon." Sabi niya sabay abot sa akin ng box ng tissue.
"Wait po, bakit po ako. Diba po trabaho ng room attendant ito o ng housekeeper?" Protesta ko.
"Ms. Sarmiento, OJT ka dito wala kang specific na trabaho hindi kagaya ng mga empleyado. Trainee ka nga eh pwede ka ilagay kahit saan kaya dapat flexible ka." Sabi niyang nakataas ang isang kilay.
"Po?" Tanging nasambit ko sa sinabi niya.
"Sige na hinihintay na yan ni Sir Max." Tatalikod na sana siya ng magsalita uli ako.
"Eh bakit po ako?" Tanong ko.
"Aba malay ko. Basta special mention ka ni Sir Max nung nirequest niya yan. Nagtataka nga rin ako eh pero gawin mo na lang!" Sabi niya sabay talikod at umalis.
"Naku girl baka type ka niya!" Panunukso sa akin ni Patricia. "Pero wait, Kuya siya ni Wade!" Dagdag pa niya. Kahit si Patricia ramdam na kumplikado ang sitwasyon namin paano pa kaya na bukod sa sinabi niya ay may mas malalim pa kaming pinagdaanan ni Max.
Kumilos na 'ko at umakyat sa penthouse. Kinakabahan ako habang nasa elevator. Alam kong sinasadya ito ni Max pero para saan? Ano pa bang gusto niya? Nagpanggap akong hindi siya kilala noong kasama namin si Wade. Kahit kasi imposible pinanindigan ko talaga. Yung pangalan ko pa lang na Claire na pakilala ko rin sa kanya noong gabi ay bukong buko na ko. Pero kahit gaano pa kahirap paninindigan ko na ito. Inumpisahan ko na kaya paninindigan ko na. Kapag natapos ko yung 500 hours hindi ko na siya makikita at makakasama kaya ilalaban ko na 'to.
Mas lalo akong nakaramdam ng kaba ng huminto na sa penthouse ang elevator at maglakad ako patungo sa pinto. Sarado ang pinto ng pihitin ko. Pinindot ko ang doorbell at tumapat sa intercom. Naalala ko na ganito ang ginawa noon ni Wade. May camera ang intercom kaya nakikita mula sa loob kung sino ang nasa labas. Ilang segundo ang lumipas wala akong naririnig na kung ano mula sa intercom. Expect kong magsasalita doon si Max pero wala, baka wala siya.
Sinubukan kong pihitin uli ang doorknob. Hindi na nakalock. Automatic ba?
Pumasok ako sa loob. Nagulat ako nang may kung anong bumangga sa paa ko. Napatitig ako sa bagay na 'yun na parang aso. Robot? Nakatingala sa akin ang ulo ng robot na parang tinitignan ako. Siya ba yung nagbukas ng pinto?
Napatingin ako sa paligid, walang tao sa loob. Baka wala nga si Max. Siguro nasa office niya. Sabi ni Ms. Dara dalhin ko lang ang box ng tissue sa penthouse. Naisipan kong ilapag na lang ang tissue sa center table. Lumapit ako doon at nilapag ang tissue. Paalis na ako nang mapansin kong nakabuntot pa rin sa akin ang asong robot. Mula pa kaninang pagpasok ko ay nakabuntot na siya sa akin. Umupo ako sa sahig at tinignan siya.
"Hi!" Sambit ko. As if naman na sasagot siya.
"Hello!" Nagulat ako ng magsalita siya. Natuwa ako na nagsasalita ang robot.
"What's your name?" Tanong ko. Baka kasi magsalita uli siya.
"Knight!"
"Wow, nice name!"
"Thank you!"
Natuwa ako na nagsasalita ang robot. Alam ko naman na nakaprogram na ang mga sinasabi niya. Bakit kaya nag alaga ng robot si Max, baka dahil mag isa lang siya sa malaking penthouse na 'to at wala man lang makausap. Naalala ko na naman 'yung mga nakwento niya about sa Mom at Dad niya.
Umalis ang robot sa harap ko. Sinundan ko siya nang umandar siya. Dire-diretso siyang pumasok sa isang kwarto. Naalangan ako kung papasok pa ko doon, pero lumingon sa akin ang robot na parang pinapasunod ako kaya sumunod ako. Pagpasok ko sa loob 'yung malaking kama agad ang bumungad sa paningin ko. May malaking TV sa tapat ng kama. May mga couches. Malalaki ang closet. Napakalaki ng kwarto na parang kasinlaki na rin ng bahay at tingin ko ay kwarto ito ni Max. Naisipan ko ng lumabas pero nainterest akong tignan pa ang paligid. May nakita akong malaking picture frame na nakasabit sa wall. Family picture. Nakilala ko agad si Mr. Montavista na Dad ni Max, bata pa ito sa picture. May batang nakakandong sa babae, yung ngiti pa lang ng bata nahulaan ko na agad na si Max. Feeling ko nasa 5 years old siya. At yung babae ay Mom niya. May mga maliliit pa na picture frame na sila ring tatlo ang nandoon. May iba naman na si Max lang at ang Mom niya. May mga picture rin si Max na nakatoga siya at kasama din doon ang magulang niya.
Dumako ang paningin ko sa mga gitara na nakasabit. Mahilig siguro siya sa gitara dahil ilang gitara ang nandoon. May bookshelf at maraming iba't ibang libro ang nandoon.
Napatingin ako sa digital clock na nakapatong sa office table. 6: 10 na pala hanggang 6:30 ang duty ko kaya naisipan ko ng lumabas.
Palabas na 'ko ng kwarto nang mapansin ko sa kama ang isang bagay na pamilyar sa akin. Lumapit ako doon at kinuha 'yun na nakapatong sa unan. Yung panty ko. Naalala kong hindi ko mahanap ang panty ko sa kotse nung isuot ko na ang damit ko. Naghinala ako noon na nadaganan ni Max habang nakahiga. Dahil sa ayaw ko na siyang gisingin ay hinayaan ko na lang. Umuwi ako ng walang suot na panty dahil doon at ngayon ay makikita ko dito sa kwarto ni Max. Nasa kama niya at nakapatong sa unan niya. Ano kayang ginagawa niya sa panty ko at nasa kama niya?
Naisipan kong kunin na ang panty ko. Sayang rin yun. Anim na piraso kasi yun na bagong bili ni Mama at hinahanap niya ang isang 'yun na nawala. Nagkahinala pa siyang sinungkit sa sampayan kaya nawala. Akala ko ay itatapon na lang ni Max ang panty ko pero inuwi niya pa sa penthouse niya at katabi matulog. Pinagnanasaan siguro ako ng lalakeng iyon sa panty ko.
Nainis ako kaya kukunin ko na lang ang panty ko. Tinupi ko ang panty at ibinulsa. Natigilan ako nang makarinig ng tinig.
"Why are you taking that? Is that yours?" Saad ng baritonong tinig na ayoko na sana marinig pero parang biglang lumukso ang puso ko na marinig siya. Lumingon ako sa likod at nakita ko siyang nagpupunas ng tuwalya sa basang buhok. Bagong ligo siya na kagaya noong unang beses na nakapunta ako dito kasama si Wade. Tanging boxer shorts lang ang suot niya.
Nakatingin siya sa panty na hawak ko habang ibinubulsa ko. Nagpapanggap akong hindi siya kilala pero nakita niyang binubulsa ko ang panty. Sinabi kong paninindigan kong iparamdam sa kanya na hindi siya kilala pero paano pa ko makakalusot ngayon?!
♥️