Simula

1513 Words
Kiera "Hey, halika ka nga dito!" tawag sa akin ng nobya ng amo ko. Kung maka-asta ay para bang siya ang nagpapasuweldo sa 'kin. "Ano pong maipaglilingkod ko, madam?". magalang kong tanong sa kanya kahit na sa totoo lang ay gustong-gusto ko na siyang hampasin ng hawak kong mop. Kahit anong inis ko sa kanya ay kailangan ko pa rin mag bait-baitan dahil mahal siya ng aking amo. "Dalhan mo ako ng juice!" masungit na sabi nito at inirapan pa ako. Napakuyom ako ng kamao upang pigilan ang sarili ko dahil baka masagot ko lang siya pag hindi ko na matiis ang kanyang ugali. Tumalikod ako at agad na tumungo ng kusina para kuhanin ang gusto nito. "Heto na po, madam," sabay abot ko sa kanya ng basong may laman na juice. Kahit papaano ay alam ko kung ano ang limitasyon ko. Alam kong kailangan ko siyang pagtiyagahan at pakisamahan. "Eeww... ano bang lasa ito? Kahit simpleng juice lang ay hindi mo pa alam kung paano gawin?" Maarte nitong sigaw sakin, tila naiinis na. "Dalhan mo ako ng tubig, ano pang tinatanga mo diyan? Lumayas ka nga sa harapan ko! Bilis...nakakairita ang pagmumukha mo!" Muli pa nitong sigaw, lakad takbo ang ginawa ko para kuhanan siya ng tubig. Nagiging dragon na kasi na parang bubuga ng apoy anumang oras. "Heto na po, madam. Pasensya na po!" . Hinging paumanhin ko habang inaabot sa kanya ang baso na may lamang tubig. Tinanggap niya 'yon pero nagulat ako nang tinapon niya ito sa aking mukha. "'Yan, maligo ka! Ang baho mo na kasi, lumayas ka sa harapan ko!" muli nitong sigaw at naiiyak akong umalis sa kanyang harapan. Tumigil ako sa paglalakad ng ilang hakbang na ang nagagawa ko at ang tangi ko na lang nagawa ay pinunasan ang aking mukha na sinabuyan niya ng tubig. Ramdam ko ang konting hapdi ng aking mga mata dahil sa kanyang ginawa. Napabuga ako ng malim na hininga dahil pakiramdam ko ay nanghihina ako. Nakaramdam ako ng awa para sa aking sarili hanggang sa naramdaman ko na lamang ang pagdaloy ng luha sa aking pisngi. Pinunasan ko ito gamit ang likod ng aking palad at saka mapait na napangiti. Ganito kahirap ang maging alipin ng subrang pagmamahal pero natitiis ko para sa kanya. Matitiis ko ang lahat ng hirap basta makita ko lang siyang masaya. Wala sa sarili akong nagpatuloy sa paglalakad, nakayuko at tila ba lumilipad ang isip sa himpapawid. Nasa gano'n na senaryo ako nang makasalubong ko ang aking amo na matalim na naka tingin sa kanyang nobya. Sunod-sunod ang naging paglunok ko ng sariling laway nang muli pang bumalik ang kanyang tingin sa akin at agad akong napa-iwas ng tingin nang magtama ang aming paningin. "Sorry Kiera, magpahinga ka muna!" Mahinang ani nito saka ako tinalikuran. May lambing sa kanyang boses at mababakas ang pag-aalala sa kanyang mukha. Napakagat labi ako upang itago ang nagbabadyang ngiti sa aking labi. Kahit simpleng galaw lang niya ay malaki ang nagiging epekto no'n sakin. Bumalik ako ng kusina upang uminom ng tubig dahil pakiramdam ko ay naubusan ako ng lakas. Walang tao sa loob ng kusina na ipinagpapasalamat ko dahil ayaw kong makita nila ang namumula kong mata na hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang kunting hapdi do'n dahil sa tubig. Napabuga ako ng hangin at saka pilit na ngumiti. Kaya ko pa. Kaya mo pa Kiera. Kakayanin mong tiisin ang lahat para sa kanya. Walang materyal na bagay ang kaya kong ibigay sa kanya kaya kahit man lang sa suporta ay maiparamdam ko sa kanya na hindi siya nag-iisa. Na nandito ako lagi para samahan siya, sa lungkot man o saya ay hindi ako mawawala sa kanyang tabi. Napasilip ako sa sala nang marinig ang tila ba'y boses na nagbubulungan. Bagay na sana ay hindi ko ginawa dahil sa senaryong sumalubong sa aking mga mata. Nakatalikod ang babae na tila naiinis at nagtatampo habang nasa likod nito si boss na pilit na pinapaharap sa kanya ang kasintahan. Siguro ay pinagsabihan siya ni boss kaya ito naiinis. Isa sa ugali niyang nagustuhan at minamahal ko. Kahit anong tagumpay ang narating niya sa buhay ay hindi pa rin siya nagbabago. Hindi nawawala sa kanya ang magmalasakit sa ibang tao. Siya 'yong tipo ng tao na ayaw na may inaapi at tinatapak-tapakan dahil para sa kanya ay pantay-pantay ang lahat ng tao. Mahirap man o mayaman basta huwag ka lang gahaman sa pera ay siguradong makakasundo mo siya. Napatakip ako ng bibig nang makitang yakapin siya ni boss mula sa kanyang likuran. Napatili ang babae nang halikan siya ni boss sa kanyang leeg. Hindi ko man marinig kung ano ang pinag-uusapan nila pero nakikita ko ang kanilang bawat galaw. Napahawak ako sa aking puso nang makaramdam ako ng kirot do'n. Muli akong tumingin sa kanila na sana ay hindi ko na ginawa dahil kusa na lang tumulo ang luha sa aking mata sa nasaksihan ko. Marahan silang naghahalikan sa sala na para bang walang tao sa paligid nila, o baka wala lang talaga silang pakialam sa kanilang paligid basta ang mahalaga lang ay masaya silang magkasama. Tumalikod ako nang makitang umupo ang babae sa kandungan ni boss at mariin itong hinalikan. Kagat-labi akong nagtungo sa aking kwarto. Hindi ko kayang panoorin ang lambingan nila dahil para ko na rin unti-unting pinapatay ang sarili ko sa sakit. Nakakainggit. Naiingit ako sa kanya dahil malaya niyang nagagawa ang lahat ng gusto nito kay boss. Malaya niyang nahahawakan si boss kung kailan man niya gustuhin. Nararanasan niyang lambingin at suyuin siya ni boss sa oras na nagtatampo siya samantalang ako ay lihim lang siyang minamahal mula sa malayo. Isinubsub ko ang aking mukha sa unan nang hindi ko na napigilan pa ang sarili ko at napahagulgol na lang dahil sa sakit na nararadaman ko mula sa aking puso. Naiinis ako sa sarili ko dahil nagseselos ako kahit na alam kong wala akong karapatan. Nasasaktan ako kahit na hindi dapat dahil hindi ko naman siya pag-aari. Naiinis ako sa sarili ko dahil gusto ko siyang ipagdamot sa iba kahit na wala akong karapatan. Ginawa ko ang lahat para sa kanya, kinalimutan ko ang pangarap kong magtrabaho sa isang malaking kompanya para pagsilbihan siya pero bakit hindi niya ako magawang mahalin? Bakit hindi niya maramdaman ang tulad ng nararamdaman ko sa kanya? Kung pwede ko lang sana siyang pilitin para ako na lang ang mahalin niya ay ginawa ko na. Kung may sapat lang sana ako ng lakas na loob para sabihin sa kanya ang nararamdaman ko, marahil ay matagal ko nang ginawa iyon. Sana ay matagal na niyang alam ang lihim kong pagmamahal sa kanya. Siguro nga ay hindi talaga siya para sa akin. Siguro ay hanggang dito na lang ang papel ko sa buhay niya at siguro ay dapat ko nang kalimutan kung ano man itong nararamdaman ko para sa kanya. Ganun pa man, masaya na akong makita siyang masaya. 'Yon lang naman ang mahalaga sa akin, ang maging masaya siya sa piling ng babaeng mamahalin niya. Kabaliwan man maituturing para sa iba ngunit para sa akin ay ang kaligayahan niya ay kaligayahan ko na rin. Sa lahat ng bagay na ginagawa ko ay siya lagi ang iniisip ko. Mahalaga sa akin ang iisipin niya at kung ano ang mararamdaman niya. Kung may isang bagay man na pinaka-ayaw ko ay 'yon ang mabigyan siya ng problema at sakit ng ulo. Matitiis ko pang masaktan huwag lang siya. Hindi man niya alam pero siya ang nag-iisang kayaman ko at siya ang lalaking gusto kong makasama habang nabubuhay ako. Siguro ay hanggang pangarap na lang siya para sa akin. Pangarap na kayhirap abutin. Para siyang buwan sa kalangitan na nagbibigay liwanag sa madilim kong mundo. Buwan na akala ko ay nasa tabi lang at abot-abot ko na pero iyon pala ay isang pangarap lang ito na kahit anong pilit kong abutin ay hindi ko maabot dahil sa taas nito. Hinayaan kong tumulo ang aking mga luha, baka sa ganitong paraan ay maibsan ang sakit na nararamdaman ko. Umiyak lang naman kasi ang alam kong gawin dahil kahit na gustong-gusto ko na siyang yakapin ay hindi ko magawa. "Kiera naman, kailan ka ba mapapagod sa pagmamahal sa kanya? Kailan ka ba susuko?" mapait akong napangiti habang tinatanong ang aking sarili. Ilang ulit ko nang itinanong 'yon sa sarili ko pero hindi ko pa rin nasasagot dahil kahit alam kong suntok sa buwan na masuklian niya ang nararamdaman ko ay umaasa pa rin ako. Umaasa ako na balang araw ay mapapansin niya ako, hindi bilang isang kababata kundi higit pa. Alam kong desperada na ako dahil dumating ako sa puntong hiniling ko kay Bathala na sana ay ibigay na lang niya sa akin si boss. Hindi lang isang beses kundi paulit-ulit ko 'yon hiniling pero hanggang ngayon ay suntok sa buwan pa rin. Kahit na anong bulong ko sa hangin ay hindi pa rin niya naririnig ang tinig ko, hindi pa rin niya maramdaman ang presensiya ko. Masakit umasa sa wala pero mahirap kalabanin ang puso lalo pa' t nasa paligid lang ang nagpapatibok rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD