SAN JUAN
NAGISING AKO SA tunog ng alarm clock sa gilid. Ang sarap talagang gumising sa malambot na kama. Idagdag pa ang malambot na bedsheet. Tatak Charlotte Thomas ba naman? It was rumoured to have a twenty-two karat gold thread weaved into its cotton sheets. Sabagay, wala namang mura sa loob ng mansion namin. Ako pa nga lang, sobrang mahal na... char!
“Trining! Trining! Nasaan ka na ba?!” tawag ko sa katulong namin dito sa mansion.
Si Trining ay nasa edad kuwarenta y singko at maitim. Maputi kasi ako kaya lahat ng hindi ko kakulay ay maitim sa paningin ko. Ang totoo niyan, kayumanggi siya. Kulay ng Pinay. Pero ewan ko ba, mas gusto ko ang description ko sa kaniya. Siya ang madalas umasiste sa akin sa bahay.
“Good morning po, Senyorita,” kinakabahang bati nito sa akin. Hindi kasi iilang beses ko itong nasigawan kahit sa maliliit na bagay.
“’Yong slippers ko, pakiabot sa akin.” Nag-inat ako habang isinusuot niya sa mga paa ko.
Kung tutuusin ay hindi ko na siya kailangan pang tawagin para iabot ang mga ito sa akin. Nasa gilid lang naman ng kama ko at ang kailangan ko lang gawin ay isuot ito. Kahit mukhang masakit ang kaniyang likod ay kaagad siyang nag-squat sa sahig at isinuot sa akin ang sinelas. Katulad ng kama ko, malambot dito at may character ni Babs Bunny. Hinagip ko rin ang cellphone ko at tiningnan kung may text messages ang mga friend ko. As usual, puro good morning na may heart emojis. Hindi na ako nag-abalang mag-reply katulad ng dating gawi.
Iinot-inot si Trining na tumayo. “Okay na po, Senyorita.”
“Sige, gawin mo na ang almusal ko at susunod na ako sa kusina.
Kaagad siyang tumalima pero nakakaisang hakbang pa lang ay pinigilan ko na siya.
“Hep! What about my shower? Natimpla mo na ba ang tubig ng shower? Maliligo ako. Ang tuwalya ko, dapat bago na. Alam mo naman, hindi ako nag-uulit ng towel.”
“Ay! Oo nga pala! Sandali lang po, Senyorita. Nakalimutan ko kasi,” nahihiya nitong sabi at kakamot-kamot sa ulo.
I rolled my eyes at her and said, “E, ano pang itinatayo-tayo mo riyan? Gawin mo na para ’yong almusal ko magawa mo na rin.
Taranta itong nagpunta sa banyo at ginawa ang lahat. Ako naman ay nagpunta sa sink at nag-toothbrush. Minsan naiisip ko kung magpa-brush kaya ako ng ngipin kay Trining? Pero nagbago rin ang isip ko dahil baka mamaya, sa inis niya sa akin ay salaksakin na lang niya ang bibig ko. Napangiwi tuloy ako sa naisip ko.
“Okay na po, Senyorita. Aayusin ko na po ang almusal ninyo,” sabi nito sa akin.
Imbes na magpasalamat ay itinaas ko lang ang aking kamay at dalawang beses na ikinumpas para malaman niyang pinapaalis ko na siya. Hindi uso sa akin ang salitang salamat. Ako si Astrid Elizondo, ang nag-iisang anak ni Roberto at Margarita Elizondo at solong tagapagmana ng lahat-lahat ng kayamanan ng Salvatore at Elizondo. Sanay akong nag-uutos sa mga tao at wala akong pakialam kung pagod sila o may ginagawang iba. Kahit nga sa eskwelahan ay nadadala ko iyon at hindi naman sila nagrereklamo. At hangga’t walang umaalma, itutuloy ko lang ito.
I did enjoy my shower. Bakit hindi kung parang natural na tubig-ulan ang bawat patak nito? Omega Morphosis wasbeyond amazing. You should try it sometime... ’yon, e, kung may pambili ka. Nagtungo ako sa walk-in closet at kinuha ang isang designer dress na A-line. I liked turquoise colors and it hadto match my shoes. I did the same with my purse. As for my hair, natural ang bagsak no’n. I just blow dried my hair a little and I’ll be putting it on a messy bun later before I reached school.
Matapos akong mag-apply ng light make up ay dumiretso na ako sa baba. Ang mga gamit ko ay ipapakuha ko na lang kay Trining... although kaya ko namang dalhin sana ’yon. But oh well, Trining was getting paid to serve me. Mabuti na ’yong busy siya. Kapag nasa school naman ako ay siguradong nanonood lang siya ng tv o nakikipagchismisan sa ibang katulong dito sa bahay.
My parents always said dress to impress. Hindi ko raw kasi alam kung sino ang makakasalubong sa daan kaya dapat ay laging presentable... lalo na at nasa business world ang pamilya namin. Pangarap kong pamahalaan ang ASE Design Inc. Isa lang ito sa company ng SEGOI (Salvatore-Elizondo Group of Industries). I’m on my last year of Architecture at first semester pa lang namin ngayon. I’m really good at designing. Bata pa ako ay hilig ko na talaga ang gumuhit.
Nasa may bukana na ako ng kusina para kumain ng almusal nang marinig ko si Trining na may kausap.
“Naku! Ang batang ’yon ay hindi ko alam kung likas na maldita o talaga lang tamad. Akalain mo, sa araw-araw na ginawa ng Diyos, kailangang suutan ko pa ng tsinelas! Ang sakit pa naman ng likod ko,” sabi niya sa kausap.
“Hindi ka na nasanay kay Senyorita. Mabait naman ’yan. Madaling lapitan. ’Yon nga lang, palautos. Siguro dahil lumaking nakahiga sa salapi kaya ganiyan. Sunod sa layaw. Lahat ng bago, mayroon siya. Baka nga ang mga iniimbento pa lang ay naka-reserve na para sa kaniya,” sabi ni Nanay Ising. Narinig ko ang boses niya.
“Alam mo naman, Manang Ising, may sideline ako. Kailangan ng pang-matrikula ni Hazel. Idagdag pa ang araw-araw na baon. Aba, sa dami ng xerox na kailangan ng mga bata ngayon sa high school ay hindi ko na alam kung saan pa ako huhugot. Kaya pati ’yong paglalabada r’yan sa kabila ay kinuha ko na. Arimuhanan ko pa ’yon.”
Naglakad na ako palapit sa hapag at nagkunwaring hindi ko narinig ang pinag-usapan nila. Kaagad ang mga itong tumigil sa pag-uusap nang makita ako. I’m not as bad as you think I am. In some ways, you would want to be my friend too. Nang matapos ako sa almusal at nakapagsipilyo ay ako na mismo ang kumuha ng gamit ko sa taas at sumakay ng kotse. Ito na ang routine ko kapag weekdays, ihahatid sa eskuwela at susunduin ni Manong Danny, asawa siya ni Nanay Ising.
Bago ako lumabas ng kotse ay kinausap ko siya. Naglabas ako ng pera mula sa wallet ko.
“Manong Danny, alam ninyo po ba kung saan pumapasok si Hazel?”
Nagulat siya sa tanong ko. “Iyong anak ni Trining?”
“Opo, nasa high school na po siya, hindi ba?”
“Tama. Sa Divine High ’yon pumapasok. Bakit?”
“Puwede po bang pakisaglitan ang school niya at bayaran ninyo po ang matrikula niya sa buong taon? Heto po ang twenty thousand, kung labis po ’yan ay iabot ninyo na lang kay Trining.”
“Ha?”
“Pero huwag ninyo pong sabihin na galing sa akin. Secret na lang natin. Tapos ito po ang isang libo, pang-date ninyo ni Nanay Ising,” natatawa kong sabi sa kaniya.
“Naku, ikaw na bata ka. Ay bakit hindi ko sasabihin ay napakalaking tulong nito sa kanila? Simula kasi nang mamatay ang asawa ni Trining ay nagdoble-kayod na ’yon. Mabuti ’ka mo at isa lang ang anak nila. Kung hindi, ay nako, baka pati gabi ay gawing umaga para may makain,” sabi niya sa akin.
“Hayaan n’yo na po. Makabawi man lang ako sa mga utos ko sa kaniya. Hindi ko po kasi alam na may iba pa siyangtrabaho bukod sa amin. Sumakit nga po ang likod niya kasi pati pagsisinelas inuutos ko pa sa kaniya,” napangiwi ako sa kaniyapero ngumiti si Manong Danny sa akin na nakakaunawa.
“Kilala ka namin ni Ising. Mabait kang bata, likas ka lang talagang pilya. Pasasaan ba at mananawa ka rin sa gawain mong ganiyan. O siya, idadaan ko na ito sa school at salamat sa pangmeryenda namin ni Nanay Ising mo, ha. Mag-aral kang mabuti para madisenyo mo na ’yong pangarap mong bahay na parang kastilyo. Hindi ba at sabi mo ay doon kayo titira ni Jethro noon?”
Umasim ang mukha ko. “Naku! Bawal doon ang kamukha ni Frankenstein,” sabi ko sa kaniya.
Napahagalpak tuloy ito ng tawa sa tinuran ko. Jethro was a long story. Umibis na ako ng sasakyan pagkatapos kong magpaalam kay Mang Danny at pumasok sa klase.
Ngayong nabanggit ang pangalan ni Jethro ay hindi ko naiwasan na maisip kung nasaan na kaya siya ngayon? It has been what? Seven or eight years?